Sa isang tahimik at liblib na lugar may isang misteryosong tao na tila ba naninibugho ang damdamin para sa isang tao na labis na may malaking kasalanan dito. Tila ba kahit matagal na ang lumipas ay sariwa pa rin sa alaala nito ang atraso rito ng taong labis nitong kinasusuklaman. Bagamat hindi ito nakakasigurado na kung kilala ba ito ng taong kinasusuklaman nito ay wala na itong pakialaman.
Sapagkat para rito, ang mahalaga ay makapaghiganti ito sa taong may kasalanan dito. Kaagad namang sumilay ang kakaibang ngisi na nakapaskil sa labi nito nang maisip nito ang isasagawa nitong plano para sa paghihiganting gagawin nito. Kaagad namang napahalakhak ang misteryosong tao sapagkat hindi nito lubos na maisip na magiging isang gangster ang isang isip-bata. Naputol lamang ang malalim nitong iniisip nang dumating ang tauhan nitong labis na pinagkakatiwalaan.
"Handa na po kami para sa plano natin ngayon," saad ng tauhan nito na kaagad na lumuhod sa harapan nito.
"Magaling! Siguraduhin ninyo na mapapatay ninyo ang kinababaliwang babae ng taong ‘yon!"
"Masusunod po boss."
Nang makaalis ang inutusan nitong tao para patayin ang kinababaliwang babae ng taong kinasusuklaman nito, kaagad na dinampot ng misteryosong tao ang gintong lalagyan ng alak na binili pa nito sa ibang bansa. Nang mga oras na iyon tila ba kating-kati na ito na makita kung ano ang magiging reaksyon ng taong kinasusuklaman nito.
“You're DEAD Childish King! You're DEAD!” piping saad ng misteryosong lalake sa sarili na kaagad na inubos ang alak na iniinom nito.
Samantalang sa kabilang dako naman ay tila isang bulkan si Sofia na gusto nang sumabog dahil sa inis na nararamdaman. Sapagkat hindi niya lubos maisip na palaging bubuntot sa kaniya si Vince na daig pa ang isang bata sa pagiging childish nito. Ayos lamang sana kung si Vince lamang ang nakasunod sa kaniya, ngunit, hindi lubos maisip ni Sofia kung bakit pati ang mga kaibigan nito ay nakasunod din sa kanilang dalawa ni Sapphire. Kung kaya’t kaagad na nakaramdam ng pagkainis si Sofia sa mga babaeng tila masamang tingin ang ipinupukol sa kaniya dahil sa kasama niya si Vince.
“Sofia, tanong ko lang bakit parang wala ka yata sa mood?” lakas loob na tanong ni Kynn kay Sofia na hindi mo man lang mababakasan ng kahit anong emosyon sa maganda niyang mukha.
Bukod kay Blake, si Kynn Andrei Saavedra ay isa rin sa mga kaibigan ni Vince. Batay pa lamang sa pananamit nito mapapansin mo na ang nagsusumigaw na karangyaan. Bukod sa pagiging matangkad nito, tila ba mahihiya kang makipagtitigan sa isang Kynn Andrei sapagkat tila ba may kung anong mahika ang humihila sa iyo kapag natitigan mo na ang binata. Hindi rin maitatanggi ang pagiging gwapo ng binata na tila ba hindi nahuhuli sa kanilang magkakaibigan ang hitsura nito.
“Tsk! Iniisip ko lang kung paano ko dudukutin ang mata ng mga impokritang babae na ang sama makatingin sa ’kin!”
Sa halip na sagutin ni Kynn ang sinasabi ni Sofia kaagad itong napatawa dahil sa naging reaksyon ng dalaga. Bagamat may kaunting kaba na nararamdaman si Kynn sa sarili dahil sa malamig at seryosong reaksyon ni Sofia, pinili na lamang nitong kalimutan ang kaunting kaba na nararamdaman para sa sarili. Hanggang sa ipinaliwanag ni Kynn ang nakita nito noong isang araw tungkol sa kaibigan nitong si Vince.
Naglalakad si Kynn para pumunta sana sa Gym para tumambay ng may marinig ito na tila mayroong nag-uusap sa bakanteng Classroom. Dahil sa gusto nitong malaman kung sino ang nag-uusap palihim itong lumapit sa pinto ng bakanteng Clasroom.
"Ikaw akala mo hindi ko alam na may balak kang pormahan si Sofia," saad ng boses na tila pamilyar kay Kynn.
At nang silipin ito ni Kynn kung sino hindi nga ito nagkamali dahil ang kaibigan nitong si Vince ang nagsasalita habang may kinakain na cotton candy. Kulang na lamang ay lumuwa ang mata ni Kynn dahil sa pagkagulat nito, sapagkat, hindi nito akalain na ang kaibigan pala nitong si Vince ang isa sa mga boses na naririnig nito.
"P-Pasensiya n-na s-sige hindi ko na popormahan si Sofia," utal-utal at tila natatakot na saad ng isang lalake na hindi pamilyar kay Kynn ang hitsura.
"Mabuti naman dahil hindi ako magdadalawang-isip na isumbong ka sa mommy ko kapag nagkataon," muling saad ni Vince at tuluyan ng iniwanan ang lalake.
Kaya bago pa makita ni Vince si Kynn ay kaagad nitong nilisan ang lugar na 'yon. Umalis ito hindi dahil natatakot si Kynn na makita ni Vince. Kung ‘di umalis ito dahil hindi na nito mapigilan ang tawa na kanina pa nitong pinipigilan. Sapagkat hindi nito akalain na may naiisip pa si Vince na pagsusumbong sa mommy nito.
Matapos ipaliwanag ni Kynn ang nakita nito noong nakaraan sakto naman na dumating ang pagkain nila. At kagaya ng dati kumain na nga’t silang lahat ay panay pa rin ang talak ni Sapphire kay Sofia habang si Jonathan naman ay may kalandian na namang bago.
“Alam mo Sofia hanga rin ako sa ’yo mabuti at natatagalan mo ‘yang kaingayan at kadaldalan ni Vince,” saad ni Sapphire habang paunti-unting iniinom ang juice nito.
“Ang mean mo sa ’kin Sapphire, hindi naman ako maingay at madaldal ‘di ba, Blake?” tanong ni Vince kay Blake habang ngumunguya ng pagkain nito.
Sa naging pahayag ni Sapphire hindi maiwasan ni Sofia na mapataas ng kilay sapagkat tila ba hindi napapansin ni Sapphire na wala naman silang pinagkaiba ni Vince kung kaingayan lang din naman ang pag-uusapan.
“Don’t talk when your mouth is full, Vince,” masungit na pahayag ni Blake sa pinsan nito na ngayon ay nakanguso na habang nakatingin kay Sofia.
“Tsk! Makapagsalita ka parang ang tahimik mo!” mahinahon na saad ni Sofia kay Sapphire ngunit mababakas pa rin ang kalamigan sa pagsasalita ng dalaga.
Hanggang sa matapos ang pagkain nila sa Canteen ay walang ginawa si Vince kung ‘di ang umungot nang umungot sa tabi ni Sofia. Hindi pa nagtagal ay kaagad na silang bumalik sa klasrum nila na tila ba walang pakialam sa mga estudyanteng nagmamasid sa kanila lalong-lalo na sa gawi ni Sofia. Sa pagtakbo ng oras hindi na namalayan ni Sofia na labasan na pala kung hindi lamang niya narinig ang tunog ng bell senyales na tapos na ang klase.
"Sofia, uuwi ka na ba?" tanong ni Vince sa dalaga na seryoso lamang na nakatitig sa binatang nasa harapan niya.
Lihim naman napailing si Sofia sapagkat bukod sa pagiging isip-bata ni Vince ay hindi niya rin lubos na maisip na may pagka-slow din pala ang binata. Tila ba naiinis siya sapagkat iniisip pa yata ni Vince na para siyang si Dora na walang ginagawa kung ‘di ang gumala nang gumala kaya nangingitim.
"Tsk! Oo, bakit ba?" sagot ni Sofia na tila ba naiinip na sa kakulitang taglay ng binatang kaharap niya.
"Wala lang, ingat ka sa pag-uwi mo!" Nakangiting saad ni Vince habang kumakaway-kaway pa sa harapan ni Sofia na tila ba isang bata.
Matapos magpaalam ni Vince kay Sofia ay mabilis namang naglakad ang dalaga patungo sa tinitirhan niya. Kasalukuyan siyang naglalakad ng hindi makatiis si Sapphire na magsalita sa harapan niya.
“Sofia, hanggang ngayon hinihintay mo pa rin ba siya?” nag-aalangang tanong ni Sapphire kay Sofia na kaagad namang napahinto.
Sa hindi malamang dahilan kaagad nakaramdam ng pagkainis si Sofia para kay Sapphire, sapagkat ang ayaw niya sa lahat ay iyong pinapakailaman siya sa lahat ng bagay. Lalong-lalo na sa pagtatanong sa mga bagay-bagay na labis na mahalaga sa kaniya.
“Wala kang pakialam kung hinihintay ko ba siya o hindi!”
“Pero, hindi ka ba naiinis na palagi ka na lang umaasa sa taong hindi mo alam kung babalikan ka pa ba o hindi?”
Sa halip na sagutin ni Sofia ang tanong ni Sapphire kaagad niya itong iniwan ng walang pasabi. Sapagkat wala siyang panahon para sagutin ang napakawalang-kwentang tanong ni Sapphire. Sa mga oras din iyon kaagad na nakaramdam ng kirot sa dibdib si Sofia sapagkat alam niya sarili na wala siyang kasiguraduhan kung babalikan pa ba siya ng taong matagal na niyang hinihintay.
Habang naglalakad si Sofia bagamat nagulat ng may bigla na lang humarang sa kaniya ay hindi niya ito pinahalata. Hindi niya rin lubos maisip na bigla na lamang na may manghaharang sa kaniya ng hindi niya alam kung ano ang dahilan ng mga ito. Kaagad namang hinanda ni Sofia ang sarili sa kung anuman ang mangyayari sa kaniya sa kamay ng mga taong humarang sa kaniya.
"What do you want?" Sofia said with the bored look written on her face.
"Ikaw! Kailangan mong mamatay para maramdaman niya kung gaano kasakit mawalan ng minamahal!" saad ng isa na humarang kay Sofia na tila ba puputok na ang butsi sa lakas ng sigaw nito.
Kaagad namang napakunot ng noo si Sofia dahil sa sinabi ng humarang sa kaniya. Hindi niya rin lubos maisip kung sino ba ang tinutukoy ng mga ito. Bukod dito, naguguluhan din siya kung sino ang may pakana ng bigla na lamang panghaharang sa kaniya.
"Tsk! Kung lokohan lang ang hanap ninyo, huwag ako!” malamig na saad ni Sofia sa mga kaharap niya.
"Oh come on! Miss huwag kang magkaila na hindi mo alam ang nangyayari," tila nanunudyong saad ng isa sa humarang kay Sofia.
Huminga muna ng malalim si Sofia bago muling mag-angat ng tingin sa mga taong humarang sa kaniya. Tila ba kaunti na lang ay makakapatay na siya ng wala sa oras. Bukod sa naiinis siya dahil sa naging usapan nila ni Sapphire, bigla namang may humarang na lamang sa kaniya basta-basta. Tila ba kahit anong iwas niya ang panganib na mismo ang lumalapit sa kaniya.
"Sa hindi ko naman talaga alam ang pinagsasasabi ninyo," nababagot na pahayag ni Sofia habang may nanlilisik na mata na ipinukol sa mga taong nasa harapan niya.
"Huwag kang magkaila, alam namin na ikaw ang girlfriend ni King," natatawang saad naman ng isa sa humarang kay Sofia na mayroong kulay asul na buhok habang naninilaw naman ang mga ngipin nito.
Kaagad namang napailing si Sofia dahil sa sinabi ng mga taong humarang sa kaniya. Tila ba gusto niyang basagin ang pagmumukha ng taong nagsabi na siya ang girlfriend ni King. Dahil sa inis na namumutawi sa puso ni Sofia kaagad niyang sinuntok ang mukha ng isa sa humarang sa kaniya. Hindi pa siya nakuntento at kaagad naman niyang sinapa ang isa na nagbabalak na sugurin siya habang nakatalikod.
Kaagad naman siyang humarap dito para suntukin sa sikmura nito. Dahil sa abala siya sa pagsuntok sa sikmura nito hindi niya namalayan na may shuriken na palang paparating sa gawi niya. Impit naman siyang napaungol dahil sa hapdi na nararamdaman niya. Dulot nang pandidilim ng paningin niya kaagad niyang pinagbabalian ng buto ang mga taong humarang sa kaniya.
“Sa susunod h’wag kayong masyadong ma-papel dahil baka hindi ako makapagtimpi isa-isa ko kayong sunugin!” malamig na saad ni Sofia sa mga humarang sa kaniya na ngayon ay tila lantang gulay na dahil sa pagkakalupaypay ng mga ito.
Dahil sa nangyari mas lalong nadagdagan ang galit na namumutawi sa puso ng dalaga. Sapagkat hindi niya lubos maisip na mapagkakamalan pa siyang girlfriend ni King. Alam din ni Sofia sa sarili na hindi siya sigurado kung babalikan pa nga ba siya ng taong hinihintay niya. Ang kaniya lamang ay ayaw niya sa lahat ay iyong may nanghihimasok sa buhay niya.
Alam din ni Sofia na walang patutunguhan ang paghihintay niya ang kaniya lamang ay sana ay hindi na siya pinaasa pa. Naiinis din si Sofia sa kaniyang nararamdaman sapagkat kahit alam niyang walang patutunguhan kung aasa siya tila ba ang kulit ng puso niya. Kung kaya’t hindi rin masisisi ni Sofia ang iba na sobrang martir, sapagkat alam niya sa sarili niya na isa rin siyang dakilang martir. Kaya nga minsan ng sumagi sa isip niya ang pag-ibig pala ay parang isang magic tricks, iyong niloloko ka na nga tuwang-tuwa ka pa!
Dahil sa lalim ng iniisip ni Sofia hindi niya namamalayan na unti-unti na palang dumudugo ang kaniyang balikat. Hanggang sa isang malalim na paghinga na lamang ang nagawa ng dalaga bago tuluyang lisanin ang lugar na para bang walang nangyaring sagupaan.