AVEL
Napabuntong-hininga na lamang ako. Akala ko magagawa ko ang hinihingi sa akin ni Kapitan Harlek pero nabigo ko nanaman siya.
Nilapitan niya ako at inilagay ang mga braso sa balikat ko. “Huwag kang masyadong malungkot, Avel. Hindi naman ibig sabihin na hindi mo nagawa sa tamang oras ay talunan ka na. Nakita mo namang maikli lang ang pagitan na ibinigay ko sayo at idagdag mo pang first time mo,” sabi nito.
Pero hindi. Ako kasi ang lalaki sa propesiya, kaya dapat lamang na malakas ako at magawa ko kung ano man ang ipinapagawa sa akin. Kasi hindi lang naman normal ang misyon ko rito. Ako ay isang tao na napunta sa ibang mundo para iligtas ang sanlibutan. Hindi ko masyadong matanggap na sa pangalawang pagkakataon ay hindi nanaman ako pumasa.
“Huwag mo nang masyadong dibdibin, Avel. Ang mahalaga ay sakabila ng una mong ginawa ito, matagumpay mo pa ring nagawa. Tignan mo, iisa na lamang ang natira. Idagdag pang umubos ka halos ng isang minuto sa unang dummy. Huwag ka masyadong maging harsh sa sarili mo,” sambit nito.
Tama naman si Kapitan Harlek. Umubos ako ng ilang minuto sa unang dummy dahil wala talaga ako ideya kung paano ito sirain.
“At dahil ‘don, natutunan mo kung paano gamitin ng tama ang katana sa kalaban,”dagdag nito.
Buntong-hininga lang ang naging sagot ko.
“Bibigyan kita ng sampung minuto upang magpahinga. Pagkatapos, muli tayong sasabak sa panibagong training,” sabi nito.
Tumango ako at naglakad papalayo roon. Nasaan kaya si Aerith?
Teka. Bakit ko ba siya hinahanap? Binigyan ko na lang ng rason ang sarili ko. Dahil kasama ko ang babae noong mga nakaraang araw at nanonood siya ng training ko.
Binalak kong magpahinga saglit sa lilim ng puno. Palakad na ako roon nang may tumawag sa pangalan ko.
“Avel!”
Napalingon ako at nakita ko nga si Aerith na magandang maganda pa rin kahit pawisan.
Wala sa sariling napangiti ako.
“Aerith, tapos na ang training niyo?” tanong ko.
Pawisang umiling ito. “Hindi pa. Magbe-break lamang ng saglit ang mga kawal. Kaya pwede kaming magpahinga ng ilang minuto. Sayang, hindi ako makapanood ng training mo,”
Namula ang pisngi ko dahil buti na lamang at hindi nanood si Aerith kundi, nakita nito na natalo lang ako. Nakakahiya!
“A-Ayos lang ‘yon. Kamusta ang training mo?” tanong ko.
“Ayun, nakakapagod. Medyo marami kaming tinuturuan. Pero kaya naman. Nakakapagod at nakakaubos ng enerhiya. Pero sa tuwing maiisip ko na laban nating lahat ito para sa tagumpay at para sa sanlibutan, ‘yung pagod ko, nawawala. Masaya akong nakakatulong ako sa kapwa ko,” sagot nito.
“Ikaw, Avel, kamusta ang training mo?” tumingin siya sa akin.
Napalunok ako. Ayaw ko namang magsinungaling sa kanya. Pero nakakahiya lang talaga na aminin na hindi ko nagawa ang task ko ngayon. Paano pa ang susunod kong task?’
Bumuntong-hininga ako. “Hindi ako pumasa eh,”
Napasinghap ako nang gagapin ni Aerith ang aking kamay at ngumiti sa akin.
“Ayos lang ‘yun, Avel. Ano ka ba? Hindi mo dapat kinukumpara ang sarili mo sa amin. Ikaw ay isang full-blooded human. Kami ay Enchanted, may kapangyarihan at hindi normal ang katawan. Natural lamang na bago sa’yo ang lahat. Kaya nga meron kang training para maiprepara mo ang sarili mo sa magiging laban. Isa pa, hindi ka naman sanay sa ganito. Iba ang mundo niyo, rito. Kaya naman naiintindihan ko kung hindi ka agad makapag-adjust. Masyado ka maraming pinoproblema, Avel.” Ngumiti siya sa akin.
Kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam ko.
“Hindi mo naman kailangan solohin ang lahat ng bigat, Avel. Naririto kami. Handang tumulong sayo. Hindi mo lang laban ito. Kung ako sayo, imbis na masyado mong dinidibdib ang talo at ang training mo, isipin mo na lamang na parang naglalaro ka lang. Sa ganoong paraan, hindi mo kailangan i-stressin ang sarili mo,” natawa ito. “Ako nga na ipinanganak nang may kapangyarihan, ang tagal ko pa bago ko natutunan gamitin ang kapangyarihan ko eh. Siguro nag-aaral na ako ‘non. Tapos, naiinggit ako sa mga kaklase ko kasi sila kaya na nilang gumamit ng powers nila. Sabi ko pa nga ‘non sa isip ko, ang magulang ko Reyna at Hari, isa sa mga pinakamalakas na nilalang sa Ereve, tapos ako, ganito,”
She chuckled. “O, diba? Paano ka pa kaya na isang hamak na tao lamang? Na walang training at hindi naman mulat sa ganito? Masyado mong pinupush ang sarili mo, Avel. Wala namang magagalit sayo rito kung matatalo ka sa bawat training mo. Ano na ba ang ginawa niyo kanina?”
“’Yung mga dummy na parang may katawan ng tao,”
Napasinghap si Aerith. “Talaga? ‘Yun na agad ang pinagawa ni Kapitan Harlek? Mukhang puspusan na ang gagawin niyang training sayo, ha. Hindi naman pala nakakapagtaka na kung bakit hindi mo agad nagawa. Dahil mahirap naman talaga ‘yun. Kahit kaming mga Enchanted, noong first time sa amin na pinagawa ‘yon, nahirapan din kami,”
Medyo gumaan na talagaa ng pakiramdam ko dahil sa sinabi niya. “Talaga ba?”
“Yes. Kaya huwag ka masyadong negatibo. Hayaan mo, darating ang araw na magiging sobrang lakas mo. Naniniwala ako na makakaya mo ‘yun dahil ikaw ang lalaki sa propesiya,”
“Salamat sa tiwala, Aerith. Malaking bagay sa akin ang mga salita mo. Tunay akong naapektuhan ng iniisip ko. Tama ka, hindi ko dapat pilitin at madaliin ang lahat. Matututunan ko rin ito,”
Nagkangitian kami.
Magaan talaga ang loob ko sa Prinsesa Aerith dahil napakabait nito. Napakapino kumilos. Talagang pang prinsesa ang datingan.
“Balitaan mo rin ako mamaya sa training mo, ha?” sabi ko.
Tumango ito at binigyan ako ng thumbs up. “Makakaasa ka, Avel. Halika na, naririyan na ang mga kawal,”
Napatingin ako sa tinitignan nito at nakita ko nga na papuntana sa amin ang mga kawal at hinahanap na siguro ang mga magte-training.
Damn. Sampung minute na ba agad ang lumipas? Kapag talaga ang Prinsesa Aerith ang kasama ko, parang ang bilis ng takbo ng oras.
Tumayo kami at pinagpag ang puwitan. “O, paano? Mauna na ako, Avel ha.”
Tumango ako. “Sabay tayo pauwi. Hihintayin kita rito,”
Lumiwanag ang mukha nito. “Hmm… sige. Gusto ko ‘yan, Avel.”
Nawala na ang bigat sa dibdib ko. Kumakaway kami sa isa’t-isa habang naglalakad sa magkaibang direksyon.