Habang tumatagal ay mas nahuhulog ang loob ni Vladimir kay Katherine. Pero muli ay natikman niya ang kabiguan sa pag-ibig ng malaman niyang ikakasal na pala sa ibang lalake ang babaeng kanyang tinatangi. At higit sa lahat ay nagdadalang-tao na si Katherine.
Simula nun ay may kakaiba ng nagaganap sa bayan ng Sta. Barbara. Noong una ay mga alagang hayop lamang ang nakikita na patay na at wakwak ang tiyan saka ubos ang dugo nito sa katawan. Pero pagkalipas lang ng isang linggo ay tao na ang namamatay. Ang palatandaan ay ubos ang dugo nito sa katawan at may kagat sa leeg lagi.
Hanggang sa isang kabilugan ng buwan ang sumunod na namatay ay si Roman, ang nobyo at papakasalan sana ni Katherine. Kitang-kita mismo ni Katherine ang tunay na anyo ni Vladimir, ang pagiging bampira. Kaya ang inakala ni Katherine ay si Vladimir ang pumatay sa kanyang nobyo. Pero ang totoo ay ang ama ni Vladimir na si Luther ang pumatay sa nobyo ni Katherine.
Kinamuhian ni Katherine si Vladimir at nagsisisi ang dalaga na nakilala siya nito. Dahil sa nararamdamang galit at pagluluksa ni Katherine ay nagawa niyang isuplong si Vladimir. Kaya naman nalantad ang totoong pagkatao ni Vladimir. Binalak siyang patayin ng mga tao at dahil ayaw niyang makapanakit ay tumakas na lang si Vladimir sa bayan ng Sta. Barbara.