"Pwede ba akong makitulog dito, Rowena?" Naguguluhan man ay tumango na lang din siya. Pinapasok niya ako sa bahay niya at pinaupo sa couch. Masyado itong malaki para sa isang tao lang. Mas malaki ang bahay namin dito. Pero tatlo kami doon. Siya, mag-isa lang dito. Walang kasamang ka-pamilya bukod sa dalawang kasambahay na kasama niya. "Manang, paki-paghanda nga kami nang makakain dito ng anak ko," sabi ni Rowena sa babaeng may edad na. "Sige, Rowena." "Polly, paki-ayos 'yong guest room, please? Doon matutulog ang anak ko eh," sabi niya naman sa isang babae na matanda siguro sa akin ng limang taon. "Sige po, Ma'am," sabi naman nito tapos pumanhik na. Inikot ko ang paningin ko sa bahay. Kaunti lang ang gamit nito. Napaka-luwang. Maya-maya, pinagdala kami ni Manang ng juice at sandwich.

