TAHIMIK lang si Ivan nang pauwi sila sa kanilang bahay. Habang nagda-drive siya pauwi ay hindi maalis sa isipan niya si Camille. Hanggang ngayon na nasa bahay na sila ay si Camille pa rin ang nasa isip niya. Naiinis na siya sa walang basehang pagseselos ni Cassandra. Kung hindi nga lang ito buntis ay baka napatulan na niya ito. Hanggang ngayon ay masyado pa rin itong insecure kay Camille. Alam kasi nito na minahal talaga niya si Camille at kaya lang naman siya nagpakasal kay Cassandra dahil buntis na ito.
Noong umuwi sila sa Cebu ay doon naisakatuparan lahat ni Cassandra ang plano nito. At dahil sa nalasing siya ay hindi niya halos maalala ang lahat ng nangyari. Hanggang sa nagbunga ang nangyaring iyon sa kanila ni Cassandra. Wala na siyang magawa nang sabihin nito sa mga magulang na buntis ito at siya ang ama. Gumuho man ang kanyang mundo pero kailangan niyang panagutan ang ginawa niya kahit nangangahulugan pa ito ng paghihiwalay nila ng nobyang si Camille.
Hindi niya masisisi si Camille kung abot langit ang galit nito sa kanya. Handa siya kahit na saktan pa siya nito para naman maibsan ang guilt na kanyang nararamdaman. Pero ibang usapan na kapag ang magiging anak nila ni Cassandra ang maapektuhan hindi siya makapapayag na may manakit sa kanyang magiging anak kahit sino pa ito. Gagawin niya ang lahat para protektahan si Cassandra alang-alang sa kanilang anak.
“Ivan, sabihin mo nga sa’kin. Mahal mo pa ba ang Camille na ‘yon?” Hindi namalayan ni Ivan ang paglapit ni Cassandra.
Napabuntong-hininga siya at tinungo ang kama para humiga.
“P’wede ba, Cassandra, matulog na tayo maaga pa ang pasok ko bukas,” anitong humiga na sa kama at nagtalukbong ng kumot.
“Ganyan ka na lang palagi, sa tuwing napag-uusapan si Camille umiiwas ka. Bakit mahal mo pa ba siya?!” inis na tanong ni Cassandra.
“Ano bang klaseng tanong ‘yan? ‘Di ba ikaw na nga ang pinakasalan ko? Ano pa ba ang gusto mong mangyari? Iniiwasan ko talaga na pag-usapan siya dahil wala naman patutunguhan ang pag-uusap natin. Bakit may mababago pa ba? Ibabalik mo ba ako sa kanya, huh?” inis na turan niya.
“D’yan ka magaling! Asawa na kita at wala ka nang magagawa. Ginusto mo rin naman na may mangyari sa’tin—“
“Enough!” naiinis na sabi ni Ivan.
Natahimik si Cassandra at nagpunas ng luha. Napatingin na lang si Ivan dito at napailing.
“Please, Cassy, ‘wag mong pahirapan ang baby natin. Dahil kapag may nangyari d’yan sa anak ko dahil sa kaseselos mo ikaw ang sisisihin ko.” Napabalikwas na tumayo si Ivan at tuluyan na itong lumabas ng kuwarto.
“Ivan! ‘Wag mo akong tatalikuran! Buwis*t!” sigaw ni Cassandra na nanggigigil at napaiyak na lang.
NAKAUWI na si Izaiah sa kanyang unit. Nakatingin lamang siya sa litrato ni Amber na nakapatong sa kanyang maliit na mesa.
Kinuha niya ito at hinaplos, “I miss you…”
Itiniklop niya ito at inilagay sa drawer, baka nga kailangan na niyang mag-move on. Sinunod naman niya ang payo ng kanyang parents na makipag-date pero, bakit ganoon pa rin ang pakiramdam niya? Pilit bumabalik ang mga masasayang alaala nila ni Amber na para bang palaging naka-slideshow sa kanyang isipan.
Pero teka, bakit nakikita niya si Camille? Ang eksenang nakita niya kanina noong pigil na pigil itong umiiyak na halos ayaw ipakita sa kanya. Bakit siya apektado? He want to comfort her, to take care of her.
“Nababaliw ka na ba, Izaiah? Are you attracted with her?” Para siyang baliw na kinakausap ang sarili.
“Come on! Hindi siya si Amber!” pasigaw na sambit niya. Tinungo niya ang mini bar sa kusina at tinungga ang bote ng alak. Hawak pa rin niya ang kanyang cellphone at tinawagan niya si Camille.
“I-Izaiah, napatawag ka?”
“Hi! Pasensya kana. I think it’s to late now, baka magpapahinga kana. Hmmm…Nakakaistorbo ba ako?”
“Actually hindi pa ako natutulog, hindi pa naman kasi ako inaantok…”
Hindi niya alam kung tama ba itong ginagawa niya. Ano ba kasi ang kanyang sasabihin at naisip niyang tawagan itong babae sa ganitong malalim na ang gabi.
“Are you okay now?” may himig ng pag-aalala sa kanyang tinig.
“Yah, I’m okay, thank you.”
“Please don’t ever cry again with that guy, okay?” napabuntong-hininga siya. Hindi niya maintindihan kung bakit ganoon na lang ang awa na nararamdaman niya sa babae to the point na gusto niyang suntukin ang lalaking nagpapaiyak dito.
“I really appreciate your concern. Kaya ko ‘to, ako pa.” saglit na natigilan ito sa pagsasalita, “Dalawa na kami ni baby, may kakampi na ako…Kaya dapat mas matapang ako…Yah, dapat mas matapang na talaga ako…”
Hindi niya makumbinse ang sarili na ayos lang ito. Nararamdaman niyang nagtatapang-tapangan lang ito dahil kausap siya.
“That’s right…kaya mo ‘yan, I’m just here…I..I mean p’wede mo ako maging kakampi.” Hindi niya alam kung bakit iyon ang lumabas sa kanyang bibig.
“Huwag ka nang maawa sa akin, hindi ko kailangan ang awa mo.” anang babae.
“Hindi naman sa gano’n…Ano lang kasi..”
“Bagay kayo ni doktora.”
Natigilan siya’t napailing sabay napangiti, “Bakit mo naman nasabi ‘yan?”
“Wala lang…Basta bagay kayo. Nililigawan mo ba siya?”
“Ha?! Ah, h-hindi. Actually it was just a friendly date,” napakamot siya. Bakit ba kailangan niyang magpaliwanag at bakit naman itong si Camille, sa lahat ng itatanong ay iyon pa ang tinanong sa kanya.
“Mabait siya, pareho kayong mabait, kaya bagay kayo. Do you agree with me?”
Napatango siya pero ayaw niyang ikinakabit ang pangalan niya kay Arabella.
“Gano'n ba ‘yon?”
“Oo, gano'n ‘yon.”
“What if I say I want her as a friend.”
“P’wede pang mabago iyon, p’wedeng maging more than friends pa ‘yon?”
“How about us?”
Natigilan si Camille sa kabilang linya. Bakit ba kasi niya tinanong iyon? Alam niya sa sarili niya na hindi pa siya lasing. At kahit naman lasing siya ay matino pa rin siyang mag-isip.
“Sorry, don’t mind what I’ve said. Sige na, magpahinga kana para healthy kayo palagi ni baby…good night..”
NAGISING si Camille sa kumakatok sa kanyang pintuan. Hindi naman ito nakasara kung kaya’t bahagya itong nagbukas at si Grace iyon.
“Pumasok ka.”
“Good morning, Ma’am! Tiningnan lang kita kung gising ka na.”
Pumasok naman agad si Grace at may dala itong almusal. Nilapag nito sa maliit na side table at umupo sa tabi ng kanyang kama.
“Sabi ko mas maaga mo ako gisingin, eh, ‘di kasi ako nagigising sa alarm ko ewan ko ba ang himbing palagi ng tulog ko. Mukhang antukin yata ‘tong baby ko.”
“Ma’am, sure ka bang papasok ka ngayon? Baka kasi mas kailangan mo pa ng pahinga. Dumito ka na lang muna, ako na lang po ang bahala sa cafe.”
Mula nang nahirapan siya sa kanyang paglilihi ay si Grace na muna ang pinagkakatiwalaan niya sa shop, ito na ang ginawa niyang supervisor. Ang mommy naman kasi niya ay may inaasikaso ring maliit na negosyo, ganoon din ang kanyang daddy. Idagdag pa na masama ang loob nito sa kanya kaya halos hindi namamalagi sa kanilang bahay.
Hanggang ngayon ay hindi siya gaanong kinakausap ng daddy niya. Limang buwan na ang kanyang tiyan at medyo nahihirapan na rin siya.
“Oo naman, kaya ko pa, ‘tsaka mas gusto ko nando’n ako sa coffee shop kaysa dito sa bahay.”
“Sabagay, mas maganda nga sa shop, Ma’am. ‘Tsaka infareness kahit hindi na kayo naglilihi panay pa rin ang padala ni Izaiah ng mga prutas sayo. Hindi kaya inlove na sa'yo ‘yong tao?”
“Ano ka ba naman, Grace, naiisip mo pa ‘yan kita mo nga’t malaki na ang tiyan ko, magkakagusto pa ba ‘yon sa akin?”
“Ay, naku! Ma’am, kahit naman malaki na ang tiyan mo, eh, hindi naman nabawasan ang ganda mo. Isa pa palaisipan talaga sa akin bakit ka niya pinapadalhan ng mga prutas? Kulang na lang ay magtayo na rin ako ng fruit stand sa coffee shop,” anang si Grace na natatawa.
“Nagpapa-charming lang sa'yo ‘yon, Grace,” bawi niya. Lagi na lang kasi binibigyan ni Grace ng malisya ang kabaitan ng lalaki sa kanya.
Napatili naman si Grace at kinilig, “Grabe! Ang guwapo naman kasi ni Crush bakit pa kasi dinadaan-daan pa niya sa pagbigay ng prutas sa'yo. Bakit ‘di na lang niya sabihin ng diretso sa akin kung may gusto siya? Para hindi na siya nahihirapan, hindi naman ako magpapakipot, eh.”
“Yaan mo irereto kita kunwari ay ayaw mo,” pabirong sabi ni Camille at bumangon na ito. Tinungo nito ang banyo at naghilamos.
“Sure! Ma’am, iyon talaga hinihintay ko.” Sumunod ito sa kanya papuntang banyo at tumayo sa may pintuan.
“Alam mo, Grace, ayokong bigyan ng malisya ‘yong kabaitan ni Mr. De La Torre. Mabait lang talaga ‘yong tao. ‘Tsaka sa ganitong kalagayan ko ba, sa tingin mo may mas magkakagusto pang lalaki sa’kin at magmamahal pa ba ako ulit?”
“Hindi naman sa gano’n, Ma’am, siyempre hindi pa rin natin maiaalis ang isipin na balang araw magiging masaya ka at magkaroon ng lalaking magmamahal sa'yo, sa inyo ng magiging anak mo.”
“’Tsaka ko na iisipin ‘yon, Grace, ngayon ang iniisip ko ang maging ligtas kami ng baby ko, at maayos ko siyang maipanganak.” Lumabas na siya ng banyo at nagpunas ng tuwalya. Tinungo ang maliit na mesa na may nakahain na breakfast. Naging personal assistant na nga niya itong si Grace. Ang problema lang ay hindi ito marunong mag-drive, 'pag malaki na kasi ng husto ang kanyang tiyan ay hindi na talaga siya makakapag-drive, mapipilitan na siyang kumuha ng driver kapag ganoon.
Habang binabagtas nila ang kahabaan ng kalsada ay nakatuon ang paningin ni Camille sa pagmamaneho samantalang si Grace naman ay panay lang ang kuwento ng kung anu-ano sa passenger seat.
“Ayy, Diyos ko po!” biglang napasigaw si Grace nang biglang magpreno si Camille dahil sa biglang nag-overtake na motorsiklo.
Ramdam ni Camille ang paghigpit sa kanya ng seatbealt nanigas tuloy ang tiyan niya dahil sa sobrang takot. Akala niya ay babangga na sila. Binuksan ni Grace ang bintana para sigawan sana ang nakasakay sa motorsiklo pero malayo na ang agwat nito sa kanila.
“Ma’am, ayos ka lang po?”
“Ayos lang, pero naninigas ang tiyan ko.”
“Itabi mo na lang muna, Ma’am, magpahinga ka muna.” Binuksan nito ang tubig at inabot kay Camille.
“Thank you.”
“Mabuti na lang at wala tayo sa main road, grabe talaga nakakainis ang rider na ‘yon.,” ani Grace.
Saglit na itinabi sa kalsada ni Camille ang sasakyan at pinakiramdaman ang kanyang naninigas na tiyan. Isang sports car naman ang tumigil sa kanilang unahan, mayamaya pa’y lumabas si Izaiah sa kotse na ikinagulat naman ng dalawa. Napasinghap si Grace nang makita si Izaiah na papalapit sa kanilang sasakyan.
“Ma’am, to the rescue na naman ba si Izaiah? Hindi kaya stalker ang taong ‘yan?”
Napangiti si Camille at binuksan ang bintana.
“Ano'ng nangyari?” tanong ng lalaki.
“Inihinto ko lang at bigla akong natakot muntik na kaming mabangga.”
'What?!" Kumunot ang noo ng lalaki, kitang-kita sa mukha nito ang pag-alala.
“Dapat kasi hindi ka na nagda-drive, eh.” anang lalaki.
“'Yan nga ang sinasabi ko kay Ma’am.”
“Kaya ko pa naman, pag malaki na ang tiyan ko siyempre hindi na ako magda-drive.”
Napatingin sa relong pambisig si Izaiah.
“Gusto mo ako na lang ang magda-drive sa sasakyan mo?”
“Naku! ‘Wag na masyado na akong abala sayo. ‘Tsaka pano ang sasakyan mo? Sino magda-drive?”
“Don’t worry kasama ko naman ang kapatid ko siya na lang magda-drive.” Napatingin tuloy si Camille sa sasakyan ni Izaiah na nasa gawing unahan nila. Bumalik ulit ang lalaki sa sasakyan tila kinausap ang kasama sa loob. Agad namang lumabas sa passenger’s seat ang isang lalaki. Tumingin ito sa dako nila, kamukha din ito ni Izaiah halatang mas bata nga lang ito. Mayamaya pa’y umandar na ang kotse sa kanilang unahan at lumapit muli si Izaiah sa kanila.
“Pa’no ba yan iniwan na ako ng kasama ko, so kailangan ko makisakay sa inyo. P’wede ba?” nangingiting turan ng lalaki.
“Ay, sureness! Puwedeng-puwede po, teka nga’t lilipat ako sa likuran,” anang si Grace na excited na lumipat sa gawing likuran.
“P-pero okay na ako,” ani Camille.
“So hindi mo ako pasasakayin? Paglalakarin mo ako?” ani Izaiah.
“Sige na nga wala na akong magagawa. So ikaw ang magda-drive?” tanong ni Camille.
“Yup.”
Umusog siya sa passenger seat dahil tinamad na siyang bumaba. Pumasok na si Izaiah sa loob at ikinabit ang seatbealt napalinga pa ito kay Camille kung talagang nakakabit na rin ang seatbelt nito.
“Thank you, ah,” anang si Camille.
Napangiti lang ang lalaki, “Maayos na ba ang pakiramdam mo? Baka natakot si baby. Baby, ‘wag ka na matakot si ninong na ang magda-drive, mommy mo kasi kinakaya pang mag-drive.”
“Aww! Ang sweet naman ni Ninong,” sabat ni Grace
Nilingon ito ni Camille at pinandilatan ng mata napapangiti na lang ito.
“Gusto mo bang ikuha kita ng driver? May kakilala ako?” ani Izaiah.
“Naku! ‘Tska na siguro ako na lang maghahanap.”
“Nahihiya ka na naman. Kung gusto mo ibibigay ko sa'yo ‘yong isa kung driver at least ‘yon kilala ko na. ‘Tsaka pag nagloko mas madali mong maisusumbong sa’kin.”
“Talaga, sige nga pag mga seven months na lang si baby,” aniya.
“Really? Hihintayin mo pang mag-seven months ‘yang tiyan mo? Paano kung manganak ka ng seven months? Camille, ‘wag mong ilagay sa peligro ang kalagayan niyong mag-ina.”
Minsan talaga hindi niya maintindihan ang lalaking ‘to daig pa nito ang may responsibilidad sa kanya. Pero lihim siyang natuwa dahil sa malasakit ng lalaki sa kanya.
“Oo na, sige na nga payag na ako, maghahanap din naman talaga ako ng driver mabuti nga at nabanggit mo. Mahirap kasi ngayon mag-hire through agency hindi ko kilala.”
“Mabuti naman kung gano’n, bukas na bukas ay papupuntahin ko na siya sayo para ma-interview mo.”
“Nakababatang kapatid mo ba ‘yong kasama mo kanina, Izaiah?” sabat si Grace.
“Yup, my younger brother. Nag-aaral pa ‘yon, pero graduating na rin,” anito habang nakatuon lang sa sa kalsada ang paningin.
“Tinanong ni Grace kung may girfriend na raw ba?” natatawang sabi ni Camille.
“Mali ang tanong mo, dapat ilan?” natawa ito, “Medyo masakit ang ulo ko sa kapatid ko na ‘yon, napakababaero. Minsan sa akin pa umiiyak ‘yong mga babae para lang magpatulong na kausapin sila ng kapatid ko.”
“Naku! Wala ka na pala pag-asa, Grace.” natawa si Camille.
“Si, Ma’am, naman binubuking ako. Mabuti pa si kuya ang bait.”
Natawa na lamang si Izaiah sa kanilang biruan.