AVEL
Napahiyaw ako sa nakita ko. Hindi ako makapaniwala na tumama ang pana ko sa target board. Huling tira ko na ito kaya hindi na ako masyado umaasa pa. Biglang lumiliko ang tira ko kapag pinakawalan ko na. Pero tama pala talaga ang hinala ko. Tama lamang ang ginawa ko.
Nakit ako ang pagnganga ng dalawang kawal na kasama namin. Maging si Harlek ay hindi makapaniwala sa nakita.
Nakangiting tinignan ko si Kapitan Harlek. Doon lamang nahimasmasan ang lalaki. Tinanggal nito ang bara sa lalamunan.
“O, siya. Sige. Panalo ka sa training na ito, Avel,”
Para akong batang napahiyaw. Hindi ako makapaniwala!
Napangiti na rin sa akin si Kapitan Harlek. “Congratulations, Avel. Nakuha mo rin sa huling pagkakataon kung ano ang tamang technique paano bitawan ang pana,”
“So… tama nga ang ginawa ko? I mean, ‘yung naiisip ko?”
Tumango si Kapitan Harlek. “Tama. At pinabilib mo ako dahil nagawa mong isipin ‘yun sa unang beses mong nagtraining nito.”
Lumapit siya sa akin at tinapik ako sa balikat.
“Congratulations, Avel. You did a great job. Bukas uli. Palaki ng palaki ang expectation ko sayo,”
Parang namula ang dalawang pisngi ko sa tuwa. Hindi ako makapaniwala.
“S-Salamat, Kapitan Harlek,” ang tanging nasabi ko.
“O siya, tapos na tayo para sa araw na ito. Pwede ka nang umuwi. Bukas na lang ulit,”
Tumango ako at umalis ng may ngiti sa labi.
Ang saya-saya ng pakiramdam ko. Sasabihin ko ito agad kay Aerith. Tiyak na matutuwa ang dalaga para sa akin.
Tumakbo ako at pumunta sa tagpuan namin kung saan kami naghihintayan. Feeling ko ang bilis kong natapos ngayong araw kaya siguro hihintayin ko pa siya ng ilang minuto. Pero ayos lang. Wala namang kaso sa akin kung maghintay ako. Si Aerith naman ‘yon.
Maya-maya ay napakunot-noo ako nang makitang may kasamang binata si Aerith. Nagtatawanan pa ang mga ito at halatang masaya. Mukhang magaan ang mukha ni Aerith at kasama ang lalaking ‘yon.
Naiinis naman akong aminin na gwapo ang lalaki. Sabagay, wala namang pangit na Enchanted. Lahat ay maganda at gwapo talaga. Parang kinurot ang puso ko sa nakikita ko. Ewan ko ba, kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Basta ang alam ko lang, parang niyuyukot ang puso ko ngayon.
Gusto ko sanang umalis na lang at huwag nang sunduin si Aerith, dahil kapag ginawa ko ‘yon, kailangan ko ring harapin kung sino mang poncio pilato na ito. Akmang hahakbang na ako palabas pero nakita ako ni Aerith.
“Avel!” Masayang tawag ng dalaga.
Napangiwi ako. Wala na tuloy akong dahilan para umalis. Kailangan ko talagang harapin si Aerith at kung sino mang deputa na ito.
Natigilan ako sa naisip ko. Teka… bakit ganito ba ako mag-isip? Ano ba ang nangyayari sa akin?
Para akong timang. Sa totoo lang.
Ipinilig ko ang ulo ko. Kailan pa ako nagsabi ng timang sa isang tao?
Tumakbo ang dalaga patungo sa direksyon ko. Kaya naman wala na akong choice kundi ang hintayin si Aerith at ang deputang ‘yan.
“Relax mo sarili mo, Avel… baka masyado kang obvious na ayaw mo sa tao?” paalala ko sa sarili ko.
Sinalubong ako ng ngiti ni Aerith. Kung noong mga nakaraang araw ay matutuwa sana ako sa pag-ngiti ngiti niya sa akin. Pero ngayon, ni hindi ko siya masuklian ng ngiti. Dahil hindi ko naman alam kung para sa akin ba talaga ang ngiti niyang ‘yan o para sa deputang malanding lalaki.
Muli akong natigilan sa sinabi ko. Nakakainis. Bakit ba ganito ang pinagsasabi ko? Nasisiraan na yata ako ng bait!
Lumunok ako nang madiin.
“Avel! Kanina ka ba naghihintay?”
Hindi naman ako matagal masyadong naghintay. Pero feel ko ang mag-attitude ngayon.
“Oo, kaninang kanina pa,” inis na sabi ko.
Napasinghap si Aerith. “Ay, pasensya ka na. Medyo natagalan kasi kaming paalisin sa training eh,”
Sus. Parang hindi naman. Baka nakipagtsikahan pa kasi ito sa deputang lalaki.
Nagngingitngit talaga ang kalooban ko. Naiinis na rin ako sa sarili ko kung bakit ganoon.
Hindi ako sumagot, bagkus umingos lang ako. “Pasensya ka na, Avel. Huwag ka sanang magalit.” Tumingin ito sa kasama nito. “Ah, siya nga pala. Si Noah. Isa sa mga kagrupo ko sa training,”
Binigyan ko siya ng tingin na “oh, bakit kasama mo?”
Naintindihan naman ni Aerith ang tingin na ‘yon.
“Kanina kasi sa training, medyo nahirapan ako. Bumagsak ang katawan ko sa lupa. Medyo malakas ang impact. Nananakit nga ngayon ang balakang ko eh. Kaya naman inadvise ng kawal na ihatid ako ni Noah. Mabuti na nga lang eh halos dito rin ang daan niya,”
Hmp. At sigurado, gustong gusto naman ng hudas na ‘yan na makasama ito.
Hindi naman mahirapan hulaan na halos lahat ng kalalakihan dito ay si Aerith ang pangarap.
At ano naman ang masama ‘ron, aber? Tanong ng isang bahagi ng isipan ko.
Napabuntong-hininga na lang ako sa kabaliwan ko.
Nakita kong nakayuko sa akin ang deputa. Hindi ko gustong binibigyan ako ng galang. Hindi naman ako tipo ng tao na mahilig sa entitlement. Pero ngayon, ewan ko ba, natutuwa ako sa pangyayari. Ganito nga ang gusto ko. Makilala niyang hindi ako basta-bastang lalaki.
Ano ba talaga nag pinagsisintir ko?
“Kinagagalak kong makilala ka sa personal, Avel Basilio,” magalang na sambit ng lalaki.
Pinanlakihan ako ng mata ni Aerith na tila sinasabing sumagot ako. Napairap ako sa kawalan. “Salamat,” pormal na sagot ko naman.
Napangiti pa ang deputa. “Mas bata ka tignan sa personal, Avel. Kinagagalak ko hong makilala ang lalaki sa propesiya. Ang aming magiging tagapagligtas,”
Tama. ‘Yan. Ako nga ang tagapagligtas niyo. Dapat mo ‘yang malaman.
Napangisi ako. Si Aerith naman ay nangungunot ang noo sa akin. Tila hindi maintindihan kung ano ang nangyayari sa akin.
Well, kahit ako hindi ko na rin maintindihan ang sarili ko.
“Prinsesa Aerith, Avel… mauuna na ho ako. Kanina pa ako siguro hinihintay ng inay,”
Ngumiti ng malawak si Aerith. “Sige, Noah. Salamat ulit ha,”
Napairap ako. Nakita ‘yun ni Aerith.
Kumaway na palayo si Noah. Humalukipkip ang dalaga at tinignan ako ulo hanggang paa.
“Bakit mo ako tinitignan ng gnyan?” tanong ko.
Nagtaas ito ng kilay. “Hindi ba’t dapat ako ang magtanong n’yan? Ano ba ang nangyayari sayo? Ang sama mo kay Noah,”