Chapter 1
***Luth POV***
twelve years ago..
"'TAY, malapit na po ang pasko," nakangiting untag ko kay tatay na nag aalok ng paninda naming basahan sa mga dumaraang tao sa bangketa. Excited na ako sa pasko dahil sa mga parol na nakadikit sa mga poste ng ilaw sa gilid ng kalsada. Umiilaw ang mga ito kapag gabi at sobrang ganda.
"Oo anak, kaya dapat makarami tayo ng benta para may pang noche buena tayo kahit kaunti lang."
"Basta po 'tay, may spaghetti, ha," request ko pa. Paborito ko kasi ang spaghetti.
"Tsk! Mukha ka talagang spaghetti," nakangising turan ni tatay.
"E, paborito ko po yun, e."
"Oo na, mag lu-luto ako ng spaghetti sa pasko. Kaya ipagdasal mo na makarami tayo ng benta. Kung wala—e di nganga ang spaghetti. Mag pa-pancit canton na lang tayo."
Pinaglapat ko ang dalawa kong palad at tumingala sa langit.
"Papa Jesus, sana po makarami kami ng benta ni tatay para may spaghetti kami sa birthday mo," dasal ko.
"Amen," natatawang sabi ni tatay at hinaplos ang buhok ko. "O sya, tulungan mo akong mag alok ng basahan."
"Opo."
Kinuha ko kay tatay ang isang tali ng basahang bilog at isang basahang malaki. Sya ang gumawa ng mga ito at tumutulong akong mag-gupit ng mga retaso kapag walang pasok sa school.
"Basahan po kayo dyan! Murang mura lang po!" malakas ang boses na alok ko sa mga dumaraang tao.
Mayamaya ay may huminto na isang jeep sa harapan ko.
"Magkano isa?" tanong ng driver.
"Piso po isa," nakangiting sabi ko.
"Ang mahal naman," rekalamo nya.
"Murang mura na po 'to, manong. Saka quality po 'to. Hindi po manipis," sabi ko at humugot ng isang basahang bilog at pinakita sa kanya. Kinuha naman nya ito at piniga piga.
"Sige, bigyan mo 'ko ng sampo."
"Sampo lang? Damihan nyo na po. Piso lang naman ang isa, e. Gawin nyo na pong singkwenta piraso para marami kayong reserba."
"Ang dami naman ng singkwenta piraso. Sige, bente piraso na lang. Kaka-umpisa ko pa lang ng pasada. Wala pa akong pasahero," saad ng driver at inabot ang benteng papel.
Kinuha ko na 'yon at nagbilang ng bente pirasong bilog na basahan at inabot sa driver.
"Salamat po, manong."
Tumango ang driver at pinausad na ang jeep. Nilapitan ko naman si tatay na nakabenta na rin ng basahan.
"Ilang piraso ang binili ng driver?" tanong ni tatay.
"Bente piraso po, 'tay. Sampo lang po dapat bibilhin nya, e. Pero humirit po ako ng singkwenta. Kaya lang kakaumpisa pa lang daw po nya ng pasada kaya bente piraso na lang po ang binili," sabi ko at binigay kay tatay ang benteng papel. Kinuha naman nya 'yon at nilagay sa lumang belt bag na nakakabit sa kanyang bewang.
"Ang galing naman ng anak ko," tuwang turan ni tatay.
"Syempre po, mana ako sa inyo, e!"
Tumawa si tatay. "Ikaw talaga. O sya, sa terminal na tayo."
Hinawakan ni tatay ang isang kamay ko habang sa isa nyang kamay ay bitbit nya ang dalawang tali ng basahan. Sa ulo naman nya ay ang magkakapatong na malalaking basahan. May nakasukbit din sa balikat nya na kulay blue na plastic na malaki na may lamang mga basahan. Habang naglalakad kami ni tatay ay nag aalok kami ng basahan sa mga nakakasalubong naming tao. Nang makarating sa terminal ay inisa isa namin ang mga jeep nakaparada at naghihintay ng mga pasahero, inalok namin sila ng basahan at meron namang bumibili. Halos kilala din namin ni tatay ang mga jeepney driver at malakas din ang benta ng basahang bilog dito. Pero minsan ay mahina din.
"Ninong Pade!" tawag ko sa ninong ko na kabababa lang ng jeep at tumakbo palapit sa kanya sabay mano. Hinimas naman nya ang buhok ko.
"Hindi ka pumasok ngayon?"
"Sabado po ngayon, ninong."
Napatampal sya sa noo. "Oo nga pala, sabado pala ngayon."
"Ninong talaga, tumatanda na," nakangising sabi ko.
"Parehas lang kami ng tatay mo na tumatanda."
"Pero hindi po makakalimutin si tatay."
Tumawa silang dalawa ni tatay.
"Kuh, nasopla na naman ako ng anak mo, Maximo."
"Pasensya ka na, pare. Alam mo naman yang inaanak mo, bukod sa makulit ay matabil din ang dila."
"Oo nga, manang mana kay Beth na madaldal."
"Sinabi mo pa. Kung nabubuhay pa si Beth siguradong dalawa silang maingay sa bahay."
"Naaalala pa ba ni Luth ang nanay nya? Limang taon na rin ang nakalipas mula ng pumanaw ang asawa mo at limang taon pa lang din sya noon."
Tumingin sa akin si tatay at hinaplos ang buhok ko. "Naaalala pa naman nya ang nanay nya. Pero hindi na ganon ka-detalyado."
"Kunsabagay, limang taong gulang pa lang sya noon. Wala pa sa hustong isip. Teka, nakarami na ba kayo ng benta?"
"Medyo, pero hindi pa kami nakaka-kalahati."
"O sige, pabilhan ako ng singkwenta pirasong basahan. Paubos na rin ang basahan ko."
"Gawin mo na pong 100 ninong para may libre po kayong 10 piraso," hirit ko.
"O sige na, isang daang piraso na."
Agad akong kumuha ng isang taling basahan sa plastic bag na nakasukbit sa balikat ni tatay. Inabot ko 'yon kay Ninong Pade at dinagdagan pa ng sampung piraso. Binigyan naman nya ako ng 150.
"Sayo na ang 50 pesos. Dagdag baon mo."
"Yown! Bait talaga ng ninong ko. Salamat po!" tuwang tuwa na sabi ko at inabot kay tatay ang pera. Sya muna ang hahawak ng singkwenta ko dahil baka mawala sa akin.
Nagkwentuhan muna si tatay at si Ninong Pade. Ako naman ay pumasok sa unahan ng jeep at nagtawag ng mga pasahero. Ginagaya ko ang pagtawag ng mga barker at pinupukpok ko pa ng barya ang gilid ng jeep. Mayamaya ay may sumasakay na pa-isa isa hanggang sa naging sunod sunod na. Tuwang tuwa naman sa akin ang ninong ko..
Malakas akong dumighay pagkatapos kong makainom ng samalamig. Tumawa naman si tatay.
"Busog na busog ang anak ko, ah."
"Opo tay, naubos ko po yung kanin, e. Ang sarap pa po ng sabaw," sabi ko sabay himas sa bundat na tiyan.
Katatapos lang namin kumain ng pananghalian ni tatay sa paborito naming karinderya at naglalakad na kami pauwi. Maglalaba pa kasi si tatay ng damit namin kaya kailangan na naming umuwi. Bukas ulit kami magtitinda sa may simbahan pagkatapos naming magsimba
"Tay, ang dami po nating benta ngayon. Kaunti na lang po ang laman ng plastic bag."
"Oo anak, narinig ng Diyos ang panalangin mo."
Bumungisngis ako. "Malakas po pala ako kay Papa Jesus."
"Dahil mabait kang bata. Medyo makulit nga lang."
Parehas kaming tumawa ni tatay.
Habang naglalakad sa gilid ng kalsada ay nag aalok pa rin kami ni tatay ng basahan sa mga taong dumadaan at sa mga sasakyang nakahinto. Nang mapadaan naman kami sa isang bangko ay nakita namin ni tatay ang mga sasakyang nakaparada at mga taong nakapila sa isang machine na naglalabas ng pera. Atm daw ang tawag doon sabi ni tatay. Lumapit kami doon at inalok sila ng basahan. Habang nag aalok si tatay sa mga taong nakapila ay nakatingin naman ako sa mga sasakyang nakaparada sa harapan ng bangko. Magagara ang mga sasakyan at makintab pa. Siguradong marami silang pera at marami silang pambili ng basahan.
"Tay, mag aalok po ako ng mga basahan sa mga sasakyan," paalam ko kay tatay.
"Basta huwag kang lalayo."
"Opo, tay."
Kinuha ko kay tatay ang isang taling basahang bilog pati na ang dalawang pirasong basahang malaki. Inisa isa ko ang mga nakaparadang sasakyan. Ang iba ay walang tao. Ang iba naman ay ayaw bumili. Nilapitan ko ang isang kotseng itim na itim at nangingintab. Sarado ang mga bintana nito na itim na itim din at walang makita sa loob. Nilapit ko ang mukha sa bintana at nilagay ang dalawang kamay sa magkabilang gilid ng mata. Pilit kong inaaninag ang loob ng kotse pero wala talaga akong makita.
"Ang gara naman ng kotse na 'to. Walang makita sa loob," reklamo ko.
Pero nagulat ako nang biglang gumalaw ang salaming itim na bintana at bumaba yun.
"Hello, little miss," nakangiting bati sa akin ng poging mama na kakaiba ang kulay ng mga mata.
*****