Sa sobrang bilis ng pangyayari ay hindi ko na nagawa pang kumilos.
Tila naging bato ako sa aming posisyon. Hindi ko maipaliwanag ang pagbilis ng t***k ng aking puso at naramdamang parang nagbabaga sa init ang aking mukha.
Bigla tuloy nanumbalik ang alaala nung una kong halik. Malakas ang buhos ng ulan, madilim, walang katao-tao at kami lang dalawa ang naroon. Ngunit kabaligtaran naman ang sa amin ni kuya Benedict dahil maaliwalas ang panahon, nagni-ningning ang mga tala sa kalangitan, at nasa tapat lang kami ng tinitirhan ko.
Dahil sa pagsagi ng alaalang iyon ay nataranta ako at simbilis ng kidlat na kumalas mula sa pagkakakulong sa mga bisig ni Kuya Benedict. Kung gaano kami kalapit sa isa’t-isa kanina ay kasing layo naman nito ang distansya namin ngayon.
Tahimik.
Nagkatitigan lang kami at parehong nagulat sa nangyari. Hindi ko alam kung anong ipinapahiwatig ng mga titig niyang iyon. ewan ko ba kay kuya kung bakit pa siya lumingon…
“Ah, s-sige mauna na ako tol…” ang narinig ko na lang paalam ni kuya. Hindi na niya hinintay pa ang tugon ko at tuluyan ng umalis. Habang ako ay naiwan na namang nakatayo at puno ng kalituhan.
Naguguluhan man ay pilit ko pa ring inihakbang ang aking mga paa papasok sa loob. “Syyeeeettt!!! Ano iyon?” sigaw ko sa sarili.
Kagaya ng dati, hindi ko na lang iyon binigyan pa ng pansin. Baka nagkataon lang talagang napalingon si kuya dahil akala niya ay mabilis kong matatapos ang paghalik sa kaniya at hindi naman siguro iyon sinasadya. Kaya, no big deal sa akin ang nangyari at hindi na rin namin pinag-usapan pa.
Sa mga sumunod na araw, ganun pa rin ang samahan namin ni kuya. Walang ilangan bagama’t paminsan-minsang sumasagi sa isip ko ang hindi inaasahang first kiss naming dalawa. Iwinaglit ko lang iyon at hindi na sineryoso.
Isang hapon, niyaya ako ni kuya na gumalang kaming dalawa lang at walang ibang kasama. Nagpaalam ako ni uncle at nung malamang si kuya ang kasama ko ay walang pagdadalawang-isip itong pumayag. Nagulat naman ako kasi akala ko ay papayagan niya lang akong gumala kapag kasama siya o ang driver niya. Ngunit nang sinabi kong si kuya ang kasama sa lakad ko ay um-oo kaagad. Nakapagtataka lang. ganyan na ba talaga ka-close si uncle kay kuya na ipinagkakatiwala na niya ako sa kaniya?
Anyways, hindi ko na iyonbinigyan pa ng pansin. Ang importante ay makakagala kami ni Kuya Benedict. Alas 6 na nang makaalis kami ng bahay. Sakay ng motor ni kuya ay binaybay namin ang kahabaan ng kalsada patungo sa lugar na hindi ko alam.
“Kuya, saan ba ang punta natin?” tanong ko kay kuya Benedict.
“Sa lugar na hindi mo pa napuntahan,” maikling sagot naman niya.
“Eh, andami-daming lugar pa kaya dito sa siyudad ang hindi ko pa napuntahan. Pupuntahan ba natin lahat?”
“Gago! Basta…magugustuhan mo din doon. Sigurado ako,”
“Talaga?”
“Oo nga.”
“Eh bakit ayaw mong sabihin sa akin?”
“Para surprise.”
“Surprise? Baka naman kinikidnap mo na ako nito ah. Wala pa naman si uncle na kasama natin,” pagbibiro ko sa kaniya.
“Ang oa mo naman tol. Wala ka bang tiwala sa akin?”
“Mahirap na. Iba na kaya ang panahon ngayon. May iba diyan nagbabait-baitan lang yun pala, may masamang balak sa kapwa. Mga taong nakakubli sa napaka-gwapong mukha, makinis na balat, singkit na mga mata, matangkad at maayos na postura, mahilig sa basketball. Pero sa likod pala ng mga perpektong kaanyuhan nito’y may itinatagong kasamaan,” sinadya ko talagang pasaringan siya.
“Naku tol, delikado pala iyang taong nabanggit mo. Parang kilala ko kasi iyan eh,” nag-iinosentehan naman niyang tugon.
“Talaga ba kuya? Kilala mo? Tara kuya isumbong na natin siya…”
“Ha? Sa ibang araw na lang tol kasi may lakad pa tayo diba? Kapag isumbong natin siya baka hindi na tayo matuloy.”
“Ay oo nga pala. Pero siguro huwag na lang natin siyang isumbong,”
“O bakit biglang nag-iba nag ihip ng hangin?”
“Eh paano, natatakot akong baka i-tumba niya itong sinasakyan natin,”
“Hahaha…talagang itutumba niya ito kapag hindi ka nalang manahimik,”
Nagtawanan na lang kami ni kuya.
Iyon ang naging takbo ng aming pagbibiruan. Masayang-masaya kami habang pinapaharurot ni kuya ang motor na sinasakyan namin. Ako naman ay hindi magkamayaw sa pagkapit kay Kuya Benedict upang hindi mahulog. Ambilis din kasi magpatakbo kung hindi lang dahil sa helmet na suot ko ay parang lilipad na ang aking buhok. Siguro may halos 30 minutos ako sa ganoong posisyon bago pa namin marating ang aming destinasyon.
Naglakad pa kami ng ilang metro. Pansin ko namang parang paakayat kami sa isang bundok dahil walang katao-tao, wala akong makitang mga bahay, nadadaanan pa nga namin ang mga naglalakihang bato at matatayog na puno. “Ano ba ‘tong binabagtas namin? Saan ba talaga ako dadalhin ni Kuya Benedict?” pagtatanong ko sa sarili. Hindi ko tuloy maiwasang makaramdam ng pangamba at kaunting kaba.
Pero may isang bahagi naman sa aking nagsasabing magtiwala na lang ako kay kuya kung saan man ang aming pupuntahan. At isa pa, hindi rin naman niya siguro ako ipapahamak dahil nag-promise siya sa akin. Ewan…parang napa-paranoid lang siguro ako. Kaya pinagtuunan ko na lang ng pansin ang dinadaanan ko at baka maduwal pa ako.
Matapos ang kinse minutos naming paglalakad ay huminto na sa wakas si kuya na siya namang ikinatuwa ko. Nang marating namin mismo ang lugar ay hindi ko maiwasang mapa-wow sa sobrang ganda ng tanawin. Noon pa lang ako nakasaksi ng ganoong klaseng senaryo sa buong buhay ko. Nasa pinakataas na bahagi pala kami ng siyudad. Kitang-kita ang palubog nang araw at ang linya kung hanggang saan na lang ang naaabot ng liwanag nito. Nakakamanghang pagmasdan dahil pang nag-aagaw ang pwersa ng kadiliman at liwanag na nagmistulang nahati sa dalawang magkaibang mundo ang kabuuan ng siyudad. Ang sarap pala sa pakiramdam kapag nasa tuktok; natatanaw ko ang mga naglalakihang gusali, ang mga naggagalawang sasakyan, at damang-dama ko din talaga ang hihip ng hangin. Nakaka-relax kahit papaano.
“Kuya, ang ganda pala dito!” sabi ko kay Kuya Benedict nang makaupo na kami sa isang upuan na gawa sa kahoy.
“Sabi ko na nga ba eh. Magugustuhan mo dito,” buong karangalang sabi naman niya. Na ginawaran ko lang din ng isang ngiti.
Natahimik kami saglit at sabay naming pinanood ang napakagandang senaryo kung saan unti-unting lumulubog ang araw. Hanggang sa tuluyan na nga itong lumubog at nabalot sa dilim ang buong kapaligiran.
Tumayo si kuya mula sa pagkakaupo at akala ko ay aalis na kami kaya sumunod naman ako. Ngunit nagulat na lang ako nang biglang may hinugot siya sa kaniyang dala-dalang bag na isang puting tela. Walang pagkikibo niya itong inilatag sa lupa at nang matapos na ay naglabas naman siya ng mga sampung bote ng beer.
“Halika tol…” pagtawag niya sa akin nang matapos na siya sa pag-set up.
Hindi man ako makapaniwala sa aking nasaksihan ay tumalima pa rin ako at naupo sa tabi niya. Binuksan naman niya ang dalawang beer at inabot sa akin ang isa. Tinanggap ko ito at tinungga kaagad.
“Alam mo tol, espesyal sa sakin ang lugar na ito…” pagsimula ni kuya.
“Bakit naman?” ang natanong ko.
“Kasi ako ang nakatuklas nito eh,” sagot niya. “At wala pang ibang nakakaalam sa lugar na ito…”
“Talaga!” pagkamangha ko.
“Oo tayo pa lang. Sa katunayan, ako pa ang nag-ukit niyang inupuan nating kahoy kanina,” sabi naman niya.
“Wow! Kaya pala ang ganda ng pagkakagawa nito dahil ikaw pala ang nag-ukit mismo. Makikitang isang architect talaga ang may obra,” puri ko sa kaniya.
“Aba siyempre naman!” pagyayabang naman niya. Tawanan lang kami.
“Eh kuya, paano mo pala na-discover ang lugar na ito?” tanong ko ilang saglit pa.
“Hindi ko na masyadong matandaan eh. Bata pa kasi ako nun. Basta dito na ako tumutunngo kapag may problema ko, may hinanakit sa mundo, o kaya’y may nakaaway sa school…” tugon ni kuya sabay tawa sa panghuli niyang sinabi.
“Ah, so dito pala ang takbuhan mo. Hiding place kumbaga,” sabi ko naman.
“Medyo…pero more like a safe haven,” nakangiti niyang sabi. Tumango-tango na lang ako.
“Pero alam mo tol, kapag may isang espesyal na taong darating sa buhay ko…dito ko siya unang-unang dadalhin,” dugtong niya.
“Wow, ang swerte naman niya kuya…” sabi ko.
“Talaga? Bakit mo naman nasabi iyan?”
“Kasi…ang ganda ng lugar na ito. Peaceful, relaxing, at presko sa pakiramdam. Talagang perfect place kapag dito kayo nag-date kuya. Kaya swerte ang girlfriend mo.”
“Ah ganun ba? Edi ang swerte mo pala.”
“Oo nga eh. Salamata pala sa pagdala mo sa akin dito kuya ha?”
Binitiwan lang ni kuya ang isang nakakabighaning ngiti.
Tahimik.
Pinagmasdan ko na lang ang buong lugar sa ganoong oras ng gabi. Sa langit, may mga nagkikislapang bituin at napakalaki ng buwan. Ang payapa nilang tingnan at ang saya-saya. Habang sa ibaba naman na dinudungawan nito ay ang may mga ilaw rin na nanggagaling sa siyudad. Para din itong mga bituin na nagsisipagkislapan sa liwanag. Ngunit sa likod ng mga ilaw na iyon ay ang magulo at masalimuot na buhay ng bawat tao at maiingay na sasakyan. Hindi tulad ng mga tunay na bituin sa langit na walang ibang iniintindi kundi ang magbigay liwanag at aliw sa mundo.
Tahimik lang naming iniinom ang hawak-hawak na beer. Pareho kaming nakatingala sa langit at pinagmamasdan ang mga bagay na nagbibigay liwanag sa madilim na tema ng mundo. Sinubukan ko silang bilangin isa-isangunit imposible pala dahil sa sobrang dami nila. Natatawa na lang ako sa aking ginagawa at hindi ko alam na napansin pala ito ni kuya.
“Anong tinatawa-tawa mo diyan?” tanong ni kuya sa akin.
“W-wala naman. Sinubukan ko lang kasing bilangin ang mga bituin sa langit ngunit hindi ko kaya,” tugon ko kasabay turo sa itaas.
“Ah ganun ba? Gusto mo tulungan kita?”
“Baliw! Kahit buong tao pa sa siyudad ang magtulungan sa pagbilang ng mga tala, imposible pa ring malaman kung ilan nga silang lahat,”
“Bakit naman? Eh, wala namang imposible kung magtulungan di ba?”
“Kuya ano ka ba? Eh, mga scientists nga hindi alam ang eksaktong dami ng ng mga bituin. Tayo pa kayang mga average lang? Mag-isip ka nga,”
“Nag-isip naman ako ah”
“Ang babaw pa ng pag-iisip mo kuya. Laliman mo pa,”
“Ganun ba? Gaano b aka lalim…kagaya ng nararamdaman ko?”
Nataawa naman ako sa sinabi niya.
“Bakit kuya? Ano ba iyang nararamdaman mo?” patawa kong tanong na sinasabayan lang siya.
“Sobrang lalim na hindi ko maintindihan,” sagot niya.
“Paanong hindi mo maintindihan?” tanong ko ulit.
“Ewan, hindi ko alam eh. Siguro dahil hindi pwede,”
Sa sagot niyang iyon ay napalingon ako sa kaniya. Tiningnan ko siyang nanatili pa ring nakatingin sa taas. Kahit madilim na sa mga oras na iyon ay naaaninag ko pa rin ang kaniyang mukha dahil sa liwanag na nagmumula sa buwan. Nakita kong seryoso na ang kaniyang ekspresyon at walang bahid ng pagbibiro. Kaya naitanong ko na lang, “bakit hindi pwede?”
Tiningnan niya ako.
Nagkatitigan kami.
May kung anong kislap sa kaniyang mga mata na hindi ko mawari ang ibig sabihin. Hinahanap ko doon ang kasagutan sa aking tanong ngunit hindi ko rin iyon makita. Sa halip na sagutin niya mismo ang tanong ko ay umiwas siya ng tingin at mabilisang inubos ang laman sa hawak niyang bote. Nang maubos na ay kumuha naman siya ng bago at tinungga ulit iyon hanggang sa kalahati na ang laman.
Nakatingin pa rin ako sa kaniya at inubos ko na rin ang aking beer kagaya ng ginawa niya.
Halos maubos na namin ang sampung bote ng beer. Medyo nahihilo na ako at parang inaantok na. nilingon ko ulit si kuya na nanatili lang sa kaniyang posisyon; nakatingin sa malayo. Taimik pa rin kaming pareho. Ang tanging naririnig ko lang at ang ingay na gawa ng mga kulisap at ibang nilalang sa gabi kasabay ng huyuhoy na dala ng hangin. Nararamdaman ko na rin ang malamig na simoy ng hangin na dumadampi sa malambot at makinis kong balat. Tiningnan ko ang aking relo, 7:45 na pala.
“Kuya, uwi na tayo,” pag-anyaya ko sa kaniya.
“Sandali na lang tol. Uubusin ko lang itong panghuling bote ng beer,” sabi naman niya.
“Okay sige,” pagsang-ayon ko na lang.
Habang hinihintay ko si kuyang maubos ang kaniyang beer, naisipan kong humiga na lang muna. Nakatihaya ako at nilagay sa ilalim ng aking ulo ang kaliwang kamay na ginawa kong unan habang nasa tiyan ko naman ang kanan. Sa posisyong iyon ay mas nakikita kong lubusan ang buong kalangitan. Kitang-kita ko ang magkaibang laki at hugis, kulay, tindi ng pagningning, at ang layo ng mga bituin sa bawat isa. Grabe, andami pala nila na parang na over-populated na ang langit. Siksikan. Maihahalintulad ko ito sa siyudad na kay daming taong nakikipagsapalaran sa araw-araw na pamumuhay dala-dala ang mga natatanging kuwento ng bawat isa; nagkakaibang dahilan kung bakit nabubuhay ngunit nagkakaisa ang layuning umangat.
Nasa ganoon ang aking pagmumuni nang bigla kong naramdamang may kamay na gumagapang sa aking dibdib at paang dumadantay sa bahagi ng tiyan ko. Napalingon ako kay kuya na siyang may gawa ng pagyayakap sa akin, nakapikit ang mga mata na parang mahimbing na natutulog. Sobrang lapit din ng mukha na nalalanghap ko na ang amoy beer niyang hininga. Hinayaan ko lang si Kuya Benedict at nanatili lang akong nakatitig sa kaniya.
Ang guwapo naman talaga ni kuya. Kaya pala andaming nagkakagusto sa kaniya. Kahit isang titig mo pa lang ay kaagad ka nang mapapasailalim sa kaniyang kapangyarihan. Ang ganda din kasi ng hugis ng mukha, ang kinis at puti. Perpfect din tingnan ang kaniyang kilay na parang sinadya ang mga korte nito lalong-lalo na ang mahahabang pilik-mata na kahit isang palito ng posporo ang ipatong dito ay hindi malalaglag. Ang pula-pula din ng kaniyang mga labing tila nang-aakit na siilin iyon ng halik.
Iyon ang huling tumatak sa aking isipan bago ko pa man naramdaman ang unti-unting pagdilim ng aking kapaligiran. Siguro ay epekto na din sa ininom na alak kaya na-idlip ako sandali. Hindi ko alam kung ilang minuto akong nasa ganoong pagkakahimbing nang naalimpungatan ko na lang ang pagpatong ng isang mabigat na bagay sa akin. Iminulat ko ang aking mga mata at laking gulat nang makitang si kuya pala…dinaganan ako.
Kitang-kita ko pa ang pamumungay ng kaniyang mga mata tanda ng pagkalasing.
Ilang saglit pa’y inangat ni Kuya Benedict ang kaniyang kamay at hinaplos ang aking mukha. Ang mga banayad niyang haplos ay naghahatid ng kakaibang sensasyon sa aking katawan, kakaibang kuryente na parang pamilyar na sa akin. Na parang naramdaman ko na rin iyon dati. Parang nag-aadventure lang ito na nilalakbay ang aking noo pababa sa magkabilang pisngi nang paulit-ulit hanggang naglanding sa aking mga labi. Napakaseryoso ng kaniyang mga titig na tila inuukit ang bawat detalye ng aking mukha sa kaniyang isip. Hindi ko lubos maintindihan ang kaniyang ginagawa. Nagmistula kaming isang magkasintahan sa posisyong iyon.
“K-kuya…anong ginagawa mo?” ang naitanong ko.