Chapter 2

1479 Words
BLAG! Kaagad na napatayo si Amaiah nang marinig niya ang malakas na kalabog na nagmula sa silid ng kanyang Nanay Lupe at Tatay Ernesto. Kinakabahang agad siyang napatakbo papunta sa silid ng mga ito. “Nay, ano’ng nangyari d’yan sa loob? Nay… Nay, buksan mo ang pinto…” nagpapanic na tawag niya sa kaniyang ina. Sinabayan pa niya iyon ng pagkatok sa pinto. Pero nang wala siyang narinig na response mula rito ay kinakabahang binuksan niya ang pinto. Pero gano’n na lang ang gulat niya nang hindi ang Nanay Lupe niya ang naroon sa loob kundi ang Tatay Ernesto niya. “Tay, ano’ng nangyari?” Nanghilakbot na tanong niya sa ama nang makita niya ang ayos nito. Nakaupo ito sa sahig habang nakasandal sa paanan ng kama. Sapo nito ang ulo at may nakataling lubid sa leeg nito. Sa gilid nito ay may nakatumbang silya. Nanginginig ang mga labing napatingala siya sa kisame at nakita niya roon ang kaputol ng lubid. Agad niyang dinaluhan ang ama. “Tatay, b-bakit?” tanong niya sa nanginginig na boses. Hindi niya kayang isipin ang ginawa nito. Paano kung hindi naputol ang lubid? “A-Anak Gabby, patawarin niyo ako ng Nanay mo.” Nakayukong sabi ng Tatay niya. Garalgal din ang boses nito. Naguguluhang napatitig siya sa ama. Ano ba ang nangyayari? Bakit nagtangka itong magpakamatay? “Bakit, Tay? May nagawa ba kayong ikakasakit namin ni Nanay?” tanong niya. Nag-angat ito ng tingin sa kanya. Kita niya sa mukha nito ang magulong pag-iisip at ang luhaan nitong mga mata. Ano ba ang nangyari rito? Ilang araw itong hindi umuuwi at ngayon makikita niya itong ganito. “Tay, pakiusap. Ipaliwanag mo sa akin ng mabuti.” Naguguluhang pakiusap niya sa kanyang ama. Napapikit ito ng mariin na mas lalong ikinabahala niya. Hindi ganito ang Tatay Ernesto niya. Kung may problema sila ay madali lang nitong masasabi sa kanila na gagawan daw nito ng paraan. But now seeing him like this, alam niyang napakabigat ng problemang dinadala nito. Ilang araw na rin niya itong hindi nakakausap dahil aside sa busy siya sa paghahanap ng trabaho sa bayan ay isang linggo na rin itong hindi umuuwi o baka umuwi naman pero hindi lang sila magpang-abot na dalawa. Wala rin kasi siyang naririnig mula kay Nanay Lupe. Tila parang wala lang dito ang hindi pag-uwi ng Tatay niya. Minsan napaisip nga siya kung talagang minahal ba ng Nanay niya ang Tatay niya. “Anak, nakadispalko ako ng pera ng kompanya. Nagkaroon ng audit sa branch na pinapasukan ko at natuklasan nila na kasali ako sa ginawang paglustay ng pera ng kompanya. Nakarating na ito sa may-ari at ipapakulong nila ako---kami.” Puno ng takot na sabi ni Tatay sa huling sinabi nito. Nanghihinang napasalampak siya sa sahig. Kaya ba ilang araw na itong hindi umuuwi? Kaya ba nagtangka itong magpakamatay? Kaya ba hindi man lang nito iniisip ang nararamdaman niya kapag nawala ito? Drayber ang Tatay Ernesto niya sa isang delivery track ng kompanyang pinapasukan nito. Masipag ang Tatay niya sa trabaho at lagi nitong sinasabi sa kanya noon na kapag nakapagtrabaho na siya ay maging masipag, matiyaga at tapat siya sa kompanyang pagtatrabahuan niya in the future. Pero ngayon, bakit nito nagawang magnakaw? “Tay, bakit mo ginawa iyon? Saan mo dinala ang pera?” Nagtatakang tanong niya. Oo, sobrang gipit sila ngayon sa pera dahil kukunin na ng DRL Bank ang lupang sinasaka nila kapag hindi sila nakakabayad ng interest sa loob ng limang buwan. Pero wala naman siyang natatandaan na may inabot itong pera sa Nanay Lupe niya. “Naipatalo kong lahat sa sugal.” Nakayukong tugon nito. Napasinghap siya. “Ano? Tay, kailan pa po kayo natutong magsugal?” Gulat at hindi makapaniwalang tanong niya sa ama. Kailan man ay hindi ito sumasali sa kahit na anong pasugalan dahil anito ay aksaya lang iyon ng pera. Na sa halip na isugal daw nito ang pera ay mas mabuting ibibili na lang daw nito iyon ng ulam para sa kanila. Hindi rin mabarkada ang Tatay niya at simula nang pinatay ang Tatay ng kanyang kaibigang si Jenina ay hindi na niya ito nakita pang nakikisali sa mga tambay na nag-iinuman sa may kanto kaya nakakagulat na malamang nagsusugal pala ito. “Desperado na kasi akong magkapera para pantubos dito sa bahay at lupa natin, Gabby." Nakayuko pa ring tugon nito. "Kaya lang hindi naman sapat ang perang ninakaw ko sa kompanya kaya isinugal ko sa casino ang pera baka sakaling manalo ako, kaya lang naipatalo kong lahat.” Lalo siyang nanghina sa narinig. Naiintindihan niya ito dahil siya man ay gustong maibalik sa kanila ang lupa pero hindi naman solusyon sa problema nila ang pagnanakaw. Mali pa rin ang pagnanakaw nito ng pera at sa huli ay ipapatalo lang nito sa sugalan. At ngayon, makukulong pa ito. Mas lalo lang nitong dinagdagan ang problemang kinakaharap nila. Mariin niyang naipikit ang mga mata. Gusto niyang ngumawa sa sobrang sama ng loob para sa Tatay niya pero pinigilan niya ang sarili. Ayaw niyang dagdagan ang stress nito at baka magtangka naman itong magpakamatay. “Ayaw kong makulong, Gabrielle. Hindi puwedeng makulong ako. Paano na kayo ng Nanay mo?” Nagpapanik na namang sabi ng kanyang ama. Bayolente siyang napalunok para pigilan ang mapahikbi. Sana naisip iyan ng Tatay niya bago nito ginawa ang pagnanakaw. Sana iniisip nito kung paano na sila ng Nanay niya kung makukulong ito. Pero hindi ito nag-isip at ang masaklap pa ay nauwi lang sa wala ang ninakaw nitong pera. Buti sana kung natubos nila ang lupa pero hindi. Mas lalo lang talaga nitong pinalaki ang malaki na nilang problema. Pero ayaw naman niyang makitang nakakulong ang ama niya. “Tay, h-hindi…” aniya at umiling-iling. “Hindi po kayo makukulong. Gagawa po ako ng paraan para po hindi kayo makulong.” Dugtong niya at tuluyan ng napaiyak. “At bakit ka naman makukulong, Ernesto?” Sabay silang napatingin sa pintuan ng silid nang marinig nila ang Nanay Lupe niya. Gusot ang mukha nito habang mariing nakatitig sa kanyang Tatay, kapagkuwan ay bumaling naman ito sa kanya. “Ernesto,” tawag nito sa Tatay niya sa nagbabalang boses. “Bakit ka makukulong?” “Lupe...” Mahina siyang napasinghap nang makitang dahan-dahan ang pag-angat ng katawan ng Tatay Enesto niya at lumuhod ito sa harap ni Nanay Lupe. “Nakadispalko ako ng pera sa kompanyang pinagtatrabahuan ko at ipapakulong ako ng may-ari kapag hindi ko naibalik iyon.” “Put*ng *na, Ernesto!” Galit na mura ng kanyang ina. “Hindi ka umuwi rito ng isang linggo at ngayon ay sasabihin mo sa akin na makukulong ka dahil nagnakaw ka ng pera!” Sigaw ng Nanay niya na mas lalong ikinatakot niya. Halos madurog naman ang puso niya nang makita niya ang ama kung paano ito umiiyak na nakaluhod sa harap ng kanyang ina. “Put*ng *na ka, napakawala mo talagang kuwenta!” Galit na pinagsisipa nito ang Tatay niya na umiiyak lang sa paanan ng Nanay niya. "Lumayas ka! Wala kang kwenta!" Pagwawala ng kanyang ina. Kahit anong madampot nito ay ibabato nito iyon kay Tatay. “Patawarin mo ako, Lupe.” Ani ng kanyang ama. “Nay, tama na po,” awat niya sa ina at agad na dinaluhan ang kanyang Tatay Ernesto. “Isa ka pang walang kuwenta. Lumabas ka rito.” Galit na sikmat nito sa kaniya. Tigmak na rin sa luha ang mukha nito pero napakatapang pa rin ng mga mata nitong nakatingin sa kanila ng Tatay niya. “Labas!” galit na sigaw nito. “Nay…” pakiusap pa niya. “Anak, lumabas ka na muna,” baling ng Tatay niya sa kaniya. Nag-aalangan man ay lumabas na lang siya. Ayaw niyang mas lalong magalit ang ina at baka papalayasin na talaga siya nito. Napaiyak na napasandal na lang siya sa dingding sa labas ng silid ng kanyang mga magulang. Ano’ng gagawin niya ngayon? Hindi rin siya makakapayag na makulong ang kanyang ama. Mas lalo pa siyang naiyak nang marinig niya ang malulutong na mura ni Nanay Lupe, kasunod n’yon ang mga pagsisisi nito kung bakit hinayaan nito ang sarili na makasal kay Tatay. Hindi tuloy niya maiwasang mag-isip kung sa loob ba ng dalawampu’t apat na taon na pagsasama ng dalawa ay minahal ba ng Nanay niya ang Tatay Ernesto niya. Nanghihinang napadausdos siya sa pagkakasandal sa pader hanggang sa sumalampak na siya sa sahig. Alam niya kung gaano kamahal ni Tatay si Nanay Lupe pero para sa kanyang ina ay wala pa rin itong kuwenta. Naiintindihan naman niya ang Nanay Lupe niya. Talagang nakakagalit ang ginawa ng kanyang ama but what her mother said to him was below the belt. At hindi lang naman ngayon lang nito sinusumbatan si Tatay dahil sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay wala siyang ibang naririnig mula sa kanyang ina kundi walang kuwenta ang Tatay Ernesto niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD