The Crash
Isang napakaalinsangang gabi ng Martes na tila ba pati ang pader ay pinagpapawisan. Napahinto si Mrs. Bautista nang makita ang anak nyang halos malunod sa dalawang patong ng makapal na kumot.
"Ay, jusmiyo!" napahawak sya sa kanyang dibdib at dali-daling pumasok sa kwarto ng kanyang panganay. Agad niyang hinipo ang noo nito. "Anong nararamdaman mo?"
Sumilip si Lance mula sa ilalim ng kumot. Namumula ang mukha--hindi dahil sa lagnat, kundi dahil sa suot na damit na suot nya nang mahigit kalahating oras.
"Ayos lang ako, Ma. Tulog lang katapat ne'to," sabi nya, pilit na pinahihina ang boses na animo'y nanlalata. "Sige na, baka ma-late pa kayo sa prayer meeting."
"Pwede naman akong hindi pumunta," sagot ng ina.
Napakunot nang husto ang noo ni Lance.
"Huwag, Ma! Kaya ko na 'to. Tulog lang talaga 'to."
Mas napakunot ang noo ni Mrs. Bautista na may halong duda sa sinabi ni Lance. Tinitigan niya ang anak na para bang may itinatago ito. Lalong pinagpawisan si Lance sa kaba na baka hindi nga talaga tumuloy sa lakad ang kanyang ina. Ramdam nya na ang sunod-sunod na chat ng kabanda niya na hinihintay siya sa labas.
"Sigurado ka bang ayos ka lang? Kaya mo kayo lang ng kapatid mo dito? Mamaya pa si Papa mo uuwi." biglang sabi ni Mrs. Bautista.
"Isama mo na lang si Gracie. Kaya ko na dito." mabilis na sagot ni Lance.
Hindi na nagtanong pa si Mrs. Bautista at bumuntong hininga na lang.
"Sige. Isasama ko si Gracie. May pagkain pa sa ref, i-init mo na lang kapag nagutom ka, ha?"
Tumangu-tango si Lance na parang inosenteng tupa. Hinintay niyang makalabas ang ina at nang marinig ang pag-lock ng gate ay biglang nawala ang sama nang pakiramdam niya. Gayak na gayak. Dali-dali syang tumayo sabay kuha ng gitara niyang nakasabit.
Tahimik siyang lumabas ng bahay at tumakbo papunta sa pulang kotse na nakaparada sa tapat ng bahay bago sa kanila.
Pagkabukas ng pinto sa passenger seat, yumuko si Lucas, ang keyboardist mula sa likod. "Grabe, pre. Nag-sauna ka ba?" sabay hagalpak nang tawa.
Sinamaan siya ng tingin ni Lance na siya namang main guitarist ng banda, sabay sara nang malakas sa pinto.
"Dahan-dahan!" reklamo ni Ken, ang bahista. "My dad's gonna kill me!"
"Relax!" bulong ni Lance. "Is the drummer boy here?"
"Sleeping at the compartment," sagot naman ni Lucas.
"Let me guess," sabat ni Dan, ang vocalist, "Nagsakit-sakitan ka, noh, Lance?" sabay tawa.
"Kilala n'yo naman si Mama," sagot agad ni Lance. "Ayaw nya 'tong mga banda banda na ganito. Ayaw nu'n na nagi-envolve ako sa secular activities. Gusto n'ya magtino ako. Minsan pakiramdam ko iniisip niyang B.I. kayo eh."
"Grabe ah!" sagot ni Dan.
"Me? Bad influence?" reklamo ni Ken habang nagmamaneho.
Malakas na isinara ni Ben ang binabasang libro, “Mali ang pakiramdam mo, Lance. Your mom is not worried about us being a bad influence. She thinks you're too distracted."
Natigilan si Lance.
Walang nakaimik sa sagot ni Ben. Ilang segundong puno ng nakakabinging katahimikan na para bang biglang may magsusuntukan kung may magkakamali ng sasabihin.
"Wow," mahinang sabi ni Lucas sabay buntong hininga. "Ang daldal mo ngayon, BennyBoy!" sabay tawa.
Sinusugan 'yon nang mas malakas na tawa ni Dan na sinundan din ni Ken. Unti-unting nawala ang tensyon habang binabaybay ni Ken ang highway.
Malayong malayo ang Laguna mula sa Dasmarinas Cavite ngunit nagawa nilang umabot sa call time for sound check.
Umaapaw ang attendees ng venue na open field. Karamihan ay kabataan na nasa kolehiyo or magko-kolehiyo. Kislapan ang neon lights na pinakakapal ng usok ng sigarilyo at namumuutawi ang amoy ng alak kahit saan. Isang sikat na kumpanya ng alak ng major sponsor ng event na ito na nagpo-promote ng OPM.
Habang nagti-timpla ng sound system ang banda nina Lance ay lumapit ang isang music producer.
"Ha! Nandito na pala ang aking pretty boys." pumapalakpak ang kalbong matanda na may hawak na tobacco. "You, and your pretty faces can really make it big!"
"Oh, Mr. Montenegro!" bati ni Dan sa producer.
Kinamayan siya ng matanda at tila may ibinulong dito ngunit di na ito narinig ni Lance. Hindi na rin niya inusisa. Masyadong maingay, magulo at puno ng excitement ang paligid.
Umakyat sa entablado ang Fifth Period- pangalan ng banda. Nagdilim saglit ang paligid- hudyat na magsisimula na ang kanilang perfomance. Umalingawngaw ang nakabibinging sigawan ng mga tao. Nagliwanag ang spotlight sa stage. Pumalo ng tatlo ang drummer nilang si Nate saka pumasok ng unang strum si Lance.
Walang kaba-kaba at agam-agam sa kanyang ginagawa na para bang maraming beses na siyang nagtanghal. Ramdam ni Lance na dito siya pinaka nababagay--sa entablado. Sa likod ng mikropono. Sa harap ng daan-daang taong dumalo para makinig sa kanilang musika, hindi para sa sermon.
Sa kalagitnaan ng pagtugtog ay napansin ni Lance ang isang pamilyar na mga mukha. Natunugan nya rin ang pagbabago sa palo ni Nate.
Pagtapos na pagtapos ng performance nila ay agad na nawala si Nate sa paningin ni Lance. Tila nawala ang excitement niya't napalitan ng kaba. Kaba na baka mapahamak ang kaibigan.
Agad niyang tinawagan si Nate pero hindi ito sumasagot. Tumakbo siya palabas ng gate ng venue. Malakas ang kutob niyang sinundan ni Nate ang grupong iyon.
Naratnan niya sa may parking lot si Nate--kaharap ang karibal na grupo. Bago makalapit si Lance ay nakasuntok na agad si Nate sa lider ng grupong iyon.
"Nathaniel!" Sigaw ni Dan mula sa likuran. Napakatulin niya na napahinto na lamang si Lance sa kinatatayuan niya.
Inilayo ni Dan si Nate na halos kalakadkarin niya ito papalayo. Tumulong sina Ken at Lucas sa pag-awat sa naga-amok na si Nate. Si Ben naman ang humingi ng pasensya ngunit tila hindi gustong makipag-ayos ng kabilang grupo.
"Ano ba, Nate? Para kang bata ah!" Singhal ni Dan pagtapos niyang paupuin si Nate sa loob ng sasakyan. "Sa tingin mo ba maibabalik nyang pagwawala mo ang papa mo?"
"Ayoko na 'tong pag-usapan," bulong ni Nate sa hangin na tila nahimasmasan.
"Sana naisip mo yan bago mo sinapak si Harvey!" sagot naman ni Dan. "Pa'no kung balikan tayo no'n, ha?"
Umihip nang malamig ang hangin sa mukha ni Lance paikot sa kanyang batok. Bahagyang nanlambot ang tuhod niya sa narinig. Dahan-dahan siyang pumasok sa sasakyan, sa kanina niyang pwesto. Patuloy na dinadaldalan ni Dan si Nate na sinasabatan naman nina Lucas at Ken. Nasandal si Lance at naalala ang postura ng mama niya-nakokosensya siya na hindi na lang siya nagsabi ng totoo.
Humupa ang init ng ulo nina Dan at Nate pagkatapos ng event. Pasado alas-dose na ng hatinggabi sila nakaalis sa lugar na iyon. Mahaba ang biyahe, nakatulog si Lance dahil walang trapik at mabilis rin ang takbo ng sasakyan.
Nabasag ang himbing ng tulog ni Lance ng marinig niya ang malakas na tapik ni Ben sa balikat ni Ken.
"What?" Pagalit na tanong ni Ken.
"The black sedan has been following us since we left the venue. Didn't you notice?" sabi ni Ben.
"The Cadillac Escalade? I noticed."
Hindi huminto si Ken sa pagmamaneho ngunit napansin niyang dinidikitan na siya ng sasakyan na iyon.
Madilim ang kalsada. Hindi sapat ang mga street lights.
Tumulin nang kaunti ang pagmamaneho ni Ken sa pag-asang makaiwas sa sasakyang sumusunod sa kanila. Ngunit tila nangi-inis ang sasakyan na iyon at gusto silang dikitan. Sa yamot ay binilisan pa ni Ken lalo.
Ilang saglit lamang at tumulin sila ng tuluyan at hindi napansin ang 16-wheeler truck sa unahan.
Nakakabinging tunog ng pilit na pagpapahinto sa sasakyan.
Dumilim ang buong mundo ni Lance.
---