Madilim pa ang silid, at tanging ilaw ng araw mula sa siwang ng kurtina ang nagbigay-liwanag sa mukha ko. Wala pa akong isang oras na tulog, katawan ko'y ramdam pa rin ang hapdi at pagod sa gabi ng pagsasayaw.
Brrr… brrr… brrr…
Nagmamadaling umalingawngaw ang tunog ng cellphone ko mula sa may gilid ng kama. Para itong isang tunog na hindi lang basta gising—parang may dalang kaba. Dali-dali kong kinuha iyon, ni hindi na tiningnan kung sino ang tumatawag.
“Hello?” garalgal kong sagot, boses ko’y halatang bagong gising.
“Hello, Miss Chasandria?” pamilyar na boses ang narinig ko. Mabilis kong tinuwid ang upo ko.
“Doc?” tanong ko, kaba na agad ang gumapang sa dibdib ko.
May maikling katahimikan sa kabilang linya, pero sapat iyon para mapuno ng bangungot ang isip ko. At saka dumating ang mga salitang hindi ko inaasahan.
“Inatake na naman ang tatay mo. Kailangan na po talaga siyang maoperahan sa lalong madaling panahon. Kung hindi, delikado na po ang kalagayan niya.”
Parang biglang umikot ang paligid ko. Napakapit ako sa gilid ng kama, halos hindi makahinga.
“Asan na po ‘yung pera?” dagdag pa ng doctor, may bahid ng urgency ang tinig niya—at konting lungkot, na para bang ayaw niyang sabihin pero kailangan niyang sabihin.
Hindi ako nakasagot agad. Napatitig lang ako sa sahig, hawak pa rin ang cellphone. Parang may malamig na tubig na ibinuhos sa akin. Napatingin ako sa kisame at napapikit, pilit pinipigilan ang luha.
“Doc…” garalgal kong boses, nanginginig, “ibibigay ko na. Kakausapin ko ang boss ko. Kailangan lang talaga?”
“Oo, anak. Hindi na puwedeng bukas pa. Ngayon o baka wala na tayong pagkakataon.”
At doon na pumatak ang unang luha ko sa kumot.
Ngayon. Ngayon kailangan. Wala nang next week. Wala nang baka pwede pa. Ngayon o mawawala na siya.
Nang matapos ang tawag, tahimik lang akong nakaupo. Ilang minuto akong nakatulala, tahimik na umiiyak, habang sa dibdib ko ay paulit-ulit na nag-e-echo ang mga salitang:
“Ngayon o baka wala na tayong pagkakataon.”
Ngayon. Kailangang kumilos. Kailangang lumaban. Para sa kanya. Para sa tatay ko.
Mabilis akong lumabas ng inuupahang kwarto, hindi na ako nag-abalang mag-ayos. Suot ko pa rin ang lumang pajama na may bahagyang butas sa laylayan at simpleng puting kamiseta na medyo lukot. Sa paa ko'y naka-tsinelas lang ako—yung may naputol nang strap na nilagyan ko na lang ng safety pin para lang magamit pa.
Ang mga mata ko’y namumugto pa mula sa iyak kaninang umaga. Malamig ang hangin, pero hindi iyon ang dahilan kung bakit ako nanginginig. Kaba. Takot. At ang mas mabigat pa, ang posibilidad na baka mawala na sa akin ang taong mahal na mahal ko.
Sumakay ako ng jeep, at agad akong umupo sa pinakagilid. Tahimik lang akong nakatingin sa labas ng bintana habang dumadaan ang mga pamilyar na tanawin—mga lugar na dati'y wala lang sa akin, pero ngayon parang ang bigat ng bawat kanto, bawat daan, bawat minuto.
Sa nanginginig kong mga daliri, kinuha ko ang cellphone ko at tinawagan si Lyka.
Ring… ring…
“Hello?” sagot niya, medyo paos, halatang kagigising lang.
“Lyka…” garalgal ang boses ko, halos hindi ko mailabas. “Kailangan ko ng pera. Kailangan maoperahan si papa ngayon. Pwede bang pakiusapan mo yung manager? Pwede ba akong mag-advance load kahit kalahati lang?”
Habang sinasabi ko iyon, naramdaman kong nanginginig ang kamay ko habang hawak ang cellphone. Pinipigilan ko ang luha pero kumawala pa rin ito. Hindi na ako nahihiyang mapansin ng katabing pasahero ang pagtulo ng luha ko—wala na akong pakialam.
“Ibang manager ang available ngayon, hindi si Katrina…” sagot ni Lyka, may bahid ng pag-aalangan sa tono niya. “Pero… sige, itatry ko. Gagawin ko ang lahat para makausap siya.”
Tumango lang ako kahit hindi niya ako nakikita. “Salamat, Lyka… please…”
Napatitig ako sa aking palad na nanginginig pa rin, parang may tumutusok sa dibdib ko sa bawat segundo ng paghihintay—habang umaasa na may awa pa ang mundo. Habang unti-unting lumalapit ang jeep sa bar, pakiramdam ko'y palakas nang palakas ang t***k ng puso ko, pero hindi sa excitement—kundi sa pangambang baka dumating ako ng huli.
Pagbaba ko ng jeep, halos hindi ko na maalala kung paano ko narating ang bar. Parang lumilipad ang mga paa ko habang tumatakbo papasok, hindi alintana kung may nakatingin, hindi alintana kung maayos ba ang itsura ko. Ang mahalaga lang sa akin ay makiusap—magsumamo—para sa buhay ng ama ko.
Pagkapasok ko sa bar, mabilis akong nagtungo sa opisina. Nanginginig ang kamay ko habang binubuksan ang pinto, hindi man lang ako kumatok o tumingin kung sino ang nandoon. Basta tuloy-tuloy lang ako.
“Ma’am, kailangan ko pong mag-advance loan para sa pagpapagamot ng papa ko… pwede po ba?” Halos maputol ang boses ko sa gitna ng pakiusap, nangingilid ang luha ko habang tumayo ako sa harap ng mesa.
Ngunit pag-angat ko ng tingin—tumigil ang mundo ko nang makita ko kung sino ang nandoon.
Si Serona.
Tahimik siya sa unang saglit, pero hindi kagaya ng ibang manager na mahigpit o walang pakiramdam. Tila iba si Serona—ang presensya niya, bagama’t intimidating, may init at misteryosong kabaitan.
Ngumiti siya. Isang ngiting hindi ko inaasahan.
“Pwedeng-pwede, Chasandria,” mahinahon niyang sagot, sabay tayo mula sa upuan. “Magkano ba ang kailangan mo?”
Napalunok ako, pilit pinipigilang humagulgol.
“Limang daang libo po…” sagot ko, halos pabulong, dahil sa bigat ng salitang iyon sa aking dibdib.
Biglang natahimik ang buong silid. Si Lyka, na nakatayo sa gilid, napatingin sa akin na parang hindi rin makapaniwala na nasambit ko ang ganung halaga. Nakatingin lang sa akin si Serona, parang tinitimbang ang bigat ng kahilingan ko. Doon na tuluyang tumulo ang luha ko—hindi na ako makapigil.
“Please po…” dagdag ko, habang hawak ang laylayan ng aking damit. “Kailangan po talaga ng papa ko ang operasyon. Ayokong mawala siya. Wala na po akong ibang malapitan…”
Huminga nang malalim si Serona, tapos lumapit sa akin. Marahan niya akong tinapik sa balikat, saka siya muling ngumiti—ngiti ng isang taong may kapangyarihang magdesisyon, pero may puso ring marunong umintindi.
“Makukuha mo ang pera, Chasandria. Pero gusto ko lang ipaalala: ang laki ng halagang iyan, malaki rin ang kabigatang kaakibat. Handa ka ba?”
Tumango ako, kahit hindi ko alam kung ano ang eksaktong ibig sabihin niya. Ang alam ko lang, ito ang kailangan kong gawin. Para sa ama ko. Para sa pamilya ko.
At sa saglit na iyon, parang bumagal ang oras. Sa loob ng opisina, naroon ang kaba, ang lungkot, at ang pag-asang pilit kong kinakapit. Sa harap ko ang isang desisyong maaaring magbago ng buhay ko magpakailanman.
"Handa po," sagot ko, buo ang loob, kahit ramdam ko pa rin ang panginginig ng boses ko.
Tahimik lang si Serona nang ilang segundo, bago siya tumango at tumalikod para kunin ang kanyang tseke booklet sa drawer. Maingat niyang binuksan ito, at saka nagsulat—dahan-dahan, tila sinusukat ang bigat ng bawat letra habang isinusulat niya ang halaga ng ₱500,000.
Habang ginagawa niya iyon, para akong hindi makahinga. Pinagmamasdan ko ang kanyang kamay, bawat hagod ng ballpen sa papel, at tila bumagal ang oras. Saka niya nilagdaan ang tseke at inabot ito sa akin.
"Ito na," mahinahon niyang sabi. "Gamitin mo ito ng tama, Chasandria. May tiwala ako sa’yo."
Nanlalaki ang mata ko habang tinatanggap ang tseke. Parang nanaginip lang ako. Nang mahawakan ko ito, hindi ko napigilang mapaluha.
"Thank you po… thank you po talaga!" halos pasigaw kong sagot, sabay bahagyang yuko bilang tanda ng taos-pusong pasasalamat.
Hindi na ako nag-aksaya ng panahon. Hawak-hawak ang tseke na para bang kayamanang ayokong mawala sa kamay ko, mabilis akong lumabas ng opisina. Nararamdaman ko pa rin ang mabilis na kabog ng dibdib ko habang naglalakad palabas ng bar.
Pagkarating ko sa labas, agad akong sumakay ng taxi. Hindi ko na ininda ang gastos. Ang mahalaga, makarating ako agad sa banko.