“ALAM mo, bro, mas makakabuti kung kay Faith at sa kasal ninyo ikaw mag-focus. Tama din naman ang mommy mo. She just want to protect you, para hindi ka masaktan noon. Saka dapat nga magpasalamat ka sa kaniya kasi na-meet mo si Faith—ang babaeng papakasalan mo pala! Malay mo, test lang sa iyo ang pagbabalik ni Odessa sa upcoming wedding ninyo ni Faith. Bro, huwag kang magpadala sa damdamin mo ngayon. Remember, si Faith na ang mahal mo ngayon. Iyang nararamdaman mo kay Odessa is nothing. Naaawa ka lang sa kaniya. Okay? Mag-focus ka kay Faith…”
Hanggang sa pag-uwi ni Benedict mula sa pakikipag-inuman kay Jonas kagabi ay naririnig pa rin niya ang ipinayo sa kaniya ng kaibigan niya. Hinimay-himay niya ang sinabi nito pati na ng mommy niya. Nag-isip siya nang maigi at doon niya napagtanto na tama ang dalawa. Isa pa, ano na lang ang mararamdaman ni Faith kapag nalaman nitong tila may pakialam pa siya sa ex-girlfriend niya? Siguradong masasaktan ito at ayaw niyang masaktan ang babaeng papakasalan niya. Tama si Jonas. Si Faith na ang mahal niya at dito siya dapat mag-focus hindi sa taong dapat ay nasa nakaraan na lang niya.
Nahihiya rin siya sa inasal niya kagabi sa kaniyang mommy. Tinalikuran niya ito at alam niyang mali iyon. Kaya kahit medyo masakit pa ang ulo dahil sa hang over ay pinuntahan niya ito sa silid nito. Naabutan niya itong nakabihis at mukhang may pupuntahan.
Nilapitan niya ito habang nakaharap sa salamin at niyakap mula sa likod. “I’m sorry, mommy. Hindi kita dapat tinalikuran kagabi,” paghingi ni Benedict ng tawad.
Ngumiti ito sa kaniya at tinapik siya sa braso. “It’s okay, son. Naiintindihan ko ang reaction mo last night. And I am deeply sorry too dahil ginawa ko iyon. Ayaw lang kitang masaktan. Iyon lang ang intention ko, wala nang iba,” turan pa nito sa kaniya.
“I know, mommy. Naliwanagan na ako. Thank you. Kay Faith na lang ang focus ko ngayon. Si Odessa… she’s just a distraction na dapat kong i-avoid!” Kumalas na siya ng pagkakayakap mula dito.
Tumayo si Debbie at humarap sa kaniya. “That’s good to hear! Tama iyan, Benedict! Oo nga pala, sasamahan ko ang bride-to-be mo para magpasukat ng wedding gown niya. May ini-recommend ang isa kong friend na bagong designer. Maganda daw gumawa at quality kaya titingnan namin ni Faith.” Dahil sa pag-iinom nila ni Jonas kagabi ay nakalimutan niya na ngayon nga pala ang balak ni Faith na magpasukat ng wedding gown. Napahawak si Benedict sa kaniyang noo. “I forgot! Ngayon nga pala iyon. Hintayin mo na lang ako sa ibaba. Magpapalit lang ako ng damit and I’ll just get my keys—”
Itinaas ng mommy niya ang isang kamay kaya napahinto siya sa pagsasalita. “No. Kaya na namin ni Faith ang lahat. Dito ka na lang sa bahay. Rest. Marami kang nainom, sinabi sa akin ni Jonas. Ako na ang bahalang mag-explain kay Faith. Okay?” pigil nito.
“Sigurado po kayo?”
“Yes. Basta magpahinga ka na lang. Kailangan mo iyan.” Matapos iyon ay nagpaalam na ito sa kaniya at umalis na ito kasama ang isa sa kanilang mga driver.
MEDYO nalungkot si Faith nang tumawag sa kaniya si Debbie at sinabi nitong hindi makakasama si Benedict sa kanila. Magpapasukat kasi siya ng wedding gown niya ngayong araw at inaasahan niya na makakasama ang kaniyang nobyo. Pero nauunawaan naman niya dahil ang sabi ni Debbie ay masakit ang ulo nito at mukhang kailangan ng pahinga. Siyempre, mas importante pa rin ang health ni Benedict. Iyon na lang ang inisip niya para hindi na siya magtampo dito.
Tapos nang magbihis si Faith at nasa salas na siya ng kanilang bahay. Hinihintay niya si Debbie dahil anito ay sasabay na siya dito dahil meron itong sasakyan. Isang simpleng white dress na bulaklakin ang kaniyang suot at flat shoes. Ganoon lang ang isinuot niya para maging madali ang pagsusukat niya mamaya ng mga wedding gown.
Mula sa labas ng bahay ay humahangos na pumasok si Pearl. “Daughter! `Andiyan na ang sundo mo!” Kung makasigaw naman ito, akala mo ay may nangyayaring sunog.
Tumayo na siya. “Sige po, Mama Pearl. Aalis na ako,” pagpapaalam niya.
“Alangan naman na mag-stay ka pa, `di ba? Sige, alis na, daughter. Gusto ko sanang sumama kaya lang marami pa akong gagawin dito sa bahay. E, naka-day off si Genoveva tapos tambak ang labahan.”
“Ipa-laundry niyo na lang po kasi, mama.”
“Ay naku! Keri ko na iyan. Don’t you worry about me! Sige na. Gora ka na. Ingat ka, ha. Saka mag-selfie ka at picturan mo ang mga gowns. I-send mo sa Messenger para makita ko rin!” Masaya nitong sabi at nagyakap muna silang dalawa bago siya umalis.
“KUNG ako lang ang masusunod, gusto ko sanang ang wedding gown ko noon ang gagamitin mo, Faith. Very classic! Ipapaayos na lang natin sana ng kaunti para maging angkop sa generation ngayon. Pero siyempre, ikaw pa rin ang masusunod. Sobrang importante sa ating babae ang kasal kaya dapat kung ano ang gusto natin para sa araw na iyon ay iyon ang masusunod. I am just suggesting,” ani Debbie sa kaniya.
Sakay na sila ng kotse nito at papunta na sila sa bridal boutique na ini-recommend ng kaibigan nito.
Sinulyapan niya si Debbie at bahagyang ngumiti. “Iko-consider ko po ang suggestion ninyo, tita. Pero gusto ko rin po munang tumingin ng design sa bridal boutique. Tulungan niyo po ako, ha?” aniya.
“Oo naman. Kaya nga kita sinamahan dahil tutulungan kitang makapili ng best wedding dress!”
“Thank you po, tita!” Ilang sandali pa ay narating na nila ang kanilang pupuntahan. Pagka-park ng sasakyan ay magkasabay silang bumaba ni Debbie. Nasa harapan sila ngayon ng Dessa’s Bridal Boutique. Mukhang elegante ang naturang store. Kulay baby pink ang pintura sa labas kaya napakaganda niyon. Talagang kahit na sinong babae ay mae-engganyong pumasok doon at tumingin ng mga wedding dress na naka-display.
Napansin ni Faith na tila naging balisa si Debbie nang makita nito ang pangalan ng naturang shop.
“Lets go!” turan nito at nauna na ito sa pagpasok. Sumunod siya agad dito.
Maaliwalas ang loob ng boutique. Malaki ang space. Isang magandang babae ang sumalubong sa kanila at pinaupo sila sa isang eleganteng upuan. Binigyan din sila ng tea ng babae.
“May appointment kami sa owner ng shop na ito, miss. Pakisabi sa kaniya na ako iyong ini-recommend ni Mrs. Sally Choi,” sabi ni Debbie sa babaeng sumalubong sa kanila.
“Ganoon po ba, ma’am? Sige po. Tatawagan ko lang po si Miss Dessa para sabihin iyon. On the way na naman po siya dito sa shop.”
Mataray na itinirik ni Debbie ang mga mata nito. “Almost nine na ng umaga tapos wala pa rin siya dito? Ganiyan ba talaga ang owner ng shop na ito?” Medyo nahiya si Faith sa pagtataray nito.
“I’m sorry po. Padating na naman po si Miss Dessa. I’ll just call her po. Excuse po.” Bahagya pang yumukod ang babae at iniwan sila. Pumasok ito sa isang silid.
Tumahimik na lang si Faith. Pasimple pa rin niyang tinitingnan ang kaniyang kapaligiran. Bago siya sa ganitong sosyal na shop. Hindi niya inaasahan na makakapasok siya sa ganitong uri ng lugar. Ang akala nga niya ay sa mga kakilala nilang simpleng mananahi lang siya magpapagawa ng wedding gown, e. O kaya ay aarkila na lang sila sa isang mumurahing patahian. Kaya nao-overwhelmed siya sa preperasyon na ginagawa nila ngayon para sa kaniyang kasal. Pakiramdam niya ay isa siyang prinsesa. At iyon ay ipinapasalamat niya kay Debbie. Hindi din niya akalain na matatanggap siya nito. Talagang sobrang saya siya na magkasundo na silang dalawa. Noon kasi ay hindi siya nito kinakausap at pinapansin. Ramdam niya na ayaw nito sa kaniya dahil pakiramdam nito ay pera lang ang habol niya kay Benedict. Dahil sa pagmamahal niya ang anak nito ay hindi siya tumigil na ipakita dito na mali ito ng iniisip sa kaniya. Palagi niyang sinasabihan si Benedict noon na huwag siya nitong regaluhan ng mga mahal na bagay. Kapag lumalabas sila, hindi niya hinahayaan na magbayad mag-isa si Benedict ng kanilang mga ginagastos. Kahit mayaman si Benedict ay hindi niya ito ginamit para sa pansariling interes niya.
Kapwa sila napatingin ni Debbie sa pinto ng shop nang bumukas iyon at narinig nila ang pagtunog ng wind chime na nakasabit doon. Isang maganda at sexy na babae ang pumasok. Nakasuot ito ng sexy red dress at sapatos na may mataas na takong. Mahaba ang kulay brown nitong buhok na may malalaking kulot. Pulang-pula ang lipstick nito na bumagay sa maganda at maputi nitong kutis. Pagkapasok ng babae ay inalis nito ang suot na sunglasses at diretsong naglakad sa kanila.
Kapansin-pansin ang pagkagulat ng babae nang makita silang dalawa ni Debbie.
“T-tita?” Hindi makapaniwalang bulalas nito. Bahagya pa itong napanganga.
Taas-noong tumayo si Debbie at hinarap ang dumating na babae. “Yes. Ako nga. At huwag kang umakto na na-surprise ka dahil hindi ako tanga. Alam kong kinausap mo si Mrs. Choi para papuntahin kami dito. How cheap, Odessa!” Mataray na sabi nito sa babae na tinawag nito sa pangalang Odessa.
Odessa? Hindi kaya ang babaeng ito ay `yong dumating noong nag-dinner sila sa bahay nina Benedict? Iyong pinsan ni Benedict na babae. Tama! Natatandaan na niya. Kaya lang, kung ito iyon ay bakit parang galit dito si Debbie? Nakakapagtaka naman…
“Tita, hindi ko po alam ang sinasabi ninyo. Hindi ko po sinabi iyon kay Mrs. Choi—”
“Oh, really? How desperate, Odessa. Pero sige, pagbibigyan kita. Gusto kong ikaw ang gumawa ng wedding dress ng mapapangasawa ni Benedict!”
Napatingin sa kaniya si Odessa na may pait sa mukha. Kahit hindi sigurado si Faith sa nangyayari ay tumayo siya at nilapitan si Odessa. “Hi. Ako nga pala si Faith.” Ngumiti pa siya dito at inilahad ang isang kamay.
Hindi makapaniwalang tiningnan ni Odessa ang kamay niya. Kahit parang may pag-aalinlangan sa mukha nito ay inabot pa rin nito ang kamay niya. “I’m Odessa. Just call me Dessa,” anito sabay bitawa sa kaniyang kamay.
“It’s nice meeting you, Odessa. Ikaw ba ang gagawa ng wedding gown ko?”
“Y-yes. Ako nga.” Pilit itong ngumiti at nahihiyang sinulyapan si Debbie.
“Sige na, Odessa. Simulan mo na ang pagsusukat kay Faith…” Lumapit si Debbie sa kaniya at inakbayan siya. “Make sure na siya ang magiging pinaka magandang bride sa buong mundo. Okay? Look at her, hindi nagkamali si Benedict sa pagpili sa papakasalan niya. Maganda, sexy, mabait at walang sakit si Faith. I am hundred percent sure na magagampanan niya nang maayos ang pagiging asawa niya sa aking unico iho. Right?”
“Y-yes po, tita,” sagot ni Odessa sabay tingin sa kaniya. “Sumunod ka sa akin, Faith. Susukatan ka na namin then after that ay pag-uusapan na natin ang wedding dress na gusto mo.”
NANG araw din na iyon ay natapos ang pagsusukat kay Faith para sa kaniyang wedding dress. Napag-usapan na rin nila ni Odessa ang gusto niyang gown para sa kasal niya. Natutuwa siya dahil maraming ideas si Odessa na nakatulong sa kaniya para makapagdesisyon sa wedding gown na isusuot niya. Labis niyang nagustuhan ang final design ng gown at maging si Debbie ay ganoon din ang naramdaman.
Sa kasalukuyan ay sakay na ulit sila ng kotse nina Debbie. Ihahatid na siya nito pauwi sa bahay nila. Habang nasa biyahe sila ay curious pa rin siya kung si Odessa ba ang pinsan ni Benedict kaya hindi niya napigilan ang sariling magtanong kay Debbie.
“Tita, si Odessa po ba iyong pinsan ni Benedict na pumunta sa bahay ninyo habang nagdi-dinner tayo noon—”
“No.We lied to you, Faith. Para hindi magkaroon ng g**o that night. Odessa isa Benedict’s ex girlfriend.” Labis na nagulat si Faith sa kaniyang nalaman. “Pinaghiwalay ko silang dalawa noon dahil may sakit si Odessa. She’s dying. Ayokong masaktan si Benedict kaya ginawa ko iyon. And now, she’s back na parang may babalikan pa siya.”
Natigalgal siya sa kaniyang mga narinig. Hindi niya akalain na ang babaeng gagawa ng kaniyang gown ay walang iba kundi ang babaeng minsan ay minahal ng kaniyang lalaking papakasalan.
“But you have nothing to worry about, Faith. Nagkausap na kami ni Benedict. Sinabi niya sa akin na hindi na niya mahal si Odessa at sigurado siyang ikaw na ang mahal niya. And I’ll make sure na hindi makakaapekto ang babaeng iyon sa kasal ninyo ng anak ko.”
“Thank you po, tita. Pero parang ang awkward lang po kasi na siya ang gagawa ng wedding gown ko.” Matapat niyang tugon. Hindi naman siya nababahala lalo na’t sigurado siya sa pagmamahalan nila ni Benedict. Ang awkward lang talaga.
“It’s okay. Huwag kang ma-awkward. Kung sino man ang dapat na makaramdam niyon, si Odessa iyon. Sigurado ako na ginusto niya ito—na siya ang gumawa ng wedding gown mo. I am sure na kinausap niya si Mrs. Choi para sa kaniya tayo pumunta. We’ll give her the taste of her own medicine!”
Tumahimik na lang si Faith. May tiwala naman siya kay Debbie. Hindi naman siguro ito gagawa ng bagay na ikakapahamak niya.
“Oo nga pala, after ng wedding at honeymoon ninyo ng anak ko ang gusto ko sana ay sa bahay muna kayo tumira hanggang sa magkaroon kayo ng anak. Alam ko na may naipatayo nang bahay si Benedict para sa inyo pero sana ay pagbigyan niyo ang request ko na iyon.”
“Actually, tita, napag-usapan na rin namin iyan ni Benedict at ganiyan din po ang plano namin. Kahit siguro bibisi-bisita muna kami doon sa bahay namin.”
“Mabuti naman kung ganoon. And from now on, masanay ka nang tawagin akong mommy. Para hindi ka na mag-a-adjust kapag kasal na kayo ni Benedict.” Napatingin si Faith kay Debbie nang hawakan nito ang isa niyang kamay at masuyo nito iyong pinisil. “Mahalin mo ang anak ko sa abot ng iyong makakaya. Huwag mo siyang sasaktan dahil kapag ginawa mo iyon, ako ang makakalaban mo!”
“Huwag po kayong mag-alala, tita—I mean, mommy. Hindi ko po sasaktan si Benedict dahil mahal na mahal ko siya.”
Napatingin si Faith sa labas ng bintana. Hindi niya napigilan ang mangarap sa kung ano ang mangyayari sa kanila ni Benedict pagkatapos nilang ikasal. Excited na siyang maging asawa ito. Iyong mapagsilbihan ito at mabigyan ito ng anak. Gusto niya ay marami silang maging anak dahil parehas silang nag-iisang anak ng kani-kanilang magulang. Ang saya ng ganoon. Hindi na talaga siya makapaghintay na mangyari ang mga bagay na iyon.
“By the way, maiba ako. Bukas ay kailangan mong bumalik sa bridal boutique ni Odessa para makapag-usap kayo ulit about sa wedding gown mo,” turan ni Debbie.
“Ako na lang po mag-isa? Hindi na kayo sasama?” Kinakabahan niyang tanong.
“I can’t. Makikipagkita ako sa isang family friend. Kaya mo na iyon, Faith. Basta huwag mong kakalimutan kung sino ka sa buhay ni Benedict. Ikaw ang girlfriend at papakasalan. Si Odessa, wala na siya. Huwag kang magpapatalo sa kaniya!” Mariin nitong turan na nagbigay sa kaniya ng lakas ng loob.