Chapter 1 - Stella
Stella.
'Yung bayad mo sa renta, kailan mo balak ibigay?!' Singhal ni Aling Myrna sa akin habang nakapamewang at nakataas ang mga kilay.
'Alas sais pa lang Ate Myrna, hayaan mo munang makapag-munimuni yung tao. Pambihira ka naman oh!' Ani Kuya Ben na nakababatang kapatid ni Aling Myrna.
Hindi ako makasagot, paano ba naman kasi dalawang buwan na akong hindi nakakapagbayad sa renta.
Dumukot si Aling Myrna ng sigarilyo mula sa kaha at sinindihan 'yon bago ibinuga sa mukha ko ang usok. Napakabastos talaga.
'Hoy ikaw ha? Kung wala kang pambayad umalis ka na lang dito!' Sinipat niya ang loob ng maliit na apartment, 'Iwanan mo na lang yang mga gamit mo bilang bayad sa dalawang buwan mong upa. Umalis ka na bago pa ako mapuno nang tuluyan sa'yo!' Padabog niyang isinara ang pinto bago umalis.
Napatingin naman ako sa mga gamit na nasa loob ng apartment. Isang lumang double-burner gas stove, maliit na rice cooker, dish rack, mga lumang plato, baso, kaldero, timba, drawer box, at kung ano-ano pang lumang bagay na pwedeng ibenta kapalit ng dalawang buwan kong utang.
Hindi ko namalayan ang pagtulo ng luha ko habang nakatingin sa magulo kong apartment. Kinuha ko ang backpack ko, at isinilid ang mga damit na magkakasya roon. Marahan ko ring inilagay sa isa pang bag ang mga dokumento na magagamit ko para sa pag-aapply sa bagong trabaho.
Muling bumukas ang pinto ngunit hindi si Aling Myrna ang iniluwa noon, kundi si Kuya Ben.
'Pasensya ka na kay Ate Myrna, Stella. Ang aga-aga gano'n agad ang binungad niya sa'yo.' Hindi gaya ni Aling Myrna, mabait si Kuya Ben, palabiro at hindi bastos.
'Okay lang, Kuya. Ako nga dapat ang humihingi ng pasensya. Aalis na ako, ibenta niyo na lang yung mga pwede pang mapakinabangan dito. Wala na kasi talaga akong pera, naubos na sa pagpapalibing kay Mama.' Hindi ko na napigilan ang pag-agos ng luha ko. Nasapo ko na lang ang sarili kong noo habang umiiyak.
Dala ang mga gamit ko ay nagtungo ako kay Aling Myrna na kasalukuyang nakikipagchismisan sa harap ng tindahan niya. Palapit pa lang ako ay nakataas na ang kilay niya.
'Maraming salamat ho, Aling Myrna. Kayo na po ang bahala sa kung anong gusto ninyong gawin sa mga gamit na naiwan ko, aalis na ho ako.' Nakayuko kong sabi habang nagpupunas ng luha.
'Buti naman nakapag-isip ka na nang tama! Akala ko hihintayin mo pang kaladkarin kita palabas dito! Lumayas ka na sa harap ko! Huwag ka nang babalik ha?' Gigil ang tono ni Aling Myrna, nakaramdam ako ng labis na hiya nang pagtinginan ako ng mga babaeng kachismisan niya.
'Siya yung namatayan ng nanay ah? Grabe ka naman Myrna, wala ka man lang konsiderasyon!' Sabi ng isang babaeng kausap ni Myrna.
'Balita ko hindi pa rin nahahanap ang bangkay ng tatay mo?' Tanong pa ng isang babae sa akin.
Tipid akong umiling at umalis na.
Hindi ko alam kung saan ako pupunta ngayon. Halos 300 pesos na lang ang natitirang pera sa wallet ko, hindi sasapat para sa susunod na araw o linggo. Naupo ako sa isang bench habang pinupunasan ang luha at pawis ko.
Kailangan ko makahanap ngayong araw ng trabaho na stay-in. Kahit pagiging kasambahay ay papatusin ko na para lang may matuluyan ngayong araw. Masakit man sa akin at sa pride ko, kung anumang trabaho ang mahahanap ko ngayong araw ay tatanggapin ko basta't ang mahalaga ay may matuluyan ako.
Napatingin ako sa building ng bangko kung saan ako dating nagtatrabaho, mas bumigat ang dibdib ko at mas naiyak. Maganda ang dati kong posisyon sa bangko- Assistant Manager at may magandang sahod. Halos kauumpisa ko pa lang sa pagtatrabaho, nag-uumpisa pa lang magpundar, nag-uumpisa pa lang akong tuparin yung mga pangarap ko.
Hindi ako pupwedeng mag-apply sa mga fast food branch ngayon dahil stay-out ang mga empleyado, at kahit na makapagpasa man ako hindi rin madali ang proseso dahil kailangan pang bumalik nang ilang ulit bago tuluyang makapagtrabaho.
Hindi rin ako pupwede sa mga malls at supermarkets dahil bukod sa matagal din ang proseso ay stay-out din.
Kailangan ko makahanap ng mga tindahan at establishment na may sariling headquarters o pwede kong tuluyan habang nagtatrabaho.
Nakita ko ang isang boutique shop sa may bandang dulo ng bayan, 2-storey building classic ang dating ng shop, makaluma pero moderno ang bawat sulok. Modern Classic ata ang tawag.
'Etheria' sambit ko sa isip nang basahin ko ang pangalan ng shop. Shop ito ng iba't-ibang bulaklak, at mga gown na ngayon ko lang nakita sa buong buhay ko.
'Parang mga gown sa classical movies.' Nasambit ko sa sobrang pagkamangha.
Mas nagningning ang mga mata ko nang mabasa ko sa pintuan nito ang nakapaskil na Wanted Female Helper at mas lumaki pa ang ngiti ko nang mabasa ko na stay-in ang kailangan nilang helper.
Kinundisyon ko ang sarili, pinunasan ang mukha at pawis, inayos ang buhok, at kahit na nahihirapan ay pinilit kong ngumiti nang pumasok ako sa loob.
Tumunog ang doorbell na nasa itaas ng pintuan nang pumasok ako. Napatingin sa akin ang isang middle aged na babae, sa palagay ko ay nasa early 40's ang edad niya, nagkakape.
'Hello, magandang umaga po.' Bati ko. Pinilit kong mag-mukhang stable kahit na nangangatog ang mga tuhod at kumakabog ang puso ko. Kapag hindi ako natanggap dito wala na, matutulog na talaga ako sa kalsada mamayang gabi.
Nakatingin lang siya sa'kin at hindi kumikibo, hinihintay ang mga susunod ko pang sasabihin.
'Itatanong ko lang po sana kung tumatanggap ba pa kayo ng kasama sa trabaho. Ah... ito po yung resumé ko. Kahit anong trabaho po okay lang sa'kin basta po stay-in.' Maririnig ang excitement sa boses ko. Para akong isang batang nanghihikayat ng magulang na bumili ng laruan.
Mula sa kamay ko ay kinuha niya ang resumé ko at binasa.
'Ah, pwede po akong magsimula na ngayon kahit anong oras po ngayong araw, okay lang po sa'kin.' Dagdag ko pa.
'Pasensya na, nakahanap na kasi kami kahapon. Bale nakalimutan lang alisin yung note sa labas.' Muli ay inabot niya sa akin pabalik ang resumé ko.
Umiling-iling ako, 'Kahit anong trabaho po, magsisipag naman ako eh. Hindi po kayo magsisisi, kahit anong trabaho po tatanggapin ko.' Mababakas ang panginginig sa boses ko.
Kumunot ang noo niya at medyo nainis, 'Miss, wala na ngang bakante. Pasensya ka na pero wala talaga akong trabaho na ma-ooffer sa'yo.' Aniya sabay higop ng kape.
Nagmatigas ako, nangingilid na ang luha ko. Ito na lang yung natitirang shop, wala ng iba. Hindi pwedeng hindi ako matanggap dito.
'Ma'am sige na, kahit taga-bantay na lang d'yan sa labas. Kahit taga-bati lang ng mga customer. Kahit ano, sige na. Kaya ko magluto, maglinis, maging kahera, mag-ayos ng mga paninda, maglista ng inventory, manahi, kahit ano.' Pagpupumilit ko. Halos tumulo na ang luha ko habang hawak ang kamay niya, gusot-gusot na rin ang hawak kong resumé.
Natigilan ako sa pagmamakaawa nang bumukas ang pinto na nasa likod ng babae, mula rito ay lumabas ang isang babaeng halos kasing edad lang ng babaeng kausap ko, sobrang puti at halatang mamahalin ang pagkatao. Napatingin siya sa akin, at sa babaeng kausap ko.
'Pasensya na, wala na talagang bakanteng pwesto. Nakakuha na kasi kami kahapon, kung kahapon ka nag-apply baka pwede ka pang matanggap. Lumabas ka na rito sa shop.' Pagtataboy ng babae sa'kin bago nakangiting lumapit at inasikaso ang babaeng kalalabas lang sa pinto.
Bagsak ang ulo ko nang lumabas ako sa shop. Halos nalibot ko ang buong sentro ng bayan. Mag-aalas dose na, hindi pa ako nag-aalmusal. Nahihilo na rin ako at nagugutom. Umupo muna ako sa bench na nasa labas ng Etheria. Dinukot ko ang wallet at pinisil ng mahigpit.
Gusto kong magwala.
Gusto kong magalit.
Bakit naging ganito?
Hindi ko maintindihan.
Muli ay tumunog ang doorbell ng shop at lumabas mula rito yung babaeng maputi na inasikaso nung may-ari ng shop. Napayuko ako dahil nakatingin siya sa'kin, maaamoy sa hangin ang mamahalin niyang pabango.
Mula sa limousine na nakaparada sa harap ng shop ay lumabas ang isang lalaki na halos kaedaran ko lang, katamtaman ang pangangatawan, matangkad, at katulad ng babaeng nasa pintuan ay malaporselana rin ang kutis. Binuhat nito ang mga bag na pinamili ng babae mula sa loob ng shop.
'Hintayin mo na lang ako sa loob ng kotse, Ethan.' Aniya sa lalaking nagbukas ng pintuan ng kotse para sa kanya.
Kailangan ko nang kumain, medyo nahihilo na kasi ako. Mainit pa naman kaya mas nakakadagdag sa hilo at sakit sa ulo.
Tumayo na ako, at binuhat ang bag aalis na sana ako nang matigilan ako sa sinabi ng babae.
'Naghahanap ka ng trabaho?' Para akong kinilabutan sa boses niya. Malamig, at may pagkaprangka ngunit hindi naman galit ang tono.
Napalingon ako sa kanya, 'O-opo. Naghahanap po ako ng trabaho.' Halos mautal at mabulol ako sa panghihina at panginginig na nararamdaman ko.
Umupo siya sa bench kung saan ako nakaupo kanina. Nanatili akong nakatingin sa kanya.
'Stay-in ang hinahanap mong trabaho 'di ba?' Sabi niya habang nakatitig sa akin.
Napatango na lang ako, at inabot ang resumé ko. Hindi ko alam kung bakit hindi ako makapagsalita. Kinuha niya naman ang papel sa kamay ko at marahan na binasa kahit pa medyo gusot at may bahid na ng luha ko ang resumé.
'Willing ka bang magtrabaho sa ibang lugar na medyo may kalayuan rito?' Tanong niya.
Sunod-sunod ang pagtango ko.
'Kahit anong trabaho po, kailangan ko lang po ng matutuluyan ngayon at sa mga susunod na araw habang nagtatrabaho.' Sabi ko nang makahugot ng lakas ng loob.
Umismid siya na nagbigay ng kilabot sa'kin.
'Sigurado ka? Kahit ano?' Tanong niya ulit.
Sunod-sunod ang pagtango ko.
'Kahit pa mag-alaga ng patay?' Nakangisi niyang tanong.