AVEL
Kinabukasan, hindi na ako kailangan gisingin pa ng kasambahay para lamang magising. Kusang nagbukas ang mga mata ko. Parang saglit lang akong nanibago sa ibang mundo, pero madali akong nakapag-adjust.
Wala naman kasing pinagkaiba rito sa mundo ng mga tao. Pagbaba ko, kinagulat ko pa na walang isang mga kasambahay ang bumati sa akin. Napakatahimik ng komedor. Napakunot-noo ako. Nasaan ang mga ito? Bakit tila nawawala sila?
Pero naririnig ko ang mga kalantsing ng kurbyertos. Ibig sabihin, merong naroroon sa hapag-kainan.
Tahimik akong naglakad patungo roon. Nakita ko namang nakagayak na ang pamilyang Ginemoux. Ibig sabihin, kakain na.
"Magandang umaga, Avel. Halika at kumain na tayo," nakangiting yaya ni Amoria.
Tumango ako at umupo sa lagi kong inuupuan. "Magandang umaga rin ho,"
"May problema ba?" pansin sa akin ni Aerith.
Hindi ko na tuloy naitago ang nasa isip ko. "Oo, nagtataka ako bakit tila wala ni isang kasambahay. Nasaan sila?"
Nagkatinginan ang pamilyang Ginemoux.
Tumikhim si Alcaster. "Mamaya mo malalaman ang sagot sa tanomg mo, Avel. Sa ngayon mabuting kumain ka muna,"
Hindi na ako pumalag pa dahil medyo gutom na nga rin ako. Kaya naman tumango na lang ako. Magana naman naming sinimulan ang pagkain. Pero hindi pa rin mawala sa isip ko ang tungkol dito.
Pagkatapos ay may kinuha lang akong saglit sa kwarto at handa na ako para sa training ngayong araw. Alam kong sasama sa akin si Aerith para manood. Kaya naman labis akong nagtaka na bakit hindi ang pang araw-araw na dress nito ang suot nito ngayon.
Nakamaluwag itong puting tshirt at malambot na jogging pants. Napakasimple lang ng suot, pero litaw na litaw ang kagandahan ni Aerith. Ang presko presko nitong tignan.
Ayaw ko naman isipin niyang pakialamero ako, kaya tinikom ko na lang ang bibig ko sa biglaang suot niya ngayong araw.
Naglalakad na kami patungo sa training ground kasama ang Reyna't Hari. Ihahatid pa ba nila ako?
Pero napakunot-noo ako nang may mapansin ako sa hindi kalayuan. Kumpol ng tao. Napakaraming tao.
Nang medyo mapalakad pa kami ng kaunti, ay mas naging malinaw sila sa paningin ko. Tama. Mga tao nga!
I mean, mga Enchanted. Ang mga tao sa Ereve!
Napakarami nila at tingin ko lahat na yata ng taga Ereve ay naririto.
Napuno ng pagtataka ang mukha ko. "N-Naririto silang lahat... bakit?Huwag niyong sabihing manonood sila sa training ko?"
Natawa ang Hari. "Silly. S'yempre hindi, Avel. Tulad nga ng suhestyon mo, mas maganda nga na ang lahat ay dapat mas maging malakas. Lahat ay kailangan magkaroon ng sapat na training upang matulungan ka namin sa pakikipaglaban sa masasama,"
Napasinghap ako. Hindi ako makapaniwala na talagang tutuparin ng Reyna at Hari ang mga sinabi ko. Napatingin ako kay Aerith at kiming ngumiti siya sa akin.
Kaya pala ganoon ang kasuotan niya. Kaya pala nawawala ang mga kasambahay.
Kasi lahat sila ay magte-training din tulad ko.
"Pero iba ang magiging set ng training nila. Kailangan nilang mas mapaghusay ang kapangyarihan ng pagiging isang Enchanted. Magfofocus kami sa magic at support. Samantalang ikaw ay kailangan mong i-ensayo from the basics. Lahat ay kailangan mong matutunan," sambit ni Alcaster.
Walang problema 'yon sa akin. Sa totoo nga lang, mas pabor 'yon kasi talagang matututunan ko ang lahat ng bagay. Magiging malakas ako at hindi lampa. Makakaya kong harapin ang mga kalaban. Walang problema sa akin.
"Makakaasa ho kayong gagawin ko ang lahat upang lumakas at matutunan ang lahat ng training,"
"Alam namin na ginagawa mo ang best mo, Avel. Kaya naman nangangako rin kami na gagawin namin ang lahat ng aming makakaya upang bigyan ka ng proteksyon at matulungan ka." seryosong sambit ng Hari at hinarap na ang buong Ereve.
"Para sa mga mahal kong taga Ereve. Magandang umaga sainyong lahat," paunang bati ng Hari.
Napakalawak ng burol kaya naman kahit walang megaphone ay tiyak na maririnig ng lahat ang sinasabi nito dahil nage-echo 'yon sa paligid.
"Magandang umaga rin, mahal na hari!" sabay-sabay na sagot ng mga ito.
"Nagpapasalamat ako sainyong kooperasyon. Tunay akong masaya dahil pinakita niyo ang pagmamahal niyo sa ating lugar at ang pagnanais na makatulong kay Avel. Alam kong alam niyo na kung bakit kayo naririto, ngunit gusto ko lamang linawin ang mga bagay-bagay..." aniya ng Hari.
Nagpatuloy ito. "Magtatalaga ako ng mga kawal na magbabantay sainyo bawat grupo. At kailangan niyong mapaghusayan pa ang kapangyarihan niyo. Hindi sapat ang ating lakas. Ang ating pwersa. Ang ating kaalaman sa mahika. Kailangan natin mas mag-evolve pa. Kailangan nating pilitin ang sarili natin na mas maging malakas pa. Kung si Avel nga na isang tao, ay ginagawa ang kanyang makakaya para matulungan tayo at matutunan ang mga bagay na sa hinagap niya ay hindi niya gagawin, tayo pa kaya na isinilang nang may kapangyarihan?"
Tumango si Amoria. "Tama si Alcaster, mga mahal kong taga Ereve. Isipin niyo na lang din na para ito sa inyong mga mahal sa buhay. Sigurado akong bawat isa sainyo ay may mga kapatid na bata o anak na mga paslit. O kaya naman ay may matanda nang magulang. Sila ang mga walang kalaban-laban sa mga balak sirain ang mundo. Isipin natin sila, kaya kailangan natin silang protektahan. Kung gusto niyo pang masilayan ang mundong hinaharap, kailangan niyong gawin ang sakripisyo na ito,"
Wala akong nakitang bayolenteng reaskyon. Lahat ay pursigido na mas maging malakas pa.
"Mabuhay! Mabuhay!" sigaw ng mga ito.
Nangingiting tumango si Alcaster. "Gayon... kung wala nang problema, maari na kayong magsimulang mag-training. Madi-divide kayo gamit ang inyong apelyido. Simula sa letrang A to Z. Group yourselves according to the first letter of your last name."
Para namang may mga isip na nag form ang mga ito. Si Aerith ay biglang nawala.
Nang makaform ang mga ito ng ayon sa kanilang letra, muling nagsalita ang Hari. "Ngayon, bawat isang grupo ay may nakatalagang kawal na siyang mageensayo sainyo at tutulong sainyo,"
Kusang nagsilapitan ang mga kawal sa bawat grupo.
Napasinghap ako. Nakakabilib. Synchronize na synchronize ang galaw ng mga ito. Parang nag R-ROTC lang.
"Ngayon, pwede na kayong magsimula. Good luck," pagtatapos ng Hari sa usapan.
Nakita kong seryosong kinausap ng mga kawal ang bawat grupong hawak nito.