Nang matunghayan ko kung sino ang nagsaboy sa akin ay hindi ko maiwasang mapa-nganga at mapa-mangha. Tila napasa-ilalim ako sa hipnotismo niya dahil sa kaniyang mala-adonis na mukha. Nakakatunaw ang mga titig niya dagdagan pa ng malalalim nitong dimples sa magkabilang pisngi at mapang-akit na pinkish lips. Ang flawless ng mukha at parang sadyang inukit ng isang dalubhasang iskultor ang hugis nito.
Nakasuot siya ng green na apron ka-terno sa tema ng kulay sa loob at may nakatatak na “Native Haus” na siya ring pangalan ng nasabing café. Nakapaloob naman nito ay ang dilaw niyang damit na mas lalong nakapagpalitaw ng kaniyang kaputian. Hunk na hunk ang dating niya at hayop sa porma’t postura. Noon ko lang din napagtanto na isa pala siya sa staff ng café na iyon.
Nagkatitigan kami.
Mas matangkad siya sa akin ng kaunti kaya nakatingala ako nang bahagya sa kaniya. Walang tigil naman siya sa kaka-sorry sa nangyari.
“Sir, sorry po talaga. Hindi ko sinasadya…pasensya na po…naku sir, huwag po sana kayong magalit…” ito ang paulit-ulit niyang sinasabi sa akin. Ang mga mata niya’y nakatutok lang sa akin at bakas sa mukha ang matinding hiya sa hindi inaasahang insidente.
“Ayos lang. Hindi mo naman sinadya eh,” ang nasabi ko na lang.
“Ano ba iyan? Hindi ka ba tumitingin sa dinadaanan mo? Nag-iingat ka kasi dapat…” pinagsabihan ni uncle ang lalaki.
“Okay lang uncle…hindi rin naman niya ginusto ang nangyari,”
“Talaga lang! Mabuti nga’t juice lang iyang natapon sa iyo. Eh paano kung naging kape…edi lapnos na iyang likod mo?”
“Pasensya na po talaga sir,” paumanhin ulit ng lalaki.
Nagsimula na ring nagtinginan ang mga taong nasa loob ng café na iyon. Ang iba ay naki-usyoso pa talaga at ang iba naman ay dedma lang na parang walang nangyari. Kaya pinalagpas ko na lang iyon para hindi na magkagulo pa’t tuluyan na kaming umalis ni uncle. Ngunit bago pa man kami nakaalis ay palihim kong inalam ang pangalan nung lalaking staff sa kainang iyon sa pamamagitan ng name tag niyang nakalagay sa kaliwang bahagi ng kaniyang dibdib. At nabasa kong “Tim” ang nakalagay doon.
Ewan, hindi ko alam kung bakit kinailangan ko pang silipin ang pangalan niya. Siguro dahil nagwapuhan lang ako sa kaniya at marahil na rin sa awang naramdaman ko. Paniguradong mapapagalitan siya ng kaniyang boss sa nangyari.
Iyon ang huling eksenang tummatak sa aking isipan. Nagtatanong isip ko kung sino kaya ang lalaking iyon, kung taga saan siya, sa anong unibersidad siya nag-aaral, anong kurso niya, magkikita pa ba kami ulit, o kaya’y mabait ba siya…
Iyon ang mga tanong na pabalik-blik sa isip ko. Hindi malaman-laman ang sagot sapagkat iyon na lang ang una at huling pagkikita namin.
Sa isang linggo ko pa lang pananatili sa bahay ni uncle ay unti-unti na akong nakaka-adjust. Sa tulong niya ay marami na akong bagay na natututunan ukol sa mga kalakaran at takbo ng buhay sa siyudad. Minsan ay sinasama niya ako sa mga lakad niya, pinapasyal sa mga malls, kumakain kami sa mga restaurants, at may isang beses rin na isinama niya ako sa isang bar. First time ko iyong makapasok sa ganung lugar kaya naiilang ako sa mga taong nandun. Maingay, magulo, maraming tao…ang iba ay nakikita ko pang nagsasayawan sa gitna at sinasabayan ang nakakabinging tugtog ng musika, ang iba naman ay nanatili lang nakaupo habang tinutungga ang iba’t ibang kalseng inumin na hawak nila, may iba ding nakatulog na sa sobrang kalasingan. Pero hindi rin naman kami nagtagal ni uncle doon. Uminom lang kami ng kaunti pagkatapos ay umuwi din kaagad.
Simula na ng pasukan.
Bago ang lahat sa akin.
Bagong environment, kaibigan, kaklase, professors, at kung anu-ano pa. Mabuti na lang at mabilis din naman akong naka-cope sa mga bagong kagawian at pakikipag-halubilo. At hindi rin naging mahirap sa akin ang pakiki-ayon sa mga tao sa campus dahil friendly naman sila at maayos ang pakikitungo sa kapwa estudyante.
Sa pagdating ng pasukan ay bagong routine na naman ang meron ako. Kailangan kong gumising ng maaga dahil alas 8:00 ang simula ng klase ko sa umaga hanggang alas singko ng hapon. Hindi kalaunan ay natutunan ko na rin ang mga bagay-bagay kahit nakakapanibago ang lahat. Nasanay na ako sa bagong set up mula sa paggising sa umaga na wala si mamang bumabati sa akin, sa pagpasok na walang kasabay hanggang sa pag-uwi.
Bagama’t first year college pa lang nakahanap pa rin ako ng bagong kaibigan. Siya si Kuya Benedict. Nasa third year na siya sa kursong Architecture. Gwapo naman siya, maputi, mestizo, may mga singkit na mata, kulot ang buhok, matangos na ilong, mamula-mulang labi, at nakakabighaning ngiti. Siguro mga nasa 5’10 ang tangkad at mahilig sa pagbabasketball na isa sa dahilan kung bakit maraming mga babae ang nagkakandarapa sa kaniya. Grabe! Pero hindi ko sila masisisi kasi ang lakas din naman ng hatak niya sa mga babae at bakla…at pati nga siguro mga lalaki eh.
Hindi ko nga alam kung bakit naisipan ng mokong na makipagkaibigan sa isang tulad kong freshman. Subalit, sa kabila nito’y masasabi kong isa na ako sa maswerteng tao dahil nagkaroon ako ng ganoong kaibigan. Parang nakaka-proud lang na naging kaibigan ko ang tinaguriang crush ng bayan sa buong campus.
Higit pa diyan, ang isa sa pinakahinahangaan ko sa kaniya ay ang pagiging malambing niya. Kung gaano siya ka-lupit o ka-angas sa paglalaro ng basketball ay higit pa roon ang kalambingan niyang ipinapakita sa akin. Hindi ko lubos mawari kung ganun ba talaga siya sa lahat ng taong nakakasalamuha niya o sa akin lang ba.
Nakakapanibago lang sa akin dahil hindi pa ako nakatagpo ng isang tulad niya. Hindi ko tuloy maiwasang ma-ikompara siya kay Giordale. Oo, sweet naman ang bespren ko kahit may topak paminsan-minsan pero ibang-iba talaga si Kuya Benedict. Siya…sobrang malambing sa akin na parang tunay na kapatid ang turing niya. Sa bagay, parang iyon din ang nagustuhan ko sa kaniya dahil sabik na sabik ako sa pagkakaroon ng kuya. Dahil sa kaniya ay parang naramdaman ko ang magkaroon ng nakakatandang kapatid at naranasan ko rin ang may tawaging “kuya”.
Bukod sa pagiging sweet, malambing, at caring na kuya, na kin-career naman niya, may pagka-overprotective at selosong side din siya. Inuusisa niya ang mga taong lumalapit sa akin: mga kaibigan ko, kaklase, admirers, at pati schedule ko sa klase ay inaalam niya. Tinatanong ko naman siya kung bakit kailangan pa ng ganun. Ang tanging sagot lang niya ay, “Siyempre dahil ayokong mapariwara ang baby bro ko. Hindi ako papayag na mapahamak ka o maligaw ng landas…at saka kuya mo ako diba? At bilang kuya mo ay responsibilidad kita, mahalaga ka sa akin kaya ayokong makita kang nasa maling landas. Ako dapat ang magbabantay at magpoprotekta sa’yo mula sa mga taong may masasamang balak at hindi mabuting maidudulot nila. Ayoko ring masaktan ka…promise ko sa iyo.”
Sa totoo lang, touched ako sa mga binitiwang salita niya. First time ko pa iyong narinig mula sa ibang taong noon ko pa lang din nakatagpo. Kaya hinayaan ko na lang siya sa kaniyang gustong mangyari. At sa tingin ko naman ay hindi lang siya nagbibiro dahil nakikita ko namang tinutupad niya iyon. Ipinaramdam niya talaga sa akin ang pagiging kuya niya.
Naging panatag ang loob ko sa kaniya. Simula nung naging magkaibigan kami ni Kuya Benedict ay mas naging positibo pa ang pananaw ko sa buhay. Nawala na lahat ng pagdadalawang-isip ko at nagkaroon ng sapat na confidence para harapin ang bawat araw sa bagong yugto ng aking buhay. Siya na rin ang nagbibigay advice sa akin kung may kaunting problema man sa eskwelahan na kinakaharap ko kagaya ng mahihirap na subjects at terror na mga instructors.
Minsan din ay hindi ko maiwasang i-open up sa kaniya ang personal kong buhay lalo na sa kalagayan namin ni Giordale. Nagbibigay naman siya ng payo at gumagawa din ng paraan upang hindi na ako malumbay.
Ito din ang isa sa naging dahilan kung bakit mas napa-igting pa lalo ang paghanga at pagkabilib ko sa kaniya.
Halos mag-iisang buwan na ang ganung samahan namin ni kuya. Siya na ang naging taga-hatid at taga-sundo ko. Sinasamahan niya ako kapag may kailangan akong lakarin at pati mga lakad namin ni uncle ay hindi niya pinalampas, sumasama na rin siya. Kinareer na talaga niya ang pagiging kuya sa akin. Sa side naman ni uncle ay wala din naman siyang pagtutol sapagkat may mabuting hangarin naman iyong tao kaya approve na approve sa kaniya si Kuya Benedict.
Sobrang natuwa naman ako sa nalaman kong pagsang-ayon ni uncle. Kaya parang perpekto na sa akin ang lahat dahil binigyan ako ng pagkakataong maranasan ang dalawang bagay na ipinagkait sa akin ng tadhana: ang magkaroon ng kapatid at ama. Nandiyan na si uncle na itinuturing akong parang anak niya na rin at si Kuya Benedict na nagpresentang iparamdam sa akin ang pagmamalasakit ng isang kuya. Ang kulang na lang siguro ay ang tawagin kong papa si uncle eh.
Ang saya lang na tila ibinigay ng kapalaran ang matagal ko ng inasam-asam.
Huwebes iyon ng hapon at nasa student center ako nun nakaupo, tahimik na hinihintay si kuya. Doon kasi ang waiting place namin sa bawat hapon kapag pauwi na kami.
Lagpas alas singko na nang dumating si kuya.
“Tol!” pagtawag sa akin ni kuya pagdating niya.
“Kuya…sa wakas ay nandito ka na rin,” tugon ko sa kaniya.
“Pasensya ka na’t natagalan ako,”
“Ayos lang kuya. Nandito ka na naman eh,”
“Tara.”
At umalis na nga kami sakay ng kaniyang motorsiklo. Habang pinapatakbo niya ang motor ay hindi ko maiwasang magtaka dahil napansin kong nag-iba ang direksiyon namin patungo sa bahay. Bigla siyang lumiko sa kabilang kanto. Magtatanong na sana ako nang wala pang isang minuto ay huminto ito sa tapat ng open space na kung tawagin ay basketball court.
“Maglaro muna tayo, tol” sabi niya nung makababa na kami sa motor.
“Kuya, baka pagalitan ako ni uncle nito?” pag-aalala ko.
“Saglit lang naman eh. Huwag kang mag-alala, ite-text ko na lang si uncle na matatagalan tayo sa pag-uwi. Ano, ayos ba?”
“Kuya naman eh. May test ako bukas at kailangan ko mag review,”
“Tol, maaga pa naman at saka sandali lang naman tayo. Kahit kalahating oras lang, okay?” giit pa rin niya.
“Hindi naman ako marunong mag basketball. Ikaw na lang maglaro at uuwi na ako. Sayang lang ang oras ko dito eh,” pagmamaktol ko.
“Edi manuod ka na lang kung ayaw mong maglaro. Gusto kong nandiyan ang baby bro ko kapag naglalaro ako. Suportahan mo naman ako tol. Isipin mo na lang na bonding natin ito…sige na tol,”
“Bonding? Eh, ikaw lang naman ang mag-eenjoy niyang laro mo habang ako maboboringan sa panonood. Diba dapat kapag ‘bonding’, nag-eenjoy tayo pareho at sinusulit natin ang oras,”
“Bakit hindi ba sulit ang oras mo sa kakapanood sa aking maglaro?” diretsahang tanong niya.
Hindi naman ako nakasagot agad. Para akong natameme sa kaniyang tanong.
“Sige na tol. Pleeeaaassseee!!!” pagmamakaawa pa rin ni Kuya Benedict.
“Pagbigyan mo na ako. Minsan na nga lang akong maki-usap sa’yo eh…pleaseeeee,”
Talagang naki-usap nang naki-usap si kuya sa akin at sinasabayan pa niya ng pag-pouty lips na parang nagpapa-cute. Hanggang sa wala na akong magawa pa kundi sumang-ayon na lang.
“Sige na nga,” pagpayag ko sa huli.
“YES!” sigaw bigla ni kuya.
Alam kong tuwang-tuwa siya nung pumayag akong manood sa paglalaro niya. At hindi ko alam kung dahil ba iyon sa sobrang tuwa niya kung kaya isang malutong na halik ang iginawad niya sa pisngi ko…nang paulit-ulit.
Ewan pero hindi ko maiwasang makaramdam ng kung ano sa aking kalamnan. Kinilig ba?
Kaya naupo na lang ako sa may bench upang manood sa laro niya. Doon ko nalamang napagkasunduan pala nilang magbarkada na maglaro. Nakita kong nandun ang mga kaibigan at kaklase niya. Nagsimula kaagad ang kanilang laro at habang umuusad ang scores ay unti-unti namang dumarami ang mga taong nakipanood na rin.
Mainit ang labanan. Paano, eh sila lang din naman ang mga varsity players ng basketball team sa school namin ang naglalaro. Kaya walang tigil sa pagsisigaw ang mga taong naroon bilang suporta sa team na kinampihan nila. Lalong-lalo na ang mga babae, grabe halos maputol na ang mga ugat sa lalamunan sa kasisigaw. Hindi ko alam kung nagpapansin lang ba sila sa mga players. Mga haliparot!
Pero hindi ko na ito pinansin pa bagkos nagpokus na lang ako kay Kuya Benedict at sa bawat galaw niya sa court. Napapasigaw na rin ako bilang suporta sa team niya.
Ibang klase! Talagang ang galing ng mga moves niya sa paghawak ng bola. Sa tuwing napapasa sa kaniya ang bola ay talagang iniingatan niya itong hindi maagaw ng kalaban. Panay dribble siya at ambilis niyang makalusot sa mga nakaharang sa kaniya. Pagkatapos ay…SHOOT! Sinundan pa ng isang shot, at sinundan pa rin, shot pa rin ng shot si kuya sa bawat pagkakataong nasa kamay niya ang bola. Ang galing lang, parang inspired. Hindi ko malaman kung nagpapasikat lang ba siya dahil maraming babae ang nanonood o sadyang magaling lang talaga siyang maglaro sa paborito niyang sports.
At sa bawat pagkakataong nakaka-shot siya ay tumitingin agad sa direksiyon ko sabay tapon ng kindat. Ewan kung para saan iyon. Ayokong mag-ilusyon na para sa akin iyon dahil marami naman akong katabing babae. At granting na para sa akin iyon, ayokong bigyan iyon ng meaning. Kaya sa tuwing ginagawa niya iyon ay hindi na lang ako nagpapakita ng reaksiyon bagkos nagta-thumbs up na lang ako. Minsan din ay napapangiti na lang.
Hanggang sa hindi ko na namamalayan ang oras. Ang intense din kasi ng laban nila. Minsan lamang ang score nina kuya, minsan naman ay nalalamangan sila ng mga kalaban. Minsan din ay nagpapantay sila ng score.
Siguro mag-aalas otso na nung matapos ang laro. Siyempre panalo sina kuya.
“Wow, kuya! Ang galing mo kanina ha!” pagpuri ko sa kaniya nung makalapit siya sa inuupuan ko.
“Talaga ba? Nagalingan ka sa akin o sa mga kasama ko?” malisyoso niyang tanong.
“Tado! Siyempre sa’yo. Taga-suporta mo nga ako diba?” depensa ko naman na tinawanan niya lang.
“Eh ikaw nga…panay pagpapasikat sa mga babaeng nanonood,”
Natigil siya bigla sa pagtawa at biglang nag-iba ang ekspresiyon sa mukha.
“Hhmmm, teka nga…nagseselos ka ba?” tanong niya bigla.
“Huh? Bakit naman ako magseselos?” gulat kong tanong.
“Hindi ko alam. Bakit nga ba?” pag-usisa niya.
“Hindi ako nagseselos no? Ang feeling mo naman,”
“May naaamoy kasi akong kakaiba,”
“Ewan ko sa’yo kuya. Naumpog ka ba kanina habang naglalaro? Parang nasisiraan ka yata ng bait. Ganun ba talaga pag nanalo sa basketball?” biro kong pagtatanong.
“Siyempre! Lalo na kapag may inspirasyon ka habang naglalaro…” tugon naman niya sabay bitiw ng ngiting tagumpay.
“Oo nga naman. Andami kasing mga babaeng nanood eh kaya pala ganadong-ganado kang naglaro…” natawa na lang si kuya sa sinabi ko.
“Pa-yakap na nga lang,” Lumapit si kuya sa akin at akmang yayakap na sana ngunit simbilis ng kidlat akong tumayo at lumayo sa kaniya.
“Kuya, magbihis ka nga muna. Basang-basa ka pa ng pawis o,”
Napahinto naman siya at napagtantong basa nga siya kaya, “Oo na…” at nagbihis na.
Iyon ang naging takbo ng pagbibiruan namin ni kuya. Pagkatapos nun ay umuwi na kami diretso sa bahay. Nang makarating na kami sa tapat ng gate ay agad naman kaming bumaba.
“Kuya, pasok ka muna. Dito ka na maghapunan,” paanyaya ko kay kuya.
“Ah, huwag na. Next time na siguro tol,” tanggi niya.
“Ganun ba? O sige, mag-iingat ka kuya ha,” sabi ko na lang sabay talikod.
Papasok na sana ako sa gate nang bigla niya akong hinawakan sa braso at pinigilan.
“Bakit kuya?” pagtataka ko.
“Ah, s-salamat pala tol ha. Pumayag kang samahan ako ngayon. Di bale ikaw naman ang pagbibigyan ko sa susunod,” sabi ni kuya.
“Walang anuman kuya. Basta ikaw, malakas ka sa akin eh. Atsaka nag-enjoy naman na rin ako kaya no problem,”
“Talaga?” pag-aalinlangan niya.
“Oo naman! Bakit hindi ka naniniwala?”
“H-hindi naman sa ganun. Masaya talaga ako dahil nagka-bonding tayo. Sabi ko naman sa’yo diba na mag-eenjoy ka rin,”
Ngumiti na lang ako. “Sige na kuya. Gabi na o.”
“Teka lang. May nakalimutan pa kasi ako eh…”
“Huh? Ano yun?”
At wala pang isang minuto ay bigla niya akong hinila palapit sa kaniya at niyakap.
“Wala man lang bang good night kiss diyan mula sa baby bro ko?”
“Huh!”
“Sige na…” sabi niya sabay muwestra at turo sa kaniyang pisngi pagpapahiwatig na i-kiss siya doon.
Wala lang din naman iyon sa akin kasi sa pisngi lang naman eh. At isa pa, para maka-uwi na rin siya. Kaya tumalima ako sa kagustuhan niya. Hinalikan ko si Kuya Benedict sa kaliwang pisngi pagkatapos ay bumaling naman siya sa kabila para i-kiss ko rin. Akmang hahalik na sana ako nang sa hindi ko inaasahang pagkakataon ay walang pasabing humarap sa akin si kuya dahilan upang sa mga labi niya bumagsak ang aking halik.
Naglapat ang aming mga labi.