Sinundan ko ng tingin ang paggalaw ng baso niya hanggang sa pag-angat nito sa kanyang bibig para inumin. Gusto kong makita ang mukha ng misteryosong lalaki ito. Gusto ko siyang makilala ngunit ang damot niya!
"Stop staring at me..." mahina niyang sabi kaya iniwas ko ang tingin. Nahalata pala ang pagtitig ko sa kanya. Nakakahiya naman.
Ilang gabi ko na siyang nakakasamang umiinom. Ilang gabi ring nagkukuwento ako sa kanya patungkol sa trabaho rito sa club at mga nagtatrabaho, lalo na sa mga mananayaw-- mukhang interesado rin naman kasi siya. Eh, akong 'di mapigil ang bunganga sa kakaputak at para hindi ako mabagot habang hinihintay siyang matapos ay nagkukuwento na rin ako.
Ngunit iba ngayong gabi. Hindi siya mausisa at tahimik lang siyang umiinom. Hindi nga niya ako inanyaya ulit nang sabihin kong ayaw kong makipag-inuman.
Mabuti na rin dahil wala rin akong ganang makipag-jamming sa kanya. Masiyadong magulo ang isip ko dahil sa nalaman patungkol sa pamilya ng aking ama, ang pagtatago nila kay Annika habang nakaratay itong walang malay.
Ang malaking katanungan sa isip ko, bakit nila kinukubli ang pagka-coma nito? Dalawang taon na raw ang nakalilipas nang nangyari ang isang trahedya sa kapatid ko ngunit walang nakakaalam, maliban sa mga doktor at nurses na sumusuri dito. At ngayon ay ako...
"Alam kong isang malaking pabor ang hinihingi ko sa iyo, Sandy. Magulang ka rin, hindi ba?" garalgal na wika ng ama ko nang inulit niya sa akin ang alok na magpanggap bilang si Annika.
Oo, magulang nga ako. Magulang ko rin siya at bakit niya ako pinapain sa sitwasyong maaari kong ikakapahamak? Hindi biro ang maglinlang ng tao. Hindi ko ugali iyon kahit na hirap na hirap na ako sa pagtatrabaho pero hindi ko naisipan na manloko ng sino man.
"Gagawin mo ang lahat para sa anak mo. Josh needs the operation, Sandi Lyn. And Annika needs you..."
What the hell?
Animal! Mapapa-english talaga ako sa kawalang-hiyaan ng ama ko.
Ginagawa niya ang lahat para kay Annika habang ako ay isasakripisyo niya. Ipapakasal niya ako sa isang taong hindi ko kilala? Ang masaklap pa, magkukunwari ako habang kasal kami? Paano kung magising ang tunay na Annika? Paano kung malaman ng lalaki ang ginawa ko? Eh, deadbol ako? Naisip niya ba iyon? May mga anak akong naghihintay sa akin sa probinsya tapos nang dahil sa pera ay baka hindi ko na sila makita?
Dalawa lang ang kasasadlakan ko kung sakali, kulungan o sementeryo.
Umiling ako at tumayo sa pagkakaupo. Kumuha siya ng magaling na artista para magpanggap bilang anak niya. Hindi ako makikialam sa problema ng iba, lalong lalo na sa kanya.
Akma akong tatalikod nang bigla niyang hinawakan ang braso ko kaya marahan ko itong hinawi.
"Huwag ako. Pakiusap, huwag ako..."
Napabuntong-hininga akong muli nang naalala ang tagpo namin ng ama ko sa loob ng silid ni Annika.
Galit at sakit ang nararamdaman ko sa mga oras na iyon. Scapegoat lang ako ng isang Anecito Pania para mapagtakpan ang kasinungalingan niya at hindi niya ako iniisip bilang kadugo niya.
Sino ba ang lalaking iyon sa buhay ni Annika at parang gigil na gigil ang ama ko na mapakasal ito? Mayaman na siya at malabong gusto niya pang kunin ang yaman ng lalaki...
Ngunit posible rin. Kung ganoon ay napakasakim niya. Hindi kontento sa mga bagay na mayroon siya ngayon at pati ang mamamatay na anak ay dinadamay habang ako naman ang gagawin niyang pain. Kung magkakabistuhan ay ako ang unang masasapol.
"Ang tahimik mo ngayon, Kitty? Walang kang balitang ihahatid sa akin?"
Napairap ako sa sinabi niya. "Ginawa mo pa talaga akong Marites, ano?"
Hindi ko nakikita ang mukha niya pero alam kong abot ang mga kilay niya, ayon iyan sa nai-imagine ko lalo nang natigil sa ere ang basong may lamang alak.
"Marites? Marites ba ang totoong pangalan mo?"
Nasapo ko ang sariling noo dahil sa kamangmangan ng lalaking 'to. Hindi alam ang chika sa lipunan at puro na lang papel ang kaharap. Siguro, workaholic ang unggoy na ito at wala ni jowa. Halata naman na walang lovelife ang kwanggol na ito dahil hindi siya tutungo rito para magwalwal at nakikipag-tsismis sa akin.
"Mare ano ang latest na chismis. Iyan ang meaning ng Marites, Sir."
Mas lalo yatang naguluhan ang lalaki sa sinabi ko dahil hindi na niya ginawang inumin ang beer at inilapag na lamang sa lamesa.
"Really? What about if the rumormonger is a man?"
Ano'ng rumormonger? Papahirapan na naman niya ako sa mga english niya!
Ang problema sa lalaking 'to, kailangan ko pang magdala ng dictionary para intindihin ang malalim niyang english!
"Sabihin mo na lang kayang tsismoso... mongger-mongger ka pa..."
Mahina siyang umiling at nagkaibit-balikat. Dinig ko pa ang mahina niyang halakhak kaya saglit akong natigilan.
Himala at tumawa!
"Well, answer me, Kitty."
"Dios mio naman, Sir. Kailangan pa bang itanong iyan? Eh, di Parites! Pare, ano'ng latest! Mind ba! Mind!" Sinundot-sundot ko pa ang sintido kaya ang tawa ng mokong ay umalingawngaw sa buong paligid.
Mas lumakas pa yata ang tawa niya kaysa sa tugtog. Ang matindi pa, nakakakilabot ang lutong ng kanyang halakhak. Napaka-sexy pakinggan... parang macho dancer!
An'yare sa akin? Macho papa? Machopaay!
Sinaway ko ang sarili sa mga naisip at itinuon ang atensiyon sa kausap.
Nakita ko rin ang pagkamangha sa assistant niya na nakaupo sa likuran ng lalaki at pagkaraa'y ngingiti-ngiti nakatingin sa akin.
Marahil ay minsan lang itong tumawa dahil halata sa hitsura ni Cres ang amusement.
"You are funny..." Hindi pa humuhupa ang tawa nitong kolongo na 'to kaya pinatigil ko na siya.
"Ano ang nakakatawa roon, Sir?"
"Ang weird mo."
Dios me! Mas weird siya!
Napangiti na lang ako sa lalaking 'to. Ako pa talaga ang sinabihan ng weird, ano? Pero in infairness, puwede na akong maging entertainer ng mga masusungit na customer dahil napatawa ko siya sa walang kuwentang sinasabi ko.
Kahit hindi ko naaaninag ang mukha ng lalaki ay alam kong ngumingiti pa rin siya.
Nagtataka tuloy ako, ano kaya hitsura sa likod ng madilim na bahagi ng kanyang kabuuan? Guwapo kaya siya? Bata, sigurado ako, pero sa tindig pa lang ng lalaki ay alam kong alagang gym 'to o turok ng steroids.
Sa boses din, kung pagbabasehan, parang leader ng mafia o boss ng mga gang. At sa pananamit, parang Cardo Dalisay, non-showbiz edition.
Ngunit sa kabila naman ng nakakasindak na awra at pa-misteryosong effect nitong lalaking 'to ay magaan ang loob ko sa kanya. Magaan siyang kasama at kahit papaano, ang saya sa puso na nakakapagpangiti ka ng isang taong malaki ang galit sa mundo-- marahil-- dahil hindi siya iinom mag-isa kung palakaibigan siya.
"But seriously, Kitty. Bakit ang tahimik mo ngayon. Mas nalulunod pa ako sa buntong-hininga mo kaysa sa alak na iniinom ko."
Ipinatong ko ang kamay sa lamesa at nilaro-laro ang bibig ng baso na para sa akin na wala namang laman.
Hanggang ngayon kasi ay iniisip ko pa rin ang alok ni Anecito, ang kalagayan ni Annika at dahilan bakit nila ito ginagawa?
Malabo pa rin sa akin ang lahat. Gulong-gulo pa rin ang isip ko. Naaawa ako kay Annika dahil dalawang taon na pala siyang nakaratay sa higaan niya ngunit gagamitin pa siya ng ama namin para sa masamang balak nito? Kung mayroon man.
"Kitty?" untag sa akin ng VIP na kasama ko kaya nawala ang iniisip ko.
"I am asking you, woman? What happen? Something seems bothering you. Would you like to share? Nakakakabag iyan..."
Inikot ko ang mga mata sa sinabi niya. Feeling close naman nitong mokong na 'to. Ilang gabi pa nga kaming nagkakilala, maglalahad na ako ng saloobin sa kanya...
Ngunit... bakit hindi?
He's rich. He earned money. He could deceive people just to get money-- lots of money...
"Sir..."
Inayos ko ang pagkakaupo at matamang tinitigan ang kabuuan ng lalaki sa dilim.
Hindi ko alam ano ang negosyo niya. Hindi ko alam paano niya kinikita ang marami niyang pera, pero gusto ko lang malaman paano nila nagagawang magaparami nito? Hindi naman ako tanga para sabihin nilang, pagsusumikap lang.
This man is young. Kung hindi mana ang negosyong mayroon siya ngayon, marahil ay sindikato.
"What, Kitty?"
Malalim akong nag-isip at saka inilapit ang bangko sa gawi niya. Ipinatong ko rin ang mga braso sa pabilog na lamesang gawa sa salamin at saka siya kinausap. "Ano ang kaya mong gawin para sa pera? Ano ang kaya mong ipagpalit para makakuha ng maraming pera?"