Natapos ang dalawang araw na hindi narinig ni Lance si Leiah. Sa ikatlong araw, maagang bumisita ang doktor kasama ang physical therapist. Sa wakas, may pag-asa na ang braso ni Lance.
Hindi naging madali ang first session na ito lalo na’t nag-aalangan si Lance na baka kung saan sumagi ang braso niya dahil wala siyang makita. Gayunpaman, patuloy pa rin siya.
Labis na ikinatutuwa ni Jenny ang nakikita niyang improvement kay Lance lalo na sa behavior nito. Mareklamo at sarkastiko ang anak kapag nahihirapan itong gawin ang isang bagay pero ngayon ay iba na.
Matapos ang isang oras na session, nagpahinga na si Lance, saka naman nakatanggap ng mensahe si Jenny.
“Lance, may midweek service sa chapel mamaya si Pastor Sam, gusto mo ba sumama sa’ken umattend?”
“Um,” hindi makasagot si Lance. Gusto niyang sumama ngunit parang masama ang loob niya. “Sige. Sama ko.”
Hindi kumbinsido si Jenny na gustong sumama ni Lance, “May gusto ka bang isuot?”
Napakunot ang noo ni Lance. Natahimik siya saka napailing.
“Ikaw na bahala, Ma. Pogi naman ako kahit anong suot ko eh.”
Bahagyang natawa ang ina at saka humiga si Lance. Marami siyang gustong itanong tungkol kay Leiah. Kung bakit wala ito at ni hindi niya naririnig ang pangalan na yon mula sa mga nurse o kahit sino.
Dahil dito, hindi niya alam kung maga-alala na ba siya o baka nagiging OA lang.
Tanghaling tapat, dumating ang tagapag-alagang nurse ni Lance para maghatid ng pagkain.
“Anong ulam ngayon, Kuya Nurse?” tanong ni Lance.
“Nilagang baboy para sa pogi naming pasyente.” Pabirong sagot ng nurse habang iniaayos ang tray sa lamesa. “Kain ka mabuti ah.”
“Na-discharge na ba si Leiah Abellonzo, Kuya Nurse?”
Biglang tumahimik ang paligid na para bang tumigil ang buong mundo.
Nagkatinginan sina Jenny at ang nurse.
“Hmm.” The nurse awkwardly giggled. “Bakit mo hinahanap si Leiah? Ikaw ah!” biro ulit nito. “Hindi pa siya nadischarge. Ito naman! Miss na miss agad? Tulog pa yun. Sasabihan ko yung bantay niyang nurse mamaya na sabihin sa kanya na hinahanap mo siya.”
“WAG!” natatawang pag-pigil ni Lance na akmang hahawak sa nurse pero napakalayo nito sakanya kaya’t napakapit lang siya sa kawalan.
“Ang OA naman! Ang pogi pero ang OA!” tawa ng nurse kay Lance.
“Wag mo na sabihin, Kuya Nurse. Napaisip lang ako.”
“Ok.” Hindi kumbinsido ang nurse.
Napabuntong hininga naman si Lance sa narinig niya.
Alas-quatro ng hapon nang lumabas ang mag-ina para pumunta sa chapel na nasa labas lang ng building.
Malayo pa lang ay naririnig na ni Lance ang tunog ng piano pero hindi pamilyar ang pagtugtog.
“Ma, sinong kasama ni Pastor ngayon?” tanong ni Lance.
“Marami, anak. Pero kung ang gusto mong tanungin ay kung sino ang tutugtog ngayon, yung keyboardist sa church, si Nicolo.”
“Kaya pala ang bigat ng kamay.” bulong ni Lance. “Ba’t di siya mag-drums na lang? Mas bagay sa kanya.” Sabi pa nito.
“Lance, hindi yan katulad nang banda banda mo sa labas. H’wag kang ganyan.”
“Mama, nagsasabi lang ako ng totoo. Mas mage-excel siya dun.” Sagot pa ni Lance.
Nakarating sila sa loob pero nasa kung saan pa naroon ang isip ni Lance. Narinig niya ang boses ni Pastor Sam at napakalma nang kaunti ang maligalig niyang isip. Hindi niya rin akalain na mahu-hook siya sa itinuturo ngayon. Sandaling nawala ang isip niya sa pagtatanong kung bakit biglang di nagpaparamdam si Leiah.
Matapos ang pagtuturo ay oras naman para ipag-pray ang mga dumalong pasyente. Palaging iniiwasan ni Lance ang pananatili sa dako ng pananalangin dahil nabo-bored siya sapagkat hindi naman talaga siya nananalangin, bagkus pinakikinggan lang ang mga salita ng pastor. Ngunit iba ngayon, ang buong isip niya ay sumasang-ayon. He was surprised that he was actually praying too and saying ‘amen’ for the first time.
Nagsilabasan nang muli ang mga tao at saka nakarinig si Lance ng isang babaeng hirap na hirap sa pag-ubo. Bigla na naman niyang naisip si Leiah.
Rinig niya ang bawat tunog ng sapatos na tumatakbo sa d**o at ang tunog ng gulong ng wheelchair na mabilis na itinutulak.
“Si Leiah ba yun, Ma?”
Hindi narinig ni Jenny si Lance sapagkat nakatalikod siya dito at may kausap sa telepono.
“Mama?” alang-alala ang boses ni Lance.
“You think that was me?”
Ayun.
Narinig na niya ang boses na tatlong araw na niyang di naririnig.
“Leiah?” alanganing tanong ni Lance na halos gustong tumayo at hanapin kung nasaan ang kausap.
Hinawakan ni Leiah ang kamay ni Lance, hindi gaanong makalapit, “Nandito ako.” Mahinahon na sabi nito.
Napahigpit ang kapit ni Lance sa kamay ng kausap, “Ang lamig ng kamay mo.” Bulong niya. “At ang layo mo.”
“Ah,” natawa si Leiah, “Naka-wheelchair din kase ako.”
“Bakit?”
“Wala. Naiinggit ako sa’yo. Hindi ka pilay pero naka-wheelchair ka. That’s all.” Ngisi pa ni Leiah. “Buti sumama ka ngayon pala?”
Gustong maiyak ni Lance at ayaw bumitaw sa kamay ni Leiah, “Syempre pinilit ako ni Mama eh.”
“Wala ng cast yung braso mo. Malapit mo na ‘kong matugtugan niyan.”
“Oo naman. Bakit parang mahina ang boses mo? Napaos ka? Inuubo ka ba?” sunod sunod niyang tanong.
“Parang gano’n na nga,” tawa ni Leiah.
“Ano bang sakit mo?” biglang tanong ni Lance. Nabigla si Leiah sa tanong pero mas nabigla si Lance sa sarili. “Sorry.”
“Ha?” binawi ni Leiah ang kamay at saka tinapik tapik si Lance. “May bagong coffee vendo. May iced coffee na sila.” Bulong nito.
“Kung naka-wheelchair ka, bawal ka muna magkape.” Sabi ni Lance.
“Hindi ako naka-dextrose.” Bulong ulit ni Leiah. “Saka, nasa kabilang building si Papa.”
“Marami pang tao, Leiah.”
Tumawa nang malakas si Leiah, “Nakakatawa ka talaga. Siyempre mamaya ko pa yun gagawin, noh. Sira.”
Gumaan ang pakiramdam ni Lance. Sa sobrang gaan, parang panaginip ang mga nangyayari. Sandali pa ay bumalik si Lance sa kwarto kasama ang mama niya, pati na rin si Leiah.
“Kamusta naman, hija?” tanong ni Jenny.
“Ayos lang po, Sis Jenny. Yun nga lang po binawalan muna akong maglakad-lakad ng doctor. Mas bumaba pa kasi yung RBC count ko kaya nahihilo ako. Pero ok na po ako.”
Ngumiti si Jenny pero bakas sa mata niya ang lungkot dahil alam niyang matagal nang ganito ang sitwasyon ni Leiah at tila mas lumalala pa.
Habang nag-uusap tungkol sa mga nagaganap sa simbahan sina Leiah at Jenny ay kung anu-anong sakit ang iniisip ni Lance na posibleng mayroon si Leiah.
Sandaling umalis si Jenny upang kumuha nang ibang gamit kaya’t nakalabas ang dalawa. Alas-otso na noon nang gabi kaya’t kalimitan sa mga pasyente’y tulog na o nasa kanya-kanyang kwarto na. Tamang oras na din para mabisita ang bagong vendo machine.
“Ta-da!” sabi ni Leiah pagka hinto nila sa tapat ng bagong vendo machine.
“You know that I cannot see what you’re trying to show, right?” tawa ni Lance.
“Obviously.” Tawa naman ni Leiah.
Dinig ni Lance ang paghulog ng bill ni Leiah sa machine at ang pagdispose ng binili nilang malamig na kape. Ipinagbukas siya ni Leiah ng kape saka iniabot sa kanya.
“Salamat.” Sabi niya. Agad niya itong ininom. Saglit na katahimikan. “Masarap.”
“Buti naman!” sabi ni Leiah habang kumukuha naman ng mainit na kape mula sa lumang vendo machine.
Napakunot ang noo ni Lance nang marinig ang pagdispense ng coffee cup, “Akala ko ba gusto mo ng iced coffee?”
“Kailan ko sinabi?” natawa si Leiah. “I told you that there’s a new vending machine, but I didn’t say that I want iced coffee.”
“Wow. Ok, clever girl.” Sabi na lang ni Lance.
“Urgh. Downside. Zero visibility due to fog from coffee.”
“Huh?” Napaisip si Lance. “Naka-eyeglasses ka ba?”
“Oh.” Inalis ni Leiah ang suot na salamin. “Anti-rad, yes. UV protection stuff.” Sabay higop ng kape.
“Bago?”
“Uh huh. Five days ago na din naman.”
“Ano yan for aesthetic purpose?” tawa ni Lance.
“Kinda. Para healthy eyes at least.” Irap ni Leiah.
Saglit silang napatahimik habang umiinom ng kape.
“Gaano ka kagaan?” tanong ni Lance.
“Balak mo ba ‘kong buhatin, ha? Strict ang papa ko,” biro ni Leiah.
“Sira!”
“39 kilos. Five three. Maputla. Lampas balikat ang buhok.”
“Parang K-pop idol trainee ka naman sa thirty-nine kilos na ‘yon. Kaya pala ang nipis ng kamay mo.”
“Sabi nga nila.” Tumango-tango si Leiah.
“Sabi nila maganda ka?” tanong ni Lance na parang nang-aasar.
“Well, bilisan mong makakita para malaman mo.” Sabi naman ni Leiah.
Natahimik na naman sila ulit.
Parang may dumaang anghel.
“Basta, promise mo, pagnakakita ka na ulit, pupunta ka pa rin sa chapel. Tapos, tugtugan mo ‘ko ng piano.”
Hindi maipaliwanag ni Lance ang nararamdaman niya sa sinabi ni Leiah pero parang ang bigat nito para sa kanya.
“Oo. Oo maman.” Sagot ni Lance.
Mas bumigat ang pakiramdam ni Lance nang marinig ang pagbuntong hininga ni Leiah.
“Nandito na ang mama mo, Lance. Balik na tayo.”
Tahimik silang bumalik sa silid ni Lance at saka naman bumalik si Leiah sa kanyang kwarto.
(To be continued)