YLODIA Hindi maipinta ang mukha ni Sister Susan pagkakita kung sino ang bumaba sa pulang toyota hilux. Napataas pa ang kanyang kilay. "Sinabi mo ba sa kanya na luluwas ka ng Maynila ngayon?" agad niyang tanong sa akin. "Hindi po." sagot ko. Papalapit sa amin ang nakangiting si Don Hilario. Ngiting may kasamang pagyayabang, ayon na rin kay Sister Susan. Matagal nang nagpapalipad-hangin sa akin ang mayamang matandang binata. Pero lagi ko lang iniignora ang panliligaw niya sa akin. Kahit si Sister Susan ay prinangka na ang lalake pero hindi pa rin tumitigil sa pagbisita sa simbahan at pagbibigay ng kung ano-ano sa bahay ampunan. Kagaya ngayon, napaka aga niyang mambwisit, este, bumisita. "Magandang umaga sa mga magagandang binibini." Sinabayan pa niya ng pagyuko ang kanyang

