Chapter 5:Attack
“Class dismissed.”
“Salamat,” bulong ko at tumayo na.
Nag-inat ako ng katawan ko at humikab. I always hate this subject, nakaka-antok kasi. Isabay mo pa ang walang kwentang tono ni Ma’am kapag nagtuturo. As in aantukin ka talaga. ‘Yong tono niya, para siyang kumakanta ng isang lullaby.
Kinuha ko ang sling bag ko at isinukbit iyon sa balikat ko. Sinalubong ako ni Kendric at inakbayan. Ngumiti siya, gummy smile. Ayon din ‘yong rason kung bakit naging crush ko ‘to dati, e. Dahil sa gummy smile niya. Cute kasi, e. Pero ngayong magkaibigan na kami, ang pangit niya na sa paningin ko. Chos.
“Tara, puntahan na natin baby mo,” aya ko.
“Baby damulag,” we both said and laughed.
‘Yong tawa namin na parang sa isang mangkukulam. Lumingon sa amin ang iba naming kaklase at nginiwian kami. Nang nasa tapat na kami ng pinto ni Ken ay laking gulat ko nang biglang may humablot sa braso ko. Gulat ko iyong nilingon, mas lalo pang nagulat nang makitang si Cosmo iyon.
“Hi, Cosmo!” I greeted and smiled widely.
“Hi.” He smiled.
Napunta ang tingin niya kay Kendric. Nawala ang ngiti niya, bagay na ikinataka ko. Tinanggal ko ang akbay sa akin ni Ken at hinarap siya.
“Mauna ka na muna kay Leighanne, sabihin mo susunod ako sa cafeteria. Kausapin ko lang siya.” Tinuro ko si Cosmo.”Sige na, bye! See you later!”
Tinulak ko siya patalikod kaya wala siyang nagawa at napakamot na lang sa ulo niya.
“Lagot ka sa akin kapag hindi ka sumunod doon, ha,” paalala niya pa.
“Oo nga! Pupunta ako, promise!”
Nang makalayo siya ay nilingon niya pa ako. Kumaway ako sa kaniya at malawak na ngumiti. Tipid rin siyang ngumiti at tumalikod na sa akin para umuna sa room nina Leighanne. Hinarap ko na si Cosmo.
“Bakit hindi ka pumunta kagabi?”
Biglang bumalik sa isipan ko ang usapan namin nina Tita at Stephen kagabi. Iyon ang dahilan kung bakit natagalan pa ako sa ospital.
“Namiss kita nang sobra, Aubriana hija.” Malungkot na ngumiti si Tita. “Alam mo? Palagi kong ipinagdarasal na sana magkabalikan na lang kayo ni Stephen para palagi kitang nakikita. Nanghihinayang pa rin ako sa relasyon ninyong dalawa noon.”
Sumulyap ako kay Stephen na mukhang naiilang na rin. Lumunok ako nang ilang beses at muling pinagtuonan ng pansin si Tita. Pinunasan ko ang pawis sa noo ko. Malamig naman rito sa kwarto pero pinagpapawisan ako dahil sa usapan namin. Hangga’t maaari kasi ay ayaw kong ibinabalik pa ‘yong dati.
Iyon kasi ang pilit kong iniiwasan. Ang nakaraan. Sa tuwing nababanggit o naaalala ko iyon ay naaalala ko lang ang mali ko. Naaalala ko kung gaano ako ka-walang kwentang tao noon. Bagay na binago ko na ngayon ngunit naapektuhan pa rin ako kapag naaalala ko ang kamalian ko noon. Nakakahiya. Nakakahiya kay Stephen, kay Tita, at sa buong pamilya niya.
“Ma naman...” suway ni Stephen.
“Tita, kalimutan na po natin ‘yong nakaraan. Ang mahalaga na lang po ngayon ay masaya na kami ni Stephen sa kung ano at sino kami ngayon kahit hindi na kami magkasama.” Ngumiti ako.
Sa totoo lang ay hindi ako makahinga ngayon sa usapan namin. Wala na akong kahit ano pang nararamdaman para kay Stephen ngayon dahil gaya nga ng sinabi ko ay magkaibigan na kami ngayon kaya lang ay nanunumbalik sa akin lahat ng sakit. ‘Yong pagmamakaawa niya sa akin noon, ‘yong pagpapahiya ko sa kaniya noon, ‘yong iskandalo na nagawa ko sa harapan ng pamilya niya, at ‘yong pag-iwan niya sa akin dahil hindi niya na kaya. Lahat ng sakit ng nakaraan ko ay bumabalik sa akin ngayon dahil sa pagbukas ng usapang ito ngayon.
“Pero hindi ko maiwasang hindi manghinayang ngayon. Mahal na mahal ka ng anak ko kahit pa sa mali mo noon.” Umiwas ako ng tingin. “Pero hindi kita sinisisi, ha? Alam mo bang kahit nasaktan mo ang anak ko noon? Hindi ako nagtanim ng galit sayo, bagkus ay mas nagustuhan pa kita sa anak ko. Dahil base sa nakita ko noon, nahihirapan ka na rin sa set up ninyong dalawa pero pinipilit mo ang sarili mo dahil mahal mo ang anak ko. Lahat ng pagpapahiya na nangyari noon ay ebidensya ng pagmamahal mo kay Stephen. Pinilit mo siya noon dahil gusto mong manatiling matibay ang relasyon ninyo, kaya lang ay pareho kayong bumitaw.” Naging malungkot ang mukha niya.
“Ma, tama na,” suway niya pero tinaas ko ang palad ko, pinapatahimik siya.
May parte sa akin na gustong pakinggan ang sasabihin ni Tita kahit alam kong masasaktan ako. Kahit alam kong mabubulabog ang puso kong nananahimik na.
“Para kayong tulay na de-tali. ‘Yong pagmamahal niyo ang tulay, kayo ay ‘yong dalawang kahoy na humahawak doon sa tulay, at ang mga taong dumadaan sa tulay naman ang nagsisilbing problema ninyo bilang magkasintahan. Pinilit niyong maging matibay kahit pareho na kayong nabibigatan sa mga problema na dumadaan sa inyo, pinaki-usapan niyo ang isa’t isa na higpitan ang kapit kahit hindi niyo na kaya, pinilit ang isa’t isa. Pero, nang mawasak ang kapit ninyong dalawa ay bumagsak ang de-taling tulay na nagsisilbing relasyon ninyo. Hindi niyo kinaya kaya magkahiwalay na kayo ngayon, wala nang nagsisilbing konekta sa inyo.”
Nang sabihin iyon ni Tita ay napapikit ako kaya may kumalat na basa sa mata ko. Lumuluha na pala ako ngunit hindi ko man lang namalayan. Yumuko ako at pinunasan ang luha ko.
“T-Tama na, Tita,” mahina kong sabi.
Kung kanina ay napupunasan ko pa ang luha ko, ngayon ay hindi ko na mapunasan dahil hindi na sila tumitigil. Patuloy sa pagbagsakan ang mga luha ko, animo’y isa itong talon na malakas ang agos ng tubig. Ayaw tumigil, ayaw magpatigil.
“Aubriana?”
Bigla akong nagising sa katotohanan. Nasa harapan ko si Cosmo, takang nakatingin sa akin. Tumulo ang luha ko kaya pupunasan ko na sana ito ngunit may daliring dumampi sa pisngi ko. Daliri iyon ni Cosmo, pinupunasan ang luha ko.
“Bakit?” mahinang tanong niya.
Hindi ako sumagot at lumapit sa kaniya. Wala na siyang nagawa nang bigla ko siyang yakapin. Isiniksik ko ang ulo ko sa kaniya at doon ako nanahimik. Amoy na amoy ko ang pabango niya nang suminghot ako. Hinaplos niya ang likuran ko.
“Sssh, I’m here,” panga-alo niya.
Nanatili pa ako sa posisyon na ‘yon nang ilang minuto pero agad rin akong humiwalay sa kaniya at tumayo nang maayos.
“Let’s go. I know a place where you will feel better.” He smiled and grabbed my hands.
Nagpahila naman ako sa kaniya at wala pang ilang minuto nang mapunta kami sa Cafeteria. Iginala ko ang paningin ko para sana hanapin sina Leighanne at Kendric ngunit wala akong nakita kaya hinayaan ko na lang. Hinila ako ni Cosmo doon sa counter at kinausap niya ang isang tindera. Maya-maya pa ay may inabot siya sa akin na isang bowl ng ice cream, mint ang flavor n’on kaya kuminang ang mata ko.
“Noong nag-usap tayo noon, nabanggit mo sa akin na kapag malungkot ka, mint flavored ice cream lang ang makapagpapa-gaan ng loob mo. That’s why I bought that for you,” mahinang sambit niya, natatawa pa.
Lumunok ako nang ilang beses at hinila siya sa isang table. Sumubo ako nang isang beses at tumingin sa kaniya. Nakangiti siya habang pinagmamasdan niya akong kumakain ng ice cream.
“Thank you, Cosmo,” I whispered.
“Ikaw pa ba?” Natawa siya.
Kumuha ako ng isang scoop at inilapit iyon sa bibig niya. ”Say ah!”
Natawa siya saglit at binuka na ang bibig niya. Sinubo niya ang ice cream kaya natawa ako. Sumubo rin ako nang isang beses, hanggang sa naging dalawa, at sunod-sunod na. Kumunot ang noo ko nang bigla siyang tumawa. Nagulat ako nang bigla siyang dumukwang at hinalikan ang gilid ng labi ko!
“C-Cosmo,” banggit ko sa pangalan niya nang humiwalay siya.
Tumingin siya sa mga mata ko at muli akong hinalikan. Napapikit pa ako pero agad ring dumilat nang maalalang nasa Cafeteria nga pala kami. Mabilis ko siyang itinulak at iginala ang paningin ko. May kumpol ng mga babae sa hindi kalayuan ang nakatingin sa amin. Nakangiwi ang iba, ‘yong isa ay salubong ang kilay, at ‘yong isa naman ay masama ang tingin sa akin. Umiwas na lang ako ng tingin at tinignan si Cosmo.
“B-Bakit mo ginawa ‘yon?” nanlalaki ang mga matang tanong ko.
“May kalat sa gilid ng labi mo, e.” He chuckled and pointed the side of my lips.
Pabiro ko siyang inirapan at sinubuan siya ng ice cream. ”Gutom lang ‘yan, Cos.”
Natawa siya at umiling-iling.
“May I know kung bakit hindi ka naka-sipot kagabi?”
Natahimik akong muli. Hindi ko alam kung ano sasabihin. Sasabihin ko ba ang totoo? Magsisinungaling ba ako? Anong sasabihin ko?
I heaved a sigh. ”May pinuntahan kasi ako kagabi. Importante ‘yon. Hindi na rin ako nakapag-paalam kagabi kasi may pinag-usapan kami n’ong kasama ko. Pasensya na.”
Tumango-tango siya. ”Hmm, okay. Pero, sana man lang nagpaalam ka sa akin kasi naulanan na ako kagabi kahihintay sayo. Nang mas lalong bumuhos ang ulan ay umuwi na lang ako. Akala ko intensyon mo talagang hindi ako siputin.” Mahina siyang tumawa.
“Sorry talaga…”
“Ayos lang. Mamayang gabi? Free ka?”
Napa-isip ako sa sinabi niya. Wala na sina Tito sa bahay mamaya dahil aalis na sila mamayang hapon pabalik sa kanila. Tapos na kasi ang birthday ni Shayle. For sure wala na naman akong gagawin mamayang gabi. Magr-review na lang siguro ako pag-uwi ko galing sa pupuntahan namin ni Cosmo. Tama.
“Free ako mamaya. Mamayang gabi na lang, seven o’clock ulit.”
Sumubo ako ng ice cream at pinagmasdan siya. He licked his lips and nodded.
“Sige, hihintayin kita.”
Pagkatapos akong ilibre ni Cosmo ng ice cream at ng naging usapan naming ay biglang tumawag si Mama. Pinapauwi na ako para maabutan ko ang alis nina Tito mamaya. Half day lang naman kasi ako ngayong araw dahil exam lang naming kaya umuwi na rin ako pagkatapos kong magpaalam kay Cosmo. Bago ako umalis ay pinaalala niya pa ang usapan namin mamaya. Ni-wallpaper ko na nga iyon para maalala ko mamaya.
Nang makauwi ako ay sinalubong ako ng mga bagahe na nasa tapat ng pinto. Nasa living room sina Tito, nakaupo na parang may hinihintay pa. Hinanap ng mata ko si Mama at Papa pero hindi ko naman sila nakita. Sina Tito, Tita, Kuya Vern, at baby Fritz lang naman ang narito sa ibaba.
“Sila Mama?”
Sabay-sabay nila akong nilingon at pinanlakihan ng ngiti.
“Nagluluto. Kakain daw muna tayo bago kami umuwi, alam mo naman Mama mo, hindi papayag na aalis kami basta-basta,” sabi ni Tito at tumawa, nakahawak pa sa tiyan niya na akala mo ay tawang-tawa talaga siya.
“Sige, Tito, Tita. Bihis muna ako,” paalam ko.
Kinawayan ko si Kuya Vern at baby Fritz nang mapasadahan ko sila ng tingin. Tumango si Kuya Vern, bumungisngis naman si Fritz. Umakyat na ako sa itaas at nag-bihis. Nang bumaba naman ako ay saktong tapos na rin magluto sina Mama. Sabay-sabay kaming kumain. Nagtagal rin iyon nang halos dalawang oras dahil ang dami nilang kwentuhan. Puro harutan pa kaming magpipinsan kaya napagalitan kami. Masaya naman kaya hindi ako nagpaawat nang pagalitan ako ni Papa.
Pagkatapos ng kainan ay nagsaya pa kami, nilulubos ang oras na magkakasama kami. Nag-duet kami ni Leighanne ng kanta sa Youtube ng television. Todo birit pa ako sabay ng inom ng tubig para hindi hingalin. Ang dami naming ginawa, ang saya-saya. Gusto kong maulit ulit iyon ngunit kailangan na nilang umalis.
Hindi rin nagtagal ay hinatid na namin sila sa labas ng gate. Umalis na sila lulan sa sasakyan ni Tita. Taga kabilang village lang naman sila kaya hindi ako masyadong nag-drama. Pwede ko naman silang puntahan nang lakad lang or naka-bike. Depende sa trip ko at depende rin sa kasama ko. Hindi kasi ako pwedeng pumunta sa kanila nang walang kasamang nakatatanda kaya madalas ay si Ate Audri ang kasama ko, nakatatandang kapatid namin ni Shayle.
Nang maihatid namin sila ay nagpaalam na rin ako kina Mama na matutulog at magpapahinga muna ako. Napagalitan pa nga ako ni Mama. Nagpagod na naman daw kasi ako kaya mabuting magpahinga daw ako nang ilang oras bago ako uminom ng gamot ko.
Nagising ako bandang alas sais nang gabi dahil sa paninikip ng dibdib ko kaya ang ginawa ko ay tumayo ako mula sa pagkakahiga at inabot ang baso ng tubig na palagi kong iniiwan roon kada matutulog ako para hindi na rin kailangang bumaba pa ako. Ininom ko iyon pero mas lalo lang akong nahirapan. Hindi ako makahinga dahil sa paninikip n’on kaya kinuha ko ang phone ko at idinial ang number ni Mama.
Hindi ako pwedeng sumigaw dahil baka mas lalo lang lumala ang nararamdaman ko kaya tinawagan ko na lang siya.
“M-Ma,” hingal kong sambit.
“Oh?”
“H-Hindi ako makahinga...”
“Ano!?”
Nabitawan ko ang phone ko kaya nahulog iyon sa kama ko. Hinawakan ko ang dibdib ko at mariing hinila ang damit ko. Sinubukan kong lumanghap ng hangin ngunit hindi ko magawa. Halos hampas-hampasin ko ang kama ko dahil sa hirap.
Lumunok ako nang ilang beses at maya-maya pa ay dumating na sina Mama at Papa, dala-dala ang makinang palagi nilang ginagamit sa tuwing aatakihin ako. Nanlalabo na ang mga mata ko ngunit nakita ko pa si Ate Audri na naga-alalang nakatingin sa akin.
“M-Mama!” I cried.
Mas lalong lumala ang nararamdaman ko kaya napahiga ako. Nagsilabasan ang mga luha ko sa mata kaya lumabo lalo ang mata ko. Mabilis na lumapit sa akin si Papa at kinabit sa akin ang oxygen.
“Aubriana, tawagan mo ang Doktor natin!”
“M-Mama, ang sakit! H-Hindi ko na kaya, M-Mama!” Mas lalo akong napaiyak.
Iyon na ang huli kong nasabi dahil nawalan na ako ng malay.