“ATE, NEXT month na ang kasal ko,” wika sa kanya ni Nancy nang tumawag ito sa kanya.
“Ang bilis naman,” gulat na tugon ni Dindin. “Akala ko ba mga two months ang preparation? Nancy, nagdududa na ako sa iyo, ha? Baka buntis ka kaya ganyan ka na lang mag-apura?”
Tumawa si Nancy. “Para kang si Mamang, eh. Virgin bride ako, excuse me. Kaya nga mahal na mahal ko si Bremond, eh. Hindi niya ako pinipilit kahit alam kong gusto niyang may mangyari na sa amin.”
Hindi niya gustong pansinin ang pagmamalaki sa tinig ni Nancy. “Akala ko ba, kukuha ka ng wedding planner? Mabuti na lang hindi ko pa nasasabi iyan kay Eve.”
“Hindi na raw kailangan. Alam mo naman si Mamang, magaling iyong mag-organize ng party. Kayang-kaya na niyang asikasuhin ang kasal ko. Basta iyong cake ko, ha? Gusto ko maganda. Iyon na ang gift mo sa akin para makatipid kami.” Tumawa na naman ito. “Gusto ko iyong kagaya nu’ng nakita namin sa magazine. Hangang-hanga iyong mga tao dito sa cake na iyon. Ako pa lang ang ikakasal dito na may ganoong wedding cake!”
Napangiwi siya. “Mahal iyon,” aniya.
“Ate naman! Kapatid mo naman ako, ah?”
“Sige na, ganoon na nga ang gagawin ko. Ano ang motif mo?”
“Filipiniana.”
“Good. Lalagyan ko ng igorot na couple.”
“Ate naman, eh,” nag-asal bata na wika ni Nancy. “Si Matthew, huwag mong kakalimutang isama. Naku, excited na kaming lahat na makilala ang lalaking iyan. Alam mo ba si Mamang, hindi lang ang kasal ko ang ipinangungumbida. Next year daw ay ikaw naman ang magpapakasal. Pangit nga lang daw magsukob sa taon ang magkapatid kaya next year ka pa.”
“Bakit naman idinamay ninyo ako?” Nabahiran ng iritasyon ang tono niya. “May mga plano pa kami. Ang dami pa naming iniintindi.” Siya, sa pagpapatakbo ng business niya, si Matthew sa puspusan nitong rehearsal para sa nakatakdang play. Lately nga ay hindi na kasing-dalas ng dati ang pagpunta ni Matthew sa kanya. Pero sa loob naman ng isang linggo ay nagagawa nilang lumabas.
Napatda siya. Si Matthew mismo ang nasa isip niya samantalang ang Matthew na sinasabi ni Nancy ay ang lalaking gawa-gawa lang niya para tigilan na siya ng mga ito. But then, she knew very well na ang Matthew na napapalapit na ngayon sa loob niya at ang may-ari ng pangalang ginagamit niya ay iisa din naman.
“Ate, iyang intindihin, hangga’t hindi ka namamatay, hindi matatapos iyan,” pilosopong wika ng kapatid niya. “Basta isama mo dito si Matthew. Ipinapasabi nga pala ni Papang na dapat mo nga siyang isama. Aba naman, baka naman kung kailan mamamanhikan na iyan saka mo pa lang dadalhin dito. Siyempre, kikilatisin iyan ng mga Jimenez.”
Napabuntong-hininga siya. “Sino ang tatahi ng gown mo? Irerekomenda kita kay Julianne. Si Scarlett, gusto mo siya na rin ang pag-aayusin ko ng mga bulaklak. Magaling iyon. Kung halimbawang nagtitipid kayo, hindi mahahalata kung kaunti man ang bulaklak. Kaya niyang pagandahin kahit gumamela lang ang can-afford mo. Saka kahit mag-abono iyon basta hindi magsasa-suffer ang quality ng flower arrangement, ginagawa niyon.”
“Ate, may budget naman kami. Kilala mo naman si Bremond, di ba? Hindi naman problema ang budget sa kanya.”
Of course. Sila ang royalty sa Montilla, may pagtuyang wika niya sa isip. “Suggestion lang naman ang sa akin.”
“Thanks, Ate. Pero kami na ang bahala dito. Close friends and relatives lang ang napag-usapan pero alam mo naman ang lahi natin. Kalahati na yata ng Montilla ay naging in-laws na natin so malaki rin. Pero magkatulong naman kami ni Mamang sa pag-aasikaso. Ate, pilitin mong makauwi kahit isang araw bago ang kasal ko. Wala namang problema kay Matthew. May guest room naman tayo. O kaya iyong mismong kuwarto mo ang ipagamit mo sa kanya. Tabi tayong matulog, ‘Te. Gusto ko ikaw ang katabi kong matulog bago ako ikasal.”
Napalunok siya. At napansin na lang din niyang namasa ang mga mata niya sa huling tinuran ng kapatid. “S-sige. Basta itawag mo sa akin kung may maitutulong ako.”
“Ate, si Matthew, ha? Mahaba pa rin naman iyong isang buwan. Sana maayos ang schedule ninyo. Talagang inaasahan namin kasama mo iyang magiging bayaw ko.”
“I’ll try,” aniya pero mas malaki ang palagay niya na puputaktihin siya ng kung anu-anong tanong kapag wala siyang Matthew na naisama.
“SI DINDIN?” nakangiting tanong ni Matthew kay Maita na siyang naka-duty sa kaha.
“Nasa office niya, sir. Pasok na kayo,” maluwang din ang ngiting sagot nito sa kanya. Sanay na sa presensya niya ang mga tao roon kaya malaya siyang nakakakilos doon.
“Thanks.” At tinungo na niya ang opisina nito. Bukas naman ang pintuan kaya ilang hakbang pa ay kita na niya si Dindin. At mukhang malalim ang iniisip. Dapat ay napansin na niya nito pero tila walang nakita. Banayad siyang kumatok upang makuha ang atensyon nito. “Bad mood?” bati niya.
Parang noon lang siya napansin ni Dindin. “Pasok ka. Maaga ka yata ngayon.”
“Wala kaming rehearsal. Ikaw, masama yata ang gising mo? Mukhang hindi maganda ang napanaginipan mo, ah?”
Tipid itong ngumiti. “W-wala ito. May gagawin akong cake, babantayan mo uli ako?”
Halata niyang pinipilit lang ni Dindin na maging masigla ang tinig pero mas nababasa niya sa mga mata nito na may problema ito. Pero mamaya na lang niya ito kukulitin tungkol doon. “Sure. Alam mo namang nagiging paborito ko nang tumanghod sa kitchen mo. Pakakainin mo ako ng reject na sugar flower, ha?”
Maski paano ay lumuwang pa ang ngiti nito. “Kahit naman tumanggi ako, alam kong iyon ang gagawin mo, eh.” Isinusi nito ang drawer at tumayo na. “Sa kitchen na tayo.”
“MAGSALITA ka na, Dindin. May problema ka, ‘no?”
“Wala nga. Ang kulit mo, ah?” tanggi niya. At ewan niya kung hanggang kailan siya mapipilitang sumagot nang ganoon. Halata naman sa pangungulit ni Matthew na hindi ito kumbinsido sa sagot niya. Pero kung sasabihin niya dito ang problema niya, matutuwa naman kaya ito?
“Buntis ka?”
Natawa siya. “Sira ka ba? Paano ako mabubuntis?”
“Right. Wala pa namang nangyayari sa atin,” kagyat namang sabi nito.
Napamaang siya dito. “Huwag ka ngang magsalita ng ganyan. Baka matakot ako sa iyo kapag ganyan. Mukha kang may pagnanasa sa akin.” Dinaan niya sa biro ang reaksyon.
Tinitigan siya nito. “Hindi masamang magnasa sa iyo, Dindin. You’re pretty. I like our beauty. Saka umpisa pa lang, ipinahiwatig ko na sa iyo, di ba? Yes, we’re friends. For now. Tomorrow, well…”
Padabog na inusog niya ang mixer. “Puwede ba, Matthew. Ayoko ng ganyang topic!” pikon na wika niya.
“Ihinga mo kasi iyang problema mo. Pati tuloy sa akin napipikon. Tell me, babe, what is it?”
“Ikakasal na ang kapatid ko,” she blurted out.
“Noong kuya ko ang ikakasal, hindi kagaya ng itsura mo ngayon ang itsura ko noon, excited ako. Best man ako, eh,” sabi nito. “Bakit, hindi ka kinuhang maid of honor? Tsk! Nainsulto si Dindin.”
“Tumigil ka nga riyan!” singhal niya. “You don’t understand.”
“Then tell me,” bigla ay seryosong wika nito. “Hindi naman makukuha sa pagtataray ang paglutas ng isang problema.” Tumindig ito.
Natigilan siya. Ngayon lang niya natanto na si Matthew ang nagiging outlet ng kinikimkim niya. “Sorry,” sinserong sabi niya.
“What is it, babe?” he said gently. Nakalapit na ito sa kinatatayuan niya. He wasn’t touching her subalit sa pandama niya, ang pagkakatindig na iyon ay sapat na upang magsalita na nga siya.
Isang paghinga ang pinakawalan niya. At sa sumunod na mga minuto ay nagsalita siya at mataman namang nakinig sa kanya si Matthew.
“Akala mo, titigilan ka nila kung mag-iimbento ka ng fiancé. Ang kaso sa iyo, nag-backfire,” komento nito. “Simple lang ang problema mo, Dindin. You simply need a mock fiancé na ihaharap sa kanila. You don’t have look too far. I’m here. Ako ang solusyon sa problema mo. At huwag kang tumanggi dahil mainsulto ako. No sweat sa akin iyan. Nasa teatro ako, remember?”
Napatitig siya dito. Alam niya, willing nga si Matthew sa pagpiprisinta nito ng sarili. But he had to know one thing.
“Alam mo bang Matthew Beltran ang pangalang ibinibigay ko sa kanila?” she said hesitantly.
Kumunot ang noo nito at kinabahan siya. Pero sandaling-sandali lamang iyon. Kasabay ng muling pagkinis ng noo nito ay ang pag-echo ng tawa.
“I’ll explain,” mabilis na wika niya. “H-hindi pa kita kilala nu’ng time na iyon. Nu’ng mapuno na ako sa kapatid ko, I just blurted a name. Iyong isang resibong nasa harapan ko, Matthew Beltran ang nabasa kong pangalan. Iyon ang sinabi ko. on the very same day, tumawag ang mother ko. Iyong maliit kong kasinungalingan, lumaki na nang lumaki.”
Tumatawa pa rin ito. “Kaya ngayon, problematic ka.” He touched her chin and tilted her up. “Wala ka nang problema, okay? I’m here, the Matthew Beltran. So kailan ang kasal? Iaayos ko ang schedule ko.”
Sinabi niya ng petsa. “Pero malapit na ang run ng play mo.”
“Fortunately, hindi naman sagabal ang petsa ng kasal.”
“We need two days. Gusto kong sa bisperas pa lang ay makauwi na sa Montilla.”
“Okay lang.”
Sa tono ni Matthew, gusto niyang isiping wala na siyang problema. “Pero may problema pa, Matt.”
“Ano pa?”
“I told him my fiancé’s rich. Pa-abroad-abroad doing business.”
Nagkibit lang ito ng balikat. “Madali lang iyan. Akong bahala. What we need is some practice.”
“Practice?” bulalas niya.
“We’ll act as engaged couple, babe. Dapat lang maging sweet tayo sa isa’t isa. And we should look so in love with each other. Okay, let’s start the practice with this kiss.”
Nang bumaba ang mukha nito sa kanya ay bigla siyang napaatras. “M-Matt! Wala sa isip ko ang ganyan.” Shock, embarrassment at kalituhan ang gumapang sa dibdib niya. Pero bakit parang excited din siya?
Napailing si Matt. “Hindi mo makukumbinse ang mga kamag-anak mo kapag ganyan. Baka sa susunod, mapatalon ka na kapag nagtangka akong humalik sa iyo,” kaswal na sabi nito.
“We don’t need to kiss in front of them,” pakli niya.
“But…” Tila natigilan ito. “Sige, saka na lang natin pag-usapan ang tungkol diyan.” Bumalik na ito sa inuupuan kanina.
Noon lang din niya ginawa uli ang mga lace design para sa cake. At napansin niyang nasa kitchen din ang isa niyang assistant. Tahimik na naglilinis doon. So iyon din siguro ang dahilan kung bakit nanahimik si Matt.
Pero hindi tumahimik ang isip niya. It was nagging her about the kiss issue: Matt kissing her? It was making her excited.