Ethan.
'Ngayon ka lang?' Tanong ni Papa sa akin nang makarating ako sa bahay. Halos takip-silim na rin nang umuwi ako mula sa mansyon.
Nagpakawala ako ng isang mabigat na buntong hininga.
'Bakit?' Tanong ni Papa, nabasa niya siguro sa ekspresyon ko na may mali dahil may mali talaga.
'May bagong pain na naman ang mga Etheria, bagong recruit, bagong pagkain.' Nakayuko kong sabi.
Nakakapanghinayang, mukhang mabait pa naman si Stella. Isa pa maganda siya.
'Hindi naman siya mapapahamak kung hindi magiging matigas ang ulo niya sa loob ng mansyon, alam mo ang patakaran.' Sabi ni Papa bago humigop ng kape. 'Kapag hindi niya pinairal ang tawag ng laman maliligtas siya.'
Muli ay napabuntong-hininga ako. Kakayanin kaya ni Stella?
'Pang-pito na si Stella ngayong taon, at lahat sila...' Hindi ko tinuloy dahil hindi ko masikmura kung ano ang ginagawa nila sa mga babaeng nahihikayat nilang mag-alaga kay Sir Vaughn.
'Huwag mo nang problemahin ang hindi na natin problema, mahirap nang makialam sa kalakaran ng mga Etheria.' Diretso ang tingin ni Papa sa akin may pagbabanta sa mga mata niya.
Stella, Stella, Stella... Hanggang kailan ka kaya tatagal?
Stella.
Tahimik akong sumunod kay Tiya Helga dala ang isang maliit na flashlight at lampara. Sinisindi ni Tiya Helga ang bawat lamp wall na nadaraanan namin kaya naman nagliwanag na rin sa corridor na dinaraanan namin. Pinatay ko ang flashlight dahil maliwanag na rin naman, hindi na nakakatakot kagaya nung una.
Pababa ang daan na tinatahak namin, palagay ko ay papunta na kami sa underground ng mansyon, natanaw ko sa di kalayuan ang dalawang guwardiya na nakatayo sa harap ng pintuan.
Nakatingin silang dalawa sa akin saka nagpalitan ng mga tingin bago binuksan ang pinto para sa amin ni Tiya Helga.
Kung nakalulula ang halaga ng mga muwebles sa itaas ay di hamak na mas nakalulula ang mga bagay-bagay na nandito sa loob ng isang malawak na kwarto. Marmol ang sahig, gawa sa mamahaling kahoy ang mga upuan, malalambot na leathered couch, ginto ang mga bagay-bagay, may sariling glass cage ang mga mamahalin na alahas, ginto at diamante, may mga mamahaling pabango, at kung ano-ano pang mga ginto gaya ng baso, trophy, coins, baril, mga kutsara't-tinidor, makikita rin sa wine shelf ang mga mamahaling alak. Nakakalat lang sa bawat sulok ng kuwarto ang mga ginto, alahas, at iba't-ibang klase ng mga bato. Maging ang chandelier sa itaas ay nakasisilaw rin dahil sa mga bato nito at gigintong mga bakal. Grabe! Gaano ba kayaman ang pamilyang 'to?
Ngunit higit sa lahat ay ang bagay na nasa gitna ng kuwarto ang pinaka nakaagaw ng pansin ko.
Napaliligiran ng iba't-ibang kulay ng rosas ang isang glass cage na nakapatong sa isang mamahaling lamesa na yari sa makintab at makinis na kahoy. Sumunod ako kay Tiya Helga upang mas makita ng maigi ang nasa loob ng glass cage.
Napanganga ako, sa loob ng glass cage ay nakahiga ang isang matipuno, at maputlang lalaki. Nakasuot siya ng mamahaling tuxedo. Halos hindi nalalayo ang edad niya sa akin. Kulay puti ang buhok nito, maganda at matangos ang ilong, mapulang-mapula ang mga labi, maganda ang pagkakakurba ng mga pilik-mata niya at makapal ang kilay. Nakahiga siya sa malambot na cushion, at napaliligiran ito ng mga pula at puting rosas.
Para lang siyang natutulog, jusko po! Napakagwapo naman ng patay na 'to! Normal lang ba na ma-gwapuhan sa isang bangkay?
Napalunok ako, napansin ata 'yon ni Tiya Helga.
'Siya ang trabaho mo at ang kwartong ito. Siya ang bunso sa mga magkakapatid na Etheria, si Sir Vaughn Deighton Reus Etheria. Dapat bago mag-alas nuebe nandito ka na, mahalagang hindi mo siya tutulugan. Trabaho mong palitang ang mga bulaklak, ayaw niya ng mga lumang bulaklak. Paborito niya ang mga rosas, kahit anong kulay. Pupunasan mo ang salamin niya, at wawalisin ang mga alikabok. Pupunasan mo ang bookshelf, wine shelf, pati ang sahig. Ayaw niya na maalikabok ang paligid.' Sabi ni Tiya Helga. Nanatili akong nakatingin kay Sir Vaughn.
'Dalawang araw ang pagitan ng pagpapalit ng mga rosas. Ikaw mismo ang pipitas ng mga 'yan sa garden sa likod ng mansyon.'
'Pati po ba yung nasa loob ng glass cage ako rin ang magpapalit?' Halos mautal ako sa pagtatanong.
'Oo, ituturo ko sa'yo kung paano bubuksan ang glass cage. Mahalagang i-trim mo muna ang mga rosas, ayaw niya ng tinik sa mga rosas.' Iminuwestra ni Tiya Helga ang pagbukas ng glass cage.
Mas nadagdagan ang nginig ko nang makitang wala na ang glass cage at para bang natetemp ako hawakan si Sir Vaughn. Hindi ko alam pero may eagerness na gusto ko siyang hawakan.
'Pagkatapos ng gawain mo, kapag nasiguro mo nang malinis ang bawat sulok, at bago ang mga bulaklak ay pwede ka nang magpahinga sa couch. Muli ipapaalala ko sa'yo na 'wag mo siyang tutulugan.'
Kapansin-pansin ang lamig sa loob ng kuwarto kahit na sarado walang bintana at maliit ang vent. Parang naka-air-conditioned ang buong kwarto kahit na kulob.
'Ayaw po ba nilang ipalibing na lang si Sir Vaughn?' Tanong ko kay Tiya Helga.
'Itong kwarto na ito mismo ang libingan niya.' Diretsong sagot ni Tiya Helga sa akin.
Napatango-tango ako. Kakaiba rin talaga mag-isip ang mga mayayaman, nakakabaliw.
'Mag-uumpisa na po ba ako mamaya sa trabaho?' Tanong ko.
Tumango si Tiya Helga sa akin.
'Pero sa ngayon, pwede ka pang mag-ayos at ihanda ang sarili, magbanyo ka na at maligo dahil hindi ka pwede umalis dito hanggang sa matapos ang duty mo. Papasok ka ng alas nuebe ng gabi, lalabas ka na ng alas singko ng umaga. 12am hanggang 1am ang breaktime mo pero hindi ka pwedeng lumabas, dadalhan ka ng guwardiya ng pagkain mo kaya hindi mo poproblemahin kung sakaling magugutom ka. Hindi ka pwedeng magbanyo kaya importanteng magawa mo na lahat bago ka pumasok dito sa loob.' Paalala ni Tiya Helga.
Ngayon naiintindihan ko na kung bakit mataas ang sahod ng trabahong 'to. Madali pero mahirap.
Isinara ni Tiya Helga ang glass cage at inaya na akong lumabas sa kwarto, umakyat na kami papunta sa ground floor.
'May dalawang oras ka pa bago ka babalik sa ibaba. Gawin mo na ang mga dapat mong gawin, ipaghahanda ko ng makakain si Sir Vann.' Paalala ni Tiya Helga sakin bago siya nagtungo sa kusina.
Umakyat na ako papunta sa second floor. Gusto ko sanang maligo na at magbanyo pero mas nanaig ang curiosity ko, gusto kong tignan yung mga picture frame.
Gawa sa ginto ang frame ng mga naglalakihang picture frame, akala ko litrato ang nasa loob ng mga frame pero nang tignan kong maigi ay painting pala. Halatang malaki ang bayad sa bawat gawa dahil maganda ang kalidad.
Kung mukhang istrikto si Tiya Helga ay wala siyang binatbat sa postura at mukha ng babaeng nasa unang picture frame. Kahit na painting lang ay para bang nakatitig siya sa buong pagkatao ko. Napakaelegante ng dating. 'Vianne Darl Reus Etheria.' Nakaukit ang pangalan nito sa isang gold plated na bagay sa ibaba ng frame. Mukha siyang prinsesa.
Hindi katulad ni Madame Vianne, ang babae sa pangalawang picture frame ay mukhang mabait at kalmado, simple ang kasuotan at may hawak na isang bungkos ng white lily.
'Viene Dara Reus Etheria.'
Blonde ang buhok ng babaeng nasa frame, nakasuot siya ng pink na bestida, hawak niya ang isang bungkos ng white lily at mukha siyang mas panganay kaysa kay Sir Vaughn.
Lumipat ako sa pangatlong frame, mukha naman itong nagsisilbi sa militar, matipuno at kulay brown ang mga mata. Hindi katulad ni Sir Vaughn, kulay itim ang buhok nito. 'Vance Dylan Reus Etheria.' Panganay ito kumpara kay Madame Viene.
Mukha namang batang general ang nasa sunod na frame, kamukha ni Sir Vance ngunit mukha nang mas luma ang painting kumpara sa painting ni Sir Vance. Makisig, guwapo, at matipuno.
Sunod kong nilapitan ang painting ng isa pang lalaki, matikas ang tindig nito, napakahirap naman tukuyin kung sino ang panganay sa kanilang lahat dahil halos magkakapareho lang ang edad nila. 'Vyctor Dev Reus Etheria.' Kapansin-pansin ang magkaibang kulay ng mga mata niya, maganda, kamangha-mangha.
Sunod kong nakita ang frame ni Sir Vaughnn, ganito pala ang itsura niya kapag gising, bukod sa nakamulat ang mga mata niya ay para bang buhay na buhay siya sa painting na ito. Halos lahat sila ay may itsura, pero siya ang pinakaguwapo para sakin. Hindi ko alam, para siyang may sariling liwanag.
May isa pang picture frame sa tabi ni Sir Vaughn. Kamukhang-kamukha niya, pakiwari ko ay kambal sila dahil halos lahat ay pareho sila, ang pinagkaiba lang ay ang malinis na pagkakagupit ng buhok ni Sir Vann. 'Vann Del Reus Etheria' basa ko sa nakaukit na ngalan niya sa ibaba ng frame.
Jusko! Napakaguguwapo at ganda naman ng lahi nila. Napakataas! Mga taong may tindig at tikas.
May iba pang picture frame na nakadikit sa pader ngunit mas pinili kong ipagpabukas na lang ang pagtingin sa mga ito. Pumasok na ako sa kuwarto at nagsimula nang mag-ayos ng sarili. Kahit na pagod pa ako sa maghapon at wala pa akong sapat na pahinga ay wala akong karapatang magreklamo, ako ang nagpumilit sa trabahong ito, at kailangan ko itong kayanin.