Chapter 4
Hindi na lang ipinahalata ni Vladimir na nasasaktan siya sa kanyang nalaman na mayroon na palang nobyo si Katherine. Ngayon pa nga lang siya nagkaroon ng nagustuhan na babae ay ganito pa ang nangyari. Hindi rin aakalain ni Vladimir na may magugustuhan siya sa pagdating niya sa lugar na ito dahil ang unang gusto niya lang naman ay ang makalayo sa kanyang ama na walang ibang idinidikdik sa kanya ang siya ang dapat na susunod na hari ng kanilang lahi.
“Walang anuman,” tipid na sabi ni Vladimir sa pagpapasalamat ni Roman sa pagliligtas kay Katherine. Pinilit na lang rin niya ang ngumiti upang hindi mahalata ng kaharap niya ang kanyang nararamdaman.
Kahit na bampira si Vladimir ay marami siyang alam tungkol sa tao dahil mula bata siya ay ang tao na ang gusto niyang makasalamuha. Kaya naman madalas rin siyang maparusahan ng kanyang amang hari dahil ang tingin sa kanya ni Panginoon Luther ay isang suwail na bampira. Ngunit ngayon na wala na siya sa kamay ng kanyang ama ay siya na ang may hawak ng sarili niyang buhay magmula ngayon.
“Mauuna na kami, tara na Kath. Hinihintay na tayo ng iyong magulang,” sabi ni Roman at dumako sa bewang ni Katherine ang kamay ng kanyang nobyo.
Mas lalo pang pinakalma ni Vladimir ang kanyang sarili. Ayaw niyang maagang mabuko ang kanyang tunay na pagkatao ngayon na nahanap na niya ang panibago niyang tirahan ngayon. Matagal na niyang gusto ang buhay na ito kaya naman hindi niya hahayaan na masira ito ng gano’n lang.
“Maraming salamat ulit Vlad sa pagliligtas mo sa akin,” muli ay tila pakiramdam ni Vlad na may mahika ang ngiti ni Katherine dahil muli ay nahawa siya dito.