Nangangatog ang mga kamay niya na pumipindot sa laptop. Pakiramdam niya ay namamanhid ang kanyang pakiramdam habang tila gustong lumabas ng puso niya sa lakas ng pagkabog nito. Ngayon ang araw ng paglabas ng resulta ng Physician's Licensure Exam.
Nang makapasok sa site ay nag-scroll siya at dahan-dahan na hinanap ang pangalan niya. Halos pigilan niya ang kanyang paghinga.
Ngunit tila siya nanghina ng wala roon ang pangalan niya. Muli niyang binalikan ang listahan at isa-isang binasa ang mga pangalan. Umaasa na baka namalikmata lamang siya, ngunit tila mas dumoble ang dismaya at sakit na nararamdaman niya. Padabog niyang isinara ang laptop at yumuko sa lamesa.
"Sorry Dad and Uncle. I failed you guys again," sambit niya sa pagitan ng paghikbi.
Bakit nga ba tila napakailap sa kanya ng pagpasa na ito sa board exam. Binuhos naman niya ang lahat, nag-aral naman siya at nag-review ng mabuti. Halos hindi na nga siya matulog.
"Ano pa ba ang kailangan ko gawin? Ayoko na!" Dinampot niya ang isang medical book sa tabi niya at inihagis iyon. Pati ang mga notebooks niya na may mga notes ay napagdiskitahan niya rin at pinaghahagis.
Ilang sandali pa ay biglang tumunog ang cellphone niya. Inabot niya ito at tinignan ang caller bago mabilis itong sinagot habang pinupunasan ng isang kamay ang luha sa mukha niya.
"Hello Uncle! Kamusta po?" pilit niyang pinasigla ang boses. Ayaw niyang mahalata nito ang lungkot niya. Malamang ay alam na nito na hindi nanaman siya nakapasa.
"Gayl! Anak, maari mo ba ako dalawin sa bahay? Medyo ako ay sinusumpong ng arthritis at hindi ako makakilos ng maayos," lambing nito sa kaniya. Alam niyang paraan lang ito ng Uncle niya para mapapunta siya sa bahay nito at hindi siya sobrang malungkot dahil hindi siya nakapasa sa board exam.
"Sige po Uncle. Pupunta po ako mamayang hapon. Kayo ho kasi ang tigas ng ulo ninyo. Baka kumakain nanaman kayo ng bawal kaya sinusumpong ka nanaman ng arthritis mo," sermon niya rito.
Dinig niya ang mahinang pagtawa nito. "Magdala ka ng paborito kong lansones ha. Nami-miss ko na iyon," dagdag pa nito.
"Ngayon lang ho ba kayo nakalabas sa kampo?"
"Oo. Kahapon lang ako lumabas pero babalik din ako bukas."
"Ah sige po Uncle. See you later!" paalam niya sa tiyuhin bago ibinaba ang telepono.
Humigit siya ng hangin at bumuga ng malakas at ngumiti.
"Hindi man ako pinalad makapasa sa board exam, mapalad naman ako na may Uncle pa ako na nagmamahal sa akin. Tinupad nito ang pangako sa Daddy niya na aalagaan siya nito. Hanggang sa tumanda na nga itong binata." Tumayo na siya at dinampot isa-isa ang mga nagkalat na libro at notes niya sa sahig.
Desidido na hindi dapat siya magpaapekto. Ilalabas na lang niya lahat ng sama ng loob sa target shooting at boxing bago siya dumiretso sa uncle niya.
Mabilis siyang naligo at nagbihis at kinarga sa kotse niya ang mga gamit at magaan ang mga paa na umikot at sumakay na sa kotse sabay sibad.
Ilang saglit siyang namalagi sa gym at binuhos ang sama ng loob sa boxing. Walang tigil niyang pinagsusuntok ang punching bag na nakasabit hanggang sa mapagod at manakit ang mga kamao niya.
Hindi pa siya nakuntento at naghanap pa siya ng ka-sparring. "Elias! Halika nga at mag-sparring tayo," tawag niya sa lalaki na madalas din sa gym na iyon.
"Nah! Hindi ako handang mabugbog ngayon, Moon! Sana sinabihan mo ako para napaghandaan kita," natatawang sagot nito sabay lagok ng tubig mula sa tumbler nito habang basang-basa na ng pawis.
"Sige na! Ang boring kapag walang ka-sparring. Tsaka balita ko isa ka sa nagsasanay para sumabak sa professional boxing. Tara na! Pagpraktisan mo 'ko," pangungumbinse niya rito. Ang isang kamay niya ay kumukumpas para lumapit na ito sa ring at ang isang kamay naman niya ay nasa beywang.
Umiiling itong naglakad palapit at umakyat na rin sa ring." Ikaw? Iyang ganiyan kaganda pagpapraktisan? No way, Moon!" Winasiwas pa nito ang dalawang kamay para ipakita sa kanya ang hindi pagsang-ayon.
Umirap siya at muling isinuot ang boxing gloves at pinaguntog pa ito. "Tama na ang bola, sparring na! Ilabas mo mga secret combination mo," wika niya pa rito at itinaas na ang mga kamao at dumepensa.
Pumwesto na rin ang lalaki at dumepensa. Nauna siyang sumugod at binigyan ito ng combination na straight punch sabay upper cut.
Tinamaan ito ng straight punch niya pero mabilis nitong nailagan ang upper cut. Kung hindi nito nailagan iyon malamang tulog ito.
Sunod-sunod na suntok pa at combination punches ang pinakawalan niya ng may mapagtanto siya.
"Hoy! Bakit hindi ka sumusuntok? Puro ka ilag at depensa!" inis na wika niya rito na tinawanan naman nito.
"Ay, susuntok din ba 'ko? Akala ko kasi kailangan mo lang ng punching bag," sambit nito ng nakangiti habang kumakamot sa ulo gamit ang gloves.
Mabilis niyang nilapitan ito at itinuktok ng mahina ang gloves sa ulo nito.
"May sparring bang isa lang ang sumusuntok? Edi sana nag-punching bag na lang ako!" pairap na wika niya rito.
"Sorry talaga, Moon. Hindi ko talaga kaya makipagsuntukan sa 'yo eh!" Tila totoong nahihiya ito.
"Drama mo! Pektusan kita eh. Sige balik ka na roon sa practice mo, ang pangit mo naman ka-sparring!" mahina niyang sinuntok ito sa braso matapos hubarin ang gloves sabay dampot ng tumbler niya at dumiretso na sa locker room para magshower at magpalit.
Dahil hindi siya nakuntento sa boxing ay dumiretso siya sa firing range ng kumpare ng Daddy at uncle niya. Dito siya natuto bumaril at nahasa maging sharp shooter.
"Moon! Buti naman at nadalaw ka ulit dito. Kamusta ka na, Hija?" Salubong sa kanya ni Don Gonzalo. Ang may-ari ng firing range.
"Hi Tito Gonz! Kailangan ko na ulit magpractice, baka kalawangin ako," magiliw na sagot niya at bumeso rito ng makalapit. Wala itong anak na babae kaya napakagiliw din nito sa kaniya.
"Jarred, ikaw na mag-assist dito kay Moon. At pupuntahan ko si Mercy para dalhan kayo ng meryenda," tawag nito sa bunsong anak.
Kilala niya ang dalawang anak ni Don Gonzalo, ang panganay na si Joven ay may pamilya na at siyang namamahala sa negosyo nilang exporting ng furnitures habang ang bunso naman na si Jarred ang namamahala logistics company nila.
"Yes, Pa. Ako na po bahala kay Moon," sagot nito sabay tango sa ama. Tinapik pa ito ni Don Gonzalo sa balikat at ngumiti sa kanya bago tumalikod na at naglakad papasok sa loob.
Si Jarred ang matagal ng nirereto ng Don sa kaniya kahit noong nabubuhay pa ang daddy niya. Nauulinigan pa nga niya dati na ipagkakasundo raw sila nito kapag lumaki na sila.
"Hi Moon," bati nito sa kaniya. Nakangiti ito hanggang mata at kita ang biloy nito sa magkabilang pisngi. Totoo namang guwapo ito, matangkad at stable na. Pero ang hindi lang niya gusto sa naririnig tungkol dito ay ang pagiging babaero nito. Well, sa itsura naman kasi nito ay hindi imposible o baka nga minsan ay ang babae na ang nalapit dito.
"Hi Red, kamusta?" nakita niya na bahagya itong nag-blush sa paraan ng pagtawag niya rito.
"Okay naman. Mabuti at nadalaw ka rito. Si Papa ay madalas kang nababanggit. Kaya sigurado akong masaya iyon ngayon na nakita ka niya," wika nito na iginiya siya papunta sa firing range.
Sabay silang napalingon ng may isang grupo na pumasok na puro naka-suit. Sa tantiya niya ay nasa mahigit sampu ang mga ito. Tinignan niya si Jarred na may nagtatanong na mata na mukha naman na naintindihan nito.
"VIP Member namin, si Mr. Henris kasama ang mga tauhan niya. Lagi niya dinadalaw si Papa na ninong niya at dito na rin nagpapractice ng target shooting.
Tumango-tango siya at lumapit na sa lamesa kung saan nakalatag na ang iba't-ibang klase ng baril.
Muli siyang napalingon sa kabila na tila may kung anong pwersa ang humihila sa kanya. Nakita niya ang isang bulto ng lalaki na nakatalikod. Naiiba ang suot nito kumpara sa mga kasama nito na naka-black suit. Ito ay naka red long sleeves na pinatungan ng vest. Matipuno ang katawan nito at matangkad. Nagtataglay rin ang presensiya nito ng kakaibang aura na hindi niya maipaliwanag.
Napakurap siya ng tumagilid ito at nakita ng bahagya ang mukha nito.
In fairness, mukhang may itsura!
Pero dagli niyang binawi ang tingin ng makitang lumingon ito sa gawi niya at nagkunwari na abala sa paglalagay ng bala sa magazine.
Kahit hindi kumportable ay nagsimula siyang umasinta. May pares ng mata kasi siyang nararamdaman na nakamasid sa kanya.
Napaigtad siya ng may maramdaman na kamay mula sa likod niya ang humawak sa braso niya.
"Are you okay, Moon? Mali kasi itong position ng kamay mo, pati ang stance mo," Napakurap siya ng mapagtanto na si Jarred pala iyon.
Agad naman siyang umayos at muling umasinta. Ngunit ng akma na niyang ipuputok ang gatilyo ay bigla siyang napatda ng may naunang magpaputok at inasinta ang target board niya. At bullseye ang tama!
Kumunot ang noo niya at napalingon siya sa gilid at nagtama ang mata nila ng estranghero. Gwapo ito at tila nakita na niya sa kung saan. Maganda ang mga mata nito ngunit may hatid na kilabot sa kaniya ang titig nito.