AVEL
Binati ako ng mag-asawang Amoria at Alcaster kinabukasan. Sinabi ng mga ito sa akin na tuwang-tuwa ang mga ito sapagkat natalo ko si Harlek kahapon. Tila isang proud na nobya naman si Aerith at sinasabi sa magulang na isa ako sa mga mabilis na natutong magkatana.
Natigilan ako sa naisip ko. Teka… nobya talaga?!
Nakakahiya! Bakit ganoon ang nasa isip ko?
Pinilig ko ang ulo ko dahil nahihiya ako sa sarili ko. Bakit ko naman maiisip na nobya si Aerith! Nababaliw na yata ako.
Napansin naman ‘yon ng Hari at Reyna habang nagaalmusal kami. “Ayos ka lang ba, Avel?”
“May masakit ba sayo? Kanina ka pilig ng pilig ng ulo eh,”
Nakagat ko ang ibabang labi ko dahil sa kahihiyan. Pero ayos lang, hindi naman nila alam kung bakit ako nagkakaganito.
Natawa naman ako dahil doon.
Para namang nagugulumihanan sa akin ang pamilyang Ginemoux. Kaya naman napangiwi na lang ako.
“A-Ayos lang ho ako, huwag niyo ako masyadong intindihin,”
Walang nagawa ang pamilya kundi tumango at paniwalaan ako.
“Anyway, Avel… nagpahanda ako ng kakaibang putahe sa almusal natin…” wika ni Alcaster.
Tila na-excite naman ang dalawang babae.
“Ano ho ‘yun?”
Tinawag ni Alcaster ang atensyon ng isang kasambahay at ipinalabas na nga rito ‘yun.
Nakatakip pa ang pagkain nang ilapag sa mahabang mesa.
Hmm… amoy pa lang, mukhang masarap na.
Ano kaya ‘to?
Binuksan ni Alcaster ang takip at nakita ko ang isang pagkain na mukhang crab at hipon na pinagsama. Alam kong kakaibang hayop ito. Wala ito sa mundo ng tao. Hindi ko ma-explain ang itsura, pero sa madaling salita, para itong pinagsamang hipon at crab.
At napakabango ng amoy. Amoy butter na garlic. Ganoon kasarap ang amoy.
Pero breakfast pa lang, ha? Kumakain na ba agad sila ng ganito kahit breakfast pa lang?
Nabasa ni Alcaster ang nasa isip ko. “Tama ka, Avel. Ang ganitong putahe ay nababagay sa tanghalian at hapunan. At ang pagkain na ito ay hinahanda lamang tuwing may espesyal na okasyon. Mahirap mag-alaga ng ganitong hayop, kaya naman mabigat ang value nito sa Ereve. Hindi lahat ay kayang kumain ng ganito, ngunit tuwing may piging, lagi akong nagpapaluto ng ganito, depende sa dami ng breeding ng buwan na ‘yon,”
“Ano ho bang espesyal na okasyon ngayon?” Usisa ko.
“Hindi ko nasasabing bukod sa mahirap mag-alaga nito at masarap, kakaiba ang hayop na ito dahil para siyang may mahikang nagpapalakas at nagpapaganda sa lagay ng sinumang kakain nito. Halimbawa, ang sakit ng katawan ko kagabi, pero kapag kumain ako nito, mawawala lahat ‘yun. Parang may mahika na kahit wala naman,”
Nabilib ako. “Talaga? Ang galing naman ho kung ganoon. Dapat ganyan pala ang kainin nating lahat bago magsakuna,” tukoy ko sa magiging digmaan.
Inaasahan ko na tatango ang Hari at Reyna. Pero nanatiling pirmi lang ang mukha ng mga ito.
“Maganda sana ang suhestiyon mong ‘yan, Avel… pero hindi natin maaring gawin ‘yan,”
“Bakit naman ho?”
“Limited supply lamang ang pagkain na ito. Hindi siya basta-basta pwedeng i-breed o padamihin. Kumbaga, seasonal lang ang mating niya. At katatapos lang ng panahon kung saan nanganganak sila. At ang parating na digmaan ay sa susunod na linggo… susunod na buwan… hindi natin alam. Kaya hindi rin natin ito magagawa. Isa pa, mag ca-cause lang ito ng kaguluhan sa Ereve,”
“Hindi ko ho maintindihan,” tapat na sabi ko.
Kinumpas ng Hari na pwede na naming lantakan ang pagkain namin habang naguusap. Si Aerith ay tahimik lamang na nakikinig sa amin.
“Dahil kahit ito pa ang panahon kung saan nanganganak ang hayop na ito, hindi naman nila kayang manganak ng sampu bawat isa. Maituturing na rare species ang ganitong hayop,”
Tumango ako. “Mukha nga ho. Walang ganyan sa mundo ng tao,”
“See? At dahil kakaunti lang sila at kahit sabihin nating manganak ang babae ng tig-sasampu, ang bilang nila ay hindi pa rin sasapat sa bilang ng mga Enchanted na makikipagsabak sa labanan. Sige, sabihin nating pili lang ang mabibigyan at ang iba ay hindi… edi mabubuhay ang inggit… ang galit. Digmaan ‘yun eh. At alam nila kung ano ang naitutulong ng pagkain na ito sa katawan nila. Iisipin nila, bakit si ganito, binigyan ng pagkain? Ako hindi? Dahil ang Enchanted na nakakain nito kumpara sa wala ay mas malaki ang tyansa na makasurvive sa digmaan,”
Naiintindihan ko siya at ang punto niya.
Napabuntong-hininga ako.
“Ganoon ho ba? Sayang naman,”
“Sayang sa kung sayang. Hindi naman impossible ang suhestyon mo kung marami lamang ang ganitong hayop. Hindi magkukulang sa supply,” dagdag pa ng Hari.
Sumingit na sa amin si Amoria. “O siya, Avel, Alcaster… kumain na kayo habang hindi pa malamig ang pagkain,”
Tumango ako at nagpasalamat sa Reyna. Si Alcaster mismo ang naghiwa ng pagkain para sa akin. Nilagay nito sa plato ko at hinimok na kainin ‘yon.
“Sige, Avel. Huwag kang mahiya,”
Inamoy ko ulit ang pagkain.
Hinihintay nila ako sa reaksyon ko. Kahit si Aerith. Kaya naman nagdesisyon na akong kumain at sumubo.
Nginuya ko ito. At tama nga ako sa iniisip ko. Pang ulam ang dating ng pagkain na ito, pang lunch at dinner. Ganoon. At lasang crab at hipon na pinagsama ito. Napakasarap. Ang sarap pa ng pagkakatimpla.
Grabe. Isa yata ito sa mga pagkain na hindi ko malilimutan.
Excited ang mukha ng mga ito habang hinihintay ang magiging reaksyon ko. Hindii ko tuloy maiwasan hindi matawa. Ang cute tignan ng pamilyang ito.
“Kamusta? Anong lasa?”
“Masarap ba?”
“Pumasa ba sa panlasa mo?”
Nilunok ko muna bago magsalita. “Oho. Napakasarap,”
Hindi magkamayaw ang mga ito sa pagngiti. “O, diba. Sabi ko sayo eh, napakasarap nito,”
“Mararamdaman mo mamaya sa training ang epekto n’yan,” aniya ng Hari.
Naisip ko nga ‘yon. “Ano nga ho ba ang meron ngayon at bakit niyo nga po pala ito hinanda para sa akin?”
“Dahil natuwa kami sa naging daloy ng training mo. Nakikita namin na talagang pursigido ka. At pinuri ka rin ni Harlek sa amin. Alam naming pagod ang katawan mo, na tila dinaig mo pa ang nabugbog. Kaya naman hinanda naming ‘yan para kahit papaano mawala ang sakit ng katawan mo,”