Chapter 7: Cinderello: The Male Cinderella
Written By: CDLiNKPh
SA KABILANG DAKO ay narating na ni Christian ang Manila. Totoo nga ang mga sinabi ni Nikki noon. Napakaganda nga ng Manila. Maraming mga nagtatayugang buildings at magagandang lugar. Bukod doon ay talagang mas maraming opportunity na hindi niya makikita sa San Felipe para sa mga taong katulad niya. Pero sa kasamaang palad ay wala siyang pagkakataon para i-grab ang opportunity na iyon dahil heto siya at nakakulong sa isang trabaho na wala siyang ibang pagpipilian kundi ang gawin.
Nakilala niya ang Tito Victor niya, ang kapatid ng ina niya na dati ring galing sa hirap at ngayon ay may kaunti na ring narating sa buhay. Ang asawa nitong si Imelda na walang ibang ginawa kundi ang sumbatan siya sa pagpapatira ng mga ito roon sa kanya at ang dalawang anak ng mga ito na sina Charles at Darwin na panay ang utos at paninigaw sa kanya kahit na matanda siya ng dalawa at isang taon sa mga ito.
“Hoy, Christian! Bilisan mo nga riyan at tatanghaliin tayo rito! Huwag kang ba-bagal-bagal sa pagkilos kung gusto mong may makain mamaya!” Narinig niyang sigaw ng tiyuhin.
Agad na siyang sumunod at binuhat ang mga mabibigat na karton na naglalaman ng mga products na ilalagay nila para sa bagong bukas na grocery ng mga ito.
Ganoon ang kinahinatnan niya simula no'ng dumating siya sa siyudad. Kargador at nagtitinda siya ng isda sa San Felipe pero hindi rin nalalayo sa ginagawa niya ngayon. Except nga lang doon na kumikita siya. Samantalang dito sa Manila ay nagtatabaho siya para sa mga kamag-anak nang walang bayad.
Iyon ay dahil sa nalaman niya na tito pala niya ang may-ari isinanla niyang lupa noon sa probinsya na ginamit niya para maipalibing ang mga magulang niya. Sa totoo lang kasi ay wala naman sa kanya ang titulo ng lupa nila roon. Mabuti na nga lang ay pumayag ang napagsanlaan niya na maglabas ng pera kahit wala rito ang titulo. Nagkaroon lamang ng pirmahan kasama ang abogado ng napagsanlaan niya. Ang pirma lamang niya ang nagpapatunay na isinanla nga niya ang lupa rito.
Namatay ang mga magulang niya noon na hindi naibilin sa kanya ang lupa. Ang buong akala niya ay pag-aari nila ang lupang kinatitirikan ng bahay nila dahil simula bata pa lang siya ay doon na sila nakatira kaya nagulat na lamang siya nang may pinakitang papeles ang tito niya na nagpapatunay na ito pala talaga ang may-ari ng lupa. Ito pa tuloy ang nagtubos ng lupang pinagsanlaan niya. Kaya naman ino-obliga siya nitong mag-trabaho ngayon dahil daw sa malaking utang niya na kailangan niyang bayaran. Hindi raw siya maaaring umalis hangga't hindi siya nakakapagbayad.
Noong una ay mabait naman ang Tito Victor niya sa kanya. Papayagan naman daw siya nitong mag-apply sa iba pero gawin daw muna niya ang obligasyon niya roon bilang tagasilbi o alalay sa grocery. Iyon nga lang, pati sa bahay ay ginagawa siyang 'boy' ng mga ito o utusan. Nararamdaman naman niya na hindi naman talaga kamag-anak ang trato ng mga ito sa kanya. Pumayag na lang din siya dahil sa hiya niya sa tiyo niya na nagsanla siya ng bahay na hindi naman pala kanya. Siguro naman ay papayagan din siya ng tiyo niya na mag-apply kapag nakaluwag-luwag na ang mga ito at stable na ang bagong tayong grocery. Kapag pinayagan na siya nito na mag-apply ay saka pa lang niya magagawa ang tunay na layunin niya sa Manila. Ang umasenso rin tulad nito. Para may maipagmalaki na siya sa daddy ni Nikki. Para magkaroon na siya ng karapatan na maging nobyo ng anak nito...
Mag-ga-gabi na nang makauwi sila ng tito niya sa bahay ng mga ito na napakarangya. Dumiretso na siya sa kwarto niya sa maliit na attic pagkatapos niyang kainin ang sardinas na ibinigay ng tito niya sa kanya.
Matapos niyang mag-toothbrush at magligpit ay ang paghiga na agad ang unang ginawa niya. Hinahanap-hanap na ng katawan niya ang pahinga dahil sa maghapong trabaho.
Pagkahiga ay agad niyang kinuha ang picture nila ni Nikki sa ilalim ng unan. Makita lang niya ang picture at isipin lamang niya ito ay nawawala na ang pagod niya. Sa tuwing nakikita niya ang picture ay lalo lamang siyang nagkakaroon ng determinasyon na umalis sa lugar na iyon. Magkaroon lang siya nang pagkakataon ay talagang aalis din siya sa lugar na iyon. Hindi niya sasayangin ang pinag-aralan at lalong hindi niya sasayangin ang pagkakataon na ibinigay sa kanya ni Nikki. Sisiguraduhin niya na sa pagkikita nilang muli ay may narating na siya sa buhay.
Bumalik sa ala-ala niya ang una nila noong pagkikita. Kung paano silang napalapit sa isa’t-isa...
"BILISAN MO, GIRL! Mahuhuli tayo ni Teacher Abie niyan e!" Narinig niyang may nagsalita mula sa kabilang bahagi ng pader.
Naroon siya sa likod ng school para magbasa ng libro. Mas nakakapag-concentrate kasi siya kapag mag-isa at nakahigang nagbabasa roon sa damuhan pero may maingay pa rin pala kahit umiiwas na siya sa ingay.
Iritableng napalingon siya sa nagsasalita. Nakita niya ang pinakasikat na babae sa school. Si Nikki Ybanez.
Sobrang ganda ng mukha nito. Maputi, mahaba ang super straight na buhok at nakakahumaling ang mga mata. Mas lalo itong gumaganda kapag ngumingiti ito. Bukod doon ay sexy pa ito at mayaman. Leader ng cheering squad kaya halos lahat ng lalaki sa campus na kakilala niya ay may gusto rito o nagdaan sa pagkakagusto rito kahit na second year high school pa lang ito.
Well, except lang siya. He finds her so irritating. Makita pa lang niya ito ay kumukulo na ang dugo niya. Dahil spoiled ito at puro pagpapasaya lang sa buhay ang alam. Ganoon naman yata talaga ang lahat ng mayayaman.
"Saglit lang naman, girl! Hindi naman ako unggoy para maging expert sa pag-akyat sa mga pader 'no! Chillax ka lang diyan, okay?" sabi ni Nikki. Mukhang nasa labas na ng bakod ang kaibigan nitong malamang ay isa ring rich spoiled brat na katulad nito.
"Hoy, kung magka-cutting kayo at tatakas sa school, pwede ba pakibilisan n'yo naman? Dahil kung sadyang manhid ka o nagtatanga-tangahan e, sasabihin ko na sa 'yo. Nakakaistorbo ka sa isang taong nag-aaral. So, kung wala kayong pakialam na bumagsak kayo e, huwag na kayong mandamay, pwede ba?" inis na sabi niya.
Natigil sa pag-akyat ang magandang babae at napalingon ito sa kanya. Mukhang iritable ito no'ng una pero nagulat siya nang bigla na lang itong ngumiti ng pagkatamis-tamis at nilapitan siya.
"Ikaw naman, kuya, ang sungit-sungit mo. Sayang kasi ang cute mo pa naman. Huwag ka nang magalit, okay? Last na 'to, promise?" pa-cute na sabi nito na bahagya pang nilaro ng daliri nito ang dibdib niya na halatang nang-aakit. "Favor lang, oh. Pwede bang tulungan mo akong makatawid dito sa mataas na bakod na ito? May importanteng lakad lang kasi kaming dapat puntahan ni Annie, e. Alam mo na, nakakatakot umakyat sa bakod. Baka masugatan ang flawless skin ko. Please?" Pinalambing pa nito ang boses at sa pagkakataong ito ay bahagya pa itong dumikit sa kanya.
Hindi niya maintindihan kung bakit parang biglang huminto ang paghinga niya nang dahil sa ginawa nito. Para siyang natutulala na hindi niya maintindihan. Ganito ba talaga ang pakiramdam na ma-approach ng isang Nikki Ybanez? Nakaka-starstruck ito kahit na hindi naman ito artista. Mas lalong gumaganda ito lalo na kapag sa malapitan.
Pero dahil hindi naman siya katulad ng ibang lalaki na nagpapadala sa bugso ng damdamin at sakit ng puson e, nginisian lang niya ito. "Importanteng lakad? Sa bar ba ang pupuntahan ninyo? Sa bar na kung tutuusin ay bawal magpapasok ng minor pero susuhulan ninyo para makainom kayo ng alak? Wala ba talaga kayong alam gawin na mayayaman kundi ang magsayang ng oras at pera para sa mga walang ka-kwenta-kwentang bagay? Imbes na mag-aral kayo ay puro bulakbol pa ang ginagawa ninyo and you expect me to help you with one of your scheme? That's not going to happen, little girl."
Halatang na-shock si Nikki sa sinabi niya. Hindi ito agad nakasagot at bahagya pa ngang napanganga. Mukhang hindi lang yata ito makapaniwala na mayroong isang lalaki ang kayang hindi magpadala sa charm nito. Parang bahagya pa nga itong napahiya.
"Oo na, manong. Andami mong sinasabi!" inis na nilayasan siya nito saka pumunta ulit ito sa bandang bakod para ipagpatuloy na naman ang pagpipilit nitong umakyat.
"Hah! Mukha ba akong matanda sa tingin mo? Maka-manong ka, ah!" inis din na sabi niya.
"Bakit, hindi ka pa ba nagmumukhang matanda riyan dahil sa kasungitan mo? Kung ipapagpapatuloy mo 'yan, talagang magmumukhang kang matandang hukluban—" Hindi na nito naituloy pa ang sinasabi nito dahil nakabitaw na ito sa kinakapitan nito dahil bahagya siya nitong nilingon.
Nanlaki ang mga mata niya nang mapansin na malalaglag na ito pero naging maagap siya at sinalo ito!
"Ahh!" Napaungol siya nang kaunti dahil nadaganan siya nito. Magaan naman ang babae pero dahil sa biglaang lakas ng impact nang pagbagsak nito ay bahagyang nasaktan si Jun-Jun! "Bakit ba kasi pinipilit mo pang umakyat e, hindi mo naman kaya—" Natigilan siya dahil sobrang lapit na pala nang mukha nila sa isa't-isa na halos magkakahalikan na sila!
Muli ay parang huminto na naman ang mundo kung saan silang dalawa na lamang ang naroroon. Bahagya niyang naaamoy ang mabangong hininga nito. Naglalaban ng titigan ang mga mata nila. Hindi niya alam kung nararamdaman din ba nito ang nararamdaman niya pero napansin niya na parang nanginginig din ito. Basta ang alam lang niya ay ang lakas-lakas ng tambol ng puso niya at wala siyang ibang gustong gawin kundi ang tawirin ang napaka-ikling espasyo sa pagitan nila ni Nikki.
Walang salitang namutawi sa kanila pero unti-unti ay mas lalo pang naglapit ang mga labi nila hanggang sa magsasayad na sana iyon nang bigla sila parehas matigilan nang makarinig ng isang boses.
"Nikki! Ano ng nangyari sa 'yo, riyan? Nalaglag ka ba?” Exagerrated na sabi ni Annie mula sa kabila.
Kapwa naman sila natauhan at parang nandidiri pa sa isa't-isa na naghiwalay.
"Ikaw ha, m******s ka! Ano’ng gagawin mo kanina? Gusto mo akong halikan 'no?!" inis na bintang nito.
Sarkastikong napatawa siya. "Ako, manghahalik ng isang neneng katulad mo? Second year high school ka pa lang, hindi ba? Pwes, ako ay third year college na kaya kung tutuusin ay kuya mo na ako! Wala akong interes sa mga babaeng may gatas pa sa labi. Baka nga ikaw pa riyan ang may gusto sa akin kaya halos itapon mo ang sarili mo sa katawan ko!" pang-iinsulto niya.
Ito naman ngayon ang tumawa ng sarkastiko. "Kapaaal. Naririnig mo ba 'yang sinasabi mo? Kilala mo ba kung sino ako? Si Nikki Ybanez lang naman ako, isa sa pinakasikat na babae rito sa school! Hindi na nga ako magtataka kung sasabihin mo na stalker kita kasi nakita mo akong tumatakas dito sa likod ng school, e. Bihira lang ang tao sa lugar na ito ng school kaya sa tingin ko ay hindi aksidente lang na nandito ka rin!" pagbibintang nito na tinawanan lang niya.
"Uulitin ko at paulit-ulit kong sasabihin, Nikki. Yeah, kilala kita dahil katulad ng sinabi mo ay sikat ka. Pero alam mo ba kung bakit sikat ka? Simply because you're beautiful and rich. Pero ang utak mo ba, may laman man lang ba? Mag-aral ka muna bago mo sabihin na may gusto ako sa 'yo. Kapag natalo mo ako pagdating sa academics ay baka magbago pa ang isip ko. Sorry not sorry, Ms. Ybanez, but I hate stupid girls." Iyon lang at nilayasan na niya nito.
"Aba't— Ang kapal ng mukha mo, ah! Sino’ng sinasabihan mong tanga?!" inis na sigaw nito.
"Sino pa ba sa tingin mo ang kausap ko?" nakangising tanong niya habang naglalakad palayo.
"Magsisisi ka sa sinabi mo, Mr. Whoever You Are! Magkakagusto ka rin sa akin, at 'yan ang dapat mong itaga riyan sa kukote mo!" paghabol pa nito ng sigaw pero kinawayan lang niya ito patalikod na ang ibig sabihin ay wala siyang pakialam.
DOON NA NATAPOS ang pagbabalik sa nakaraan ni Christian. Napangiti siya sa ala-alang iyon. Sino ang mag-aakala na dati silang parang aso't pusa ni Nikki bago pa sila maging magkaclose?
Kung alam lang ni Nikki na no'ng araw na iyon ay hindi na nito kailangang sumumpa na iibigin din niya ito because he already did. No'ng araw ding iyon ay minahal din niya ito. Nakakatuwa rin na dahil sa insultong sinabi niya noon dito ay nalaman niya na hindi na rin ito tumuloy sa pagka-cutting dahil nakita pa niya itong pumasok noon sa classroom nito ilang oras pagkatapos ng engkwentro nila. Hindi na rin ito nag-cutting sa klase simula noon. Siguro ay dahil ayaw na rin siya nitong makita sa likod ng school noon.
Dahil na rin sa sobrang pag-iisip kay Nikki at sa pagod ay nakatulog na rin siya na yakap-yakap ang picture ni Nikki…
Hindi na namalayan ni Christian na nakapasok na pala si Charles sa kwarto niya at nakita nito ang picture ni Nikki na yakap-yakap niya at saka iyon ibinulsa.