Chapter 4

2063 Words
HAPON na ng magpasya si Amaiah na puntahan si Chona sa bahay ng mga ito. Tatlong block lang naman ang nakapagitan mula sa bahay nila patungo sa bahay ng mga ito kaya pwede lang na lakarin. Gusto sana niyang sumakay na lang ng trike para hindi niya makasalamuha iyong mga taong lasenggero at nagsusugal doon sa may kanto patungo kina ate Chona pero nagtitipid siya kaya maglalakad na lang siya. “Saan ka pupunta, ‘nak?” Natigil siya sa akmang pagpihit niya sa seradura ng pinto ng kanilang bahay nang marinig niya ang kaniyang Tatay Ernesto. Agad naman siyang pumihit paharap dito. Kalalabas lang nito sa kusina at may bitbit ng isang tasa na umuusok pang kape. “Pupunta po muna ako sandali kina ate Chona, Tay.” aniya. Nakita naman niya ang lungkot na dumaan sa mga mata nito. Alam niya na ayaw talaga nito na mag-abroad siya pero alam niyang pinipigilan lang nito ang sarili na pigilan siya dahil hanggang ngayon ay nagi-guilty pa rin ito sa nagawa nito. Ilang araw pa lang ang nakalipas mula nang malaman nila na nakadispalko ito ng pera pero ang laki na ng ipinayat nito. Hindi pa rin ito kinakausap ni Nanay Lupe. Kahit anong pagsuyo na ang ginawa nito sa kaniyang ina pero, wala pa ring pagbabago. She sighed. Ang tigas talaga ng kalooban ng kaniyang ina. “Sige, mag-iingat ka. ‘Wag kang magpapa-gabi, ah.” bilin nito sa kaniya na ikinatango lang niya, pagkuwan ay tuluyan na siyang lumabas ng kanilang bahay. Nang makarating siya sa may eskinita patungo kina ate Chona ay tanaw na niya sa unahan ang mga taong lasenggero at sugarol na nagkukumpulan. Nakaupo ang mga ito sa malaki at bilog na lamesa habang naglalaro ng baraha. May alak din sa may gitna ng mga ito. Pero hindi naman siya natatakot sa mga ito. Karamihan kasi sa mga tambay rito ay mga kakilala ng Tatay niya at kilala rin siya ng mga ito. Pero magkaganoon pa man ay ayaw niyang makasalubong ang mga ito lalo na kapag lasing dahil ang babastos ng mga ito. “Oy, anak ‘yan ni Lupe, hindi ba?” Narinig niyang sabi ni Mang Ondo. Natigil naman ang mga kasamahan nito sa ginagawa at tumingin ang mga ito sa kaniya. “Oo, balita ko nga na sasama iyan kay Chona papuntang Japan.” “Oy, may bago palang recruit ang p***ng iyon?” sabat ng isang lalaki at palihim pa siyang tiningnan. Napalunok siya at kumuyom ang dalawang kamay niya. “Pero, ‘di ba nakapagtapos iyan sa kolehiyo? Bakit gusto ring magp***?" “Baka manager sa lahat ng mga p*** ang inaplayan n’yan,” sabi ulit ni Mang Ondo at binuntutan pa nito iyon ng nakakalokong tawa kaya nagtawanan ang lahat ng mga kasamahan nito, pagkuwan ay bumalik na sa paglalaro ng baraha. "Hay naku! Maglaro na nga lang tayo. 'Wag na tayong makialam pa." sabi ng matandang si Mang Kiko, kilala niya ito dahil suki ito ng Nanay niya sa pagde-deliver ng tuba. Napailing na lang siya at mahigpit na hinawakan ang strap ng kaniyang sling bag at binilisan na lang niya ang paglalakad. Naiinis siya sa mga ito dahil kung makapanghusga ng kapwa, akala mo naman kung sinong mga matitino, eh mga palamunin lang naman din ng mga asawa. Mga sugarol pa at nag-aaksaya lang ng pera. Hindi naman lingid sa kaniyang kaalaman na usap-usapan talaga si ate Chona na nagtatrabaho ito sa isang bar sa Japan pero sinabi naman nito sa kaniya na hindi naman siya sa isang bar nito pagtatrabahuin kundi sa isang malaking factory. May tiwala naman siya sa babae na hindi siya nito lolokohin. Napabuntonghininga na lang siya. Kung hindi lang talaga sila gipit at desperada na siyang makatulong ay hindi naman talaga siya sasama kay ate Chona papuntang Japan. Mas gustuhin niyang dito magtrabaho sa sariling bansa kaysa mag-abroad pero wala eh, kinakailangan niyang magsakripisyo para sa pamilya. Isa pang maliit na eskinita ang papasukin niya bago siya makarating sa bahay nila ate Chona. Bawat eskinita sa looban ay may higit sampung magkakadikit na bahay, magkasing sukat pero may iba na pinalagyan ng pangalawang palapag upang tumaas. Agad naman kumunot ang noo niya nang sa pagdating niya sa bahay nila ate Chona ay maraming mga tao sa labas ng bahay ng mga ito. Mukhang may kasiyahan na nagaganap. May nag-iinuman, mga batang naglalaro at may mga nagbi-videoke. Una siyang nakita ni Aling Beng, ang ina ni ate Chona kaya agad itong nagpaalam sa mga kaedaran lang nito na kausap nito at agad siyang nilapitan. Nasulyapan din niya si Mang Gabo, ang ama ni ate Chona na nasa kabilang mesa, kasama ang mga barkada nitong kaedaran lang din nito. Mukhang mga lasing na rin. “Maayo kay naa ka, Day.” ani Aling Beng at ngumiti sa kaniya. "Maayong adlaw sa imo, Aling Beng," nakangiting bati niya sa matanda. "Maayong adlaw pud, dali sulod sa balay, pasensya na ug daghan mi ug bisita karon. Giandam namon og sayo ang panamilit nga parti ni Chona aron makapahuway siya og usa ka adlaw sa dili pa siya mobalik sa Japan.” Mahabang sabi nito habang akay-akay siya papasok sa bahay ng mga ito. Malaki talaga ang pinagbago ng pamumuhay nila ate Chona. Noon ay gawa lang sa kawayan at kugon naman ang bubong ng bahay ng mga ito pero mula nang magtrabaho si ate Chona sa Japan ay unti-unti nitong pinapaayos ang bahay ng mga ito kaya nagayon ay yari na sa bato at color roof na ang bahay ng mga ito. “Gano’n po ba. Si Ate Chona po, nasaan po siya?” magalang na tanong niya. Hindi kasi niya nakita ang babae sa labas. “Naa siya sa kusina namon kasama ang mga amiga niya,” sagot nito. Nang tuluyan na silang nakapasok ay nakita kaagad niya si ate Chona na may mga kasama ring mga kaedaran nitong mga babae na nakaupo sa mahabang lamesa. “Chona, naa si Amaiah. Gusto siguro kang istoryahon.” Pagbibigay alam ni Aling Beng sa anak kaya agad itong natigil sa pakikipagtawanan sa mga barkada nitong mga babae at napatingin sa gawi nila ng Nanay nito. “Oy, baby girl. Nandito ka pala.” Nakangiting sabi ni Ate Chona sa kaniya. Napansin kaagad niya ang pamumula at pamumungay ng mga mata nito. Tumayo ito at lumapit kaagad sa kaniya at nakangising inakbayan siya. Mukhang lasing na yata ang babae. Nagpaalam din kaagad si Aling Beng at bumalik na sa labas kung saan ang mga bisita nito na kausap nito kanina nang dumating siya. Nanlalaki pa ang kaniyang mga mata at napasinghap habang inalalayan sa baywang si ate Chona nang gumiwang ito. “Sorry, naparami yata ang inom ko,” anito sa kaniya. “Anyway, mga amiga. Ito si Amaiah, iyong sinasabi ko sa inyo na sasama sa akin papuntang Japan.” Pagpapakilala pa nito sa kaniya sa mga kaibigan nito. Nakangiting tumango-tango lang naman ang mga kaibigan nito sa kaniya. “Good luck!” sabi ng isang babae na nakaupo sa may kabisera, pagkuwan ay bumungisngis. Halatang lasing na rin dahil kagaya ni ate Chona ay namumungay na rin ang mga mata nito. “Excuse na muna sa inyo, kausapin ko lang si baby girl.” ani ate Chona sa mga kaibigan nito, pagkuwan ay hinila siya nito at pumasok sila sa isang silid. Nang isara nito ang pinto ay saka lang siya nakahinga nang maluwag dahil wala na siyang ingay na maririnig. Nakita naman niya itong mabilis na hinawi ang mga nagkalat na mga damit nito sa ibabaw ng malaking kama. “Pasensya ka na at naabutan mo kaming ganito kagulo,” paghingi nito ng pasensya. Hinila nito ang isang puting mono block chair na naroon at pinaupo siya na kaagad naman niyang sinunod. “Pinaaga kasi ni Mama ang pagpapadespedida party para raw makapagpahinga ako sa araw bago pa man tayo aalis papuntang Japan.” anito. Her stomach churned. Kinakabahan siya sa hindi niya malamang dahilan. Baka siguro dahil first time niyang aalis ng bansa. “Sabi nga niya kanina,” sagot niya at tipid na ngumiti rito. “Ahm, gusto ko lang sana na makausap ka, bago tayo aalis. Uh… nakalimutan ko kasing itanong sa’yo kung magkakasama ba tayo ng titirhan pagdating natin sa Japan.” “Oo naman,” mabilis na sagot nito sa kaniya habang inaayos pa rin ang mga damit nito kaya agad siyang nakahinga ng maluwag. "Mabuti naman kung ganoon." aniya at tipid na ngumiti rito. Natatakot talaga siya na baka pagdating nila roon ay hindi sila magkasama na dalawa. Marami pa silang pinag-uusapan tungkol sa magiging trabaho niya. Napag-alaman din niya na may three days seminar pa sila sa Maynila bago sila magtungo ng Japan. Kailangan daw kasi niyang matutong magsalita ng Nihongo. Bago pa man mag-aalas sais ng gabi ay nagpaalam na siya rito na aalis na. Pinigilan pa siya nito at doon na lang siya maghapunan pero agad siyang tumanggi. Hindi kasi siya sanay sa magulo at amoy alak pa. Pero hindi naman niya iyon ang sinabi niyang dahilan. Kailangan din naman niyang umuwi dahil nakapangako siya sa kaniyang Tatay na hindi siya magpapagabi. Isa pa, kailangan din niyang iimpake ang mga dadalhing gamit niya. “P***ng *na, Ernesto! ‘Wag mo akong pakialaman kung maglalasing ako!” Narinig niyang sigaw ng kaniyang ina pagkahinto pa lang ng traysikel na sinakyan niya sa harap ng lumang bahay nila. “Paanong hindi, Lupe. Hindi ka ba nahihiya sa anak natin---” “At ikaw, nahihiya ka ba nang magnakaw ka ng pera sa kompanyang pinatatrabahuan mo?” Agad siyang nagbayad sa driver at dali-daling bumaba ng traysikel. Mabilis siyang pumasok sa bahay nila. Napatalon pa siya sa gulat nang magsimula ng magbasag ng mga gamit si Nanay. “Nay, tama na!” sigaw niya at agad itong nilapitan nang akmang ibabato rito kay Tatay ang nahawakan nitong babasaging plato. “’Wag kang makialam, ha! Pareho-pareho kayong mga walang kuwenta!” sigaw nito. Mabuti na lang at hindi nito itinuloy ang pagtapon sa plato. Pasuray-suray itong pumasok sa kuwarto ng mga ito. Napayuko na lang siya at huminga nang malalim. “’Nak, pasensya ka na,” ani ng kaniyang Tatay at niyakap siya. Alam niyang nasasaktan si Nanay sa ginawa ni Tatay pero bakit kailangan nitong maglasing at magbasag pa ng gamit? “Ako ang may kasalanan nitong lahat,” ani Tatay sa basag ng boses. Umiling siya at tiningnan sa mga mata ang kaniyang ama. “Tay, hindi…” aniya. Napalunok pa siya nang makita ang luhaan na nitong mga mata. Hindi niya alam kung paano sasabihin dito ang pinagkasunduan nila ng may-ari ng kompanyang pinagnanakawan nito ng pera. “N-nakausap ko po ang may-ari ng kompanya.” Piyok ang boses na sabi niya. Nakita naman niya ang panlalaki ng mga mata ng kaniyang ama. “A-ano? Kailan pa, Anak?” “Kaninang umaga po at binigyan pa niya tayo ng palugit para mabayaran ang perang naidespalko niyo,” “Talaga? Pumayag si Mr. Paterson?” puno ng kasiyahan ang mukhang sabi nito. Tumango siya. Hindi na niya sinabi na dalawang buwan lang ang panahong ibinigay nitong palugit at kapag hindi sila makapagbayad ay kailangan niyang magpakasal sa nag-iisa nitong apo. Pinagpahinga na rin niya ang kaniyang ama at siya na lang ang nagligpit ng mga basag na mga gamit na nagkalat sa kusina. Mukhang nakatulog na rin si Nanay dahil hindi na niya ito naririnig na nagsisigaw sa kwarto ng mga ito. Matapos niyang malinis lahat ng kalat ay pumasok na lang siya sa kaniyang kwarto at pagod na naupo siya sa paanan ng kaniyang maliit na kama. Mas lalong lumala ang pagiging talakira ng kaniyang ina at lagi na rin itong umuwing lasing. Kumurap-kurap siya habang nakatulala sa kisame ng kwarto niya, may mga sapot doon at maalikabok ang paligid. Ilang linggo na siyang hindi nakapaglinis, nawalan na kasi siya ng panahon dahil sa paghahanap ng trabaho at nito namang nakaraan ay ang pagkuha niya ng mga requirements niya para sa pagpunta niya ng Japan. Hindi na niya alam kung ano ang dapat niyang gawin sa kaniyang ina. Nagdadalawang-isip na rin siya kung tutuloy pa ba siya sa pag-alis kung ganito ang sitwasyon ng kaniyang mga magulang. Pero kung hindi naman siya tutuloy, paano na ang kaniyang ama? Kung hindi sila makapagbayad sa loob ng dalawang buwan, paano siya?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD