Simula ng araw na iyon ay napansin ni Vladimir na hindi na lumalapit sa kanya si Salima. Nagtataka man si Vladimir ay hindi na niya iyon ipinag-alala pa dahil mas gusto pa niya ang mapag-isa. Nais niya din pagtuunan ng pansin ang kanyang trabaho sa tupahan. Masaya si Vladimir dahil nakayanan niya ng isang buwan ang manirahan kasama ng mga mortal at labis rin ang kanyang kagalakan dahil sa tingin niya ay magiging maayos ang kanyang buhay sa lugar na ito.
Paminsan-minsan kapag isinasama siya ni Mang Esteban sa palengke ay nakikita niya si Katherine ngunit wala siyang pagkakataon na makausap o malapitan man lang ito dahil bantay sarado rin siya ni Roman. Kaya naman hindi na niya ipinagpipilitan ang kanyang sarili kahit na nais niyang makausap si Katherine.
"Vladimir, tulungan mo kami. Ang itay nahimatay daw sa palayan, pakiusap," humahangos na sabi ni Salima at mangiyak-ngiyak pa ito.
Wala namang sinayang na oras si Vladimir ngunit nag-ingat siya sa kanyang kilos upang hindi mahalata ni Salima na mabilis siyang tumakbo papunta kung nasaan si Mang Esteban.
"Mang Esteban," nag-aalala na sabi ni Vladimir nang makita niya na nakahandusay ang sa lupa ang walang malay na si Mang Esteban. Walang hirap niyang binuhat si Mang Esteban at dinala niya ito sa pagamutan na malapit rin sa palayan.