CHAPTER 8: Escape.
Written By: CDLiNKPh
NAGULAT si Nikki nang magising siya kinabukasan. Dahil katabi na niya si Saion at titig na titig ito sa kanya habang haplos ang mukha niya. Para bang hindi na ito natulog buong gabi nang dahil sa pagbabantay sa kanya. Pero ang higit na nagpabigla sa kanya ay nang mapansin na wala na siya sa sariling kwarto. Bahay na ng mga Fortalejo iyon!
Bumangon siya at pinilit inalala ang nangyari kagabi. May pinainom sa kanya ang Daddy Manuel niya na naging sanhi kaya siya nawalan ng malay.
Napapikit siya sa kunsimisyon. Hindi makapaniwala na ipinagkakanulo na siya ng sariling ama ngayon para lang sa lalaking ito na humaling na humaling sa kanya. Ano na bang nangyayari sa daddy niya? Hindi naman ito dating ganoon.
“”Alam mo bang ito ang pangarap ko, Nikki?” Ang magising sa umaga na ikaw ang una kong nakikita...” Kinilabutan siya nang biglang parang nahihibang na bumulong si Saion na bumangon din katulad niya.
“Ano'ng ginagawa ko rito? Bakit ako narito?”” Binalewala niya ang sinabi nito.
“”Dahil dito ka na muna titira hanggang sa maikasal na tayo bukas. Hindi ako makapapayag na matakasan mo pa ako,”” seryoso nang sabi nito.
"Kasal agad? Ni hindi pa nga tayo na-e-enggage, Saion!" nabiglang sabi niya.
"Sa tingin mo ba ay mag-a-aksaya pa ako ng panahon para sa enggagement, Nikki? Para lang iyon sa mga taong hindi pa sigurado sa taong pakakasalan nila. Pero sigurado na ako sa 'yo. Ikaw lang ang gusto kong makasama habang buhay at wala nang iba pa. Kaya bakit kita hahayaang makawala pa, ha? Para makapunta ka pa sa lalaking kinababaliwan mo?" Biglang tumalim ang mga tingin ni Saion sa kanya.
Bigla siyang nakaramdam ng takot. Parang demonyo sa paningin niya ang lalaki kaya natatakot siya rito. Pero pinilit niyang magpakalma. “”Hindi ko na gagawin iyon, Saion. Tanggap ko nang wala na rin naman akong ibang magagawa kundi ang magpakasal sa 'yo. Hindi mo na kailangang matakot dahil hindi na ako aalis," pagsisinungaling niya.
Biglang nagbago ang ekpresyon ng mukha nito. Tuwang-tuwa sa narinig mula sa kanya. “”Sinasabi ko na nga ba at darating din ang araw na matatanggap mo kung ano ang kapalaran mo, Nikki. Na ako ang lang ang lalaking dapat mong pakasalan. Hinding-hindi ka magsisisi. Hinding-hindi kita pababayaan...” sinserong sabi nito saka siya masayang hinalikan sa noo.
“Ikukuha lang kita ng almusal, Nikki. Ayaw kong malagpasan ka ng gutom. Tatawagan ko na rin ang daddy mo to let him know about your decision. It'll be a good news for everyone," muling sabi ni Saion saka na tumayo sa kamang kinahihigaan nila.
Sinuguro niyang nakaalis na si Saion bago siya tumayo. Nagmamadaling hinanap niya ang pitaka niya na nakita naman niya agad sa maletang inihanda siguro ng daddy niya para kanya. Hinanap niya ang picture na naroon sa pinakailalim at tiningnan ang likuran niyon na may nakasulat na address. Picture iyon ng mommy niya na ibinigay sa kanya ng kanyang Yaya Ising bago ito namatay noon. Hindi alam ng daddy niya ang tungkol sa bagay na iyon at nasabi sa kanya ng kanyang yaya na kapag daw napatawad na niya ang kanyang mommy ay hanapin niya ito at bisitahin man lang daw niya.
Hindi niya akalain na darating pa ang araw na maiisip niyang puntahan ang mommy niya. Bata pa lang siya ay itinanim na ng daddy niya sa isip niya na kamuhian daw niya ang mommy niya dahil iniwan daw siya nito at isa itong masamang babae.
Isang p********e raw ang mommy niya at pagkatapos daw magpabayad sa daddy niya ay wala raw pag-aalinlangan na iniwan siya nito.
Nagpanggap lang siya noon na galit sa mommy niya bilang paggalang sa ama pero noon pa man ay nangungulila na siya sa pagmamahal ng isang ina at hindi siya naniniwalang hindi siya nito mahal dahil walang ina ang hindi nagmamahal sa kanyang anak. Marahil ay mas may malalim na dahilan pa ito kaya siya nagawang iwan at ito na ang pagkakataon niya para malaman kung bakit ito umalis at para kilalanin ito.
Hahanapin niya ito at pati na rin si Christian. Hindi siya makapapayag na magpakasal sa isang lalaking ni hindi niya mahal. Hindi niya alam kung magagalit si Christian kapag nakita siya nitong sumunod pero mas gugustuhin pa niyang maghirap na ito ang kasama niya kaysa ang mabuhay sa ginhawa pero nakakulong naman siya sa nakakasakal na pagmamahal ni Saion.
Mamayang gabi niya planong gawin ang pagtakas kapag tulog na ang lahat...
BUMISITA ang daddy niya at ang dalawa niyang ate sa Hacienda Fortalejo. Sabay silang kumaing lahat sa hapagkainan at masayang-masayang nag-ke-kwento si Saion tungkol sa mga detalye ng kasal nila habang ang mga ate naman niya ay halatang nagngingit dahil parehong may gusto ang mga ito kay Saion simula noong mga bata pa lang sila. Pero siya naman ay tahimik lang. Wala ni katiting na interes sa mga pinagsasabi ni Saion tungkol sa kasal 'nila' na wala naman siyang balak siputin.
“”I'm glad na pumayag ka na Nikki na magpakasal kay Saion. Mabuti naman at habang maaga pa ay napagtanto mo na kahit tumanggi ka pa ay wala ka na rin namang magagawa kundi ang magpakasal sa kanya," untag sa kanya ng ama. Nginitian lang niya ito. "Pero sana lang ay seryoso ka sa pagpayag mo, Nikki. Dahil kapag may ginawa kang kalokohan ay malilintikan ka talaga sa akin!”” Babala sa kanya ng ama nang mapansin na tahimik siya.
Kinabahan siyang bigla. Mukhang kilala talaga siya ng daddy niya. Nababasa ba nito ang naiisip niya? Sana ay huwag nitong maisip na plano niyang tumakas.
“Tito Manuel, huwag ho ninyong takutin si Nikki. Nakapagbitiw na siya ng salita kaya naniniwala ako na hindi niya sisirain ang ipinangako niya. Hindi ba, baby?”” nakangiting sabi nito saka siya hinalikan sa pisngi.
Tumango na lang siya kahit ang totoo ay hiyang-hiya siya na hinalikan siya nito sa harap ng lahat. Kahit ba sa pisngi lang iyon, e. May pagka-conservative kasi siya.
MAHIMBING na ang tulog ng lahat maging ang nasa tabi niya na si Saion nang maisip niyang gawin ang plano. Hirap na hirap pa siyang kumawala rito dahil para itong linta na sobrang higpit ng pagkakayakap sa kanya. Mabuti na lamang at napakahimbing nitong matulog kaya kahit muntikan na itong malaglag sa kama dahil sa pagtulak niya rito ay hindi pa rin ito nagising.
Pinagbuhol-buhol niya ang mga damit na nakita niya sa closet at iyon ang ginamit niya pababa. Sanay na sanay na siyang gawin ang bagay na iyon dahil gano'n ang ginagawa niya kapag gusto niyang gumimik o makipagkita kay Christian nang palihim.
Hanep, Nikki, para kang myembro ng akyat-bahay g**g sa pagiging expert mo sa pag-akyat-baba kahit walang hagdan, ah! Parang naririnig pa niya ang boses ni Christian. Bumalik kasi sa ala-ala niya ang madalas na ginagawa niya sa tuwing lumalabas sila. Kahit na ayaw nito sa mga bars ay wala itong magawa kapag ginusto niya. Sinasamahan na lang siya nito kaysa naman daw mapahamak siya sa loob.
Dahil sa nagbalik na ala-ala ay nahaplos niya ang kwintas na suot niya nang walang kahirap-hirap na nakababa na siya saka sinariwa ang mga ala-ala niya kasama si Christian. Parang isang magandang panaginip lang ang lahat. Lalo lamang tumaas ang pagnanais niya na makita ito ulit.
Nawala ang pangangarap niya nang hindi niya napansin agad na may aso palang papasalubong sa kanya at malakas na tumahol ito na naging sanhi para malaman ng lahat na nakatakas siya. Nagbukasan ang lahat ng ilaw sa hacienda at nataranta ang lahat.
Agad siyang tumakbo. Takot siya sa aso!
Nakakita siya ng isang puno na medyo malayo na sa pinanggalingan niya kanina. Dali-daling umakyat siya roon. Pati ang pagiging Tarzan ay natutunan din niya kay Christian. No'ng unang beses kasi na nagkita sila ay nalaglag siya sa bakod noon. Bagama't nasalo naman siya nito noon ay tinuruan na rin siya nitong umakyat sa matataas na bagay. Alam kasi nito na matigas ang ulo niya kaya kahit pigilan siya nito ay hindi rin siya magpapaawat kapag ginusto niya.
Teka nga, bakit ba lumilipad ang isip niya kay Christian kung kasalukuyan na siyang hinahabol ng aso?!
Tahol pa rin ito ng tahol hanggang sa magsawa rin ito at parang wala lang na nilayasan siya. Nakahinga siya nang maluwag at akmang bababa na sana nang biglang kumabog ng malakas ang dibdib niya nang matanaw niya si Saion na galit na galit at hinahanap siya.
"Boss, wala po si Nikki. Hindi talaga namin siya makita." Halata ang takot sa boses ng isa sa mga tauhan nito na nag-report dito.
Nawindang siya nang bigla nitong barilin sa binti ang lalaki! "Mga inutil kayo! Parang isang maliit na babae lang ay hindi ninyo mahanap?! Ang dami-dami ninyong bantay dito pagkatapos natakasan kayo?! Mga tanga!" Sumigaw na si Saion. Takot na takot dito ang mga tauhan nito. Binalingan nito ang nabaril nito. "Alisin ninyo ang basurang 'yan sa paningin ko at hanapin ninyong maigi si Nikki dahil kapag hindi ninyo siya nakita ay kayo ang babarilin ko isa-isa! Bilisan n'yo at huwag kayong babagal-bagal!" Iyon lang at parang mga kabuting nawala sa paningin ni Saion ang mga tauhan nitong nag-uunahan pa sa pagtakbo palayo kay Saion.
Siya naman ay nabalot ng takot ang buong katawan dahil kahit matagal na siyang may takot kay Saion ay hindi pa rin siya makapaniwala na kaya pala nitong manakit o baka pumatay pa ng tao. Higit pa pala itong mapanganib kaysa sa inaasahan nya. Baka kapag nagpakita siya rito ay baka pagsamantalahan o patayin pa siya nito.
Ngayong nakita na niya kung gaano itong kasama ay mas lalong hindi niya makakayang pakasalan ito kahit na kailan. Dahil kapag ginawa niya iyon ay para na rin siyang nagpakasal sa isang demonyo...
Nakahinga siya nang maluwang nang umalis na ito para hanapin siya sa ibang bahagi naman ng Hacienda. Bumaba na siya dala-dala ang kakaunting gamit na laman ng bag pack niya. Malapit na siya sa tagong bahagi ng Villa nang makita niya ang daddy niya at ang mga kapatid kasama ng iba pang mga body guards. Nagtago siya dahil alam niya na kapag nakita siya ng mga ito ay ibabalik lang siya kay Saion.
“Ano'ng gagawin natin ngayon, dad?! Kapag hindi natin nakita si Nikki ay hindi na tayo tutulungan nina Saion sa mga negosyo mo! Ayoko pang maghirap, daddy! Hindi ko kayang mabuhay sa hirap!”” natatarantang sabi ni Margaret na narinig niyang nagsalita.
Ano kamo? Sila maghihirap na? Iyon kaya ang dahilan kaya ganoon na lang ang pagtutulak ng ama sa kanya papunta kay Saion? Kung ganoon ay para pala siyang ibinebenta ng sariling niyang ama...
“Hindi, Margaret! Hindi makakatakas si Nikki! Hindi tayo maaaring maghirap! Sa ayaw at sa gusto niya ay kay Saion din ang punta niya!”” Narinig niyang nasabi ni Don Manuel.
“Bakit kasi hindi n’yo na lang siya pabayaan, daddy? Ako na lang ang ipakasal ninyo kay Saion dahil sigurado naman ako na magagawa ko naman na paibigan siya lalo na ngayon na tinraydor siya ng Nikki na 'yon. Huwag n'yo nang isipin si Nikki dahil hindi n'yo naman siya totoong anak!” Hindi pa rin makaintindi na sabi ni Bettina.
Nanlaki ang mata niya sa narinig. Hindi siya totoong anak ng daddy niya?
“Nababaliw ka na ba? Walang ibang gusto si Saion kundi si Nikki lang! Kaya nga nagawa pa niya na gipitin tayo, hindi ba? Sa hitsura at talino niyang iyon ay hindi niya kailangang bumili ng babae kung hindi rin lang si Nikki. He really loves her and he is willing to risk everything for her kaya kailangang makita natin si Nikki kung ayaw nating tayo ang pagbuntunan ng galit niya at magdildil tayo ng asin!”” pagsigaw na ni Manuel.
Hindi na niya nakayanan pang pakinggan ang pinag-uusapan ng mga ito at umalis na siya sa parteng iyon ng hacienda. Tuloy-tuloy lang ang pag-agos ng luha niya dahil sa sobrang sakit ng ka-trayduran ng mga taong inakala niya buong buhay niya na pamilya niya.
Ang pamilya pala na kinilala niya sa buong buhay niya ay hindi pala niya mga ka-ano-ano. At ang pagmamahal pala na ipinakita sa kanya ng daddy niya ay hindi rin pala totoo. Mahal na mahal niya ang mga ito maging ang dalawang kapatid kahit na walang hinangad ang mga ito kundi kapahamakan at kasiraan lang niya, pero ganoon lang pala ang tingin ng mga ito sa kanya. Parang bagay na maaaring ibenta.
Ang sakit-sakit pala kapag tinalikuran ka ng sarili mong pamilya. Ng mga taong minamahal at pinagkakatiwalaan mo. Wala na siyang lugar sa pamilya niya at sa lugar na ito. Wala na ring dahilan para manatili pa siya rito...
Nahaplos niya ang necklace na ibinigay ni Christian at pinilit niyang ngumiti kahit umaagos ang luha sa mga mata niya.
"Ganyan nga, Nikki. Ngumiti ka lang. Mas maganda ka kapag nakangiti kaya huwag na huwag kang sisimangot kung ayaw mong magmukhang lola!" Naaalala niyang madalas sabihin nito noon sa kanya sa tuwing umiiyak siya. Napapasaya siya nito kahit sa pinakamadilim na bahagi ng buhay niya. Si Christian. Ang lalaking pinakamamahal niya na kailangan niya ngayon pero wala rito...
Hindi na siya iiyak dahil alam niya na ayaw ni Christian na makitang malungkot siya. Wala man ang lalaki sa tabi niya pero pamamagitan ng necklace na ibinigay nito ay parang magkasama na rin sila kaya hindi siya dapat sumuko. Kailangang lumaban siya para magkita sila...
Tumayo na siya at pumunta sa likod ng hacienda. May kataasan ang pader na iyon pero iyon lang ang nag-iisang bahagi sa hacienda na walang bodyguards. Kahit ngayon ay walang bantay doon dahil hindi siguro maiisip ng mga ito na kaya niyang umakyat sa ganoong kataaas na pader. Sorry na lang sila dahil may lahing gagamba siya. Siya yata ang female version ni Spider Man.
Palihim siyang napangisi dahil sa pinag-iisip niya. Sa panahong ganito ay nagagawa pa niyang biruin ang sarili. Isang bagay na tinuro rin ni Christian sa kanya. Ang ngumiti o maging positibo pa rin kahit ano pa man ang bagay na pinagdaraanan niya...
Matiwasay siyang nakaalis sa Hacienda Fortalejo at tinakpan pa ang mukha para walang makapansin na siya ang taong bumili ng ticket sa barko. Nakatitig lamang siya sa unti-unting pagliit ng bayan ng San Felipe habang lulan na siya ng barko. Ang bayang kinalakhan niya ay kailangan na niyang lisanin. Para hanapin ang sarili niya. Para hanapin ang mommy niya, at para makitang muli ang pinakamamahal niyang lalaki. Si Christian...