Bago mangyari ang nakakalibot na pagsalakay ng mga bampira.
Ipinagpatuloy na lang ni Vladimir ang kanyang trabaho sa tupahan nina Mang Esteban ng araw na iyon. Naramdaman naman niya ang presensiya ni Salima kahit na medyo malayo pa ito sa kanya.
"Vladimir!" rinig niyang tawag sa kanya ni Salima nang makalapit na ito sa kanya. "May dala akong pagkain para sa 'yo."
"I-iwanan mo na lang jan, Salima. Maraming salamat," sabi ni Vladimir habang nakatakip sa kanyang ilong at bibig. Napansin naman iyon ni Salima kaya bahagya niyang inamoy ang kanyang sarili dahil baka mabaho ang kanyang sarili ngunit hindi naman.
"Teka Vlad, mabaho ba ako o ang pagkain na dinala ko?" lakas loob na tanong ni Salima kay Vladimir upang makasigurado siya.
"H-hindi naman, wala iyon. Huwag mo na ako intindihin," sabi ni Vladimir at tumalikod na lang siya kay Salima ngunit makulit ang dalaga at umikot pa ito upang humarap kay Vladimir.
"Ano nga kasi iyon?" pangungulit pa rin ni Salima sa kanya at dahil nakukulitan siya sa anak ni Mang Esteban ay napilitan na lang si Vladimir na sabihin.
"Nakakaamoy ako ng dugo, hindi naman iyon amoy ng dugo ng tupa. Isa pa ay wala naman kaming kinatay na tupa ni Mang Esteban. Hindi ko alam kung saan nanggagaling ang malansang dugo na iyon," sabi ni Vladimir habang iniikot pa niya ang kanyang mata upang hanapin kung saan nanggagaling ang naaamoy niyang dugo.
Nagtaka na lang si Vladimir nang biglang namula ang mukha ni Salima bago siya tumakbo papalayo sa kanya. Sinubukan pa niyang tawagin si Salima ngunit nakalayo na ito.