AVEL
Nagising na ako nang tuluyan. Hinahapo. Pawisan. Kinakabahan. Ang lakas lakas ng kabog ng dibdib ko. Pinagmasdan ko ang paligid. Whew. Naririto nga pala ako sa kaharian ng Ereve. Bakit ba muntik ko nang makalimtan ‘yon? Ang panaginip ko nga pala ay totoo. Imbes na para akong nasa Hardin ng Eden tulad ng panaginip ko, heto ako, nasa selda at parang preso.
Nakakainis pa, dahil pakiramdam ko ‘yung mga bantay ay pinagtatawanan ako. Parang hindi sila naniniwala na ako talaga ang lalaki sa propesiya. Nakakainis! Bakit ba sila hindi naniniwala? Si Cygnus na nga ang nagsabi, tapos ayaw pa rin nila maniwala? Tingin ba nila kaya kong pumatay ng mga inosenteng nilalang at mga musmos na bata? Hah! Nakakainis talaga!
Nahilamos ko ang kamay ko sa mukha ko. Napakaplain lang ng selda ko. Isang kamang gawa sa bato, isang maliit na bintanang may rehas, isang maliit na banyo at pintuang may bakal na harang lamang ang nakikita ko.
Nasa ganoon akong sitwasyon nang biglang may liwanag na pumasok sa selda ko at nagulat ako dahil naging hugis tao ‘yon. Si Cygnus.
Inirapan ko siya. “Oh, mabuti naman dinalaw mo ako. Akala ko papabayaan mo na ako, eh,” naiinis ko talagang sambit.
Mapagkumbaba naman ang tono ni Cygnus. “Pasensya na, Avel. Alam mong ginawa ko ang makakaya ko upang kumbinsihin ka. Pero mahigpit talaga ang sekyuridad dito. Ipagpaumanhin mo. Nag-iingat lamang sila dahil gusto lamang nila ng katahimikan at masiguro ang kapakanan ng lahat,”
“At ang kapakanan ko?”
“Walang kakanti sayo rito, Avel,”
“Hindi ‘yon ang ibig kong sabihin. Parang napakaunfair naman sa akin, Cygnus. Hindi naman ako sanay makulong at ituring na parang preso eh. Ni hindi ko nga naranasan ito sa mundo ng tao, tapos dito, mararanasan ko? Hindi ba’t parang unfair sa akin. Isa pa, sino ba ang nagdala dito sa akin? Ikaw. Kaya dapat sagot mo ako. Ako itong nananahimik sa mundo ng tao, sukat akalain bang dadalhin mo ako rito. Ako na nga ‘yung naperwisyo, ako pa ang nakakulong. Ibang klase,” paghihimutok ko. Naiinis talaga ako eh.
Bumuntong-hininga si Cygnus. “Pasensya na, Avel. Hayaan mo, gagawin ko ang lahat upang kumbinsihin sila na hindi ka isang banta o kaaway. Bagkus, ang taong tagapagligtas ng sanlibutan,”
“Totoo ba kasi talaga ‘yang premonisyon mo? Baka hindi kasi talaga ako ang lalaking ‘yan. Kahit nga ako, hirap akong paniwalaan ‘yan, ibang tao pa kaya?”
Nagseryoso ang mukha ni Cygnus. “Minamaliit mo ba ang kakayahan ko, Avel? Kahit kailan ay hindi pa nagkamali ang premonisyon ko. Ang mga panaginip ko. Ako ang pinakamagaling at pinakamakapangyarihan pagdating sa ganitong kakayahan. Kaya naman naniniwala ako sa nakita ko. Ikaw talaga ang lalaki sa panaginip ko. Ikaw ang lalaking magliligtas ng sanlibutan. Ikaw si Avel, ang huling lalaki,” pagtatapos nito sa usapan.
Napabuntong-hininga na lang ako at wala nang sinabi pa. “Atsaka, huwag ka mag-alala. Hindi ka naman sinasaktan eh. Pinakain ka pa nga,”
Nagulat din ako noong una. Akala ko kasi hindi sila kumakain, o kung kumakain man, kakaibang uri ng pagkain. Pero hindi, parang mga tao talaga ito. Kung ano ‘yung kinakain sa mundo ng tao, ganoon din sila.
Nabilib nga ako noong una.
At tama naman si Cygnus. Hindi naman ako sinasaktan o minamaltrato rito. Nabusog pa nga ako. Pero kahit na, nakakainis. Ako na nga itong inistorbo, ako pa itong nakakulong.
Lumakad patungo sa akin si Cygnus. “Alam mo, imbes na naghihimutok ka r’yan. Ang gawin mo ay kunin mo ang tiwala nila. Para maging mabilis ang paglaya mo. At huwag kang mag-alala. Syempre, nasa likod mo ako. Nakaalalay sayo at susuportahan kong hindi ka nila dapat katakutan,”
“Ano ba naman kasi ang dapat ikatakot sa akin? Sa itsura kong ‘to, katatakutan? Mukha ba akong pumapatay?”
Napabuntong-hininga si Cygnus. “Hindi mo sila masisisi. Payapa ang mundo ng Ereve at gusto lang nilang mapanatili ‘yon. Isa pa, maaring iniisip nila na hindi lang ikaw ang taong nakapasok sa mundo namin. Pwede nilang isipin na may mga ibang tao pa na naririto at nagsasaliksik. Hindi mo sila masisisi kung gusto nilang protektahan ang mga sarili nila. Kilala mo naman sa mundo ng mga tao, kapag nalaman nilang totoong nageexist ang lugar na ito, gagawa at gagawa sila ng paraan para magresearch tungkol dito. At mabubulabog kami. Hindi natin alam, makagawa sila ng modernong teknolohiya daan patungo rito. Hindi natin alam. Ang mga tao ay puno ng kuryusidad. Mahilig silang alamin ang mga bagay-bagay na hindi na dapat alamin pa. Kaya nagreresulta ng pagkasira,” malalim na sagot nito.
Sa isang banda, may punto si Cygnus. Totoo ‘yon. Hindi marunong makuntento ang mga tao. Masyadong maraming gustong alamin ang mga tao. Maraming mga katanungan na gustong masagot. Pero naisasaalang-alang ang mga pagkasira ng kalikasan o ng isang bagay dahil lamang sa research o eksperimento.
“May mga bagay kasi na hindi na natin dapat pang alamin at dapat na lamang manatili sa ganoon. Pero sa mundo niyo ay hindi ganoon. Pinagkakakitaan ng mga negosyante at mga ganid sa pera ang mga impormasyon na hindi nila ay nakakasira sa iba,”
Naiintindihan ko naman ito kaya tumango na lang ako. “So, paano ko nga makukuha ang tiwala nila?”
Napangiti sa akin si Cygnus at umupo sa batong kama. “Bukas ay may gaganapin na piging. Tuwing katapusan ng buwan, ay nagdidiwang talaga rito sa mundo ng Ereve. May paniniwala kami na dapat magbigay pasasalamat sa buong buwan na biyaya at kaligtasan,”
“Ano ang koneksyon ng piging sa pagkuha ng tiwala nila?”
“Gagawa ako ng komosyon. Pero hindi ko papalalain. May kailangan kang gawin senaryo na kung saan, tiyak kong pagkakatiwalaan ka ng mga bantay. Hindi lang ng bantay. Kundi ang lahat ng mamamayan ng Ereve at ang mga bata. Isa ang mga bata sa dapat mong ikonsidera, dahil ang mga magulang ay sadyang gustong proteksyunan ang kanilang mga supling. Kaya naman kung makikita nila na mabait ka at hindi mo kayang manakit ng bata, naniniwala akong mapapaaga ang paglaya mo,”
Nagugulumihan pa rin ako. Pero magtitiwala ako kay Cygnus. Alam kong alam niya ang ginagawa niya.
Tumango ako. “Sige, gawin natin bukas ang plano,” pagsang-ayon ko.