CHAPTER 1
Nakahiga ako sa kama habang kanina pa nakatitig dito sa paborito kong online shopping app, at tinititigan ang mga inadd to cart ko simula pa noong nakaraang buwan. Naipon na iyon at halos nasa 15 items na.
"Phew, kalma ka lang, Kiel! Wala ka ng pera." Paalala ko sa sarili ko dahil tempt na tempt na akong pindutin ang 'buy now' button. Pero kapag ginawa ko yun ay siguradong puro itlog at delata ang kakainin ko buong buwan dahil dalawang linggo pa bago ang susunod na sahod.
At kapag wala na akong pambiling itlog at delata sa tindahan ay kakainin ko nalang siguro itong mga libro na gustong gusto ko ng bilhin ngayon.
Mahilig kasi akong magbasa ng mga romance novels. Stress reliever ko ito lalong lalo na kapag umuuwi akong stress galing sa trabaho o kaya kapag nasampal nanaman ako ng kahirapan. At dahil pinagalitan ako ng supervisor kanina dahil sa isang pagkakamaling hindi naman ako ang may gawa ay naistress ng husto ang beauty ko. I need these books, lalong lalo na at konti nalang ang stocks. Baka maunahan pa ako at madagdagan lang ang stress ko. Siguradong hindi ako makakatulog dahil sa pagsisisi.
Pipindutin ko na sana ang buy button nang bigla nalang nagflash sa screen ang pangalan ng best friend kong si Lana, so instead of placing my order ay sinagot ko na muna ang tawag nito.
"Yes, bessy?" Masayang sagot ko sa tawag ni Lana. "Bes?" Nagtatakang tanong ko dahil walang sumagot sa kabilang linya kahit halos magsampung segundo na simula ng sagutin ko. Sandali kong inalis ang cellphone sa tainga ko para tingnan kung naputol ba ang tawag, pero connected pa naman ito. "Hoy bessy, are you there?" Pagkukumpirma ko kasi baka choppy lang.
"Wala na kami ni Lucas, bessy." Naiiyak na sagot sa kabilang linya.
"What?" Napabalikwas ako sa kama dahil sa narinig na sinabi ni Lana. "Bakit, anong nangyari?" Tanong ko, pero muling tumahimik ang kabilang linya. "Hoy huwag kang tumahimik jan! Tell me what happened, or else!" Banta ko.
"Nakabuntis sya," Mahinang sagot ni Lana.
Hindi ako makapaniwala sa narinig ko, pero kilala ko si Lana. Hindi siya magbibiro ng ganoon. "Lintik talaga ang lalaking yan! At sino naman ang nabuntis nya, para pag-umpugin ko ang mga ulo nila." Nanggigigil kong sabi.
"Si Dianne—"
Nang marinig ko ang pangalan ng half sister ni Lana ay mas lalong kumulo ang dugo ko. "Sabi na nga ba eh!" Pagputol ko sa kanya. "Oh di ba tama ako? Mga titig palang nila sa isa't isa iba na eh. I warned you, parehong hindi mapagkakatiwalaan ang boyfriend mong yan, pati na rin ang kapatid mo." Sa sobrang lakas ng boses ko ay aakalain mong may kaaway ako.
"Oo na nga di ba! Huwag mo na akong sermonan." Pakiusap niya, at bakas ang pagsuko sa boses ni Lana na all this time ay tama pala ang hinala ko tungkol sa boyfriend at kapatid niya. "Nasaktan na nga ang tao eh. Papunta na ako diyan sa inyo. Ayokong magstay doon sa condo kasama ang dalawang manloloko. Malapit na ako." Sagot ni Lana.
Nagulat ako sa sinabi ng bestie ko na papunta na siya ngayon rito. Hindi ako nakapaglinis ng apartment ko, at nagkalat pa sa sala yung mga documents na tinatrabaho ko kasi pinatake home ng supervisor namin kahit bawal dapat yun. "Teka, hintayin mo nalang ako jan sa labas! Magroad trip nalang tayo para gumaan yang pakiramdam mo. Okay?" Natatarantang suhestyon ko.
"Pwede naman," Tipid niyang sagot, halatang galing ito sa pag-iyak.
After ending the call ay nagmamadali akong nagbihis, wearing one of my favorite black mini dress dahil baka sa isang club mauwi ang road trip naming to. Ganun naman kasi talaga ang ending kapag broken ang isang tao di ba? Mabuti na ang handa. Paglabas ko ng apartment ay nakapark na sa labas ang kotse ni Lana. I immediately opened the front seat door at sumakay sa loob.
Halata ang pamumula ng mga mata nito kaya hindi ko nanaman napigilan ang sarili ko na pagsabihan siya dahil madalas naming pag-awayan ang masamang hinala ko sa boyfriend niyang si Lucas. Muntik pang maging dahilan ng friendship over namin ang tukmol na yun. "Oh di ba sinabi ko na sayo, walang matinong gagawin yang Lucas na yan! Kapag nakita ko talaga yan, humanda sa akin yan!" Pigil ang pagsermon ko because she already looked miserable.
"Hayaan na natin sila, nangyari na ang hindi dapat mangyari. At saka wala naman akong magagawa." She said in defeat na para bang pagsuko nalang ang tanging option niya.
"Ganun nalang yun? Hahayaan mo nalang? Bes, kung ako yun, kakalbuhin ko ang kapatid mo, at pupugutan ko ng kaligayahan yang Lucas na yan! Hindi pwedeng walang ganti no!" Parang isang bad influence na barkada kong sulsol sa kanya.
"Ikaw talaga, alam mo namang tagilid din ako sa pamilya ko. Kahit sabihing ako yong naloko ay ang kapatid ko pa din ang uunahin nila lalo na at nagdadalang tao na ito. Just let them go, ayokong bigyan ng stress ang sarili ko."
"Yan! Yan tayo eh! Isa pa yang mama mo, napakakonsintidor!" Sumasakit ang ulo kong sagot. "But fine, ayoko ring mastress ka sa akin kaya tara, hit the road bes." Pagpigil ko nalang sa init ng ulo ko dahil wala akong baon na lozartan dito.
"Wait, saan pala tayo pupunta?" Baling niya sa akin na para bang sa akin niya iaasa ang peace of mind niya.
Sandali akong nag-isip. Saan ko kaya dadalhin tong best friend ko para makalimot? "Oh, remember the new cafe I mentioned the other day? Kaso nga lang sa Baguio yun eh. Kaya mo bang drive?" Noong nakaraan ko pa sinabi sa kanya ang tungkol sa cafe na yun, pero pareho kaming nabusy sa work.
"Wow, ang layo nun ha!" Nanlaki ang mga mata ni Lana sa suggestion ko. "Parang kailangan nating magpa-full tank." Pero agad naman niyang dinugtungan ng pagpayag, kaya napangiti nalang din ako because of excitement at inayos na ang seatbelt ko.
Lana started driving, at bago kami makarating sa express way ay dumaan muna kami sa isang gasoline station. At dahil mahaba ang byahe ay nagpasya din kaming bumili ng mga snacks na kakainin namin habang nagbabyahe. Matapos asikasuhin ang pagpapafull tank ay pumasok muna kami sa convenient store ng gasoline station, at sa loob ay nagkanya kanya muna kami ni Lana dahil sya na ang bahala sa snacks at ako naman sa drinks.
Kumuha ako ng basket at pumunta na sa chiller section para bumili ng cold beverages. Natetempt akong bumili ng canned beer, pero hindi nga pala pwedeng uminom ng alcoholic drinks dahil magdadrive si Lana. Nilampasan ko nalang ang mga iyon at dumiretso nalang sa mga softdrinks. Favorite drink ni Lana ang coke kaya iyon ang kinuha ko para sa kanya, at mountain dew naman para sa akin. I also grab some other flavored drinks para naman hindi kami maumay sa mga softdrinks. After kong mabili ang mga inumin namin ay hahanapin ko na sana si Lana, pero nakita ko itong papalapit na sa akin.
Ang sabi nya ay siya ang bahala sa mga snacks, pero nakita kong libro ang hawak-hawak nito. Mahilig din kasing magbasa ng novels si Lana. "Bes, kilala mo ba ang author na ito?" Salubong niya sa akin.
"Sino?" Tanong ko, pero ang totoo ay malayo palang siya ay tinitingnan ko na ang libro kung isa ba ito sa mga nakita kong newly released books for this month.
"W.B JOHANNA." Pagbasa niya sa pangalan ng writer. "Kilala mo ba?" Tanong niya.