Napapikit na lamang ako habang pinapakinggan ang mga sinasabi ni Nanay sa telepono.
Nakakapanikip ng dibdib na wala akong ibang magawa kundi ang maluha na lamang sa awa para sa anak kong naghihirap dahil sa sakit niya. Wala akong magawa para matugunan ang tamang gamutan sa kanya. Wala akong mahingan ng tulong para sa pagpapa-opera sa anak kong naulanan na yata ng lahat ng sakit. Maliban sa sakit sa puso ay kailangan niyang ma-operahan sa ulo dahil sa tumutubong tumor sa utak. Hindi ko na alam ang gagawin dahil kahit ano'ng pilit kong kumayod para sa gamutan ni Josh ay kulang na kulang pa rin ang kinikita ko. Kung maaari lang sanang sumayaw ako sa harapan ng parokyano sa club ay ginawa ko na basta tig-iisang libo lang ang bawat tingin ay okay na. Pero imposible. Napaka-imposible. Sa tanda ko ng 'to, mandidiri na ang mga lalaking makakakita ng katawan ko.
"Sandy, kailangan na talagang ma-operahan ni Joshua. Naaawa na ako sa apo ko," iyak ni Nanay Emma sa kabilang linya.
Pinahiran ko muna ang mga luhang walang humpay na dumadagyday sa aking pisngi at inayos ang sarili. Ayaw kong marinig ako ng aking ina na umiiyak at tila wala ng pag-asa. Ayaw kong isipin niya na mahina ako kahit sa loob-loob ay gusto ko na talagang sumuko.
Pagod na ako. Pagod na pagod. Pagod ng maging matapang at malakas.
"N-Nay... gagawa ako ng paraan. Huwag kayong mag-alala..."
"Sandy, anak, kailangan mo na talaga sigurong lumapit sa tatay--"
"Nay..."
Tumigil sa pagsasalita si Nanay Emma at muling humagulgol. Kahit pa suyurin ko ang buong Maynila para manglimos at humingi ng tigpi-piso ay gagawin ko, pero ang lumapit sa tatay ko at magmakaawa ay ang hinding-hindi ko gagawin.
Matagal na niya akong inabandona, pinabayaan at itinakwil. Ayaw niya sa akin dahil bunga ako ng isang pagkakamali. Ayaw niya sa akin bilang anak niya kaya hindi ko siya tatanggapin bilang ama ko.
"Huwag kayong mag-alala. Ako po ang bahala..."
Isang tao lang ang puwede kong mahingan ng tulong ngayon. Ang taong responsable rin sa anak ko. Si Michael, ang tatay ni Joshua.
Matapos ang tawagan namin ni Nanay ay agad akong tumayo sa mesa ko at lumabas ng faculty room para puntahan si Michael. Ilang taon na akong nananahimik sa obligasyon niyang 'di niya magampanan. Ilang taon ng sarado ang bibig ko sa katotohanan. Ayaw kong makasira ng pamilya niya, pero karapatan ng anak ko ang perang kinikita ng kanyang ama.
Hayop siya, kasama kaming pinawisan sa pagbuo ng bata, sabay na naghubad pero ako lang ang maghihirap nang labis? Nganga niya!
"Saan ka pupunta, 'cher?" tanong ni Teacher Ricky sa akin nang nagkasalubong kami may lobby.
Lunch break na naman kaya malaya na akong makaalis. Bukas ng umaga ko na lang ifa-finalize ang test papers ko sa mga bata dahil hahampasin ako ng papel kung walang maibigay itong si Michael. Babalik ako agad pagkatapos nito.
"Maniningil lang utang, 'cher. Bye!"
Hindi ko na siya hinahayaang sumagot pa at deretso ng lumabas ng maliit na paaralan namin. Mabuti na lang at may traysikel na nakaabang at agad akong nakasakay papunta sa sakayan ng jeep.
Ayaw ko mang gawin ito pero wala na akong ibang paraan para mapaoperahan ang anak ko. Kailangan ko ng kasama ngayon para malutas ang problemang matagal na panahon ko ng kinakaharap mag-isa.
Nasa sakayan na ako ng jeep pero naisip ko na hindi ako aabot kung sasakaya ako niyon. Kahit ayaw kong gumastos nang malaki ay pumara ako ng taxi para makapunta sa village kung saan nakatira ang dati kong kasintahan, na naturingang ama ng anak ko.
Habang nasa daan ako ay hindi ko maiwasang paghinaan ng loob. Nakakapagod pa lang maging malakas. Nakakapagod maging matapang.
Palihim kong pinahid ang luha dahil ayaw kong umiyak. Sinumpa ko sa sarili na hindi na ako iiyak. Ayaw kong ibuhos ang natitirang lakas ko at kahit sobrang sikip sa dibdib ay titiisin ko.
"Miss..." Napatingin ako sa isang kamay sa harapan ko. May nakatapong na candy sa kanyang palad at nang iniangat ko ang paningin ay ang nakangiting si Manong drayber ang sumalubong sa akin.
"S-Salamat po... kailangan ko 'to para mabango ang hininga ko mamaya kung tatalakan ko si Michael," wala sa sarili kong pahayag sa drayber kaya napahalakhak siya.
Nilaro ko lang sa kamay ang ibinigay niyang candy at tinitigan ito.
Fres...
Iyon ang pangalan ng candy ni Manong drayber.
"Sabi nga nila, ang taong nagbibitaw ng biro habang lumuluha ay ang pinakamahina..."
Napatingin ako sa drayber na nakangiti pa rin. Hindi naman siya gaanong katandaan. May iilang puti lang siya sa buhok pero sa tingin ko ay wala pa itong senior citizen card.
"Paano n'yo po nasabi? At sinong nagsabi niyan, bibigwasan ko," biro ko pa kaya muli siyang natawa.
"Miss, ganyan talaga. Pilit nating pinapagaan ang loob ng mga mahal natin sa buhay para 'di sila maging malungkot. Ngunit hindi natin alam, tayo na pinipilit maging malakas ay unti-unting nagugupok."
Grabe! Ang lalim naman ni Manong. Ang hirap sisirin...
"Kailangan, eh. Kung magpapakita ako ng kahinaan, sino na lang ang magiging malakas para sa kanila?"
Tumango-tango siya at sinulyapan ako sa rearview mirror.
"At ang pagpapanggap na pagiging malakas ang siyang mismong nagpapahina sa iyo..."
Hindi ko kuha ang ibig niyang sabihin pero mamaya, try kong ia-analyze iyan.
"Inaabot ko sa bawat pasahero ang candy na iyan para iparating sa kanila ang magandang mensahe ng buhay. Ewan, baka makatulong sa bigat na nararamdaman mo..."
Totoo? Nakita ko nga ito sa mga kasama ko sa paaralan na may mga mensahe ito minsan. Nat-thrill tuloy ako. Once na makababa ako ng taksi ay bubuksan ko ito para kainin at babasahin ko ang nasa likod. I will use this as a sign!
"Magkano po, Manong?" tanong ko sa drayber nang nakaabot na ako sa loob ng village, sa mismong harapan ng malaking bahay ng ex kong polpol.
"One hundred five, plus singko."
Tiningnan ko ang taximeter pero one hundred five lang naman at walang singko. May tubo?
"Bakit may singko, Manong?"
Lumingon ang drayber sa akin at ngumisi. "Ang candy. Negosyo ko 'yan, 'ne. Singko ang tig-iisa kasi special product iyan."
"Ano?" Walang hiya! Nakain ko na ang candy na tig singko? Wow, ha?
"Ang laki ng tubo, ha? Akala ko pa naman concern ka sa akin," asar kong sabi sabay kuha ng singko sa wallet ko.
"Concern naman kaso business is business."
Napasimangot ako sa kanya at agad na inabot ang aking bayad at lumabas.
"Ne..." tawag niya kaya tinaasan ko na siya ng kilay. Ano naman ang ipababayad niya?
"Naku, Manong, wala na akong coins. Magje-jeep na nga lang ako."
Ngumisi siya sa akin at umiling. "Gusto ko lang sabihin na kung ano man ang nasa likod ng wrapper na iyan, magandang senyales iyan para sa iyo..."
Napatingin ako sa balot ng candy. Nakain ko na ang laman nito pero 'di ko pa nababasa ang mensahe sa likod.
Tipid akong ngumiti at tumango sa drayber.
Inilagay ko sa bulsa ang wrapper at lumapit sa malaking gate.
Ayaw kong gawin ito pero wala na akong ibang paraan.
Kailangan mo na talaga sigurong lumapit sa tatay...
Napailing ako nang naalala an sinabi ni Nanay Emma sa akin. Sisikmurain ko ang katigasan ng mukha ni Michael kaysa sa makita muli ang ama ko para humingi ng tulong sa problema ko. Siya ang huling hihingan ko ng tulong. At kung maaari, hindi kailanman.
Pinindot ko ang doorbell ng dalawang beses. Naghintay pa ako saglit at mayamaya ay bumukas ang maliit na gate sa gilid.
"Sino sila?" tanong ng naka-uniporme na babae, marahil ay katulong ito rito.
"Uhm... hello. Nandito ba si Michael Porras?" tanong ko pero sinamaan lang ako ng tingin ng katulong.
"Busy si Sir, magpapa-solicate ka na naman? Ay naku!"
Tss! Bigwasan ko kaya ang bunganga ng babaeng ito?
"Ay, hindi ako magpapa-socilate."
"Ay naku wala nga!"
Pilit kong pinigilan ang sarili na magalit sa chimay na ito. Asar na ako, wala na rin akong oras para makarinig ng dakdak.
"Inday, kailangan kong makausap ang sir mo, kaya kung maaari, palabasin mo siya."
"Hindi nga puwede! Busy si Sir! Boba ka ba? Mukhang nagtuturo ka pa naman, pero slow!"
Ay hala? Ako slow?
"Hoy chimay! Kung hindi mo tatawagin ang amo mong polpol, magwawala ako rito."
Napanganga siya sa sinabi ko at akmang lalaban nang biglang lumabas ang lalaking pilit na tinatago.
"Sarah, sino--"
"Ay, sir, magso-solicate na naman ito! Kaloka 'to."
Napatitig sa akin si Michael at pinapasok ang katulong sa loob. Siya pa talaga mismo ang nagsara ng maliit na gate at agad na hinablot ang braso ko palayo sa harapan ng gate nila.
"Ano ba?"
"Ano ang ginagawa mo rito, Sandy, ha? Hindi ba sabi ko na huwag mo na akong guluhin?"
Relax, Sandy... relax...
Humugot ako ng hininga at pilit na pinapakalma ang sarili. Ako ang may kailangan sa kanya kaya dapat kong tiisin ang pagmumukha ng gagong 'to.
"Michael, kailangan ko ng tulong mo. Kailangang operahan ni Josh."
"Na naman? Parati na lang iyang naooperahan, ah? Ano ba ang katawan ng batang iyan? Specimen na dina-disect ng mga doktor? Tama, ako pa sa iyo, Sandy, i-donate mo iyang anak mo sa mga nag-aaral na doktor, total, puro butas na ang katawan niya--"
Agad na dumapo ang kamay ko sa pisngi ng hayop na ito. Bakit niya nasasabi niya iyan? Ano'ng klaseng ama siya sa anak namin?
Ayaw kong umiyak pero ako ang nasasaktan sa para sa anak ko. Buong buhay ni Josh, isang beses niya lang nakasama si Michael, napilitan pa ang halimaw na ito.
Naalala ko noon na sobrang sabik ng anak ko na makasama si Michael kaya kahit hirap na huminga ay pinilit niyang tumakbo pero mayakap ang walang-pusong si Michael.
Wala akong sinabing masama laban sa kanya. Lahat ng pinapadala ko ay parati kong sinasabi na galing sa tatay niya. Bawat pagpapa-hospital niya, sinasabi kong si Michael ang nagbibigay ng mga pasalubong at nagbabayad ng pribado niyang silid.
Ayaw kong maramdaman ng anak ko ang naramdaman ko noon sa tatay ko. Ang harap-harapang pagre-reject sa akin. Mahina ang puso ni Josh kaya ayaw kong malungkot siya at dahilan na lumala pa ang sakit niya.
Sapo-sapo niya ang pisngi nang tingnan ako.
"May pamilya na ako, Sandy. Tama na iyong naitulong ko noon sa kanya kaya kung maaari, huwag mo na akong guluhin."
May kinakapkap siya sa kanyang bulsa at kinuha ang wallet niya. Kinuha niya pa ang tig iisang-libo na sa tingin ko ay lampas sampu. Kung ibibigay niya iyon lahat ay malaking tulong na para sa dagdag na gastusin sa pagpapa-opera kay Josh.
"Ito..." Ngunit kinuha niya lang ang dalawang papel at inabot sa akin ang dalawang libo.
"Nakalaan ito sa shopping ng mga anak ko. Nangako ako sa kanila na bibilhan ng laruan. Iyan lang ang kaya kong ibigay."
Napatitig ako sa perang nasa harapan ko at 'di ko mapigilan ang mga mata na tumulo ang mga luha. Ang sakit lang. Kaya niyang gumastos para sa laruan ng anak niya sa iba pero sa pagsalba ng buhay ng anak niya rin ay 'di niya kaya.
Kinuha ko ang pera sa kanya at ibinulsa ito. Sabagay, pandagdag na rin ito. Puwede na.
"Sorry, Sandy. Alam kong hindi alam ng asawa ko na may anak ako sa iba."
"Alam ko. Salamat dito... baka pang-isang oras na extension ito sa buhay ng anak ko... na anak mo."
"Sandy..."
Mapait ko siyang nginitian at pinahid muli ang luhang walang pigil sa pagpatak.
"Mikey?"
Sabay kaming napalingon sa babaeng lumabas ng gate, kasunod nito ang dalawang mga batang babae na nasa edad na sampu at onse.
"Che..."
"Sino siya?" tukoy niya sa akin.
Nagkatinginan kaming dalawa ni Michael. Puno ng pagbabanta ang mga mata niya kaya umiwas ng ako ng tingin.
"Uhm... nagso-solicate lang, mahal. M-May s-sakit ang anak niya... k-kawawa naman..,"
Mas lalong nilulukot ang puso ko sa pagkakawawa ni Michael sa sarili niyang anak. Hindi ko mawari ang maramdaman ni Josh kung sakaling maririnig niya ito.
"Hala... kawawa naman. Binigyan mo ba, mahal?"
Tumango-tango si Michael at muling tumingin sa akin.
"Sana maging okay ang anak mo, misis. Saan ba ang asawa mong katuwang mo sana sa paghahanap ng paraan?"
Agad na nadako ang mga mata ko sa walang pusong si Michael at ngumisi nang nakakaloko.
"Ayon... nasa ibang pamilya, nagpapakamabuting ama sa iba niyang mga anak habang ang isa niyang supling ay lumalaban na mabuhay para makita lang siya."
Kita ko ang pag-iba ng mukha ni Michael. Umiwas agad siya ng tingin sa akin. Nage-guilty siya? Dapat lang.
"Ay, gago pala iyang lalaking iyan..." Tinapik pa ng asawa niya ang kamay ko kaya lihim akong napangisi.
"Gago talaga. Sobrang gago..." anas ko sabay tira ng tingin sa Michael.
UNEDITED! SO BEAR WITH IT.