CHAPTER 2: ANG ATRIBIDANG WHITE LADY

1503 Words
Magandang araw sa lahat ng mga magaganda, at sa mga hindi naman pinalad, good luck… panibagong araw na naman ito ng iyong pakikipagsapalaran.  Masaya akong nagising mula sa pagkakahimlay ng anim na oras. Nagising ako sa init ng araw na dumadampi sa aking mala-porselanang kutis. Hmmm… amoy na amoy ko ang simoy ng Abril pwera na lamang sa hininga ko na pang Nobyembre. Nakapag-facial mask ako kagabi pero nakalimutan ko palang mag-toothbrush. Napakabalahura. Agad kong hinawi ang transparent na kurtina ng bintana para i-welcome ang init sa aking silid. Pero mabigat ang lock, hindi ko mabuksan ang bintana dahil kinakalawang na ito. Kung kaya’t linakasan ko pa ang paghila sa window handle sa pag-asang mabubuksan ko ito. Matapos kong ubusin ang lakas ko sa paghila sa kinakalawang na bintana, inakala ko rin na dito na matatapos ang aking buhay nang bumigay ang kaliwang parte nito. Buti na lamang at hindi ako ganon katanga at nagawa kong umilag habang tumitili ng malakas. Sinadya kong matumba at nagpagulong-gulong hanggang sa pinto ng kwarto.  Wala lang, gusto ko lang. Pero ‘yun pala ang aking ikapapahamak nang biglang buksan ng pagkalakas-lakas ng ate ko ang pinto na tumama sa aking ulo. Ilang minuto kong dinamdam ang sakit ng pagkakatama ng pinto sa aking ulo na parang mas lalong lumaki dahil sa bukol. Hindi natapos ang kamalasan ng umagang iyon sa aking kwarto, kinailangan namin mag-ulam ng adobong kamatis matapos na mag-decompose ang mga karneng binili namin nung nakaraang hapon. Huli na nang ma-realized namin na wala kaming refrigerator sa mancion. Sa takot na magka-appendicitis, nagdesisyon ako na mamalengke ng mga fresh na isda sa talipapa at maghanap ng karpintero na mag-aayos ng nasirang bintana, pero bago ‘yun naligo muna ako ng dalawang oras dahil hindi ko matatanggap na mas fresh pa ang mga isda kaysa sa akin. Habang palabas ng gate upang mamalengke, muli kong nakita ang misteryusong lalaki na nakita kong patingin-tingin sa mancion kagabi. Hindi pa siya nagbihis at wala pang-sign na naligo na ito. Agad ko siyang nilapitan para komprontahin sa kung ano mang pakay niya sa mancion o sa akin. In fairness, mas mabango pa siya kaysa sakin kahit mukha siyang walang ligo. Oo, inamoy ko muna siya bago sinubukang kausapin, dahil kung amoy araw, posibleng holdaper siya na nagbabad sa araw para mang-hold up, kung amoy cologne na aficionado, pa-booking ito, kung amoy fabric conditioner, posibleng pamilyadong tao ito at kung may anghit… baka gamer, char. Pero sa aking obserbasyon, natural siyang mabango, amoy bulaklak at scented candle ng simbahan. Kahit sobrang lapit ko na sa kanya, ‘di niya pa rin ako na pansin at nagpatuloy lang sa kakatingala sa sirang bintana. “Uher-uhermm.” Umubo-ubo ako para kunin ang kanyang atensyon pero parang wala siyang narinig kaya inulit ko. “Uhermm..Uhermmmm… uheeeermmm…” Sa wakas! Tumingin na rin siya akin, pero may lumabas atang plema, kaya niluwa ko muna sa malayo. Agad ko naman siyang binalikan at kinausap. “Good morning, sino ka? Anong kailangan mo sa’kin? Kagabi pa kita nakikita dito ah? Balak mo ba kong ligawan or something?” Tanong ko sa kanya. “Bakit nasira ang bintana?” “Anong pakialam mo? Char. Kinakalawang na kasi kaya natumba na, ikaw? Sino ka? At bakit ka concern sa bintana namin? May namamagitan ba sa inyo?” “Wala ka bang nararamdaman?” Mas naging seryuso siya at tinitigan ako. “Nararamdaman sayo? Wala pa. ‘Di ako naniniwala sa ‘love at first sight’ eh. Pero madali naman akong ma-fall lalo na pag dino-dominate ako.” “Hindi, sa bahay niyo, wala ka bang nararamdaman? ‘Wag kang matatakot pero kailangan mong malaman na ang bahay na ‘yan, tirahan yan ng mga ligaw na kaluluwa.”    “May third eye ka? Nakikita mo sila?” Tumahimik muna siya ng ilang segundo bago niya sagutin ang tanong ko. “Oo, matagal ko ng sinusubaybayan ang bahay na ‘to, at nakikita ko ang bawat kaluluwang naglalabas masok sa bahay na ‘yan.” Sinabi ng misteryusong lalake na mahinahon. “Okay.” Sinabi ko rin sa kanya ng mahinahon. “Okay? Hindi ka natatakot na may mga kasama kayong espiritu sa bahay na ‘yan?”  “Hindi, sabi mo ‘wag akong matakot, eh hindi talaga ako natatakot sa multo, ‘di ko naman sila nakikita at saka isa pa, alam mo bang nagpapatayan sa ibang bansa ngayon? Lumalala ang global warming, bakit sa multo pa ako matatakot? Alam mo, kung nakikita o nakakausap mo ang mga multo na ‘yan, sabihin mo sa kanila welcome na welcome sila diyan, pwede nilang gawin kung anong gusto nila diyan, mag-inuman sila diyan, mag-garden sila, mag-s*x sila, magihaw-ihaw sila diyan, mamalansya sila… kaso wala pala kaming kuryente. Basta sabihin mo sa kanilang enjoyin nila ang pagiging multo nila because they only ghost once.” “Mali ang nalalaman mo tungkol sa mga espiritu. Mga galit sila, malungkot na mga kaluluwang hindi  makatawid sa kabilang buhay, ang gusto nila ngayon,  katahimikan, gusto nilang mamalagi sa isang lugar  na maituturing nilang kanila. Sa oras na magambala mo ang mga espiritung nananahan sa lugar na ‘yan, isusumpa nila ang buhay mo at ng pamilya mo.” Habang sinasabi niya ito, hindi pa rin ako natatakot or something, pero napatitig ako sa mukha niya. Wala siyang pores at napaka-mistiso, ‘yung labi niya pink at ‘yung ngipin niya buo, ‘di gaano kaputi pero magandang pag-masdan. ‘Di ko alam, parang gusto kong magpakagat sa kanya.   “Ang scary naman, pwede mo ba silang kausapin na sila na lang ‘yung mag-adjust since sila naman ‘yung invisible? Hindi namin pwedeng abandunahin ang bahay na ‘yan, diyan ko planong bumuo ng pamilya at tumanda kasama ang aking asawa.” “Pwede kitang tulungan.” “Gusto mong maging asawa ko?” “Hindi… teka bakla ka ba?” “Hindi rin ako sure eh, wait lang tatanong ko muna sa mga magulang ko, baka sinekreto sa akin.” “Pwede kitang tulungan na itaboy ang mga espiritu na namamahay sa bahay na ‘yan.” “Espiritista ka? Naku… binubudol mo ‘ko noh?” “Hindi walang bayad, pero may kondisyon, gusto kong tayong dalawa lang ang gagawa non, kung may mga kasama ka sa loob pauwiin mo na dahil posibleng may sapian sa kanila at mapahamak, babalik ako alas-siete mamayang gabi, ihahanda ko lang ang mga gagamitin natin para itaboy ang mga kaluluwa sa bahay na ‘yan. Antayin mo ako ah.” Tumango siya sa akin at sabay umalis. Hindi ko alam pero para akong na-hypnotized ng mga sandaling ‘yun. Everytime na nababanggit niya ‘tayong dalawa’ at ‘natin’ parang may kakaibang mangyayari na ikatutuwa ng mga espiritu sa katawan ko. Hindi ako sigurado kung nagsasabi siya ng totoo o may iba siyang motibo, pero dahil nasusubaybayan ko ang mga teleserye ni Angel Locsin sa 7 dati, alam ko kung pano ko ipagtatanggol ang sarili ko kung sakaling kriminal siya, ang alam ko lang gusto ko siyang makasama sa loob ng madilim na bahay ng alas siete ng gabi.  Hindi na ako namalengke, agad akong bumalik sa loob ng bahay para pauwiin si ate at ang mga bata. “Ba’t ka naniniwala don eh baka naman budol-budol?” Sabi ni ate matapos kong ikwento ang pag-uusap namin ng misteryusong lalake. “Totoo ‘yun ate, actually nagsinungaling ako sayo na ako ang sumira sa bintana dahil ayokong mag-panic ka, pero white lady ang totong may gawa non. Pagkagising ko, sinasakal ako ng white lady, gusto niya mag-disappear na tayo dito sa bahay, kaya inuntog niya ako sa window at hinampas hampas hanggang sa masira, pero lumalaban ako ate, lumalaban ako, sinampal-sampal ko rin siya at nagsabunutan kami kaya ako gumulong-gulong kanina.” “Ganon ba? eh bakit kami lang ‘yung aalis at hindi ka kasama?” Tanong ng ate na parang naniwala din sa kuwento ko, pero kalmado pa rin siya, matona kasi. “Dahil ako anh makakatapos ng sumpa ate. Kailangan kong putulin ang kamalasan sa loob ng bahay na ito. Napanood mo ba ‘yung movie ni Kris Aquino?” “Hindi pa.” “Ako rin.”  “Alam mo… bahala ka sa buhay mo, ‘pag ikaw talaga may ginawang kabulastugan dito, hindi lang kita sa bintana ng second floor ihahampas. Jack! Mike! Uuwi na tayo!” Sabi ng ate na kaagad ng nag-asikaso para umuwi. Ako ‘yung uri ng tao na ‘pag may gusto, ginagawa ko. Matagumpay kong napauwi ang ate at ang mga anak nito, nagpasundo na sila sa driver namin bago pa man sumapit ang alas siete ng gabi. Naghanda ako ng candlelight dinner para sa darating kong bisita, inihahain ko sa mesa ang niluto kong adobong kamatis nang marinig ko ang katok mula sa pinto pagsapit ng alas-siete ng gabi. TO BE CONTINUED…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD