Kai's POV
“Kai, ‘wag kang umuwi nang sobrang gabi ha? Nakakahiya naman sa bisita mo kung gabi na at wala ka pa rito sa bahay.”
Muntik ko nang mahulog ang kutsara ko sa plato nang marinig ko ang boses ni Mama galing sa lababo. Kakakain ko pa lang ng kanin habang nakatulala, pilit na ginigising ang sarili ko mula sa mahimbing na tulog kagabi. Ang bango ng pritong bawang at tuyo ay pumupuno sa buong kusina pamilyar at nakaka-relax, ganito talaga ang amoy ng umaga sa bahay namin. Pero nung narinig ko ang salitang “bisita” mula kay Mama, parang binuhusan ako ng malamig na tubig at biglang nagising ang diwa ko nang tuluyan.
“Oo nga, Ma,” sagot ko nang mabilis sabay iwas ng tingin. Kumuha pa ako ng kaunting ulam para magmukhang abala ako sa pagkain, para hindi na niya ituloy ang usapan.
Sa kabilang dulo ng mesa, narinig ko ang mahinang pag-ubo ni Papa. Dahan-dahan niyang ibinaba ang tasa ng kape bago ako tiningnan nang diretso. May kakaibang ngiti sa mga mata niya yung tipong may ibig sabihin at parang nang-aasar, kahit seryoso pa rin ang tono ng pananalita niya.
“So ikaw pala may dadalawin ngayon, Kai,” sabi niya nang dahan-dahan sabay ngiti nang bahagya. “Sino ba ‘to? Kaklase mo ba? Parang ngayon lang may pupunta rito bukod kina Poom at Achi.”
“Ah… hindi po, Pa,” sagot ko agad, at naramdaman ko agad na umiinit ang mukha at tenga ko. “Kasama ko lang sa darating na patimpalak sa school. Kailangan lang naming mag-ensayo para sa panayam. Mas madali kasing mag-focus kapag tahimik ang lugar.”
“Mabuti naman kung ganoon,” sabi ni Papa sabay higop ulit ng kape niya. “Basta siguraduhin mong maayos ang pagtanggap mo sa kanya. Kahit sino pa ‘yan, panauhin siya ng bahay natin.”
Tumango na lang ako nang mabilis bago tumayo at inilagay ang mga pinagkainan ko sa lababo. Pagkatapos magpaalam kina Mama at Papa, kinuha ko agad ang bag ko at lumabas ng bahay. Maaga pa naman, at ang simoy ng hangin sa labas ay may halong hamog na medyo nakakapalamig ng balat.
Habang naglalakad ako sa tahimik na kalsada papunta sa sakayan, di ko maiwasang hawakan nang mahigpit ang tali ng bag ko. Hay naku, tama ba talaga ang desisyon ko? Ang dami ko namang pwedeng pagpilian na lugar para magsanay, bakit dito pa sa bahay ko? Bigla akong kinabahan nang maisip ko kung ano ang magiging reaksyon ni Thorn kapag nakita niya ang maliit at simpleng bahay namin. Kung ikukumpara sa magarang buhay ng karamihan sa mga Wind Class, ang bahay namin ay pangkaraniwan lang talaga. Pero wala na akong magagawa. Naimbita ko na siya, kaya ang natitira ko na lang gawin ay harapin ang kahit anong mangyari.
.
.
.
Mas tahimik ang mga kalsada ngayong umaga kumpara nitong mga nakaraang araw. Siguro dahil maraming estudyante ang napuyat kakaisip sa nalalapit na Interclass Competition, o baka tinamad lang talagang bumangon dahil sa lamig ng panahon. Gaya ng nakasanayan ko, dumaan ako sa mas maikling ruta, isang makitid at medyo tagong eskinita sa likod ng mga lumang bahay na diretso papunta sa likurang gate ng school. Dito ako madalas dumaan kapag gusto kong umiwas sa ingay ng highway at sa dagsa ng mga estudyante tuwing umaga.
Habang naglalakad ako sa tabi ng lumang pader na halos natatakpan na ng makakapal na baging, bigla kong narinig ang sunod-sunod na yabag ng mga sapatos mula sa unahan. Mabilis ang takbo ng kung sino man iyon, parang may hinahabol o mas tamang sabihing... may tinatakasan. Bago pa ako tuluyang makaiwas sa daan, isang estudyante ang biglang lumiko mula sa kanto ng eskinita at halos mapasubsob sa pagmamadaling tumakbo papunta sa direksyon ko.
Nanlaki ang mga mata ko nang makita ko ang itsura niya. Punong-puno ng sariwang pasa ang mukha niya, may dugo pa sa gilid ng labi, at gusot na gusot ang uniporme niyang obvious na galing sa school namin. Puno rin iyon ng putik at alikabok, na para bang ilang beses siyang natumba o walang awang binugbog sa lupa. Hingal na hingal siya, halos hindi na makabawi ng hininga, at kitang-kita sa mga mata niya ang matinding takot.
Pagdating niya sa harap ko, wala siyang inaksayang oras. Agad niyang hinawakan nang mahigpit ang braso ko. Nanginginig ang mga daliri niya, at kahit sa manipis na tela ng uniporme ko ay ramdam ko ang lamig ng mga kamay niya.
"Please..." paos at nanginginig niyang bulong. Halos hindi na lumalabas ang boses niya. "Tulungan mo ako... pakiusap... ipagtanggol mo ako."
"H-Hoy, teka lang. Anong nangyari sa'yo?" mabilis kong tanong habang inalalayan ko siya para hindi siya tuluyang bumagsak. "Sino'ng gumawa nito?"
Bago pa siya makasagot, may narinig akong mababagal na yabag mula sa madilim na bahagi ng eskinita. Hindi iyon nagmamadali. Kampante lang, na para bang alam nilang wala silang dapat ikatakot. Ilang segundo lang ang lumipas bago unti-unting lumitaw ang dalawang pamilyar na pigura mula sa anino.
Si Jom.
At sa tabi niya... si Krit.
Kusa akong napaurong nang isang hakbang, habang ang sugatang estudyante ay mas lalo pang nagtago sa likod ko. Mahigpit siyang kumapit sa likod ng polo ko, at ramdam ko ang panginginig ng buo niyang katawan. Sa itsura pa lang niya, halatang sapat na ang makita sina Jom at Krit para tuluyan siyang mawalan ng lakas ng loob.
Huminto si Krit mga limang hakbang ang layo sa amin. Nakapasok ang mga kamay niya sa bulsa ng trouser niya, at nanatiling kalmado ang ekspresyon ng mukha niya. Pero mas nakakatakot pa ang ganoong klaseng katahimikan kaysa sa galit. May bahagyang ngiti pa rin sa labi niya habang dahan-dahan niyang sinusukat ang itsura ko, saka lumipat ang tingin niya sa estudyanteng halos nakatago na sa likod ko.
"O, Kai ng Fire Class," nakangiti niyang bati, na para bang normal lang ang lahat at nagkataon lang kaming nagkita sa daan. "Masyado kang napaaga sa pakikialam sa mga bagay na hindi naman para sa'yo. Bitawan mo na siya at pumasok ka na sa school. Baka ma-late ka pa."
Hindi ako agad sumagot. Pinilit kong panatilihing kalmado ang sarili ko kahit ramdam kong unti-unting bumibilis ang t***k ng puso ko. "Anong nangyayari rito, Krit?" tanong ko habang diretsong nakatingin sa kanya. "Bakit niyo ginagawa 'to sa sarili niyong kaklase?"
Saglit na napatingin si Krit kay Jom bago muling ibinalik ang atensyon sa akin. Tahimik lang si Jom sa tabi niya. Nakayuko siya at nakatingin lang sa semento. Napansin kong mahigpit ang pagkakakuyom ng mga kamao niya, pero wala siyang sinasabing kahit ano. Hindi rin siya makatingin sa akin, o kahit doon sa sugatang estudyante. Sa unang pagkakataon, parang may bakas ng pag-aalinlangan sa mukha niya, na para bang hindi siya komportable sa sitwasyong 'to pero wala siyang magawa kundi sumunod.
"Personal problem lang 'to ng Earth Class, Kai," kalmadong sagot ni Krit sabay kibit ng balikat. "Simpleng paalala lang sa mga taong nakakalimot kung saan ang lugar nila. Kaya huwag mo nang gawing komplikado ang buhay mo. Pumasok ka na lang."
Lalong humigpit ang kapit ng estudyante sa likod ko. Halos manginig ang boses niya nang muli siyang magsalita. "Please... huwag mo akong iiwan dito."
Napabuntong-hininga ako bago muling tumingin kay Krit. "Hindi ko siya ibibigay sa inyo. Kung may problema kayo, ayusin niyo sa loob ng klase niyo. Hindi 'yung ganito."
Biglang natahimik ang eskinita. Ilang segundo ring walang nagsalita. Unti-unting nawala ang ngiti sa labi ni Krit at napalitan iyon ng malamig na tingin. Wala siyang ginagawa, nakatitig lang siya sa akin, na para bang sinusubukan niyang alamin kung hanggang saan ang kaya kong panindigan. Ramdam ko ang malamig na pawis na dumadaloy sa noo ko, pero hindi ako gumalaw kahit gusto nang umatras ng katawan ko.
Bago pa tuluyang uminit ang sitwasyon, may narinig kaming tawanan at usapan mula sa kabilang dulo ng kalsada. Napalingon kaming lahat nang makita ang ilang estudyante mula sa Water at Wind Class na naglalakad papunta sa school gate. Hindi pa nila kami napapansin, pero ilang segundo na lang at siguradong makikita rin nila ang nangyayari.
Napansin din iyon ni Krit.
Unti-unti siyang ngumiti ulit, pero mas nakakairita na ang ngiting iyon kaysa kanina. Lumapit siya nang kaunti, sapat lang para kami-kami lang ang makarinig sa sasabihin niya.
"Matapang ka pala talaga, Kai," mahina niyang sabi. "Pero magkikita pa tayo. Mahaba pa ang kompetisyon."
Pagkasabi no'n, sumenyas lang siya kay Jom. Walang salitang sumunod si Jom at pareho silang tumalikod, saka dahan-dahang naglakad palayo papunta sa pangunahing gate ng paaralan.
Nanatili akong nakatingin sa kanila hanggang sa tuluyan silang mawala sa dulo ng kalsada. Doon ko lang napansing nanginginig na pala ang mga binti ko. Kanina ko pa pala pinipigilan ang kaba para lang hindi mahalata sa harap nila.
Maya-maya, marahan nang bumitaw sa akin ang sugatang estudyante. Paulit-ulit siyang yumuko, halatang hindi niya alam kung paano magpapasalamat.
"Salamat... salamat talaga sayo," nanginginig pa rin niyang sabi. "Kung hindi ka dumating... hindi ko alam kung anong gagawin nila sa'kin."
"Ayos lang," sagot ko habang tinatanggal ang putik sa balikat ng uniporme niya. "Pumunta ka muna sa clinic. Linisin mo muna 'yang mga sugat mo bago ka pumasok."
Tumango siya at akmang aalis na sana, pero bigla siyang huminto. Lumingon siya sa akin, at mas seryoso ang mukha niya ngayon kaysa kanina.
"Mag-ingat ka, Kai," mahina niyang sabi. "Hindi lang basta bully si Krit. Mas malalim ang mga plano niya kaysa sa iniisip ng lahat."
Hindi na siya nagsalita pa. Mabilis na siyang tumalikod at naglakad papunta sa school clinic, habang ako naman ay naiwan sa gitna ng eskinita.
Habang tinatahak ko ang natitirang daan papasok ng school, paulit-ulit na bumabalik sa isip ko ang sinabi niya. Pakiramdam ko, hindi lang tungkol sa Interclass Competition ang lahat ng nangyayari. Parang may mas malaking bagay na unti-unti pa lang nagsisimulang gumalaw, at wala pa kaming ideya kung gaano kalalim ang gulong naghihintay sa amin.
"Late ka na naman, pre. Traffic ba talaga o may bago ka na namang palusot?"
Iyon agad ang bungad ni Poom pagkapasok ko sa classroom. Nakasandal siya sa mesa niya habang pinaglalaruan ang isang papel na ginawa niyang eroplanong papel. Si Achi naman ay nasa tabi ng bintana, may hawak na ballpen at tahimik lang akong pinagmamasdan, halatang may gusto na namang usisain.
"Traffic lang talaga," maikli kong sagot habang inilalagay ang backpack ko sa likod ng upuan. Pagkaupo ko, agad kong inayos ang uniporme ko at sinigurong hindi halata ang bahid ng putik na nakuha ko kanina habang tinutulungan ang sugatang estudyante.
"Traffic na naman?" natatawang sabi ni Poom. "Araw-araw na lang yata traffic sa'yo."
Kasabay no'n, pinalipad niya ang eroplanong papel papunta sa harap ng classroom. Eksakto namang nasalo iyon ni Tawan, na kararating lang sa mesa niya. Napailing na lang siya bago ibinaba ang papel sa ibabaw ng lamesa.
"Manahimik ka nga, Poom," sabi ko habang pilit na pinapakalma ang sarili ko. Ayokong mahalata nilang wala sa sarili ang isip ko mula pa kanina.
Hindi ko sinabi sa kanila ang nangyari sa eskinita.
Alam kong kapag nalaman ni Poom ang tungkol doon, hindi niya mapipigilang ikuwento iyon sa iba. Mabilis kakalat ang balita sa buong Fire Class, at paniguradong magdudulot lang iyon ng panibagong problema. Sapat na ang stress ng lahat sa paghahanda para sa business booth at sa nalalapit na kompetisyon. Hindi na nila kailangan pang madagdagan ng isa pang alalahanin.
Kaya nanahimik na lang ako.
Habang nagtuturo ang teacher sa harap, wala halos pumapasok sa isip ko. Paminsan-minsan, napapatingin ako sa bintana papunta sa Earth Class building sa kabilang bahagi ng quadrangle.
Doon ko siya nakita.
Nakatayo si Krit sa corridor ng building nila, may hawak na baso ng juice habang masayang nakikipagkuwentuhan sa ilang kaklase niya. Paminsan-minsan pa nga ay tumatawa siya, na para bang wala siyang ibang iniisip kundi ang normal na buhay-estudyante.
Kung hindi ko mismo nakita ang nangyari kanina, iisipin kong mabait lang siyang estudyante.
Malinis ang uniporme niya.
Kalma ang kilos niya.
At walang kahit anong bakas na ilang oras lang ang nakalipas ay may tinatakot siyang kapwa niya estudyante sa isang tagong eskinita.
Doon ko lalo naramdaman ang kilabot.
Mas nakakatakot pala ang taong kayang magpalit ng mukha depende sa kung sino ang nakatingin sa kanya. Sa dilim, kaya niyang maging malamig at walang awa. Pero pagdating sa loob ng school, nagagawa niyang ngumiti, makipagtawanan, at magkunwaring walang nangyari.
Habang nakatingin ako sa kanya mula sa bintana, hindi ko maiwasang isipin ang sinabi ng sugatang estudyante kanina.
Hindi lang basta bully si Krit.
Mas malalim ang mga plano niya.
At pakiramdam ko... unti-unti pa lang nagsisimula ang lahat.
"The Interclass Competition is not just about showing off your class labels, class," paliwanag ng Science teacher namin habang seryosong nagsusulat sa blackboard gamit ang chalk. "Isa rin itong pagsubok sa teamwork at academic performance niyo. Ayon sa guidelines, inaasahan ang 100% participation ng bawat estudyante, lalo na sa business booths ng bawat klase. Kaya siguraduhin ninyong maayos ang koordinasyon niyo sa class president niyo."
Pagkatapos no'n, nagsimula nang magbulungan ang buong klase. Halos lahat abala sa pag-uusap tungkol sa nalalapit na kompetisyon. Yung iba, excited sa mga laro. Yung iba naman, tungkol sa business booth ang pinag-uusapan. Nang mabanggit ng teacher ang malaking cash prize at scholarship na ibibigay ng mga sponsor ng school, lalo pang naging maingay ang classroom. Halatang sabik na sabik na ang lahat.
Tahimik lang akong napasandal sa upuan ko habang pinagmamasdan ang masasayang mukha ng mga kaklase ko. Naririnig ko silang nagtatawanan habang nagpapalitan ng ideya para sa magiging disenyo ng booth namin. Kung tutuusin, dapat ganoon din ang iniisip ko ngayon.
Pero hindi ko magawa.
Paulit-ulit pa ring bumabalik sa isip ko ang nangyari kanina sa eskinita.
Hindi ko maiwasang isipin kung gaano ka-absurdo ang lahat. Sa labas ng mga classroom na 'to, may mga estudyanteng araw-araw na nabubuhay sa takot. May mga nasasaktan, may mga pinapatahimik, at may mga napipilitang magtiis. Pero pagpasok sa loob ng school, parang walang nangyayari. Parang isang normal na araw lang ulit para sa lahat.
Doon ko lalo naintindihan kung bakit walang halos nagsasalita.
Hindi dahil walang nakakakita.
Kundi dahil mas madaling magkunwaring walang problema kaysa kalabanin ang sistemang matagal nang umiiral.
Hangga't hindi ikaw ang direktang naaapektuhan, madaling isipin na maayos lang ang lahat.
At marahil iyon ang pinakanakakatakot sa school na 'to.