Part 8

1863 Words
MATTHEW was gently tapping his fingers on the wood armrest of the sofa. Nasisiyahan siyang pagmasdan ang paligid. Walang dudang babae ang nakatira doon. Mula sa doormat hanggang sa maliit na figurine na napansin niya ay may feminine touch. Fresh flowers ang nakalagay sa vase. At mukhang bukod sa paggawa ng cake ay tila forte din ni Dindin ang flower arrangement. Tinutunton niya ng daliri ang lace ng throw pillow na nasa tabi niya. Kanina, nang papasukin siya ni Dindin sa bahay nito at paupuin, ang lace na iyon ang napansin niya. Kahapon, nang tanghuran niya uli ito habang gumagawa ng cake ay natatandaang niyang magkamukha ang lace na iyon sa idinekorasyon ng dalawa sa cake. Nakatawa namang umamin si Dindin na doon nga mismo sa lace na iyon ginaya ang lace ng cake. He smiled. So far, every thing was doing well. Nagtagumpay na siya na kaibiganin si Dindin. At bagaman sa sarili niya, unang kita pa lang niya dito ay hindi kaibigan lang ang balak niya. He wanted more. Pero hindi naman niya ugaling mag-apura sa isang bagay na gusto niya. Kaya din naman niyang maghintay kung kinakailangan. At naniniwala siyang tama lang ang lahat. Next week, or depende, baka mamaya ay magsimula na siyang totohanang manligaw sa dalaga. At least, hindi na siya masyadong mahihirapan. Magkaibigan na sila ngayon at madali din namang mahuli ang loob ni Dindin. And he was just glad na nakilala niya si Dindin sa panahong hindi siya masyadong abala. Duda siya kung magagawa niya ang ganitong pagbabad sa dalaga kung nagkataon na puno ang schedule niya. He was a stage play director in local plays. Nakabuhos sa sining na iyon ang kanyang puso at talento. But he was also an actor. Iba’t ibang bansa na ang narating niya dahil doon. Three months ago, pagkagaling niya sa London ay kinausap siya ng mga kasamahan niyang local artists. Hindi niya natanggihan ang hiling ng mga kasamahan niya sa teatro kaya hindi niya tinanggap ang isang kontrata para sa isang play na ipapalabas sa Singapore. Siya pa naman sana ang alternate ng lead role. Pero hindi siya nanghinayang. Kahit nasaan siya, basta teatro ang gagalawan niya ay pareho lang sa kanya. Isa pa, pagkakataon na naman niya uling magdirehe kaya mas pinili niyang huwag munang mag-abroad uli. Inabala ng tunog ng cell phone niya ang itinatakbo ng kanyang isip. “O, Mike? Ano ang problema?” sagot niya. “Direk, si Marina, buntis pala, eh. Maselan daw ang condition sabi ng doktor. Kailangan niyang mag-bed rest. Paano iyan, masisira ang casting natin?” Worried ang tinig ni Mike, production staff niya sa stage play na nakatakda nilang ipalabas sa CCP two months from now. “Magpa-audition ka uli. May ilang araw pang workshop, di ba?” Binigyan pa niya ng ibang instruction si Mike at tinapos na nila ang pag-uusap. Ipapamulsa na niya ang telepono nang tumunog uli iyon. “Yes, Dad?” “Hindi ka nagpapakita sa akin, Matthew,” banayad ngunit may himig ng panunumbat na wika ni Leonardo Beltran. “Ang pangako mo sa akin, pagkagaling mo sa London, magpapahinga ka lang sandali at itong kumpanya ang tututukan mo? Pero ni minsan, hindi ka man lang tumuntong dito sa opisina. Nabalitaan ko, ikaw pala ang director ng ipapalabas na play sa CCP. Ano ka ba naman, hijo? Puro teatro na lang ba ang pagtutuunan mo ng pansin mo? Gusto ko nang mag-retire, anak, para naman mas malaki ang maging oras namin ng mommy mo sa isa’t isa.” “Ginawa mo nang vice-president si Kuya, di ba? Pa, sa teatro, director ako. Diyan, uutusan ninyo lang ako ni Kuya.” “Of course not. Pagtutulungan ninyong patakbuhin ito, Matthew. Hindi ko maipu-puwesto si Luke sa iiwan kong puwesto kung hindi rin lang ikaw ang papalit sa kanya.” “I hear that loud and clear. Magiging presidente si Kuya at magiging vice-president ako. Of course, ang presidente ang nag-uutos sa vice niya never the other way around.” “Hijo, position title lang iyon. Tutukan mo itong kumpanya at magiging parehas ang puwesto ninyo ng kuya mo.” “Dad, walang dalawang presidente sa kahit anong kumpanya. Saka isa pa, hindi naman ang puwesto ang dahilan ko. Mas mahal ko ang teatro. Alam ninyo namang dahil lang sa inyo kaya business course ang kinuha ko.” “You’re over thirty, Matthew. Hindi pa ba sapat ang mga taong pinagbigyan kita sa hilig mong iyan? Ako naman ang pagbigyan mo.” “Dad, an artist will always be an artist. Please, huwag nating pag-usapan iyan ngayon. Pagkatapos siguro ng play na iyon, puwede pa.” Bumuntunghininga ang nasa kabilang linya. “At kagaya ng dati, kapag binuksan ko sa iyo ang paksang iyan, iyan din ang gagawin mong sagot sa akin. Mabuti pa, Matthew, umuwi ka na lang dito. Nami-miss ka na rin ng mommy mo.” “Hayaan mo, Dad. I’ll make time.” “At gusto ko nga palang ipaalala sa iyo, noon pa ay binigyan na kita ng signal para mag-asawa. Kung sa pagdalaw mo sa amin ay may ipapakilala ka sa aming pakakasalan mo na, mababawasan naman maski paano ang tampo ko sa iyo.” Natawa siya lalo at nakita niya si Geraldine na lumalabas ng silid nito. “Okay, magsisimula na akong manligaw. Baka-sakaling kapag nag-asawa ako ay hindi ninyo na ako piliting ikulong sa opisina ninyo. Bye, dad. Kumusta kay Mommy. I’ll call later.” “Nainip ka?” wika sa kanya ni Dindin nang lumapit ito. Nakangiti siyang umiling. “No. Hindi ko inaasahan na makakagayak ka sa loob ng labing-limang minuto. Akala ko’y isang oras akong maghihintay.” Malamyos na tumawa ang dalaga. “Siguro kung gown ang ipasusuot mo sa akin at kakailanganin kong mag-make up, hindi malayo na ganoon nga.” “So, let’s go?” She nodded. “ANO, ICE cream pa?” tanong sa kanya ni Matthew. “Ayoko na. Mukhang tayo na ang nakaubos ng tinda ng mama,” nakangiting sagot niya. “Ayaw mo ba nu’n? nakatulong ka doon sa tao. Imbes na mag-aalok pa siya kung kani-kanino, sa iyo lang ay ubos na ang ice cream niya.” “Oo nga, pero bukas kapag minalat ako, kasalanan mo,” kunwa ay banta ni Dindin. “At ako pa raw ang sinisi? Tinanong lang kita kanina kung gusto mo ng ice cream. Malay ko ba namang isang gallon pala ay kulang pa sa iyo.” “Heh!” Pinandilatan niya ito ng mga mata. Humalakhak lang si Matthew. At nakita niyang pati ang sorbeterong nasa malapit sa kanila ay nakikitawa na rin. Nasa breakwater sila ng Manila Bay. Pagkatapos nilang kumain sa isang steak house doon ay namahinga sa bench. Nang minsang paglapit ng sorbetero sa tabi nila ay hindi na rin ito lumayo. Of course, exaggeration lang naman ang sinabi ni Matthew. Pero nakailang-apa din naman siya ng dirty ice cream. “Teka nga!” aniya nang may maalala. “Kunwari ka pa, eh, ikaw itong mas malakas kumain sa akin, ah?” “Napansin mo pala?” aliw namang wika ng binata. Dumukot na ito ng pera at ibinigay sa sorbetero. “Keep the change, manong. Sige na ho, sa iba na kayo mag-alok. Suko na itong kasama ko, eh.” Pati sa kanya ay nagpasalamat ang tao bago sila iniwan. “Ano, okay sa iyo ang ganito?” tanong ni Matthew at tumabi ng upo sa kanya. “Iyan ha, marunong akong sumunod sa kondisyon. No hotel, no fine dining. May bonus pa akong dirty ice cream sa iyo.” “Oo na. Salamat po!” tudyo niya. “Talaga nga palang maganda rito.” “Don’t tell me ngayon ka lang napunta dito?” “Well, parang ganoon na nga. Napapadaan ako dito dati pero hindi pa ako natuntong dito. Di ba, maraming snatcher dito saka addict?” “Siguro. Pero wala pa naman akong kilalang nabiktima dito. Saka tingnan mo naman, inayos na ito. May mga bar na sa paligid. Kung meron man sigurong mga loko na kagaya ng inaakala mo, baka naman isa o dalawa lang iyon.” “Madalas ka dito?” tanong niya. kanina pa niya napapansin na parang gamay na gamay ni Matthew ang lugar na iyon. Iyon nga isang vendor ng tubig, lumapit pa dito at akala mo magkabarkadang matagal na hindi nagkita. “Kapag nagkakaayaan ang barkada. Interesado kang manood ng play?” “Play? Nanood na ako minsan. Iyong musical play ng Little Mermaid sa Meralco Theater. Inaya ako ni Scarlett.” “Scarlet? Play namin iyon, ah? Scarlet Letter.” “Si Scarlett, double T as is Scarlett O’Hara ng Gone With The Wind. Florist iyon, kagaya ko ring supplier sa wedding shop ni Eve. Di ba, nasabi ko na sa iyo noong isang beses na karamihan sa wedding cakes na ginagawa ko ay dahil kay Eve? Wait, anong iyong mong sabihing play ninyo iyon?” Bahagyang kumunot ang noo niya. “Teka nga, ano bang pinagkakaabalahan mo sa buhay?” “Naisip mo rin palang itanong ang tungkol diyan,” he teased. “Akala ko hindi mo itatanong, eh.” “Nasanay na ako sa iyo na ikaw mismo ang nagre-reveal ng tungkol sa iyo kaya naghihintay na ang ako. Saka ang nasa isip ko, kagaya ka lang ng iba. Happy-go-lucky. Just living each day. Hindi ka mukhang pulubi at sa Jemeli Tower nakatira so I guessed isa ka sa mga anak-mayaman na hindi kailangang magtrabaho. Sa mahal ng rate sa building na iyon, mayaman lang ang makaka-afford doon. At hindi ka naman mukhang houseboy so the place is yours I assumed.” Mahina itong tumawa. “For one thing, hindi ako happy-go-lucky. Seryoso ako sa buhay. I have plans. Nagkataon lang na marunong din akong mag-relax at hindi ako iyong tao na tila palaging pasan sa balikat ang mundo sa sobrang kaseryosohan ng mukha. I’m a play director. Seryoso ako kapag trabaho. Sa labas, I’m this way, cheery pero kung kailangang mag-seryoso, of course I do. So interesado kang manood ng play?” “Kung ikaw ang director, interesado ako. Kailan ang run?” “Matagal-tagal pa naman. Ilagay mo na sa schedule ha? Date natin iyan.” Natawa siya. “Hindi pa nga tayo nakakauwi sa date natin na ito, may kasunod na?” “Hey, gusto ko lang maging malinaw. Talagang may kasunod pa. At hindi iyong panonood ng Scarlet Letter ang kasunod. May mga mauuna pa roon.” “Mga?” “Let’s go out often, Dindin. I love being with you.” Magtataas sana siya ng kilay at aariing biro iyon subalit seryoso si Matthew. At nakatunghay din ito sa kanya na tila nais na ipakita sa kanya na kahit mga mata nito ay nagsasabi ng kaseryosohang iyon. “Matt,” aniya na hindi pa maisip kung ano nga ba ang talagang sasabihin. “H-hindi pa ba tayo uuwi? Gabi na.” Pinagmasdan siya nito at saka naiiling na tumawa. Nang tumayo ito ay kaswal siyang hinila sa kamay. Hanggang sa makarating sila sa parking ng kotse nito ay nanatiling magkadaop ang kanilang mga kamay. It felt so natural. And she liked it.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD