Stella.
Hindi ko alam kung tamang desisyon ba na sumama ako kay Tiya Helga at Ethan gayong hindi ko naman sila lubos na kilala lalo pa't nabanggit nga ni Tiya Helga na malayo-layo ang lugar kung saan ako magtatrabaho.
Tiya Helga ang sinabi ng babaeng nag-alok sa akin ng trabaho na itawag ko sa kanya. Ethan naman ang pangalan ng lalaking kasama niya sa loob ng sasakyan na halos kasing edad ko lang.
Hindi nagkakalayo ang kulay ng balat nila, gayon din ang postura at pananalita. Napailing na lang ako, sa sobrang desperado kong makakuha ng trabaho ay sumama ako sa dalawang estranghero na wala pa halos isang oras kong kilala. Para akong nahimasmasan at napagtantong sobrang nadala ako ng emosyon ko kanina at hindi nakapagdesisyon nang tama.
Pero nandito na ako sa loob ng limousine, kasama silang dalawa. Halos malayo-layo na rin ang tinatakbo ng sasakyan nang magsalita si Tiya Helga.
'Kung maitatanong ko, ano ba ang dahilan kung bakit sobrang desperado kang makakuha ng trabaho ngayong araw? Naglayas ka ba sa inyo?' Intrigang tanong ni Tiya Helga. Mababakas pa rin ang lamig sa boses niya.
Muling bumigat ang dibdib ko, at naalala nanaman yung mga pinagdaanan ko nitong nakaraang linggo.
'Dati po akong Assistant Manager sa isang bangko sa sentro ng bayan, may maayos naman po akong trabaho. Halos dalawang buwan mula nang grumaduate ako ay nakahanap ako kaagad ng magandang trabaho.' Napalunok ako, mabigat para sa akin na ikuwento ang mga bagay. Naramdaman ko nanaman ang pagngilid ng luha ko. Idinako ko ang tingin ko sa bintana, mas mabigat kasi para sa'kin na magkwento kung nakatingin sa mga mata nila.
'Nagbago lang po ang lahat nang tumama ang bagyo nitong nakaraang buwan. Namatay po yung Mama at Lola ko, natabunan ng lupa yung bahay namin kasama sila.' Tuluyan na ngang umagos ang luha ko. Sobrang bigat sa pakiramdam, hindi ko matanggap. Halos ilang linggo ko na rin kasi kinikimkim yung lungkot.
'Napilitan po akong iwanan yung trabaho ko rito para umuwi sa probinsya, doon ko po inasikaso yung pagpapalibing sa kanila. Habang yung papa ko hindi pa nahahanap yung katawan niya dahil natangay siya ng malakas na baha.' Hindi ko alam kung naiintindihan pa ba nila yung pagkukwento ko dahil halos pautal-utal na ako sa paghikbi, at pagsinghot ng sipon.
'Natanggal po ako sa trabaho at nahirapan na akong humanap ng panibago dahil halos ayoko na pong lumabas, wala na po akong lakas. Sila lang po kasi yung lakas ko tapos sabay-sabay pa silang nawala sa isang iglap, habang ako ligtas dito.' Sobrang hirap, hindi ko alam kung anong gagawin ko nang mga oras na yon.
'Inisip ko na rin pong magpakamatay at sumunod na lang sa kanila pero hindi ko po alam kung bakit hindi ko kaya.' Sunod-sunod ang paghikbi ko, ngunit wala kong narinig na reklamo kay Tiya Helga at Ethan. 'Tapos kanina rin po, tuluyan na akong pinaalis sa apartment dahil hindi na po ako nakapagbayad sa renta. Naubos po kasi lahat ng ipon ko sa pag-aasikaso sa lamay at libing ng mama at lola ko.'
'Wala na po akong ibang mapupuntahan, hindi na rin po kakasya yung pera ko para sa mga susunod na araw kaya desperado na po ako na maghanap ng trabaho. Kung wala po kasi baka sa lansangan na lang ako matutulog.' Marahan kong pinunasan ang luha ko. 'Sorry po, sainyo ko tuloy nailabas lahat ng hinanakit at lungkot ko.'
'Wala ka na bang ibang kamag-anak?' Tanong ni Tiya Helga.
Umiling-iling naman ako. Napagtanto ko ulit na mag-isa na lang pala talaga ako sa buhay. Ang tanging magagawa ko na lang ngayon ay tibayan ang loob ko at pagkatiwalaan ang desisyon ko na sana tama ang pagsama ko kay Tiya Helga at Ethan.
'Gusto ko lang ipaalala na sa'yo ang mga alituntunin sa loob ng mansion para pagdating mo roon ililibot ka na lang ni Ethan para maging pamilyar ka sa loob at labas ng bahay.' Mababakas ang pagiging istrikto ni Tiya Helga sa bawat salitang binibitawan niya. Napansin kong napasulyap si Ethan sa akin mula sa rearview mirror.
'Sa umaga ay tutulong ka sakin sa gawaing bahay, 'wag kang mag-alala dahil may dagdag na sahod ka roon iba pa sa mismong trabaho na ibibigay sa'yo. Maaring tutulong ka sa'kin sa gawaing bahay o tutulong ka sa business na pagmamay-ari ng mga Etheria.'
'Mga Etheria po?' Tanong ko. Hindi ba't 'yon din ang pangalan ng boutique shop sa bayan?
'Etheria Clan ang angkan na halos tatlong dekada ko nang pinagsisilbihan. Mula ngayon doon ka na rin magtatrabaho sa kanila, maraming business ang pamilyang 'yon at dating gobernador ng probinsya ang may-ari ng mansyon.' Napanganga ako sa sinabi ni Tiya Helga, tatlong dekada? Hindi man lang ba niya naisip na humanap ng ibang trabaho?
'Hindi naman mabigat ang mga trabaho sa mansion kahit na may kalakihan, isang beses lang sa isang linggo ang general cleaning kung saan bawat kuwarto ng mansion ay kailangan talagang linisin, 'wag kang mag-alala dahil may mga makakatulong naman tayo kapag araw ng general cleaning, at wala rin masyadong kalat dahil hindi naman namamalagi roon ang mga Etheria, kumbaga rest house lang nila ang mansion. Minsan sa isang taon lang sila umuwi, o mas magandang sabihin na suntok sa buwan kung bisitahin nila ang mansion. Madalas lang silang nagpupunta roon kapag may mga okasyon at mahalagang pagtitipon.'
Napatango naman ako. 'Sabi niyo po tatlong dekada na kayong nagtatrabaho sa kanila, hindi niyo po ba naisip na maghanap ng ibang trabaho at umalis sa kanila?' Hindi ko alam kung tama bang itinanong ko 'yon dahil napansin kong nag-iba ang ekspresyon ni Tiya Helga at parang lumayo ang tingin niya.
'Maayos magpasahod ang mga Etheria, isa pa ay parang pamilya na ang turing nila sa akin. Hindi rin masyadong mahirap ang trabaho kaya mas ginusto kong manatili na lang sa kanila.' Tipid niyang sagot sa tanong ko. 'Kapag nakapag-ipon ka pupwede ka namang umalis at maghanap ng panibagong trabaho, desisyon mo pa rin.' Dagdag pa niya.
Napayuko na lang ako, ayokong isipin ni Tiya Helga na panakip-butas lang ang pagpasok ko ng trabaho sa kanila. Nandoon na rin naman sa plano ko na maghanap ng mas maayos na trabaho kung sakaling makapag-ipon na nga ako. Ayoko rin namang mag-stay bilang katulong gayo't alam ko naman sa sarili ko na may natapos ako at kaya kong humanap ng mas mataas na posisyon sa trabaho. Pero nakakahiya pa rin naman na baka isipin ni Tiya Helga na hindi pa nga ako nagsisimula ay gusto ko na agad umalis.
'Pagsapit ng alas nuebe ng gabi, doon mag-uumpisa ang trabaho mo. Gaya nga ng sinabi ko noong una, kung handa ka ba na mag-alaga ng patay dahil 'yon ang pinakatrabaho mo.' Kinilabutan ako nang maalala kung ano nga pala talaga ang trabaho na inalok sa akin ni Tiya Helga.
Bukod sa hindi ko na napag-isipan ang pagkatao nila, hindi ko rin napag-isipan na weird nga pala yung trabaho na inalok sa akin ni Tiya Helga.
Napalunok ako, 'Literal po ba na patay talaga ang aalagaan ko?' Tanong ko.
'Hindi naman mabigat ang trabaho sa pag-aalaga, ipaliliwanag ko sa'yo kapag nandoon na tayo mismo. Ang gusto ko lang ipaalala sa'yo ay ang oras ng trabaho mo roon. Gaya nga ng sinabi ko, alas nuebe ng gabi ang umpisa ng trabaho mo sa pag-aalaga at matatapos ito ng alas sais ng madaling-araw.' Seryoso ang tingin niya sa akin, naguguluhan man ay pinili kong manahimik at tumango. 'Mahalagang oras ang alas tres, huwag na huwag mong iiwan ang alaga mo sa oras na 'yon, mahalaga rin na 'wag mong tutulugan.'
Napakunot ang noo ko. 'Sa mismong bahay po ba siya nakalibing?' Tanong ko pero hindi na ako sinagot ni Tiya Helga.
Inutusan niya si Ethan na huminto muna sa isang gasoline station na may kainan para makapag-tanghalian muna kami, naaawa na raw kasi si Tiya Helga sa itsura ko dahil namumutla na ako. Totoo naman na sobrang nahihilo na ako sa gutom, pagod, at idagdag pa ang amoy ng sasakyan.
Doon nakapagpakilala si Ethan nang maayos sa'kin, tama nga na halos magkasing-edad lang kami dahil mas matanda lang siya sa'kin ng isang taon.
'Kaano-ano mo si Tiya Helga?' Tanong ko habang umoorder kami sa counter ng isang fast food.
'Tita ko siya, kapatid ng papa ko. Sorry nga pala sa nangyari sa'yo sobrang hirap pala ng pinagdaraanan mo.' Malungkot niyang sabi.
Tipid akong ngumiti, 'Pasensya ka na, hindi ako makapagsalita kanina, kanina pa kita gustong kausapin kaso sobrang istrikto kasi ni Tiya Helga, ayaw niyang sumasabat ako sa mga usapan na hindi naman ako involve, isa pa nagfofocus din kasi ako sa pagmamaneho.' Kamot-ulo niyang sabi.
Ngumiti ako at tinanong pa siya kung nag-aaral pa ba siya, ang sabi niya senior high school lang ang tinapos niya at pinili niya nang magtrabaho sa isa sa mga negosyo ng Etheria, aniya mas mataas pa ang pasahod ng mga ito kumpara sa gobyerno at private sectors sa kabayanan. Naintriga naman ako.
'Sabi ni Tiya Helga dating gobernador ng probinsya ninyo ang may-ari ng mansyon, gaano ba sila kayaman?' Tanong ko.
Pabulong ang sagot ni Ethan sa akin, 'Lahi ng politiko ang mga Etheria, marami pang negosyo. Gobernador at Congressman ang tinatakbuhan at madalas na nananalo talaga dahil magaling magpatakbo. Yun nga lang meron silang sikreto, yun yung patay na aalagaan mo.' Sabi niya sa mahinang boses.
Napaisip ako, bakit nga ba? Tinatago kaya nila sa ibang tao yung patay?
Pagdating namin sa lamesa ay tumahimik na ulit si Ethan dahil kaharap na ulit si Tiya Helga. Nakaramdam naman ako ng malaking ginahawa nang makakain ako, nabawasan ang hilo ko sa biyahe pati na ang sakit ng ulo.
Dalawang probinsya ang layo ng Santa Victoria mula sa probinsya kung saan kami nanggaling. Isa itong bayan sa probinsya ng San Idelfonso, malayo ito sa kapatagan, mabundok, mapuno, at malamig. Napakapayapa ng lugar, tamang-tama para sa katahimikan na hinahanap ng puso at isip ko.
Malaki rin naman ang sentro ng bayan ng Santa Victoria, hindi nalalayo sa mala-siyudad na bayan ng Hidalgo kung saan ako nang galing. Akala ko ay doon na kami titigil ngunit hindi pa pala, mula sa sentro ng bayan ay pumasok kami sa isang parte ng bayan ng Santa Victoria na ekslusibo lamang para sa mga Etheria.