AVEL
Hindi ako makapaniwalang lahat ay nagkakaisa. Lahat ay masaya na nakikipagkooperasyon. Masaya na gustong tumulong at matuto. Masayang nagsasakripisyo para sa bayan at para sa sanlibutan. Humanga ako sa mga Enchanted dahil matindi ang pagmamahal nila para sa kanilang mga tao at sa kanilang lugar.
Kasi kung sa mundo ng mga tao?
Napakasakim ng mga ito. Sarili lang nila ang iisipin. At ayaw ng mga ito ang nahihirapan. Tiyak na kapag nalaman ng mga ito na kailangan ng mga ito mag-training para sa ikauunlad ng bansa o para sa kaligtasan ng lahat ay maraming aayaw.
Mga selfish. Sarili lamang nila ang gusto nilang iligtas. Wala silang pakialam kung may nasasagasaan silang tao. Basta ang sarili lamang nila ang mahalaga.
Pero hindi ganito ang kaso sa Ereve.
Sa Ereve ay masaya ang lahat na tanggapin ang sinabi ng Reyna’t Hari na kailangan ang kooperasyon ng mga ito.
Mas marami, ibig sabihin, mas malakas ang pwersa.
Kahit hindi masyado malakas ang lahat, kung dami naman ang pagbabasehan ay mabibigyan namin ng magandang laban ang mga masasamang loob.
Pero napansin kong wala rin si Cygnus. Nasaan kaya ito? Bakit hindi siya kasama?
Ako na rin ang sumagot sa sarili kong tanong. Malamang na wala si Cygnus kasi hindi naman ito ordinaryong Enchanted. Halata namang makapangyarihan ito at sagrado. Naiiba kila Aerith at sa iba pa. Parang itong divine.
Namumukod tangi. Umiilaw ilaw pa ang katawan nito at kaya nitong lumipad sa ere. Kaya nitong magtravel mula sa ibang mundo.
Kaya siguro hindi na rin siya pinasama sa training.
Isa pa, sagrado raw ang templo ni Cygnus. Dahil nakapokus lang ito sa kapangyarihan nitong panaginip at fortune telling.
Nabalik ako sa reyalidad ng makita kong papalapit sa akin si Kapitan Harlek. Ang pinuno ng mga kawal. So, kung ganoon, siya pa rin ang magte-training sa akin.
May kasama na lang itong dalawang kawal sa tabi nito. Hindi na tulad noon na sandamakmak sila. Mas okay ito sa akin. Nakakaconscious kaya na panoorin ka ng sobrang daming tao tapos papalpak ka lang naman.
Kaya mas gusto ko na ito.
Pero nagulat ako sa ginawa ni Harlek. Yumuko ito sa akin na tila nagbibigay pag-galang.
Napakamot ako sa kilay ko. “Ahe… para saan ‘yan?” tanong ko.
“Ito ay sa pagkilala sa’yo, Avel. Matagal ko nang gustong i-suhestyon sa Hari at Reyna na magsagawa ng training para sa lahat. Gusto ko kasing lahat ay maging handa sa magiging unos. Hindi sapat ang kapangyarihan namin ngayon upang labanan ang kalaban. Kaya naman sobra akong nagpapasalamat dahil ikaw ang nagsilbing daan para mangyari ang gusto ko,”
Napasinghap ako. Hindi ko akalain na pare-parehas lang din pala kami ng iniisip.
“Hindi lang naman ako ang may ideya ng ganito. Gusto rin ng Prinsesa Aerith ito. So tayong tatlo ang ma gusto rin pala ng ganito. Teka, bakit hindi ito sinabi sa Hari at Reyna? Nakikita ko namang ikaw ang pinakamataas na ranggo. May karapatan ka na magsabi ng mga naiisip mo,”
“Nahihiya ako,” pag-amin nito.
Nagulat ako. “Nahihiya ka? Eh ang tapang-tapang mo nahihiya ka?”
“Kailangan kong maging matapang dahil kung hindi, hindi magiging matapang ang mga hawak kong kawal. Kaligtasan ng mga Enchanted at ng Ereve ang nakaatang sa balikat ko. Ngunit sa kabila nito mahiyain ako. Pakiramdam ko nagde-demand ako ng sobra sa Hari at Reyna. Isang hamak na kawal lamang ako,” sagot nito.
Wala sa sariling natapik ko ang likod niya. “Masyado ka namang harsh sa sarili mo. Ano ka ba? D’yan ka nagkakamali. Hindi ka hamak na kawal lamang. Isa ka sa nirerespeto at malalakas ditto sa lugar ng Ereve. Saiyo ipinagkatiwala ng Reyna at Hari ang posisyon na ito dahil naniniwala sila sa kakayahan mo. Siguradong matutuwa sila kung sakaling darating ang araw na magsusuhestyon ka sa kanila. Bakit hindi mo subukan? Huwag kang padaig ng kaba. Hindi ka naman kakainin ng buhay ng dalawa eh,”
Natawa ako sa sinabi ko. Nakita ko rin naman ang pagngiti ni Kapitan Harlek. Pero kiming ngiti lang ‘yon. Mukhang mahirap talaga bilhin ang ngiti nitong taong ‘to.
Umayos ito ng tayo at bigla ulit naging seryoso ang mukha.
“Anong oras na, Avel. Kailangan na natin magsimulang mag-ensayo,”
Napalunok ako. Diyos ko, ano naman kaya ang gagawin namin ngayong araw? Wgew. Sana makaya ko.
Tumango ako at sinundan siya sa paglakad. Humantong kami sa lilim ng puno.
May ibinigay sa kanya ang dalawang kawal na kasama nito.
Napasinghap ako nang makitang katana ‘yon. Oo nga pala, katana training nga pala kami ngayon.
Inilabas ni Kapitan Harlek ang katana sa mula sa parang baul.
At ibinigay ‘yon sa akin. Wala sa sariling inilahad ko ang palad ko. Ipinatong nito ‘yon sa akin pero halos manglaki ang mga mata ko nang halos bumigay ang braso ko dahil hindi ko napaghandaan ang bigat n’yon!
Napakabigat pala nito!
“Bakit hindi mo sinabi sa akin na ang bigat pala?” himutok ko sa kanya.
Nakita kong tila nagpipigil lamang sa tawa ang mga ito. Napaingos ako.
“Ang duga niyo,” nasabi ko na lang.
Tinignan ako ni Kapitan Harlek ng seryoso. “Avel,”
Napatindig ako ng daretso. Para tuloy akong nag R-ROTC.
“Ang hawak mo ngayong katana ay siyang totoong katana. Ang katana na nagmumula kay Master Shingyang,”
“Master Shingyang? Tunay na katana?” nalilito kong tanong.
“Tama. Tunay na katana. Dahil ang kahapon na katana ay isa lamang replika. Sa medaling salita, kaya makasakit, ngunit, hindi mapupuruhan ang kalaban. Ginagamit lang namin ang sample na katana na ‘yon tuwing may bago kaming tuturuan upang iwas aksidente. Pero dahil nakapasa ka sa pagsusulit, ang ipapagamit na sa’yong katana ay may talim at kayang makasakit. Naniniwala kaming makakaya mo itong gamitin. Kaya kung mapapansin mo, mas mabigat ang katana na ito kaysa kahapon,” paliwanag nito.
Napatango-tango ako. “Oo nga. Mas mabigat ito ng di-hamak.”
“Dahil ‘yan ang tunay na katana na may talim,”
“Siya nga pala, sino ang Master Shingyang na ito?”
“Isa sa mga ninuno namin. Hindi ko na siya naabutang buhay. Pero ayon sa history namin, si Master Shingyang ang pinakamagaling na Enchanted na marunong gumamit ng katana. Maraming naniniwala na buhay ang kanyang katana at may kakaiba itong kapangyarihan. Simula nang siya ay mamatay, itinago ang kanyang katana sa templo ni Cygnus at tinaguriang sagrado ito. At pagkalipas ng ilang dekada ay hindi nakakahawak ang sinuman. Maging ang Hari at Reyna. At napagdesisyunan ng lahat na ikaw ang nararapat na mag may-ari sa katana ni Master Shingyang,”
Nanglaki ang mga mata ko kasabay ng pagsinghap ko.