AVEL
Ano kaya ang sunod na ipapagawa sa akin ni Kapitan Harlek? Sana naman makaya ko.
Seryosong nakatingin lang sa akin ang tatlong kawal.
“Sapat na ang pahinga natin, ngayon, muli tayong bumalik sa training,” ani Kapitan Harlek.
Tumango ako at umayos ng tindig.
“Sa ngayong round, kailangan mo nang gamitin ang katana mo sa totoong kalaban,”
May ipinalabas si Kapitan Harlek na isang binatilyo sa mga halamanan. Sa tantiya ko ay hindi bababa sa kinse anyos ang edad nito. Hindi rin naman ito aakyat sa disiotso. Minor pa lang ito kung pagbabasehan ang katawan.
“Siya si Natan. Si Natan ang isa sa mga bagong tinuruan na gumamit ng katana. Mga isang linggo na namin siyang tinuturuan. Kailangan mong labanan si Natan, pero s’yempre, nakabantay kami at hindi naman kayo magpapatayan. Kailangan niyo lang malaman kung sino ang mananalo sainyo pag dating sa katana,”
“Paano kung masugatan ko siya? O ako masugatan niya?” Sa talim ng katana, hindi impossible ‘yon.
“Huwag kang magalala sa bagay na ‘yan. Gagamit kami ng kapangyarihan para malagyan ng barrier ang katawan niyo. Ibig sabihin, kahit aksidente pang tumama ang talim ng katana sa bawat isa sainyo ay hindi kayo masasaktan o magkakaroon ng duguan. Pero kailangan niyong mapasuko ang isa’t-isa. Dahil doon lamang kami titingin kung sino ang nanalo,”
Tumango ako. Pero bakit kay Natan na isang binatilyo niya ako pinapalaban?
Mukhang nabasa ni Kapitan Harlek ang nasa isip ko. “Kay Natan ka pinapalaban dahil isa siya sa mga bagong natuto lamang ng katana. Hindi pa sapat ang kaalaman niya. Isang linggo pa lang siya simula noong tinuruan namin,”
Napakamot ako sa kilay ko. “Hindi ba’t parang ang unfair? Kasi siya isang linggo na. Ako pangalawang araw ko pa lamang ito,”
“Binase rin namin sa edad at sa pangangatawan, Avel. Kahit pangalawang araw mo pa lang, obvious naman na mas malakas ka kaysa kay Natan. Mas matangkad ka at mas malaki ang pangangatawan. Bawal naman siyang gumamit ng kapangyarihan dahil katana ang labanan,”
Napatango na lamang ako. “Lumapit kayong dalawa rito,” utos nito.
Lumapit kami ng binatilyo kay Kapitan Harlek at idinikit nito ang dalawang palad sa kanilang mga katawan. Parang may ilaw na lumalabas sa kamay nito.
Napasinghap ako dahil parang ang lamig sa pakiramdam. Ganito pala ang kapangyarihan ng mga ito. Walang pinagkaiba sa mga nakikitang kong magic o kapangyarihan sa movie. Parehas na parehas.
“Ngayon, subukan mong saktan ang sarili mo,” utos sa akin ni Kapitan Harlek.
“Ano ako baliw? Ayaw ko nga,” tanggi ko.
Inangilan ako ni Kapitan Harlek. “Para matesting natin na effective talagang hindi kayo masusugatan ng talim ng katana,”
Ayaw ko pa rin. Baka may side effects o baka masakit pa rin.
Napabuntong-hininga si Kapitan Harlek at tumingin kay Natan. “Ikaw na nga lang,”
May namuong kuryente sa palad ni Kapitan Harlek at itinapat niya ito at pinatama sa katawan ni Natan. Napangiwi ako dahil mukhang masakit ‘yon. Pero nagulat ako na wala man lang bahid ng pagkapaso o lapnos ng balat nito. Halatang hindi nasaktan ang binatilyo.
“See? Kaya kahit magkatamaan pa kayo ng talim, hindi niyo masasaktan ang isa’t-isa. Sige na, pumunta na kayo sa gitna at magsisimula na ang laban,” anito.
“Ilan ang time limit?” tanong ko.
“Walang time limit. Basta kung sino ang unang susuko at unang matatalo ang kabilang partido ang hihiranging panalo. Natan, Avel, sana hindi niyo kami biguin sa laban na ito. Ipakita niyo kung ano ang kaya niyo,”
Tumalikod na ang tatlong kawal at umupo sa mga upuang gawa sa bato.
Isang dramatikong malamig na hangin ang yumakap sa katawan namin. Nagulat pa ako nang biglang yumuko sa harap ko ang binatilyo.
“Kinagagalak ko hong makilala ka sa personal, Avel. Ang aming tagapagligtas. Ituturing kong magandang alaala ang makalaban ka sa pagkakataon na ito,”
Na-tsallenge ako sa sinabi niya. Bigla tuloy akong ginanahan.
Tumango ako. “Natutuwa rin ako na makalaban ang isang Enchanted at marunong sa pakikipaglaban,”
“Maari na kayong magsimula,” sambit ng Kapitan Harlek.
Nagkatitigan kami ni Natan at sa isang iglap lamang ng mata ay nawala na ito sa harapan ko.
Napasinghap ako. “Leche! Ang bilis niya!” Sigaw ko sa isipan ko.
Mabilis kong hinanap siya sa paningin pero hindi ko siya makita. Natandaan ko ang tinuro sa ni Harlek na tamang tayo sa pagkakatana. Kung paano rin ang tamang paghawak nito.
Naramdam ko na may bahagyang hangin sa bandang batok ko kaya naman nalaman kong nasa likuran ko si Natan.
Paglingon ko ay huli na ang lahat dahil nataga niya ako ng katana. Pero dahil nga may barrier, hindi ako nasaktan.
Shit, paano kung wala palang ganito at tunay na kalaban ito? Edi patay na pala agad ako!
Dahil sa impact, tinangay ng hangin ang katawan ko at tumama ang likod ko sa puno. Napaigik ako sa sakit. Hindi lang pala mararamdaman kapag inatake ka ng katana, pero ang pwersa tulad ng pagbangga sa puno o ang pag gulong gulong mo siguro sa lupa ay mararamdamanan.
At kapag nasobrahan ako sa sakit, baka manghina ako at hindi na makalaban. Pinorma ni Natan ang sarili niya sa tamang posisyon at nakita kong tinakbo niya ako upang atakihin. Natandaan ko ang sinabi sa akin ng mg Enchanted.
Malakas ang mga ito. May kapangyarihan. Pero ang isa sa mga kahinaan ng mga ito ay ang galaw. Hindi masyadong maliksi ang pagkilos ng mga ito.
Pero bakit si Natan ang bilis ng kilos?
Pero di bale, alam kong may kahinaan din sila. Mapapagod din si Natan.
Bago pa ako maatake ni Natan ay mabilis akong nakaiwas. Sunod sunod din ang naging pag-atake nito. Parang slow motion ang lahat sa akin at pinapanood ko pa kung paano ang pag-atake nito.
Hindi ko rin alam kung paano pa ako nakakailag kahit wala pa naman akong intense na training at mas lalong hindi ako mahilig mag-exercise.
Sa loob ng ilang minutong pag-atake niya sa akin nakitaan ko siya ng paghingal.
Napaisip ako. Tama. Mukhang pagod na siya. Dahil binatilyo pa lang siya at mabilis mapagod ang maliit pa niyang katawan, may limit ang kaya niyang ilabas na liksi. Samantalang ako, wala pang nababawas sa enerhiya ko.
Napangiti ako. Mukhang alam ko na kung ano ang gagawin ko ngayon.