KABANATA 8
“YOU’RE safe now, please, don’t think too much.” Inabutan ni Jackson ng isang basong tubig si Marceline habang inaayos naman sa tabi ng hospital bed ang kadarating lang na maliit na cart na may kadikit na table ng mga pagkain mula sa isang hospital staff.
“Salamat...” tinanggap nito ang baso ngunit ilang segundo pang nagdalawang isip kung iinumin iyon.
Naupo si Jackson sa gilid ng kama nito ngunit medyo malayo ang distansya sa babae. “Naiintindihan kong natatakot ka sa lahat ngayon pero nagsasabi ako ng totoo. Mapagkakatiwalaan mo talaga ako.”
Narito na muli sila sa hospital room kung saan naka-confine si Marceline, matapos ang usapan noong nakaraan pang mga araw sa hallway ay tinigilan naman ng matanda si Jackson sa kapipilit, marahil kilala siya nito at alam kung ano ang kaya niyang gawin pero batid niyang nakabantay at hindi pa rin umaalis ang grupo nito sa lugar. Kaya naman tinawag na niya sa loob ng ospital ang sarili niyang mga tauhan para magbantay sa labas ng kwarto.
Hindi umimik si Marceline at ininom lamang ang tubig saka inilagay na sa katabing table.
Kahit papaano nga ay pakiramdam niya ligtas siya ngayon.
Ilang araw siya nitong pinagpahinga at hinayaan muna sa sariling silid at tanging ang tunog ng aircon lamang ang maririnig at ang mga nurse o doktor na bumibisita sa kaniya kung minsan. Pero hindi nakakalimutan bumisita ni Jackson at ipaalala sa kaniyang ligtas na siya.
“Baka mas matulungan pa kita sa mga susunod na pagkakataon kung sasabihin mo na sa ‘kin kung ano talaga ang nangyayari sa ‘yo at sa mga ‘yon?” Saad nito sa kaniyang malalim at lalaking lalaki na boses. “Pinagsamantalahan ka ba ng mga iyon?”
Pagkatapos ng ilang araw ay naglakas loob nang bumisita muli si Jackson sa loob ng silid. Wala namang seryosong natamo na sugat si Marceline ngunit nagkasundo sila na rito muna sa ospital magtagal hangga’t hindi pa sigurado sa safety nito paglabas.
Wala namang problema para kay Jackson. Pabor sa kaniya na makita ang dalaga at makausap pa nang mas matagal.
Naabutan niyang gising si Marceline pagpasok ng silid nito at nakatulala sa bintana, sa tabi ng kama nito. Pumayag naman na makausap siya.
Dahan dahang umiling ang dalaga. “Hindi. Nakatakas ako.”
Napadiretso ng upo si Jackson sa narinig. “I see.”
Nagyuko ng ulo si Marceline. Pakiramdam niya ay bumabalik ang takot sa tuwing iniisip niya ang hitsura ng mga matatandang lalaki na iyon.
“Gusto mo bang i-report natin ‘to sa police?”
Mabilis na umiling si Marceline at nag-angat ng tingin sa lalaki. Nagtama ang kanilang mga tingin at doon niya nakitang hindi siya nito nilulubayan ng nag-aalalang tingin habang nakaupo sa dulo at gilid ng kama.
“Ayoko na sanang palakihin pa... hindi kasi alam ng magulang at mga kaibigan ko ‘to. At una sa lahat, kasalanan ko rin naman. Pumayag ako...”
Nangunot ang noo ni Jackson sa narinig. “What do you mean?”
Napalunok ang dalaga at marahas na bumuntonghininga. “Pumayag ako no’ng inalok ako. Na bibilhin ang katawan ko.” Nag-iwas siya ng tingin dito, takot na mahusgahan, pero sa tingin niya ay tama si Jackson. Malaki ang tyansa na matulungan siya nito kung magiging totoo siya. “Hindi ko naman inakala na matatanda ang mabubungaran ko ro’n. At marami pa silang bababoy ng katawan ko. Wala ‘yon sa usapan na pinayagan ko...” mahinang dugtong niya.
Nagkaroon ng katahimikan pagkatapos magsalita ni Marceline. Hindi naman niya kayang tignan ang kausap ngayon dahil sa mga inamin habang si Jackson naman ay hindi malaman ang sasabihin.
Pinagmamasdan niya lang ang walang kalaban laban na babae mula sa mga binabanggit nito. Hindi niya talaga maunawaan kung bakit noong nakaraan pa hindi nawawala ang interes niya sa kwento ng buhay ng misteryosong babae sa kaniyang harapan.
“You know I usually do that, too.”
Nagbalik ng nagtatakang tingin sa kaniya si Marceline.
“I usually buy women that could service me for a night, Marceline, pero hindi ang mga babaeng hindi alam ang pinapasok nila. Hindi rin ako namimilit dahil hindi iyon tama.” Pagpapatuloy niya. “Hindi ka taga-rito sa Manila?”
Nahihiyang umiling ang kausap. Pinagmasdan ni Jackson ang dalaga at napatunayan kung gaano ka-vulnerable nito.
“Hindi mo siguro alam na maraming iba’t ibang uri ng tao rito. Wala ka sa fairy tale, mas marami ang halimaw rito. Mas makakabuti siguro kung babalik ka sa inyo, malayo ba ‘yon?”
“Alam ko. Alam ko naman. Hindi rin fairy tale ang buhay ko sa probinsya kaya gusto ko lang naman magbaka sakali rito.” Depensa niya habang nilulunok ang hiya. “Maraming salamat sa pagtulong, hindi ko alam kung pa’no kita mababayaran...”
“It’s nothing. Sa’n ka ba nakatira, gusto mo bang ipahatid kita sa inyo?”
Natigilan si Marceline sa narinig.
Umalis siya sa bayan ng La Hermosa na puno ng pag-asa, kahit na alam niyang marumi nga ang paraan ng pagkita ng pera na pinunta rito sa Maynila ay nagustuhan niya ang pagliwanag ng mukha ng kaniyang pamilya. Iyon lang naman talaga ang gusto niya, ang makapagtrabaho at makatulong.
“Hindi.” Umiling si Marceline, buo na ang loob niya tungkol dito. “Hindi ako pwedeng bumalik sa ‘min hangga’t walang trabaho. Kailangan ko magtrabaho tutal ay nandito na rin ako.”
Tumatangong tumayo si Jackson at naupo nang mas malapit kay Marceline. Pinanood ng dalaga ang gagawin nito at nakitang iniaayos ni Jackson ang mga pagkain at isa isang inihahanda para sa kaniya.
“Okay. Marami namang opportunities, titignan ko kung may mairerekomenda ako sa ‘yo. Sabihin mo lang ang uri ng trabaho na hinahanap mo, I’ll help you.”
Namilog ang mga mata ni Marceline sa seryosong narinig mula sa lalaki at napaawang ang bibig.
“T-Talaga?”
“You heard me right, for now kumain ka muna. I requested these awhile ago.”
“Maraming salamat!” Nahihiya man ngunit hindi maitago ang saya sa pagpapasalamat niya rito. “Kahit kasambahay mo sa inyo, kahit maraming gagawin, ayos lang sa ‘kin.”
Natigilan si Jackson sa paghalo ng pagkain sa isang bowl at sinulyapan ang dalaga. Natigilan sila pareho lalo na ngayong malapit sila sa isa’t isa.
Tumikhim si Jackson at pinanatili ang naguguluhang tingin kahit na sa loob loob niya ay natigilan siya nang makita ang masayang ngiti ng babae na ilang araw ng walang emosyon dito sa silid kundi takot.
“Hindi ko kailangan ng kasambahay pero ‘yon ba ang trabahong hahanapin mo?”
“P-Pwede. Nabanggit mo kasi noong nakaraan na... na isasama mo ‘ko sa inyo, kaya akala ko ‘yon ang tinutukoy mong trabaho...”
Napakurap si Jackson sa narinig at nang maalala ang linya ng pagsisinungaling sa mga lalaking humahabol at pumipilit kay Marceline ay bahagyang natawa.
“Sinabi ko lang ‘yon para tigilan ka na nila. Gusto mo bang sumama sa bahay ko?” Natatawa ngunit pati ang sarili niya ay tinatanong niya sa sinabi kay Marceline.
Napakamot ng ulo sa hiya si Marceline at ‘di alam ang isasagot. “Kapag may kilala ka na lang na nangangailangan ng kasambahay... pwede ako. Pwede mo akong irekomenda. Kahit iyong marami pang anak na aalagaan, ayos na ayos lang sa ‘kin.” Tipid na ngumiti siya rito. “Hindi naman ako maarte.”
Ilang segundong natulala si Jackson sa kaniya, lalo na nang makita itong nakangiti kahit na tipid lamang iyon at bahagyang nahihiya.
Walang duda, magandang maganda sa paningin niya ang maamong mukha ni Marceline. Ayaw niya mang aminin dahil minsan lang naman siyang maging attracted sa mga babae bukod sa mga katawan ng mga ito sa tuwing kakailanganin niya ng magpapainit ng kaniyang kama sa gabi pero isa si Marceline sa nakapukaw ng atensyon niya.
Hindi sa parehong dahilan gaya ng atraksyon niya sa iba. Hindi niya tuloy maintindihan.
“Sure. Titignan ko rin kung kakailanganin ko pa ng isa pang kasambahay.” Nagpipigil ng pagngiti na aniya. Inalok niya ang pagkain kay Marceline. “Pwede ka ng kumain, baka lumamig ang sabaw.”
Tumango si Marceline rito at naupo nang maayos, kahit papaano ay ginaganahan at nakakita ng pag-asa sa tulong ni Jackson.
Ang nakaswerong kamay ay maingat na inihawak niya sa kutsara at isinandok sa plato ng mga pagkain.
Nang mapansin na mahina sa pagkilos ang dalaga, marahil dulot ng pagiging takot nito sa mga nagdaang araw, ay walang pag-aatubiling tinulungan ito ni Jackson. Kinuha niya ang mga plato at inilapit kay Marceline para makakuha nang maayos ng pagkain ang dalaga. Nahihiya at nagulat sa ginawa, nagdalawang isip si Marceline kung paano ang gagawin.
“Huwag kang mahiya. Inuubos ko lang din ang oras ko rito sa kwarto mo, hinihintay ko kung kailan ako pwedeng papasukin ng mga nurse at doktor sa kabilang kwarto.”
“B-Bakit?”
“Naro’n ang anak ko.” Marahang kinuha ni Jackson ang kutsara para tulungan si Marceline at nang akmang susubuan siya nito ng pagkain ay namilog ang mga mata ng dalaga. “Iuuwi ko na rin siya sa bahay as soon as possible. Ikaw, sa’n ka pala tutuloy?”
“Um... h-hindi ko pa alam. Maghahanap pa lang ako...” naisip kaagad ni Marceline na wala siyang kapera pera para mangupahan, inaasahan niya kasi talaga ang napag-usapan nila ni Tristan. Kaagad na bumalot ang pag-aalala at pag-iisip nang malalim sa kaniyang ekspresyon.
“I’ll help you, don’t worry.” Saad nito sa kaniya.
Nag-angat lang ng mga kilay si Jackson at tumango nang ipaalala ang pagkain sa kutsara, inaaya ang babae na tanggapin ang ginagawa niya.
Pero sa totoo lang, kahit para sa kaniya, hindi niya rin alam kung bakit niya ‘to ginagawa. Magaan na magaan lang talaga ang loob niya rito at pakiramdam niya ay mahinang babae si Marceline na dapat alagaan o ingatan.
Nagmamagandang loob lang siya. Iyon na lang ang pinili niyang isipin.
“Ako na... kaya ko naman.” Natatawang hinawakan ni Marceline ang kamay ng lalaki para kunin ang kutsara. Tumango na lamang ang huli at hahayaan na sana ito.
Kung hindi lang halos mapatalon sila pareho sa gulat nang malakas na bumukas ang pinto. Nilingon ni Jackson ang salarin at kaagad na napapikit nang mariin nang makilala kung sino ang may kagagawan noon.