Stella.
Hindi ko alam kung bakit nakaramdam ako ng kakaiba nang pumasok kami sa loob ng isang malaking gate na pinaliligiran ng mataas na gate at pader. Tuwid ang postura, kagalang-galang, at kapansin-pansin na katulad ni Ethan at Tiya Helga- mapuputi rin ang balat ng dalawang guard na nagbukas ng gate para sa amin.
Napaliligiran ng malalaki at nagtataasang puno ang daan paakyat sa daan na tinatahak namin. Nakabibingi ang katahimikan sa loob at maging sa labas ng kotse, hindi ko alam kung bakit hindi ako komportable.
Halos limang minuto pa ay narating nanaman namin ang isang malaki at kulay gold na gate, tatlong guard naman ang sumalubong sa amin upang pagbuksan kami ng gate. Mula rito ay tanaw na tanaw ang malaki, mataas, at malawak na Gothic Mansion. Sobrang luma na nito kung titignan, ngunit mababakas ang pagiging matibay at klasiko nito. Elegante at malinis, parang sa pelikula lang makikita. Parang bahay ng mga bampira sa mga old movies.
Sa paligid ay makikita ang mga fountain na kalmadong nagbubuga ng mga tubig at mas lalong nagbibigay ng pagiging elegante ng paligid. Napakalawak ng front yard at hindi katulad sa labas ng gate makinis ang tabas ng mga damo at halos walang puno sa paligid, sa halip ay napalilibutan ng mga lumang rebulto ng anghel at iba't-ibang uri ng mga bulaklak. Napakaganda ng paligid. May mga iilang puno sa paligid ngunit nasa maayos na lugar at hindi kalat-kalat.
Hindi ko alam kung nanlalambot pa ang mga tuhod ko dahil sa haba ng biyahe, sa pagod, o dahil sa pagkamangha sa buong paligid.
Nahiya naman ako nang makitang si Ethan na ang nagbuhat ng mga gamit ko dahil masyado akong natulala sa mga nakikita ko.
'Pasensya na.' ang tanging nasabi ko kay Ethan, ngumiti naman siya sa akin at nginuso ang mga bag na dala ni Tiya Helga mula sa Etheria's Boutique. Agad na tinulungan ko si Tiya Helga sa mga 'yon. Ayos naman, 'di hamak na mas magaan ang mga ito kumpara sa mga gamit ko na dala ni Ethan.
Halos malaglag ang panga ko nang pumasok kami mula sa malaking pinto, gawa sa marmol ang sahig at bawat sulok ng mansion.
Gaya ng inaasahan ko, puro mamahaling gamit ang nasa loob ng mansion. Naglalakihan at nagtataasan ang mga bintana at makakapal ang mga kurtina, nasa gitna ng mataas na kisame ang isang chandelier na sa tingin ko ay mas mahal pa buhay ko. May mga matataas na poste na may iba't-ibang design, hindi rin makikitaan ng alikabok ang mga eleganteng wall lamp. Matatanaw ang railing sa second floor ng mansion na gawa sa mamahaling kahoy, at sa pader ay makikita naman ang naglalakihang picture frames na naglalaman ng paintings at pictures ng mga taong hindi pamilyar sa akin.
'Ethan, dalhin mo si Stella sa second floor doon siya mananatili sa tapat ng kwarto kung saan ako natutulog. Stella, sundan mo si Ethan at pagkatapos ay bumalik ka rito sa baba upang mas maipaliwanag ko sa'yo ang mga bagay-bagay ang mga dapat at hindi mo dapat gawin.'
Gawa sa marmol ang malaki at eleganteng staircase papunta sa second floor, damang-dama ko ang lamig ng sahig at railing habang naglalakad papunta sa taas. Hindi ko mabilang kung ilang hakbang bago kami nakapunta sa second floor pero isa ang sigurado ako, nakakahingal.
Pumasok kami sa isang hallway, medyo dim ang paligid dahil nakapatay halos ang wall lamp na nadaraanan namin pero sapat na para makita ang paligid.
Hindi ako sigurado kung apat na pintuan ang nilagpasan namin bago nakarating sa dulo ng hallway. Mayroong magkatapat na pintuan sa kanan at kaliwa, binuksan ni Ethan ang nasa kaliwa at mula roon ay lumiwanag ng kaunti nang buksan ni Ethan ang ilaw mula sa loob.
'Dito ang kwarto mo, sa tapat nyan ang kwarto naman ni Tiya Helga.' Sabi ni Ethan habang nakaturo sa katapat ng pinto ng kwarto ko, tumango naman ako.
'Natandaan mo ba yung daan?' Tanong ni Ethan.
'Ah, o-oo naman, hehe.' nauutal kong sabi.
'Iwanan na muna kita para makapag-ayos ka, sunod ka na lang maya-maya sa baba.' Sabi ni Ethan habang nakangiti.
'Thank you, Ethan.' tumango lang siya at marahan na isinara ang pinto.
May maliit na closet, queen size na kama, drawer, malaki at creepy na wall clock, bedside table, at maliit na chandelier sa kisame. May glass door din papunta sa terrace na tanaw na tanaw ang magandang sunset. Nagtungo ako roon, 'Wow' ito na lang ang nasambit ko habang nakatingin sa malawak na bayan ng Santa Victoria sa baba ng burol. Napagtanto ko na nasa tuktok pala ng burol ang mansion at tanaw ang kabuuan ng sentro ng bayan pati na ang malawak na lawa sa tabi ng bayan. Sobrang ganda ng lugar na 'to, wala akong ibang masabi kundi ang ganda at elegante. Tinignan ko ang kabuuan ng kuwarto, 'di hamak na limang beses na mas malawak ito sa buong apartment ni Aling Myrna, masyadong elegante para sa isang katulong na katulad ko.
Gaya ng sabi ni Tiya Helga, bumaba ako agad nang maiayos ko sa closet ang mga gamit ko. Halos magtatakip-silim na rin nang makabalik ako sa baba at nadatnan ko si Tiya Helga na naghahanda na ng hapunan sa kusina.
'Nasaan na po si Ethan?' Tanong ko.
'Umuwi siya sa kanila, hindi siya natutulog rito, kung minsan lang kapag...' hindi ko alam kung bakit hindi itinuloy ni Tiya Helga ang pagsasalita para bang may ayaw siyang sabihin sa'kin. 'Huwag kang matakot dahil ligtas naman tayo rito, napaliligiran ng mga guwardiya ang labas ng mansion. Kumain ka na muna.'
napansin kong may katabangan ang timpla ni Tiya Helga, halos walang kalasa-lasa yung luto niya. Napansin niya ata 'yon sa ekspresyon ng mukha ko.
'Nasa cabinet ang asin, hindi kasi ako mahilig sa maalat, dagdagan mo na lang ang timpla kung sakaling natatabangan ka.' Ani Tiya Helga na tila nababasa ang isip ko base sa mukha ko.
Gano'n nga ang ginawa ko, dinagdagan ko ang timpla at tila sumarap naman kahit paano ang pagkain. Pagkatapos namin kumain ay hinugasan ko na ang pinagkainan namin ni Tiya Helga, matapos no'n ay pinaupo niya ako sa mamahaling sala ng mansion. Halos hindi ko alam kung saan ba dapat uupo dahil natatakot na baka magusot ko ang pagkakaayos ng upuan.
'Tayo lang po ba ang narito sa buong mansion?' Panimulang tanong ko kay Tiya Helga.
'Nandito ang dalawa sa mga may-ari, ang isa ay nasa taas, magbibigay galang ka kapag nakasalubong mo siya. Bihira lang siyang lumabas, may sakit siya ngayon kaya nagpapahinga pero kapag gumaling ay tiyak na aalis din. Hindi niya pa alam ang tungkol sa'yo pero ako na ang bahala.' Sabi ni Tiya Helga.
Tumango naman ako agad.
'Stella, una sa lahat ayoko ng pasaway. Gaya nga ng sabi ko, desisyon ko na papasukin ka rito, kaya kapag may ginawa kang kalokohan ako ang mananagot kaya magpakabait ka.' Paalala ni Tiya Helga sa akin, mata sa mata ang titig niya. Napalunok na lang ako, alam ko naman sa sarili ko na hindi ako malokong tao pero natatakot pa rin ako.
'Kapag lumabas ka sa araw, hanggang alas sais ka lang ng hapon. Dapat nakabalik ka na rito bago lumubog ang araw, delikado sa labas dahil bukod sa hindi ka pa pamilyar ay malayo-layo sa kabayanan ang mansion. Isa pa ay sa gabi ang trabaho mo kaya hindi ka pwedeng umalis lalo na kung gabi.'
Sunod-sunod ang pang tango ko.
'Kung makikita mo may mga litrato sa taas, 'yan ang mga Etheria, original clan. Wala na halos dyan ang mga litrato ng mga bagong miyembro pero sila ang may-ari ng mansion, mababasa mo sa ibaba ng mga litrato ang pangalan nila para maging pamilya ka. Kapag nakita mo sila rito sa mansion asahan mo na may mahalagang okasyon, o may importanteng bagay silang pag-uusapan, sila ang mga amo natin. Pero gaya nga ng sabi ko kanina, ang dalawa ay narito sa mansion, ang isa ay nasa taas. Sakitin si Sir Vandell kaya madalas siyang narito sa mansion para magpahinga. Mag-iingat ka sa kanya dahil may pagkapilyo 'yon. Hindi niya rin madalas nakokontrol ang temper niya.' Muli ay napalunok ako. Baka bigla niya na lang akong sugurin at mapagkamalang magnanakaw, hindi pa naman niya ako kilala.
'Hindi ka obligado na tumulong sa akin sa gawaing bahay tuwing umaga naiintindihan ko naman na pang-gabi ang magiging trabaho mo kaya't kailangan mong magpahinga, pero kailangan mong tumulong sa akin sa gawaing bahay pagsapit ng hapon. Obligado kang tumulong sa araw ng general cleaning tuwing sabado, day-off mo naman tuwing linggo.'
'May papalit po ba sa'kin sa araw ng linggo tuwing day-off ko?' Tanong ko.
'Si Ethan ang hahalinhin sa'yo sa araw ng day-off.' Tipid na sagot ni Tiya Helga.
'Bawal magdala ng boyfriend dito sa loob ng mansion, kung sakaling may nobyo ka pwede ka naman makipagkita sa sentro ng bayan, huwag lang dito sa mansion dahil bawal din ang kahit na sinong bisita.'
As if naman may boyfriend ako, Tiya Helga. Wala ngang manliligaw, nobyo pa?
'Tuwing 15 days ng araw ng sahod mo, cash mo itong matatanggap at sa akin mo kukunin. 13 days ang counting days para sahod ng mga katulad mo noon pero dahil mahirap makahanap at mapili ang mga Etheria ay ginawa na nilang 15 days, may bayad ka kahit day-off mo.' Napangiti naman ako sa narinig ko, totoo nga ang sabi ni Ethan, magandang magpasahod ang mga Etheria.
Halos twenty thousand ang sahod ko kada cut-off, nakwenta ko agad sa isip ko, at sa isang buwan ay kulang-kulang na forty thousand ang sasahurin. Mas mataas ito ng doble kumpara sa sinasahod ko bilang Assistant Manager. Muli ay tinamaan ako ng lungkot, para saan pa ang mataas na sahod kung wala na ang mga magulang ko na gusto kong paglaanan ng mga maipupundar ko sana. Kung kelan sila nawala saka naman ako nakahanap ng trabaho na may mataas na sahod.
'Tiya Helga, parang sobrang taas po ata ng sahod ko bilang katulong?' Tanong ko.
Umismid si Tiya Helga, hindi ko alam kung bakit natatakot ako sa mga ngiti niya. Hindi kasi genuine yung ngiti niya na nagpapakita ng saya, parang may kakaiba sa ngiti niya, nang-aasar at nangungutya.
'Gaya nga ng sabi ko, mahirap makahanap ng tao na gugustuhing mag-alaga ng patay, isa pa metikuloso ang mga Etheria sa pag-pili ng magiging tauhan nila. Ikaw, sa kaso mo pumayag ka naman agad sa trabaho at tinanggap mo. Isa pa...'
Hindi niya itinuloy ang pagsasalita, tumayo siya mula sa upuan, 'Sumunod ka sa akin, para makita mo kung ano ang trabaho na naghihintay sa'yo.' Nakaismid pa rin si Tiya Helga.
Hindi ko alam, para akong napako sa kinatatayuan ko. Oo nga pala, hindi lang basta pagkakatulong ang pinasok ko. Pag-aalaga nga pala ng isang patay.