CHAPTER 31 (Part 2)
Belong
Habang kinukwento ni Nydia sa matanda kung paano siya kinausap ni Sheena at kung paano naman siya pinagtanggol ni Antonniette ay halatang–halata ang kasiyahan sa kanyang mga mata. Para sa matanda ay deserve ng dalaga ang maramdaman ang ganitong kasiyahan sa araw-araw dahil mabait at busilak ang kalooban ng dalaga. Sa lahat ng estudyante na dumadaan sa kanyang harapan ay alam niyang si Nydia agad ang may ginintuang puso sa kanilang lahat. Siguro ay dahil pinagdaanan niya rin ang hirap kaya hindi siya katulad ng iba niyang kamag-aral na masyadong mapang-mataas sa kapwa dahil lang mas nakakataas sila sa ibang mga tao sa lipunan.
“Sige po, lola! Bili muna po ako ng pagkain namin at bibilhan din kita ng lunch!” masiglang sambit ni Nydia bilang pagpapaalam dahil baka naghihintay na ang kanyang mga kaibigan.
Oo, kaibigan dahil iyon na ang itatawag ni Nydia sa kanila simula ngayon. Pakiramdam niya ay pinagbuksan na siya ng pintuan para makapasok sa kanilang buhay na hindi labag sa kanilang kalooban. Hindi siya mapalagay dahil ang saya niya ngayong araw. Noon ay natatakot siyang maging masaya dahil natatakot siya na baka may mangyaring masama pagkatapos pero ngayon ay ayaw na niyang isipan muna iyon dahil ngayon lang ulit siya nakaramdam ng labis na kasiyahan.
“O sige apo, mag-ingat ka.” ngiti sa kanya ng matanda kaya kumaway muna si Nydia bago siya nagpatuloy sa paglalakad papunta sa fast food chain. Dalawang minuto na lang naman ang kanyang lalakarin bago siya makarating sa fast food chain.
Habang naglalakad siya ay hindi mawala ang ngiti sa kanyang labi. Ang ilan sa mga nakakasalubong niya ay napapangiti na lang din dahil sa maganda niyang ngiti at ang iilan naman ay nawewerduhan kung bakit sobrang saya niya habang naglalakad.
Sa totoo lang, matagal na niyang tinanggap na hindi naman lahat ng tao ay magugustuhan siya pero iba pa rin ang saya kapag tinanggap ka ng mga taong nakapaligid sa’yo. Kapag tinanggap ka ng mga taong tanggap mo o mga taong gusto mong maging bahagi ng iyong buhay. Iba pa rin iyong pakiramdam kapag sinama ka sa istorya ng mga buhay ng mga taong sinulat mo na ang pangalan hanggang sa huling pahina ng iyong buhay.
Lumulutang sa ere. Iyon ang pakiramdam ni Nydia ngayon. Para bang nasa cloud-9 siya dahil sa nangyari ngayong araw. Totoo nga siguro na darating ang mga hiling mo sa isang hindi inaasahan na pagkakataon kaya naman hindi niya kakalimutan na manalangin para magpasalamat na sa wakas ay mayroon na siyang magiging kaibigan sa kanyang mga kaklase. Na sa wakas ay hindi na siya mag-isa lang sa classroom. Na sa wakas ay hindi na siya iiwasan na para bang may malalang karamdaman na nakakahawa. Na sa wakas ay mamumuhay na siya na para bang isang normal na estduyante na may kausap na kaibigan t’wing wala pa ang guro, may kabiruan at may kasama sa bawat oras.
Masyadong marami ang kanyang binili pero kaya naman niyang bitbitin dahil dalawa naman ang kanyang kamay. Hindi niya rin kinalimutan si Lola dahil siya ang unang naging kaibigan niya. Hindi lang isang lola o isang nanay ang tingin niya sa matanda kung hindi isang kaibigan na rin dahil nakukuwento niya ang lahat ng nangyayari sa kanyang buhay na hindi man lang nag-alangan.
Kaya labis ang kasiyahan ng matanda at pagpapasalamat muli sa dalaga dahil sa pagkain na binigay niya dito. At lagi niyang hinihiling na sana ay araw-araw niyang makita ang kurba ng kanyang labi at ang pagkinang ng kanyang mata. Lalong gumanda ang dalaga dahil sa saya ng kanyang mata at napakagaan ng kanyang mukha keysa noong nakakausap niya sa nakaraan na araw na para ba siyang pinagbagsakan ng langit at lupa sa sobrang lungkot niya.
Pagpasok niya sa loob ng paaralan ay may ilang estudyante ang nakatingin sa kanya dahil sa dami ng dala niya. May iilan pa nga na nagtaka kung bakit napakasaya naman ni Nydia ngayon dahil sanay sila na nakikitang naglalakad habang nakayuko ang dalaga dahil nahihiya siya sa mga tingin ng mga tao. Alam niya kasi na pinag-uusapan siya ng mga estudyante na hindi siya kabilang sa kanilang section. Alam niya na pinagtatawanan siya ng iba sa kanila pero pinapatatag niya na lang ang kanyang loob na halos lahat ng estudyante ay gustong mapabilang sa section A pero kahit anong gawin nila ay hindi sila mapapabilang.
Kaya kahit na hindi siya gusto noon ng kanyang mga kaklase ay tinitingnan na lang niya ang positibo ang nangyayari at kinukunsidira niya ang kanyang sarili na maswerte dahil nga hindi basta-basta nakakapasok sa section nila pero nakapasok siya nang hindi niya inaasahan.
Naririnig niya ang iba’t-ibang bulungan kung bakit parang napakasigla niya at ngiting-ngiti siya sa pagpasok, hindi lang iyon dahil may dala-dala pa siyang pagkain na galing sa fast food chain na alam naman nila na hindi lang sa kanya iyon. Kaya nagsimula na ang bulungan kung naging ka-close na niya ang kanyang mga kaklase.
Hindi na lang niya pinansin at nagpatuloy na siya sa kanyang paglalakad papunta sa kanilang building tiyaka na siya umakyat papunta sa kanilang classroom. Tiningnan niya ang oras sa kanyang cellphone at kung may chat si Antonniete, pinadalhan niya kasi ito ng mensahe kanina at makakapghintay naman daw sila dahil hindi pa naman alas dose kaya sakto lang ang pagdating niya ay mananaghalian na sila.
Pagpasok niya ay kaagad siyang sinalubong ni Antonniette, tiningnan niya ang iba nilang kaklase, iyong iba ay tipid lang na ngiti ang iginawad sa kanya tapos ang iba naman ay tinanguan siya. Si Antonniette na ang nagkusa na buksan ang paper bag tiyaka niya pinamigay kung ano man ang order ng kanyang mga kaibigan.
Hindi talaga maalis ang ngiti sa labi ni Nydia habang pinagmamasdan niya ang kanyang mga kaklase o ang kanyang bagong mga kaibigan na masaya at kinakain ang pagkain na dala-dala niya. Pakiramdam niya ay kaisa na talaga siya ng mga ito at matagal na niyang nakasama ang kanyang mga kaklase.
Kahit mababa yata ang kanyang grades ay hindi siya maapaektuhan dahil sa wakas ay naging bahagi na rin siya sa kanilang section.