Hindi naman nakaligtas kay Vladimir ang pagbabago ng aura ni Roman kaya masasabi niya na ayaw sa kanya ng nobyo ni Katherine. Isang ngiti na lang ang isinagot niya sa dalaga dahil baka mag-away pa ang dalawa. Nirerespeto naman kasi ni Vladimir na may nagmamay-ari na kay Katherine. Pero may parte rin sa kanyang isipan na sana ay siya ang unang nakilala ni Katherine baka sakali na silang dalawa.
Hinila na ni Roman si Katherine palayo kay Vladimir dahil unang kita niya pa lang sa bagong salta sa kanilang lugar ay hindi na niya nagustuhan ang aura nito. Kaya naman naisip niyang pagbawalan ang kanyang nobya na lumapit kay Vladimir. Napansin rin kasi ni Roman ang kakaibang titig nito kay Katherine kaya naman bilang nobyo at mapapangasawa niya ay naalarma siya kaagad. Bago sila tuluyang makalayo ay tinignan muna ni Roman ulit si Vladimir. Basang-basa naman ang ni Vladimir ang kilos nito.
Habang nagpapatuloy siya sa pagtratrabaho ay hindi maiwasan na maalala niyang muli ang ginawa niyang pagsagip kay Katherine mula sa pagkakahulog sa puno ng niyog. Naalala rin ni Vladimir ang unang titigan nilang dalawa, dahil doon ay nakaramdam nanaman ng init at kakaibang uhaw si Vladimir lalo na nang bumalik sa kanyang alaala ang amoy ng dugo ni Katherine.