Isa pang nagpapalito sa aking isipan ay ang huling bahagi na nasa liham ni Giordale. Wala akong maalalang huling bagay na ibinigay ko sa kaniya. Wala din naman akong perang panregalo sa kaniya, eh siya nga lang iyong tanging nagbibigay ng regalo sa tuwing birthday ko o may espesyal na okasyon. Inisip ko na lang na baka iyong pagkakaibigan namin ang ibig niyang sabihing “pinakamagandang regalo” na natanggap niya. Ngunit hindi ko na lang iyon binigyan pa ng pansin. Ewan ko sa kaniya mas lalo lang akong naguluhan. Bahala na siya sa buhay niya. Masama pa ang loob ko sa kaniya kaya wala na akong pakialam kung anong gagawin niya doon sa marangyang buhay niya sa America. Pipilitin ko na lang tumayo sa mga sarili kong mga paa na wala siya at ipakita sa kaniyang kaya ko kahit wala siya. Isang buwan na rin naman ang nakalipas, unti-unti ko nang natatanggap sa sarili ang pag-alis at pagkawala niya sa aking tabi. Iyon din kasi ang nararapat gawin para maka-usad ako sa buhay. Kaya kahit may kaunting kirot pa man itong dulot sa aking puso pinilit ko na lang tanggapin.
Nasa ganun ka-lalim ang aking iniisip nang hindi ko na namalayan na tinawag pala ako ni mama.
“Anak, naimpake mo na ba lahat ng damit mo?” tanong ni mama. Naghahanda na ako para sa aking pag-alis. Wala kasi sa lugar namin ang unibersidad kung saan granted ang scholarship ko kundi nasa malayo. Kaya kinakailangan pang lumawig sa kabilang rehiyon.
“Ha…a, o-oo ma. Tapos na akong mag-impake,” tugon ko naman. Lumapit siya sa akin at tinabihan ako.
“Parang malalim yata ang iniisip mo anak. Pwede ko bang malaman kung anong bumabagabag diyan sa isip mo?” ani ni mama.
Ngumiti ako saglit bago sinabing, “Wala ma. Naisip ko lang kung ano kaya ang magiging buhay ko doon. Lalo na’t magkakalayo din tayo. Mamimiss kita ma.”
“Anak, mamimiss din kita pero kaya mo iyan. Ikaw pa! Matalino ka naman at may tiwala ako sa’yo. Basta’t huwag mo lang kalimutan na magpakabait at magpokus sa iyong pag-aaral. Kung may problema man, tumingala ka lang sa taas at sa kaniya ka humingi ng tulong. Didinggin ka niya at hindi ka pababayaan. Natitiyak ko,” payo ni mama.
“Pa’no ka pala dito ma?” tanong ko naman sa kaniya.
“Huwag mo akong intindihin. Ayos lang ako dito atsaka makakaya ko pa naman. May mga kapit-bahay naman tayong malilingunan eh. Kaya huwag ka nang mabahala. Ang isipin mo ay iyong pag-aaral.”
“Opo ma. Hindi ko po kayo bibiguin. Magpapakabait po ako dun at sinisiguro kong may bitbit akong diploma pag-uwi ma. Tutuparin ko ang aking mga pangako sa’yo at para sa ating dalawa,” panata ko.
“Salamat anak. Alam kong mahirap ang malayo tayo sa isa’t-isa pero dapat din kasing matuto tayong harapin ang ibinigay sa atin ng kapalaran. Dapat hindi tayo magpapatinag sa emosyong nararamdaman natin. Huwag tayong bumigay dahil kapag bumigay tayo, malulunod tayong pareho at walang ibang sasagip sa atin kapag nangyari iyon. Nasa lugmok na sitwasyon na nga tayo, bibitaw pa. Paano tayo makakaangat niyan sa buhay kung ganun ang mentalidad natin? Kaya anak, huwag mong hayaang puma-ibabaw iyang puso sa utak. Dapat utak ang gamitin sa pagdesisyon at hindi ang puso. Dahil ang puso ay marupok, madali lang itong palambutin, nakikinig at umaayon sa bugso. Hindi kagaya ng utak na may katigasan, ina-analisa ang bawat pangyayari bago magdesisyon, at pinipilit nitong sundin ang nais gawin,” pagpapa-alala niya.
“Ngunit alalahanin mo din na hindi sa lahat ng pagkakataon ay katigasan ng ulo ang dapat papa-iralin. Minsan ay dapat nating pakinggan ang sigaw ng ating damdamin. Tao lang tayo anak at hindi ginawang perpekto kaya trabaho ng puso na payuhan ang isip kung kailan lulugar. Kagaya ng pagpapatawad, pagpapakumbaba, at pakikinig. Kailangan din nating pakinggan ang saloobin o sentimento ng iba at tanggapin ito upang maliwanagan ang isip kung ano ang karapat-dapat gawin. Balanse lang anak. Ganun kasi ang buhay…dapat pinag-iisipan nating mabuti ang mga desisyong gagawin para hindi tayo magsisi sa huli. Oo, may mga pagkakataong nahihirapan tayong magdesisyon dahil sa sakit na maaaring idulot nito, pero pakatandaan mo anak na lahat ng bagay ay mayroong kaakibat. Maaaring masaya ka ngayon ngunit malungkot na bukas. O kaya’y malungkot ngayon ang buhay ngunit sasaya din naman ito kalaunan.”
Mistula akong hinataw ng isang malaking bagay sa sinabing iyon ni mama. Sapol na sapol ang kaniyang mga salita at ramdam na ramdam ko iyon. Ewan ko ba kung may ibang ipinahihiwatig si mama o sadyang yun talaga ang nais niyang ipayo sa akin. Naisip ko tuloy ang tungkol kay Giordale. Dapat siguro ay intindihin at unawain ko na lang ang sitwasyon niya. Hindi ko din naman siya masisisi dahil desisyon iyon ng kaniyang mga magulang. At para sa akin, walang magulang na naghahangad masira ang buhay ng kanilang mga anak katulad ni mama. Ngunit sa sandaling iyon ay nanaig pa rin ang sama ng loob ko sa kaniya. Pilit nitong pinapaalala sa akin na dapat ay personal niya akong kinausap at pinaliwanag ang lahat, hindi sa pamamagitan lang ng sulat na siyang nagpagulo sa aking isipan.
“Magpakabait ka dun anak,” ang huling bilin sa akin ni mama.
Bitbit ang mga payo’t paalala ni mama sa akin ay mag-isa kong nilawig ang aking destinasyon patungo sa susunod na yugto ng aking buhay. Habang nasa laot naman ako ay hindi ko pa rin mapigilan ang sariling makaramdam ng takot at lungkot sa lugar na aking pupuntahan. Hindi ako sigurado kung ano ang magiging kapalaran ko dun at kung ano ang mga naka-ambang hamon na aking susuungin mag-isa. Napapaluha na lang ako sa tuwing na-iisip ko iyon. Pilit kong pinakalma ang sarili at inisip ang mga pabaong salita ni mama upang magkaroon ako ng lakas ng loob na harapin ang magiging buhay ko kahit wala siya sa aking tabi.
Sa pagtapak ko pa lang sa lupang hindi pamilyar sa akin ay alam kong iyon na ang hudyat ng pagsisimula sa bagong landas na aking tatahakin. Gustuhin ko mang tumalikod at bumalik na lang sa probinsya namin, wala na akong magagawa pa kasi nasa lugar na ako at malayo-layo rin ang nilawig ko.
Bahala na si batman.
Nakarating na rin ako sa wakas nang buhay sa bahay na aking tutuluyan. Sinundo ako ni uncle na kapatid ni mama. Mabuti na lang meron na akong matutuluyan at hindi ko na kailangan pang maghanap ng mauupahang kwarto. Napaka-convenient din sa akin dahil isang sakayan lang papunta sa unibersidad na papasukan ko.
Malaki ang bahay ni uncle at makikitang mamahalin ang mga kagamitang naka-display sa bawat bahagi at sulok nito. Para itong isang kastilyo. Masasabi ko talagang ang yaman-yaman niya sa ayos at pagkakagawa pa lang ng bahay. Pagpasok ko pa lang ay tila bumalik ako sa nakaraang panahon ng mga hari’t reyna sa mala-palasyong disenyo nito. May mga malalaking aranyas na nakalambitin sa kisame ng sala, ang mga sofa naman ay nabalot ng matitingkad na kulay ginto at pula, at sa apat na sulok ng sala’y nakatayo ang mala-higanteng estatwa ng mga leon. Nakakamangha!
Ngunit sa kabila ng karangyaan ng buhay ni uncle ay hindi ito nabiyayaan ng anak. Oo, successful siya sa buhay, marami nang na-accomplish, mataas na ang kaniyang naabot, at halos walang ka-proble-problema sa aspetong pinansiyal pero sa likod pala ng lahat ng ito ay ang nakatagong lungkot at pananabik na magkaroon anak at pamilya. Na maging ama.
Ang sabi sa akin ni mama, iniwan daw ito ng kaniyang asawa. Hindi niya maibigay sa babae ang tanging bagay na makakapagkompleto sa pamilya nila.
Mabait naman si uncle, matangkad, maskulado, gwapo, at may pamatay na ngiti. Nasa mid-30’s pa ata siya at minsan ay napagkakamalang model ng isang sikat na clothing brand sa bansa. Ang hindi nila alam isang ordinaryong tao lang naman siya na nalulumbay at nag-iisa na sa buhay. Ang saklap naman talaga ng istorya ng buhay ni uncle. Hindi ko lubos akalaing ganun pala ang kapalaran niya sa buhay sa kabila ng mga tagumpay na narating niya.
“Ikaw na ba talaga ang pamangkin ko? Ang guwapo mo naman!” manghang tukoy ni uncle habang naghahapunan kami.
“O-opo, uncle Edwin. Ako nga po ito,” nahihiya ko namang tugon.
Tumawa naman siya ngunit napahinto bigla nang mapansing na-iilang ako sa reaksiyon niya.
“Pasensiya ka na. Hindi ko lang kasi mapigilan ang sarili. Eh, paano, hindi ko na kasi masyadong maalala ang mukha mo nung huli tayong magkita. Karga-karga pa nga kita nun eh kaya hindi ko akalaing sa paglipas ng panahon ganito ka na pala ka-gandang lalaki.”
“Ah, ayos lang po uncle.”
“Kumusta naman ang biyahe mo, Paul?” pangumusta niya, paglihis sa topic.
“Ah, maayos naman po. Uncle Edwin,” matipid kong sagot.
“Ganun ba” eh, ang ate Belen, kumusta naman siya? Ba’t hindi ka niya sinamahan?” tanong niya ulit.
“Maayos lang din naman si mama. Wala po kasing sapat na pamasahe kaya hindi na po siya sumama pa.”
“Naku, eto talagang si ate. Hindi pa rin siya nagbabago. Napaka-sinop. Hindi mo ba alam na nung bata pa kami niyan, kahit isang butil ng bigas ay pinapagalitan ako’t pinapalo kapag nahuli niya akong kinakain iyon ng hilaw. Ang sabi kasi niya hindi ko dapat iyon sinasayang sa pagkain ng hilaw dahil bawat butil ay napakahalaga. Nangatwiran pa nga akong isa lang naman iyon kaya dapat ay ayos lang, kinain ko naman eh at hindi sinayang. Ngunit palo ulit ang inabot ko dahil ayon sa kaniya kapag pinagsama na raw lahat ng kinain kong hilaw na bigas ay tutumbas na iyon sa isang kainan namin. Iyon ang pangaral niya sa akin. At tama din naman siya kaya dala-dala ko pa hanggang ngayon ang pangaral niya. Laking pasasalamat ko talaga sa kaniya,” balik-tanaw ni uncle.
“Nung araw kasi ay napakahirap ng buhay namin. Maaga kaming na-ulila kaya sariling sikap upang mabuhay. Si ate ang tumayong inay at ginawa niya ang lahat upang makaraos kami. Nasa third year college si ate nung mamatay ang mga magulang namin pero hindi niya na ito nagawang ipagpatuloy. Tumigil siya sa pag-aaral at ako na ang pinatapos niya. Pinag-aral niya ako. nagtrabaho siya sa isang factory ngunit hindi iyon sapat para sa amin at para tusutusan ang aking pag-aaral kaya sinubukan niyang pasukin ang iba’t ibang trabaho pandagdag sa sweldo niya. Ganun siya ka sipag at ulirang kapatid.”
“Talaga po ba?” ang nasambit ko na lang dala ng pagkamangha sa sinabi niya tungkol kay mama. Kaya pala sanay si mama sa iba’t ibang trabaho at saka hindi rin naman pala naging madali ang buhay nila noon.
“Siya nga pala. Anong kurso ba ang kukunin mo?”
“Ah, accountancy po ang kukunin kong kurso. Mabuti na nga lang din po at napasok iyon sa mga priority courses na in-offer ng scholarship ko eh,” sagot ko naman.
“Mabuti naman. Napakatalino mo sigurong bata ka dahil isa ka palang scholar. At accountancy pa talaga ha? Akalain mo yun!”
Isang ngiti na lang ang naisagot ko dahil sa papuring iyon ni uncle.
“O, bukas pala kung papayag ka, mamasyal tayo at mag-ikot-ikot dito sa siyudad. Total wala din naman akong gagawin bukas, atsaka para maka-bonding naman kita. Namiss ko kasi ang pamangkin ko eh,” alok ni uncle.
“Naku, ayos na ayos po yan uncle! Sige po, payag ako,” natutuwa kong tugon.
Kaya kinabukasan ay natuloy nga ang lakad namin ni uncle. Masaya naman at dahil nga hindi ako sanay sa buhay na kagaya ng kay uncle, naiilang pa rin ako. binilhan niya ako ng mga mamahaling damit, bagong sapatos, shorts, jeans, mga pabango, at kung anu-ano pa. Nagdadalawang-isip nga ako nung una kung tatanggapin ko ba iyon ngunit nagpumilit si uncle na bilhin ang mga iyon para sa akin.
“Dapat tanggapin mo ng walang pag-aalinlangan ang mga ibibigay ko sa’yo. Pasasaan pa’t pamangkin naman kita at wala akong ibang pagbibigyan. Kaya masanay ka na dahil ito na ang magiging buhay mo simula ngayon,” mariin niyang sabi sa akin.
Kaya ano pa bang magagawa ko kundi ang tanggapin ang mga iyon.
Sa paggagala namin ay talagang nakakapanibago dahil sa lugar kasi namin ay hindi masyadong crowded, hindi tulad ng sa siyudad na sandamakmak ang mga taong nakakasabay ko. Nagsisiksikan at halos madikit-dikit na ang mga katawan. Hindi ko rin maitatago ang mangha sa aking mukha dahil sa mga naglalakihang mga building na tila ba nagpapaligsahan sa haba at nag-uunahan sa pag-abot ng langit. Dagdagan pa ng mga maiingay at samu’t saring mga sasakyan. At kung titingnan ang mga tao sa kabuuan ng lugar, parang lahat ay nagmamadali at may hinahabol. Hindi na magawang batiin ang isa’t-isa dahil lahat ay abalang-abala sa kani-kanilang mga gawain. Grabe! Ibang-iba talaga sa probinsya namin.
Hays. Oo nga din naman. Simula pa lang ito ng bagong yugto ng aking buhay. Naaalala ko na naman si Giordale. Kung nandito lang sana siya, kami sana ang kasabay ngayong namamasyal at nag-eenjoy. “Hindi magtatagal ay masasanay din ako,” bulong ko sa sarili.
Nang mapagod na kami ni uncle sa kakabili ng mga gusto namin, naisipan naman naming kumain. Pumasok kami sa isang sikat na café sa lugar na iyon at doon namin naisipang mag-relax sa pagkain. Pagpasok pa lang namin ay talaga namang nakaka-relax ang native ambience nito. Makikitang kulay green ang motif ng restaurant at may mga halaman na parang dahon ng saging na naka-disenyo at ginawang wallpaper. Ang mga upuan nila ay gawa sa kahoy na pinaglapatan ng varnish na siya namang nagpakintab ng mga ito at pinarisan naman ng modernong glass table na pang-tatluhan lamang na seating.
Naghanap kami ni uncle ng mauupuan ngunit sa kasamaang-palad ay wala nang bakante dahil nga sikat ito at maraming nagkandaugagang masubukan ito. Lahat ay okupado na at sa tingin ko’y parang walang balak umalis ang mga tao roon. Hindi na nakapaghintay pa si uncle kaya napagdeisyunan niyang sa isang fast food chain na lang kami kumain. Wala naman akong choice kundi ang sumunod na lang kahit na gustong-gusto ko ring doon kami kumain. Kaya next time na lang siguro.
Paalis na kami at nasa harap na ng pinto. Akmang bubuksan ko na sana ang pinto nang biglang may naramdaman akong malamig na bumuhos sa aking likuran. Napahinto ako saglit at nilingon ang aking likod na may pagtataka kung bakit ako binuhusan ni uncle ng tubig. Ngunit laking gulat ko nang makitang hindi pala si uncle ang may kagagawan nun.
“S-sorry po sir…”