Nabitawan ni Ana ang papel. Alam na ni Catherine ang lahat. Hindi lang hinala ang mayroon ito, kundi hawak na nito ang mismong patunay ng kanilang nakaraan
Alas-kwatro na ng hapon. Dalawang oras na ang nakalipas mula nang magsimula ang closed-door meeting sa boardroom ng Reyes Holdings, ngunit para kay Ana, bawat minuto ay tila isang taon.
Sa loob ng silid, tatlo lang sila: si Ana, si Catherine, at si Jonas. Walang ibang staff, walang sekretarya. Ang malawak na mahogany table na dating puno ng mga blueprint at marketing pitch ay walang laman ngayon kundi ang maliit na itim na kahon na ipinadala kay Ana kaninang umaga. Si Catherine mismo ang naglapag nito sa gitna ng lamesa pagkapasok na pagkapasok niya.
"Masyadong tahimik ang dalawang pinakamagaling na tao sa buhay ko," panimula ni Catherine, habang dahan-dahang sumasandal sa kanyang mamahaling leather chair. May hawak siyang panulat, pinupukpok ito nang mahina sa lamesa, na lumilikha ng isang nakakairitang tunog. *Tuk. Tuk. Tuk.*
"Catherine, ano ba talaga ang pakay mo rito?" hindi na nakatiis si Jonas. Tumayo siya, ang kanyang mukha ay seryoso at bakas ang galit. "Kung may problema ka sa akin, sa bahay natin pag-usapan. Huwag mong idadamay si Ms. Miranda at ang trabaho niya rito."
"Idadamay?" Isang matalim na tawa ang pinakawalan ni Catherine. Tumayo rin siya, hinarap ang asawa. "Jonas, ako ang asawa mo. Ako ang nagbigay sa'yo ng pangalan, ng posisyon, at nagligtas sa pamilya mo mula sa kangkungan! Tapos ngayon, sasabihin mo sa akin na huwag kong idadamay ang babaeng naging mitsa ng panlalamig mo sa akin sa loob ng limang taon?"
Tumingin si Catherine kay Ana, na nananatiling nakaupo nang tuwid. Kahit nanginginig ang mga kamay ni Ana sa ilalim ng lamesa, pinilit niyang panatilihing blangko ang kanyang mukha.
"Ms. Miranda," binalingan siya ni Catherine. "Hindi ka ba magtatanggol sa sarili mo? O baka naman totoo ang nakasulat sa likod ng larawang iyan? *'To my one and only Ana... Habambuhay.'* Ang tamis, di ba? Sayang nga lang, ang habambuhay niyo, may expiration date pala."
Huminga nang malalim si Ana. Itinaas niya ang kanyang tingin at diretso itong itinuon sa mga mata ni Catherine.
"Mrs. Castro, hindi ko itatangi ang nakaraan," panimula ni Ana, ang kanyang boses ay kalmado ngunit may paninindigan. "Naging magkasintahan kami ni Jonas noong college. Bago mo siya nakilala, bago pumasok ang pamilya Reyes. Pero iyon ay nakaraan na. Limang taon ko itong tinalikuran. Bumalik ako rito para sa career ko, hindi para agawin ang asawa mo."
"Career?" Lumapit si Catherine kay Ana, itinukod ang dalawang kamay sa lamesa para ilapit ang kanyang mukha. "Sa dinami-dami ng ahensya sa Pilipinas, bakit ang Reyes Holdings pa ang pinili mo? Hindi ba pwedeng sabihin natin na bahagi ito ng plano mo? Ang pumasok sa kumpanya namin, ang maging malapit muli kay Jonas, at dahan-dahang bawiin ang sa tingin mo ay sa'yo?"
"Catherine, sapat na!" sigaw ni Jonas, akmang hahawakan ang braso ng asawa ngunit mabilis itong iniwas ni Catherine.
"Huwag mo akong hahawakan, Jonas!" bulyaw ni Catherine. "Nandito ako hindi bilang asawa mo ngayon, kundi bilang may-ari ng kumpanyang nagpapasahod sa ahensya ng babaeng ito. At dahil hawak ko ang kontrata, may kapangyarihan akong sirain ang karera mo, Ana. Sa isang pitik ko lang, pwedeng-pwede kong i-blacklist ang Miranda Creative Solutions sa lahat ng real estate companies sa bansa. Walang kukuha sa'yo. Babalik ka sa Cebu na walang-wala."
Nanlamig si Ana. Alam niyang kaya itong gawin ni Catherine. Ang pamilya Reyes ay may galamay sa halos lahat ng malalaking korporasyon sa bansa. Ang pagkasira ng kanyang ahensya ay nangangahulugan din ng pagkawala ng kabuhayan ng mga empleyadong umaasa sa kanya, kabilang si Sarah.
"Ano ang gusto mong gawin ko, Mrs. Castro?" tanong ni Ana, may bahagyang gumaralgal sa kanyang boses.
Ngumiti si Catherine, ang ngiti ng isang nanalong reyna. "Simple lang. Ipagpatuloy mo ang proyekto. Tapusin mo ang launching sa Tagaytay. Gusto kong makita ng board kung gaano ka kagaling. Pero sa oras na matapos ang launching... pirmahan mo ang termination clause ng kontrata niyo, umalis ka ng Maynila, at huwag na huwag ka nang magpapakita sa amin. Kung hindi..."
Inilabas ni Catherine ang kanyang cellphone at may ipinakitang dokumento. "Ito ang mga luma at pribadong transaksyon ng tatay ni Jonas bago namin sila tulungan. Kung hindi ka susunod, hindi lang ang ahensya mo ang sisirain ko. Ilalabas ko ito sa media. Ang tatay ni Jonas na may sakit sa puso? Tiyak na sa kulungan ang bagsak. At si Jonas? Masisira ang pangalan bilang arkitekto."
Napatitig si Jonas sa kanyang asawa, hindi makapaniwala sa tindi ng blackmail nito. "Catherine... pati ang Papa idadamay mo? Hayop ka..."
"Natuto lang ako sa'yo, Jonas. Natuto akong maging marahas dahil sa panlalamig mo," malamig na sagot ni Catherine. Tumingin siya muli kay Ana. "So, ano, Ms. Miranda? Deal o no deal?"
Tumingin si Ana kay Jonas. Nakita niya ang takot at pagsusumamo sa mga mata ng lalaki hindi para sa sarili nito, kundi para sa kalusugan ng kanyang ama. Alam ni Ana na wala siyang ibang pagpipilian. Ang pag-ibig na matagal na niyang itinatago ay kailangan niyang ibaon nang mas malalim para sa kaligtasan ng mga taong mahal niya.
"Gagawin ko ang gusto mo, Mrs. Castro," sagot ni Ana, habang ang isang luha ay tuluyang pumatak sa kanyang pisngi. "Tatapusin ko ang proyekto, at pagkatapos... hinding-hindi mo na muling makikita ang mukha ko."
Mabuti. Isang maayos na kasunduan," wika ni Catherine. Kinuha niya ang kanyang bag at ang itim na kahon sa lamesa. "May sampung araw kayo bago ang launching. Galingan mo, Ana. Dahil bawat pagkakamali mo, may katumbas na bawas sa kalayaan ng mga taong nakapaligid sa'yo."
Lumabas si Catherine ng boardroom, iniwan sina Ana at Jonas sa loob ng silid na binalot ng dambuhalang katahimikan.
Nang makalabas si Catherine, napaupo si Jonas sa sahig, isinandal ang ulo sa pader at itinukod ang mga kamay sa kanyang mukha. "Patawad, Ana... Patawad kung naging mahina ako. Patawad kung nadamay ka sa imperyong binuo ko."
Lumapit si Ana sa kanya, ngunit hindi niya ito hinawakan. Nanatili siyang nakatayo sa harap nito.
"Huwag kang humingi ng tawad, Jonas. Ginawa mo ang tama para sa pamilya mo noon, at gagawin ko rin ang tama ngayon," bulong ni Ana. "Magtrabaho na lang tayo. Sampung araw. Pagkatapos nito, malaya na tayo sa isa't isa."
Naglakad si Ana patungo sa pinto, ngunit bago niya ito mabuksan, lumingon siya muli kay Jonas. "Sana sa susunod na buhay, Jonas... hindi na ganito kahirap ang magmahal."
Samantala, sa labas ng gusali, sa loob ng isang coffee shop sa tapat ng Reyes Holdings, nakaupo si Celine. Hawak niya ang kanyang iPad, ngunit ang kanyang isip ay wala sa mga idinidisenyo niyang damit.
Naalala niya ang mukha ng kanyang Ate Catherine kagabi nang makuha nito ang hikaw sa pasilyo. Naalala rin niya ang kakaibang kilos nina Jonas at Ana. May alam si Celine sa mga sikreto ng pamilya, ngunit ang isang ito ay tila mas malaki at mas mapanganib kaysa sa mga nakaraang isyu ng kanilang kumpanya.
Kinuha niya ang kanyang telepono at tinawagan ang isang lumang kaibigan mula sa UP. "Hey, Mark? May itatanong lang ako. Noong college... may kilala ka bang Ana
Nagsimula ang unang araw ng countdown na may mabigat na hininga. Ang opisina ng Miranda Creative Solutions ay binalot ng kakaibang agas ng trabaho. Lahat ay nagmamadali, lahat ay nakatutok sa iisang layunin—ang malaking launching ng *Reyes Highlands* sa Tagaytay.
Para kay Ana, ang bawat pagpindot sa keyboard at bawat pag-apruba ng layout ay parang pagpapakawala ng isang piraso ng kanyang sarili. Alam niyang sa oras na matapos ang proyektong ito, kailangan niyang iwan ang lahat.
"Ms. Ana, narito na po ang pinal na selyo mula sa engineering department ng Reyes Holdings. Pinapapirmahan po ni Mr. Castro," ani Sarah sabay lapag ng isang asul na folder sa kanyang lamesa.
Tinitigan ni Ana ang folder. Kahit pirma lang ni Jonas ang nandoon, parang nakikita niya ang mukha ng lalaki. "Iwan mo na diyan, Sarah. Ako na ang titingin."
Habang sinusuri ni Ana ang mga dokumento, nag-vibrate ang kanyang telepono. Isang mensahe mula sa isang hindi kilalang numero:
Nalaman ko na ang lahat. Magkita tayo sa coffee shop sa tapat ng opisina mo, ngayon din. — Celine
Nanlamig ang mga daliri ni Ana. *Si Celine?* Paano nito nalaman? Mabilis niyang kinuha ang kanyang bag at lumabas ng opisina nang hindi nagsasalita kay Sarah.
Sa loob ng tahimik at pinaliligiran ng mga halaman na coffee shop, nakaupo si Celine habang nakatitig sa kanyang malamig na kape. Nang bumukas ang pinto at pumasok si Ana, agad na naramdaman ng dalawa ang kakaibang bigat sa hangin.
Umupo si Ana sa tapat ni Celine. "Paano mo nalaman, Celine?"
Inilabas ni Celine ang kanyang iPad at ipinakita ang isang digital copy ng lumang dyaryo ng unibersidad at ilang litrato mula sa isang UP student organization. Naroon sina Ana at Jonas, magkatabi, magkahawak-kamay, masasaya.
"Tinawagan ko si Mark, 'yung blockmate mo noong college na kaibigan ko rin ngayon sa industriya," panimula ni Celine, ang kanyang boses ay walang bakas ng nakasanayang sigla. "Sabi niya sa akin, kayo raw ni Kuya Jonas ang 'ideal couple' ng department niyo noon. Sabi pa niya, bigla ka na lang daw nawala noong graduation week... ang parehong linggo kung kailan inanunsyo nina Papa at Ate Catherine ang kanilang kasunduan sa kasal."
Yumuko si Ana, pinipilit na huwag ipakita ang emosyon. "Celine, kung narito ka para sisisihin ako—"
"Hindi, Ana," pagputol ni Celine. Hinawakan niya ang kamay ni Ana sa ibabaw ng lamesa. "Narito ako dahil naguguluhan ako. At dahil naaawa ako sa inyo... at kay Ate."
Tumingin si Ana sa mga mata ng batang Reyes. "Naaawa?"
"Alam ko kung paano magpatakbo ng buhay si Ate Catherine. Lahat ng gusto niya, nakukuha niya. Noong malapit nang bumagsak ang kumpanya ng pamilya ni Kuya Jonas, si Ate ang nakiusap kay Papa na bilhin ang mga share nito, kapalit ng kasal. Akala ko noon, sadyang nagustuhan lang ni Kuya Jonas si Ate sa maikling panahon. Pero ngayon, nakikita ko na ang buong larawan. s*******n ka niyang pinalayas sa buhay niya, hindi ba?"
Huminga nang malalim si Ana at marahang binawi ang kanyang kamay. "Hindi na mahalaga kung paano nagsimula, Celine. Ang katotohanan, kasal ang kapatid mo kay Jonas. At may kasunduan na kami ni Catherine. Pagkatapos ng launching na ito, aalis na ako ng Maynila. Kaya pakiusap, huwag mo nang ituloy ang pag-iimbestiga. Mas lalong g**o lang ang idudulot nito."
"Pero hindi ba kayo napapagod?" May luha sa mga mata ni Celine. "Ang mamuhay sa isang kasinungalingan? Si Kuya Jonas, parang robot kung magtrabaho sa mansyon. Si Ate naman, laging nagdududa. At ikaw, sinasakripisyo mo ang career mo para lang sa kanila. Hindi ba pwedeng itama ang mali?"
"May mga mali na kapag pilit mong itinama sa maling panahon, mas maraming inosenteng tao ang madadamay," seryosong sagot ni Ana. Tumayo siya. "Salamat sa pagmamalasakit, Celine. Pero pakiusap... manatili kang walang alam. Para na rin sa kaligtasan ng pamilya mo."
Iniwan ni Ana si Celine na nakatulala, habang ang mga piraso ng katotohanan ay mas lalong nagpapabigat sa konsensya ng bunsong Reyes.
Ikalimang araw ng countdown.
Nasa Tagaytay site ang buong team ng Miranda Creative at ang engineering department ng Reyes Holdings para sa ocular inspection ng stage at ng model houses. Napakalamig ng simoy ng hangin, ngunit ang atmospera sa pagitan ng mga executive ay napakainit.
Nakatayo si Ana sa gilid ng isang talampas kung saan itatayo ang main pavilion para sa launching. Hawak niya ang mga blueprint nang biglang lumapit si Jonas.
"Gusto kong tingnan mo itong bahagi ng structural design, Ms. Miranda," pormal na saad ni Jonas para sa mga katrabahong nakatingin, ngunit nang makalapit siya, bumulong siya, "Nakausap mo ba si Celine?"
Napatigil si Ana sa pag-tsek ng papel. "Paano mo nalaman?"
"Umiiyak siya kagabi sa study room ko. Tinatanong niya ako kung masaya ba ako kay Catherine. Alam kong may nalaman siya," pag-aalalang serye ni Jonas.