Nagising akong habol ang hininga. Para akong nalunod sa sariling panaginip—malamig ang pawis sa noo ko, at ang dibdib ko ay tila may mabigat na nakapatong. Pagmulat ng mga mata ko, agad kong napansin na… hindi ito ang kwarto ko.
Ang kisame ay puti at moderno, may maliliit na recessed lights sa paligid. Ang kama ay sobrang laki, may makintab na headboard, at ang linen ay puro puti. Walang kahit anong kulay ng buhay—parang kwarto ng isang taong ayaw ng ingay, ayaw ng emosyon.
Napabalikwas ako ng bangon. Ang paligid, masyadong tahimik. Maging ang mga pader ay mukhang mamahalin.
“Ano ‘to…” mahina kong sabi, habang hinahanap ang telepono ko o kahit anong pamilyar.
Kagabi lang, graduation namin sa Senior High. Dapat nasa bahay ako, sa maliit naming kwarto na amoy pabango ni Mama at kape ni Papa. Pero ngayon, ibang mundo ang ginisingan ko.
Paglingon ko sa bedside table, isang picture frame ang bumungad sa akin.
Ako—naka-wedding dress. Katabi ko ang isang lalaking nakasuot ng tuxedo. Pareho kaming nakangiti. At ang lalaking ‘yon ay…
“Zihan?” bulong ko, halos hindi ako makapaniwala.
Agad kong tiningnan ang sarili kong kamay. Nandoon, kumikintab sa liwanag ng umaga—isang silver wedding ring.
Nanlamig ang buong katawan ko.
“Hindi… imposible ‘to. Naging closure na lang yung nangyari noong umamin ako sa kanya... h-how come?”
Halos malaglag ang panga ko nang makita ang singsing na suot ko ay kaparehas sa singsing na nasa picture frame.
Napatalon ako mula sa kama, napahawak sa ulo ko habang umiikot ang paningin ko sa kabuuan ng kwarto.
Ngunit bago pa ako makaisip, bumukas ang pinto.
“Gising ka na pala.”
Lumingon ako, at muntik akong mapaatras. Si Zihan. Pero hindi ‘yung Zihan na kakilala kong maingay, mayabang, at laging may ngisi ng pang-aasar.
Ito ay isang lalaking seryoso, tahimik, at malamig ang titig. Naka-long sleeves kahit umaga pa lang, may suot na salamin, at may hawak na tablet sa kaliwang kamay. May kakaibang lalim ang boses niya—mababa, pormal, walang emosyon.
“Z-Zihan?”
Tumingin siya sa akin, walang ngiti. “Yes. Why are you looking at me like that?”
“Ah, eh…” Napalunok ako. “Anong—anong taon na ngayon?”
Bahagyang kumunot ang noo niya, pero agad din niyang ibinalik ang tingin sa tablet. “2029. Why?”
“Two… twenty-nine?” mahina kong sabi.
“Is there something wrong with that?” malamig niyang tugon, habang nagta-type sa tablet niya. “If you’re not feeling well, you should take your meds. Don’t skip them again.”
Medicine?
“Ano’ng gamot?” tanong ko, halos pabulong.
“Yumei,” putol niya, sa unang pagkakataon ay tumingin siya nang diretso. “If this is another one of your mood swings, please—let’s not start the morning this way. I have an early meeting.”
Hindi ko alam kung anong mas nakakapanindig-balahibo—yung pagkakabanggit niya ng mood swings o ‘yung para bang sanay na sanay siyang makitungo sa isang taong hindi na niya naiintindihan.
Tumalikod siya at tumungo sa aparador. Habang inaayos ang necktie niya, hindi ko mapigilang mapansin kung gaano siya nagbago. Ang dating preskong ngiti niya ay napalitan ng katahimikan. Ang dating mapang-asar na tono ng boses ay naging parang boses ng estranghero.
“Zihan…” mahinang tawag ko.
“Hmm?”
“Kasal tayo?”
Tumigil siya sa pagbubutton ng polo, bahagyang lumingon. “You’re asking that question now?” malamig niyang tanong. “After everything?”
Napalunok ako. “Hindi, I mean… paano—”
“Yumei,” putol niya, mahina pero matalim ang tono. “Kung gusto mong pag-usapan ‘yan, not now. I already told you, we’ll finalize the divorce once the papers are ready.”
Parang binuhusan ako ng malamig na tubig.
“D… divorce?” halos hindi lumabas ang boses ko.
Tumango siya, walang bakas ng emosyon. “I assume you’ve read the documents I sent last night. Isaac already reviewed them.”
Napatigil ako. “Sino si Isaac?”
Ngayon lang siya napalingon nang buo. Ang tingin niya ay parang matalim na yelo—hindi galit, pero puno ng distansya.
“Don’t play dumb, Yumei. You’ve been seeing him for damn two years.”
Nanlaki ang mata ko. “Seeing him?!”
“Yes,” sagot niya, kalmado pero mabigat. “And I don’t need an explanation. I’m past that.”
“Wait, Zihan—hindi ko alam ang sinasabi mo!”
Napangiti siya, pero ‘yung ngiting ‘yon ay mapait. “You always say that when you don’t want to take responsibility.”
Tumingin siya sa relo. “I’ll be back late. Don’t wait for me.”
At bago pa ako makapagsalita, kinuha niya ang coat niya at lumabas ng kwarto, mahinang isinara ang pinto—parang wala siyang iniwan kundi ang lamig ng presensya niya.
Tahimik.
Sobrang tahimik.
Ang tanging maririnig ko lang ay ang mahinang pag-ikot ng aircon at ang mabilis kong paghinga.
Lumapit ako sa salamin. Ang babaeng nakikita ko ay hindi ako—o hindi pa ako. Mahabang buhok, maputi ang kutis, mas mature ang mukha. Pero ang mga mata—pagod, walang ningning.
At sa daliri ko, ang singsing na kumikintab ay parang tanikala.
“Divorce?” bulong ko. “Kasama ko si Zihan… tapos gusto niyang makipag-divorce?”
Umupo ako sa kama, nanginginig ang mga kamay.
Kinuha ko ang cellphone sa bedside table—isang bagong model, hindi ko pa nakikita kailanman. May mensahe.
> Isaac: Good morning. Don’t forget, 10 AM meeting. See you.
Napalunok ako. Isaac.
Ilang beses ko nabasa ‘yung pangalan bago ko napansin ang profile picture—isang lalaking may ngiti, hindi pamilyar at nakakairita ang mukha niya.
Hindi ko siya kilala.
Kahit anong memorya mula sa kanya ay wala akong maalala.
I’m seeing this man? He’s not even my type. Ngiti pa lang niya ay naiirita na ako at mukhang may motibong hindi maganda.
Napaupo ako sa gilid ng kama, umiikot ang isip ko.
Kung totoo man ‘to—kung totoo ngang limang taon na ang lumipas at ito na ang buhay ko ngayon—bakit pakiramdam ko, lahat ng pangarap kong magkaroon ng happy ending kay Zihan… ay unti-unting nagiging abo kahit hindi ko pa nasisimulan?
Bakit parang siya mismo, na dati kong iniidolo, ay isa nang estrangherong hindi ko kayang abutin?
At sino si Isaac, sino siya sa buhay ng 24 years old na si Yumei?
Habang tumutulo ang luha ko, tanging isang tanong lang ang paulit-ulit sa isip ko—
Bakit ako nandito?
At paano ako babalik sa panahong…
mahal pa ako ni Zihan?