"ANO?"
Hindi ko mapigilang mapasigaw kaya pinandilatan ako ng mga kasamahan sa faculty. Bumukas din ang pinto ng principal's office at dumungaw ang punong-guro kaya napayuko ako bilang paghingi ng paumanhin.
Paano nangyaring umatras ang isang sponsor ni Josh para sa operasyon niya? Kahit naman hindi full ang gagastusin niyon ay malaking tulong na.
Lumabas ako ng faculty room at doon ko muling inusisa si Nanay Emma.
"Nay, paanong nangyari iyon?"
"Ewan ko! Basta na lang tumawag ang sekretarya ni Mr. Sy na hindi na raw sila magspo-sponsore sa operasyon ni Josh. May napili silang dapat na tulungan kaysa sa iyo."
Gusto kong mangagat dahil sa sobrang inis. Iyong tipong ang sarap pumalahaw ng iyak dahil wala akong magawa o 'di ko man lang masugod ang walang salitang negosyanteng iyon. Masiyadong paasa!
"Ito pa, Sandy. Pumunta rito ang DSWD at may ipinakita silang mga properties mo."
"Properties?"
Umungol si Nanay bilang pagprotesta at saka muling bumuntong-hininga. "May nakapangalang resort ka sa Samal. May lupain ka rin sa isla at ang nakakatakot, may share ka sa isang realty company. Ano iyan? Kaya ayun, maaaring hindi ma-shoulder ng gobyerno si Josh dahil mas mayaman ka pa kaysa sa isla, ah!"
Napakunot ang noo ko dahil paano nangyari iyon? Kahit nga lupa sa kuko ay wala ako.
Realty company?
Agad akong natigilan nang naalalala ang isang taong puwedeng gumawa sa akin nito...
"You will ring me, Sandy. I know you will..."
Napakuyom ko ang mga kamao dahil hindi talaga ako titigilan ng lalaking iyon hanggang hindi nakukuha ang gusto. Gusto niya talagang idiin ako para magawa ko ang mga walang kahiyaang plano nila sa isang inosenteng negosyante. Alam kong may plano siya at gagamitin niya lang ako para makuha ang gusto.
"Nasaan ang boss ninyo?" galit na galit na tanong ko sa receptionist sa firm na pinagmamay-arian ng tatay ko.
Sa sobrang laki nito ay nalula ako saglit.
Ang swerte mo, Annika... ang suwerte-suwerte mo...
"May appointment po ba kayo kay Engineer Pania."
"Wala. Kailangan ko siyang makausap at kung hindi ay magwawala ako."
Muling nagpuyos ang dibdib ko sa galit. Hinahamak talaga ako ng tatay ko. Ano lang pala ako sa kanya? Takbuhan ng problema? Alipin at mamanduing, gawin mo ito, gawin mo iyan?
Oo, kailangan ko ng pera, kailangan na kailangan at sinabi ko sa sarili na titiisin kong matapakan ang dignidad ko mapagamot lang ang anak. Pero sa usaping may kinalaman sa tatay ko, nagbago ang aking isip. Mas pipiliin kong mamalimos o magbenta ng kaluluwa, huwag lang makahingi ng tulong sa kanya at maging instrumento para sa mga masamang plano niya.
"M-Ma'am..."
Hindi ko na siya hinayaang magsalita at tinungo ang elevator. Hindi ko alam ang daan patungo sa opisina niya o kahit palapag, wala akong pakialam! Hahalughugin ko ang buong gusali, makausap lang si Anecito, ang tatay ko hindi kailanman nagpakaama sa akin.
"Ma'am!" Hinabol pa ako ng guard at hinawakan sa braso kaya nagpupumiglas ako.
"Bitiwan mo ako!" sigaw ko kaya napatingin ang mga empleyado sa amin.
Agaw-eksena masiyado ang tili ko pero wala akong pakialam. Naka-uniform pa naman ako pero ano naman ngayon? Lalabas talaga ang pagiging palengkera ko kung aapak-apakan kami ng kung sino man.
"Bitiwan mo akong panot ka!" singhal ko sa guwardyang mahigpit akong hinawakan sa braso. Nakakaasar lang dahil ang higpit pa ng pagkakahawak niya sa akin kaya medyo namumula na ang braso ko.
"Bawal kang mag-eskandalo rito!" Winasiwas pa niya ang braso ko kaya nanlaki ang mga mata ko sa gulat.
Apaka-walang hiya!
"Let her go!"
Isang boses ang nagpatigil sa aming dalawa.
Binitawan ako ng sekyu at hinarap ko na rin ang tatay ko-- este, si Anecito.
Sinamaan ko pa ng tingin ang guwardiya at muling ibinalik ang mga mata sa lalaking kaharap ko.
Pormal lang siyang nakatingin sa akin at mayamaya ay ngumiti. "I know you will need me. I just didn't expect that you will come... personally."
"Tigilan mo na ako!" agad kong sabi sa kanya at mas nilapitan siya.
Hindi niya nilabanan ang galit ko, sa halip ay ngumiti siya sa akin at inilahad ang kamay paturo sa labas.
"Can you come with me?"
Mula sa kanyang kamay na nakalahad ay tumungo ang mga mata ko sa kanyang mukha na ngayon ay magaan ang hitsura. Malayong-malayo sa pinapakita niya sa akin.
Kunot-noo ko siyang tiningnan at umiling.
"Please. If you will see it, you might change your mind and accept my offer..."
Ramdam ko na sobrang kritikal ang plano niyang ito dahil pursigido talaga siyang lumapit sa akin at magpasensiya nang ganito. Hindi nga niya nilabanan ang pag-aasik ko.
"Sandy..."
Naingat ko ang tingin at kita ko ang pagsusumamo ng kanyang mga mata. Maluha-luha pa siyang nakamata sa akin kaya iniwas ko ang tingin para 'di na siya makita.
"Fine. Sasama ako, 'di dahil pumapayag na ako. Tingnan natin ang dahilan mo bakit mo ginagawa ito."
Matipid lang siyang tumango at pinauna akong maglakad palabas ng gusali.
Tinawagan niya pa ang drayber at mayamaya ay huminto sa harapan namin ang isang mamahaling Land Rover na itim.
Pinagbuksan niya pa ako at pinaunang makapasok at saka siya sumilid.
Nasa dulo ako ng upuan habang siya ay ngingiti-ngiting sumusulyap sa akin.
Tahimik lang kami buong biyahe, hindi ko alam saan niya ako dadalhin pero bahala na. Sa oras na malaman ko ang dahilan, at makumbinsi ako, mapapagamot ko ang anak ko nang walang kahirap-hirap-- pero , depende pa rin sa sitwasyon.
"Kumusta na pala si Josh?" bigla niyang tanong kaya natigilan ako sa gulat.
Seryoso? Unang beses niya itong tinanong kaya nakakapagtaka.
Hindi ko siya sinagot, sa halip ay tinitigan ko lang siya. Ano ang nakain ng lalaking 'to?
"Kahit hindi tayo okay, Sandy, inaalam ko pa rin ang buhay na mayroon ka..."
Bigla na lang sumikip ang puso ko dahil sa sinabi niya. Ang dali niyang sabihin iyon pero bakit 'di ko maramdaman ang presensiya niya?
"Mahirap, ano? Simula pa ng pagkabata, wala na akong nagisnan na mga magulang..."
Lumamlam ang mga mata ng ama ako at malungkot na tumango.
Nang namatay si Mama sa sakit, kay Nanay Emma na rati naming katulong ang kumupkop sa akin. Sa araw na iyon ay 'di na ako nakauwi sa amin.
Naalala ko pa paano kami pinagtabuyan ng lalaking katabi ko. Maulan pa ang gabing iyon habang naglalakad kami at naghahanap ng masisilungan.
Pinahid ko ang luha sa aking pisngi at saka tinanaw ang labas. Ayaw kong makita niya akong umiiyak at nanlulumo nang ganito pero 'di ko mapigilang maging emosyonal.
Tahimik na kami buong biyahe hanggang sa pumasok ang sasakyan sa isang mamahaling subdivision.
Kung hindi ako nagkakamali ay papasok kami ng Forbes park. Papunta kami sa bahay niya?
Saglit ko siyang tiningnan ngunit nasa daan ang mga mata niya. Ilang minuto lang ang nakalipas ay huminto ang sasakyan niya sa isang malaking gate na itim at bigla na lang itong bumukas.
Kung sobrang laki ng gate, mas malaki ang bahay na bumungad sa aking mga mata. Nasa tatlong palapag ang bahay at aprang nasa mall ito.
Tiningnan ko si Anecito at kita ko ang pagngiti niya sa akin.
"A-Ano ang ginagawa natin dito?"
Binuksan niya ang pinto sa gilid niya at saka nilingon ako.
"I want you to meet Annika."
Nandito sa Annika? Bakit kailangan kong magpanggap na siya kung nandito naman pala ang anak nito?
Puno man ng pagtataka ay binuksan ko na rin ang pinto sa aking gilid at hinakbang ang mga paa papunta sa gawi ng aking ama.
Mula sa kanya ay lumibot ang aking mga mata sa nakakalulang mansiyon niya. Ang laki, ang ganda... buong buhay ko ay 'di pa ako nakatungtong o nakatulog sa ganitong kalaking bahay.
"Come inside," anyaya niya.
Nauna na siyang maglakad papasok ng bahay habang nakasunod lang ako sa kanya.
Nasa labing lima ang hakbang ang hagdanan, binilang ko pa talaga. Ito kasi ang una kong binibilang tuwing nakakaapak ako ng hagdanan. Nakakatuwa lang dahil parang bumabalik ako sa pagkabata.
Nilingon ako ni Anecito kaya napatigil ako sa ginagawa at umayos nang paglalakad.
Napatingala na lamang ako sa laki pintuang sumalubong sa amin na gawa sa mamahaling kahoy at salamin.
Kung sobrang yaman ng aking ama, matutulungan niya nga si Josh na mapaopera. Masasalba niya ang buhay ng aking anak.
"Aneci--" Natigil sa pagtawag ang isang babaeng nakasuot ng bestidang puti. Napaka-elegante niya tingnan na may perlas na kuwentas pa na nakasabit sa leeg at hikaw na kapares ng necklace niya.
Mula sa akin ay nabaling ang tingin niya sa ama kong nakalingon sa akin.
"She's here to help."
Wala pa akong sinasabing pumapayag na ako sa gusto niya. Dinala niya ako sa bahay niyang 'di ko naman alam kung bakit.
"Gagawin mo talaga ito?" protesta ng kanyang asawa na si Rosalyn.
Kilala ko ang babaeng ito. Ang babaeng dahilan kung bakit kami inalipusta ng ama ko. Ang matalik na kaibigan ni Mama Red.
"Sandy..."
Walang nagawa si Rosalyn nang naglakad si Anecito at nilagpasan siya.
Sobra ang takot na nakikita ko sa mga mata ni Rosalyn kaya muli ko siyang nilingon.
Ano ba ang kinakatakot niya? Alam kong ayaw niya sa presensiya ko pero iba ang sindak na nakabalot sa kanyang mukha.
Hindi ko na nailibot ang paningin dahil mabilis naglakad patungo pataas si Anecito kaya lakad-takbo akong sumunod sa kanya.
Kung mag-isa lang akong naglalakad dito ay baka nawala na ako sa sobrang laki ng kanyang bahay.
He suddenly stopped from walking and faced me. Nakasulob sa bulsa niya ang mga kamay. "Sandy, whatever your decision, I just hope that whatever you see will remain only in your eyes..."
Labis ang pagtataka ko siyang tinitigan. Ano ba ang ibig niyang sabihin at tila ba, may kung ano silang tinatago.
Hinintay niya pa akong makasagot kaya marahan akong tumango.
He smiled at me and led me into a small way, going down in basement. Hindi masiyadong obvious na may nakatago pa lang silid ang isang dingding na may pinto na pinasukan namin kanina.
Bumaba pa kami at isang malaking pintuan ang bumungad sa aming harapan.
Muli akong nilingon ni Anecito. "I trust you, Sandy..."
Marahan niyang itinulak pinto at sumalubong sa aking pang-amoy ang isang medisana. Kung iisipin ay parang nasa loob ako ng isang hospital.
Nakompirma lamang ito nang biglang bumukas ang kurtina at lumabas ang isang nakasuot na puting gown at may stethoscope na nakasabit sa leeg.
Ngumit ang doktor sa akin at saka bumaling kay Anecito.
"No progress, Mr. Pania. We need a miracle for now..."
Mas lalo akong naguluhan dahil sino ang kailangan ng milagro.
Lumabas na ang doktor ng silid at naiwan kami ng ama ko sa loob.
Hindi ko sila maintidihan . Sino ang tinatago nila rito sa loob ng silid?
"Sandy..."
Tumingin ako kay Anecito at nakita kong nakatitig lang siya sa puting kurtinang nakatakip sa pasyente.
"I... I want you to... see..."
Binuksan niya g kurtina at nakita ng dalawa kong mga mata ang isang babaeng may tubo sa ilong at bibig. Nakapikit ang kanyang mga mata at may bandage pa siya sa ulo.
"Annika... my daughter, your sister..."
Napatitig ako sa babaeng nakahiga sa kama at sinasabing kapatid ko. Paano siya nakatulog ng ganyan katagal? At comatose siya? Ano ang nangyari?
"Sandy... this is the reason why I can not show Annika to her fiance. I just want you to know this, it might help to decide and be Annika, the fiancee of Bernard Buenaventura..."