Sa loob ng sasakyan, nakatitig lang ako sa tseke habang yakap-yakap ko ang bag ko. Parang wala akong naririnig, hindi ko namamalayan ang mga busina sa labas, o ang mga naglalakad sa bangketa. Ang iniisip ko lang ay si Papa. Ma-ooperahan na siya. Malalampasan na namin ito.
Pagkarating sa banko, agad akong bumaba. Tumakbo ako papasok, agad lumapit sa teller. Ramdam ko pa rin ang tensyon habang iniaabot ko ang tseke.
“Magwi-withdraw po ako,” sabi ko, pilit pinapakalma ang sarili.
Tiningnan ng teller ang tseke, sinuri, at saka tumango.
“Please wait a moment, ma’am.”
Habang naghihintay, hindi mapakali ang mga kamay ko. Nakapatong ang dalawang palad sa mesa, malamig ang mga daliri, at ramdam ko ang patak ng pawis sa batok ko. Pakiramdam ko, isang maling galaw lang, mawawala ang lahat.
Pero ilang saglit pa, bumalik ang teller na may hawak na envelope. Inabot niya iyon sa akin.
“Here’s the amount, ma’am. Please count before leaving.”
Tiningnan ko ang laman—limpak-limpak na pera. Ramdam ko ang bigat nito, hindi lang sa kamay ko kundi sa puso ko. Para akong maiiyak muli.
"Thank you po..." bulong ko, habang dinidikit sa dibdib ko ang envelope.
Lumabas ako ng banko, sa wakas, may hawak na akong pag-asa. Ngunit alam kong ito pa lang ang simula—ng isang laban na puno ng sakripisyo, delikado, pero kailangang pagdaanan alang-alang sa taong mahal ko.
Pagkababa ko ng taxi sa harap ng ospital, halos hindi ko na naisip ang bayad—mabilis akong tumakbo papasok, hawak-hawak ang envelope ng pera na para bang buhay ang laman nito. Sa bawat hakbang ko, parang may bumibigat sa dibdib ko, lalo na't ramdam ko ang kaba at takot na baka huli na ang lahat.
Pagdating ko sa ICU floor, sinalubong ako ng malamig na hangin ng ospital at amoy gamot na matagal ko nang kinatatakutan. Nanginginig ang tuhod ko habang naglalakad, hinahanap ang kwarto ng papa ko. Hanggang sa nakita ko ang doktor sa labas, kasama ang dalawang nurse na may seryosong mukha.
“Doc!” tawag ko, halos pasigaw, at agad lumapit.
“Chasandria… nasa critical na kondisyon ang ama mo. Kailangan na talaga siyang maoperahan sa loob ng susunod na isang oras. Kung hindi…” hindi na niya tinapos.
Bumuka ang labi ko pero walang lumabas na salita. Sa halip, napaiyak na lang ako. Nanginginig ang kamay kong iniabot sa kanya ang envelope ng pera.
“Ito na po!” humikbi ako. “Ito na po ang pera! Gawin niyo na po ang lahat! Magamot lang siya… iligtas niyo po ang papa ko, please!”
Halos mapasigaw ako sa pagmamakaawa. Hindi ko na alintana kung may nakatingin, kung may nakakarinig. Wala na akong pakialam. Gusto ko lang siyang mailigtas.
Tahimik na kinuha ng doktor ang envelope. Tiningnan niya ako saglit—may habag sa mga mata niya.
“Sige po, aayusin na namin lahat. Ipagdasal niyo siya habang inioperahan. Gagawin namin ang lahat.”
Tumango ako, pero halos hindi ko na makita ang mukha niya dahil sa mga luhang patuloy na bumabagsak mula sa mga mata ko. Para akong bata na nawawala, helpless, basang-basa ng takot at lungkot.
Pagkatalikod ng doktor, bumagsak ako sa upuang malapit sa pintuan ng ICU. Tinakpan ko ang mukha ko at duon ako tuluyang bumigay.
“Papa… wag ka pong bumitaw… andito na po ako… andito na ang pera… wag mo po akong iwan…” bulong ko, paulit-ulit, habang humahagulhol.
Sa mga oras na iyon, wala na akong ibang hinihiling. Kahit gaano kahirap ang pinasok kong mundo, kahit gaano kababa ang tingin ng iba, basta’t mailigtas ko lang ang ama kong mahal na mahal ko—kaya ko. Gagawin ko. Lalaban ako.
Habang nagsisimula na ang operasyon, pakiramdam ko'y para akong nilalamon ng mga pader ng ospital—tahimik pero mabigat, parang laging may nakaambang masama. Hindi ko alam kung saan ako pupunta hanggang sa mapansin ko ang maliit na dasalan sa dulo ng hallway.
Pumasok ako, at agad akong sinalubong ng katahimikan. Maliit lang ang silid—may ilang upuan, isang altar na may krus, ilang kandila at isang imahe ng Mahal na Ina. Walang ibang tao sa loob maliban sa akin. Isinara ko ang pinto, at doon ko naramdaman ang bigat ng lahat.
Dahan-dahan akong lumuhod sa harap ng altar. Nanginginig ang katawan ko habang pinagmamasdan ang krus. Parang bigla akong nabingi—wala na ang ingay ng ospital, ang yabag ng mga nurse, ang iyak ng ibang pasyente. Tanging t***k na lang ng puso ko ang naririnig ko, at ito'y mabilis, magulo… takot na takot.
“Diyos ko…” bulong ko habang nagsisimula nang bumagsak ang luha sa mga mata ko.
“Patawad po… patawad kasi sumayaw ako sa harap ng maraming tao… dahil sa pera. Alam kong mali… alam kong hindi ito ang plano niyo para sa akin. Pero hindi ko po alam kung saan pa ako kukuha. Natatakot lang po ako mawalan ng ama…”
Humigpit ang pagkakakapit ko sa mga palad ko habang nakaluhod. Pinipigil ko ang hikbi ko, pero hindi ko na kaya. Duon ko na ibinuhos lahat.
“Hindi ko po siya kayang mawala… siya lang po ang meron ako… siya po ang nagpalaki sa akin, siya ang nagtaguyod sa akin kahit mahirap. At ngayong ako naman ang may kakayahan, ayoko pong huli na ang lahat.”
Napayuko ako nang husto at sinubukang pigilan ang sarili ko—pero tuloy-tuloy lang ang pag-iyak.
“Patawad po… pero tulungan niyo po ako. Iligtas niyo po si papa. Hindi ko na po uulitin. Babangon po ako. Babalik po ako sa tamang daan. Gawin niyo lang po siyang ligtas.”
Hinalikan ko ang krus sa altar habang nanginginig ang labi ko. Pakiramdam ko'y wala akong ibang matatakbuhan kundi Siya. Walang sahod, walang sayaw, walang mask na makakapuno ng takot na mawala ang taong pinakaimportante sa akin.
Sa loob ng dasalan na iyon, hindi ako dancer. Hindi ako makasalanang anak. Isa lang akong anak… na desperadong mailigtas ang ama. Isa lang akong anak na umaasang may awa pa rin ang langit sa kabila ng lahat.
Ang doktor ay nakatingin sa akin, at sa bawat salitang binanggit niya, parang bumangon ang lahat ng pag-asa na matagal ko nang iniiwasan. Hindi ko kayang itago ang tuwa at takot na naghalo sa aking puso, kaya’t hindi ko na napigilang lumuhod sa sahig, hawak ang aking dibdib habang humihinga ng malalim.
"Ayos na siya, pero hindi pa siya magigising," ang doktor ang nagbukas ng magandang balita. Ang bawat salitang iyon ay parang kumikidlat sa aking pandinig. Nag-aalangan pa akong sumagot, parang ang mga salitang "ayos na siya" ay hindi pa ganap na tumimo sa aking isipan.
Ang puso ko ay parang tumatalon sa dibdib ko, at hindi ko kayang pigilin ang mga luha. Hindi ko na naisip kung andun pa ang takot o hindi. Basta ang alam ko, buhay pa ang papa ko.
"Talaga po?!" Hindi ko na kayang itago ang sabayang saya at takot. Tumulo ang mga luha ko at ang mga kamay ko ay nanginig. Hindi ko rin malaman kung anong klaseng ngiti ang sumungaw sa labi ko—isang ngiti ng kaligayahan, ngiti ng pag-asa, ngiti ng pasasalamat. Naghalo ang lahat ng emosyon sa aking katawan.
Pinilit kong magsalita, pero tila natakpan ng sobrang tuwa ang aking mga labi. Hindi ko alam kung paano ko maipapakita ang sobrang pasasalamat. Tumango ang doktor, at sa mga simpleng galaw ng katawan, ipinagpatuloy niya ang pagbigay ng magandang balita.
"Wala pa pong sigurado, pero siya ay buhay pa."
At sa mga salitang iyon, parang ang bawat piraso ng takot na naramdaman ko ay unti-unting naglaho. Muling sumik ang mga bituin sa dilim ng mga gabi ko. Hindi pa tapos, pero may pag-asa. May pagkakataon pa.
Bumangon ako mula sa sahig, at ang mga katawan ko ay tila nagaanod sa saya. Ang takot na matagal kong pinanghawakan ay hindi ko na kayang hawakan pa. Tinutok ko ang aking mga mata sa doktor, at alam ko sa kanyang mga mata na hindi pa ito ang katapusan. Pero ang buhay ng ama ko ay patuloy na magliliwanag. Sa kabila ng lahat ng sakripisyo at lungkot, nakita ko na muli ang liwanag. Ang pinakamahalagang tao sa buhay ko ay buhay pa.
"Maraming salamat po, doc." Ang mga salitang ito ay hindi sapat para iparating ang pasasalamat na nararamdaman ko, ngunit iyon ang pinakamatamis na sagot ko sa kanya. Ang bawat kaluluwa ko ay sumisigaw ng pasasalamat, at sa kabila ng lahat ng nangyari, naramdaman kong may bagong pag-asa.