Chapter 8

2604 Words
MAGANANG-magana akong nakinig sa mga guro namin. Halos lima lang na mali ang sagot ko sa long quiz sa values. Manghang-mangha pa sila Berlin dahil hindi naman daw nakapagtataka iyon. Hindi naman ako matalino, at ayaw ko na pinupuri nila ako nang ganoon. Para kasi sa akin ang lahat ng tao'y nilikhang matalino. Nakadepende lamang iyon sa kanila kung saan nila ipapakita at gagamitin. Isa pa, hindi naman basehan ang mga scores sa quizzes at exams ang talino ng isang tao. Nasa diskarte at abilidad sa buhay iyon nakataya. Aanhin ang grado kung hindi rin pala kayang makipagsabayan sa takbo ng buhay? Iyong pancit canton at tinapay na binigay sa akin ni Spon ay siyang ginawa kong pananghalian. Malaki ang pasasalamat ko sa lalaking iyon dahil nakapagtabi ako ng bente pesos ngayong araw. Nadagdagan pa ang sampung peso kong krem stix kanina ng tatlo. Hindi ko na nagawa pang magpasalamat sa kanya kanina dahil agad siyang nagpaalam nang maipakilala ko siya kina Locsy. Hindi ko alam kung ano ang dahilan, pero mukhang nahiya siya sa mga oras na iyon. Hindi tuloy naiwasan ang masamang impression nila Locsy tungkol sa kanya. Kinibit balikat ko na lamang ang mga negatibo nilang sinabi patungkol kay Spon. “Alam mo ’day, ayaw ko sa lalaking ’yon. Hindi kami pinansin, umalis agad,” ani Gwen habang magakasalubong ang mga kilay. Agad namang sumingit si Berlin at sinang-ayunan ito. “Oo nga, kung manligaw iyon sa iyo, huwag ka agad um-oo!” Si Locsy naman ay pailing-iling lang habang nakatingin sa akin ng seryoso. Alam ko na may ibig siyang iparating sa akin, pero mas pinili niya lamang itikom ang kanyang bibig. Bumuga ako ng hangin habang pinapakinggan ang payo nila Gwen at Berlin. Hindi ko nagustuhan agad ang impression na binigay nila kay Spon. Hindi pa nila kilala ang tao. Hindi iyon tama na husgahan agad nila ang pagkatao nito. "Mabait si Spon, makikita niyo iyon kapag mas makilala niyo pa siya nang matagal. Siguro nahiya lang siya kanina,” depensa ko na siyang naging dahilan upang tumahimik ang dalawa. Kumibit-balikat na lamang ako at pinagpatuloy ang aking pag-r-review. Hindi na rin pa nagsalita ang mga kaibigan ko at inabala na rin ang kanilang mga sarili sa kanilang ginagawa. Sa gitna ng aking pag-r-review ay laman ng isipan ko si Spon na malaki ang ngiti sa labi habang naniningkit ang mga mata na nakatitig sa akin. Kahit sa imahinasyon ko'y ang kapal talaga ng mukha ko, nag-a-assume ako ng mga bagay na imposibleng mangyari. Hindi kami magkasabay umuwing tatlo dahil may dalang motorbike si Gwen. Sinabay niya sina Locsy at Berlin. Mas pinili ko ang maglakad uli sa Pili Road pauwi sa boarding house kaysa mag-commute sa tricycle. Sayang pa ang sampung piso na magagastos ko, isa pa mas maganda ang maglakad, kasama na ang exercise roon kung sakali. Rinig na rinig ko ang bawat malakas na paghampas ng hangin sa dahon at sanga ng mga puno. Tila isang musika sa aking pandinig na tumatakas sa aking katinuan. Alas dos ng hapon ay ganoon palagi ang atmospera na aking nasasaksihan sa tuwing naglalakad. Ang mga kasabayan at nakakasalubong kapwa kong estudyante ay tila ba lumalabo at unti-unting nawawala sa aking paningin. May pipilantik na hagikhikan, tawanan at usapan akong naririnig mula sa aking likuran--- ganoon din sa tagiliran at unahan. Naalala ko ang tatlong babae na nauna nang umuwi kanina, sina Berlin, Gwen at Locsy. Siguro kung nakasabay ko lang silang unuwi ngayon ay ganito rin ang tagpo naming apat. Tulad ng iba ay masayang nagkwekwentuhan habang naglalakad sa gitna ng Pili Avenue Road. Ang musika ng kalikasan na kanina'y dumuduyan sa akin ay binasag iyon ng tunog ng smartphone. Napatigil ako sa paglalakad at kinapa ang bulsa ng aking pixelcut na suot. Dinukot ko ito mula roon at hindi na nag-abala pang tingnan kung sino ang tumatawag sa akin ng ganoong oras. Pinagpatuloy ko ang aking paglalakad nang masiguro ko nang nasagot ang nasa kabing linya. "Sis, uwi ka raw sa susunod na lingo sabi ni Mama." Napangiti agad ako nang marinig ko ang boses ng ate ko. Ilang buwan na ba kaming hindi nagkikitang dalawa? Simula pa marahil noong naghiwalay kami ng unibersidad at mas pinili niya ang sa kabilang bayan. Madalang na lang kaming magkita na dalawa, dahil abala sa pag-aaral. At mukhang minsan na lang akong umuwi sa amin, sa kadahilanang pumasok ako bilang isang ROTC Officer. Kailangan kong um-attend ng training, hindi pwede ang lumiban--- siguro. "Sis! Na-miss kita! Diyan ka ba ngayon sa atin? Saka bakit ako pinapauwi?" kunot-noo kong tanong sa kanya habang malawak naman ang aking pagkakangiti. Nangungulila na ako sa mga bonding moments naming dalawa. Hindi ko tuloy maiwasan aalalahanin ang mga araw na magkasama kaming dalawa noong Senior high pa lang kami. Iisa kasi na school ang pinasukan namin noong enior high, dahil may voucher kasi kapag mula sa public school at lilipat sa private school. Hindi namin pinalampas at inaksaya ang pagkakataong iyon. Agad kaming kumuha ng requirements, January pa lang--- pagkatapos ng orientation namin sa paghahanda para sa senior high. Noong una ay hindi pa muna pumayag sina Mama at Papa sa gusto naming pumasok sa private shool dahil nga mahal ang tuition fee sa isang semester. Saan ba naman kasi sila Mama at Papa kukuha ng thirty four thousand whole year, para sa aming dalawa ng kakambal ko? Gayong maliit lamang ang kita ni Papa sa pagtatanim ng palay at sa pagtitinda ni Mama sa bahay. Minsan rumaraket pa si Mama ng kung anu-ano para lang may pambili kaming mga gamit sa paaralan. Kaya't noong binalita namin ni sissy na may voucher namang ibibigay ang gobyerno para sa aming mga gustong pumasok sa private school ay pumayag na rin sila. Pero hindi namin inaasahan na hindi pala covered ng voucher ang tuition fee, may babayaran pala kaming miscellaneous fees. Hirap na ngang kumita sila mama at papa ng isang libo sa isang linggo ay dumagdag pa ang halos apat na libo na binabayaaran namin ni sissy kada exams sa loob ng isang buwan. Doon ko nakita ang hirap at sakripisyo ng mga magulang namin, mabigyan lamang kami ng karapat-dapat na edukasyon at suporta na para sa amin. "Lumi? Nakikinig ka ba sa akin? Sis? Hello. . .?" Tumikhim ako para mawala ang bumara sa aking lalamunan. Biglang lumakbay na naman ang isip ko sa nakaraan at nakalimutan na kausap ko ang isang tao na naging sandigan ko, mula sa unos na aking naranasan noon at hanggang din sa mga oras na yaon. "Pasensya ka na sis, naglalakad kasi ako, pauwi sa boarding house. Ano nga ulit iyon?" Pagdadahilan ko habang ngingiti-ngiti. Hindi ko maiwasang sariwain sa likod ng aking isip ang pag-irap ng kanyang mga mata dahil sa inis. Napahagikhik ako nang marinig ang malalim niyang buntong-hininga sa kabilang linya. "Hello. . . Sis. . . birthday ni Lola!" Halata sa boses niya ang iritasyon at arte, bagamat mababanaag pa rin ang katamisan doon. Tumalon ako sa hump ng kalsadang aking nilalakaran bago ko siya sinagot. Tinitignan ko ang bawat hakbang ng aking dalawang paa sa patag pero magaspang na kalsada. "Sige sis, titingnan ko. Baka kasi may training ako sa susunod na linggo at hindi ako makapunta." Napanguso ako sa sinabi kong iyon. May pagdadalawang-isip, pero hindi ko magawang bawiin. Hindi siya sumagot sa halip ay bumuga na lamang ng hangin. Ilang segundo pa marahil ang lumipas bago siya nagsalitang muli. Kasabay no'n ay ang paglabas ko ng gate ng ASU. Hindi ko napansin na malayo na pala ang nalakad ko. "Basta text ka lang sa akin o kaya tumawag ka kina Mama. Baka pwede ka namang mag-excuse sa ROTC class mo. Sabihin mo important mater." Tumawa ako sa huli niyang sinabi. "Elementary at high school lang? Important mater?" Tumawa na rin siya sa kabilang linya. "Hindi, gaga! Sige na, sis! Tawag ako ulit mamaya, may klase pa kasi ako! Ingat ka, a. Love-love!" Hindi na niya ako hinintay pang makasagot at agad niyang pinutol ang tawag. Iiling-iling na lamang ako habang may mumunting ngiti sa aking labi, bago nagpatuloy sa paglalakad patungo sa aking boarding house. ** MATAPOS kong isampay ang aking mga nalabhan na damit ay agad kong ginawa ang aking assignment, habang kumakain ng isang pack ng mani na binili ko kanina sa tindahan. Dumampi ang malamig na hangin sa aking balat nang umihip ito papasok sa nakabukas na bintana. Sa paglukob muli ng init sa aking katawan ay siyang pagbalik ng mga alaala sa aking isipan. Isang alaala na maari ko nang kalimutan, pero hindi ko magawa sa kadahilanang may malaki iyong parte sa pagkatao ko. Mga alaala sa tuwing pinagkukumpara kami ng aking kakambal mula pagkabata hanggang sa mga puntong iyon. Humigpit ang aking pagkakahawak sa panulat habang patuloy ang paglakbay nito sa blankong papel. Kung saan nag-iiwan ng mga salita na kailanma'y hindi na mabubura pa. Maliban na lamang kapag nalipasan na ng ilang dekada. Sa pagbuo ng mga salita ay siyang pagbuo ng mga imaheng nagdulot ng mumunting kirot sa aking mga puso. "Magaling talaga ang anak ko na 'yan. Hindi mailap sa mga tao, manang-mana talaga sa akin." Napatigil ako sa pagtangkang paglabas mula sa aking silid nang marinig ang sinabi ni Mama kina Tita Nene. Ang lakas na kaninang pagharap ko sa aming bisita'y tila naglaho sa ere at tinangay ng malamig na hangin. Isinara ko ang pinto at kumulong buong maghapon doon, basa ang pisngi sa walang tigil na pagluha. "Hindi ka mabubuhay sa hiya mo na iyan, Lumi. Bakit hindi ka gumaya sa kakambal mo? Tingnan mo't magaling makisalamuha sa mga tao. Ikaw naman ay daig pa ang binukot." Minsan pangaral sa akin ni Mama sa tuwing nagagalit siya sa akin kapag may ginawa akong masama. Isang yuko at hikbi lamang ang palagi kong tinutugon sa kanya na mas lalong nagpapa-inis at nagpapagalit sa kanya. Minsan nga'y nasampal niya ako noong sagut-sagutin ko siya. Siguro na rin dahil sa hindi ko nakayanan ang mga masasakit niyang salita. Pero labis ko iyong pinagsisihan. Mahal naman nila ako, siguro, hindi ko alam. Magulo. Maging ang sarili ko ay namanhid na sa mga salitang iyon. Hiling ko na sana balang-araw ay mahalin din ako ni mama tulad ng pagmamahal niyang binibigay sa kakambal ko at sa aking kapatid na lalaki. Marahil ay mahal naman niya ako pero natatabunan iyon ng mga masasakit na salita kaya't pakiramdam ko'y wala siyang pakialam sa akin. Ang pagtigil ng aking kanang kamay mula sa paglikha ng mga salita ay siyang pagtunog ng notification tone sa aking smartphone. Iniwan ko ang panulat, tiningnan kung ano ang dahilan ng tunog. Spon Billones sent you a friend request on f*******:. Agad ang pagkunot ng noo ko, kung saan unti-unting nanlaki ang mga mata. Isang mabilis ang pagbangga ng mabigat na bagay sa aking puso. Umayos ako mula sa aking pagkakaupo habang nanginginig ang aking mga daliri sa pagpindot ng confirm. Pinagpawisan ako nang malagkit habang pinipitik-pitik ang aking mga daliri sa ibabaw ng lamesa. Alas sinco pa lang ng hapon pero isang magandang pangyayari ang naganap sa akin sa pagkakataong ito. Spon sent you a message. Saan ka buds? Nakatulala lamang ako sa minsaheng mula sa kanya. Kagat-kagat ko ang aking ibabang labi para pigilan ang isang malakas na tili. Hindi ko mapigilan ang excitement habang tumitipa ng isasagot sa kanya. Nakalimutan ko ang mainit na temperatura sa loob ng aking silid. Napalitan iyon ng preskong pakiramdam. Pakiwari ko'y nakalutang ako sa kaulapan habang dinadama ang bawat letrang bumubuo sa espasyo ng message section. Sa BH, buds. Katapos lang maglaba. Ikaw? Mabilis kong binitiwan ang aking smartphone at nagpapadyak tulad ng isang batang paslit. Ang pagtunog no'n muli ay isang pakiramdam na binigyan ako ng bente pesos--- sobrang kaligayahan na hindi ko maperme kung saan iyon ibabaling. Puso ko'y nagwawala na parang isang baliw habang tumatawa mag-isa. Dito kami sa dome... punta ka rito buds, nagpapakilala. mga buddies at sina ma'am. Tulad ng multiple choice sa pagsusulit, nagtatalo ang isipan ko kung ano ang pipiliing sagot. Kung A. Pupunta ba ako, o B. Hindi na dahil gagawa pa ako ng assignment. Pero sa huli ay pinili ko ang una, dahil sa kagustuhang makita ko ang lalaki na siyang dahilan ng pagkabaliw ko simula noong makita ko siya sa meditation hall. ** LILINGA-LINGA ako sa loob ng dome nang makarating na ako. Maraming mga estudyante ring nagpa-practice roon para sa nalalapit naming CTE Got Talent. Mga educators pala ang halos sa loob ng dome, maging ang plaza ay sinakop na rin nila. Kanina ko pa chinat si Spon kung saan sila at ang sabi niya ay sila ang nakapabilog sa gitna ng dome. Kaso sa sobrang dami ng mga estudyante at medyo malabo na ang paningin ko sa malayo ay hindi ko agad sila napansin. Nandoroon na naman ang kaba ko sa tuwing lalabas ako at maraming tao sa aking paligid. Unti-unti kong naramdaman ang paglalambot ng aking mga tuhod. Pinipigilan ang sariling bumalik na lang sa boarding house dahil sa kaba at hiya kong nararamdaman. Kung hindi dahil sa pagkakataon ang pagtawag sa akin ni Sir Kim ay hindi ko sana nakilala ng araw na iyon ang iba pa naming mga buddies. Hindi ko sana natutunan ang bagay na matagal ko nang kinatatakutan--- ang magkaroon ng tiwala sa aking sarili at ang makipagsalamuha sa aking kapwa. Nagpakilala kami isa-isa at nagpakita ng talento. Sumayaw lang ako ng kaunti, na pinalakpakan naman ng mga kasama ko. Sa mga oras na iyon, napagtanto ko na. . . hindi lahat ay dapat katakutan. Hindi lahat ng tao ay mapanghusga, totoo nga ang sabi nila ang ilan ay hindi ka huhusgahan kahit hindi ka nila kilala. At iisang tao ang nagsabi no'n sa akin--- si Spon. "Buds! Kinain mo ba iyong pancit canton at krem stix na bigay ko sa iyo kanina?" Kasalukuyan na kaming naglalakad papalayo sa dome. Hindi ko alam kung bakit ihahatid niya pa ako sa boarding house gayung malayo pa ang uuwian niya. Gabi na rin. "Oo, salamat nga pala roon." Ngumiti ako ng lihim nang maalala na naman ang eksena kanina. Sumabay siya sa paglalakad sa aking tabu at itinabi ako mula sa kalsada--- pinoprotektahan mula sa mga sasakyang nagdadaan. Dumaloy ang init sa aking pisngi na sanhi ng aking pagkakapula. Malaki ang tulong ng papalubog nang araw sa kanluran para hindi niya iyon makita. "Anong salamat? Nagpapasalamat ka sa akin? Kinuha ko lang kaya iyon ng palihim sa tindahan ni Aling Linda!" Nanlaki ang mga mata ko at napasinghap dahil sa sinabi niya. "Ano?! Bakit hindi mo sinabi sa akin?!" Namayani ang kanyang halakhak na sumabay sa tunog ng mga sasakyan sa paligid. Tila tumigil ang mundo ko, tanging nakikita ko lamang ay ang mga ngiti at ang singkit niyang mga mata. Isang tala na bumaba sa kalangitan para magbigay ng liwanag sa nalubog kong puso sa kadiliman. "Oo, kaya't kulong ka!" Patuloy niya pang pag-aasar sa akin. Inirapan ko siya at mabilis na naglakad papunta sa kabilang kalsada, sa Rosas de Papel street. Pero agad niyang hinawakan ang kamay ko't inalalayan akong makarating nang ligtas sa kabila, habang kumukumpas ang kanan niyang kamay sa mga sasakyan. "Dapat tumitingin ka sa tinatawiran mo, bulilit. Isa pa tandaan mo palagi dumaan sa pedestrian lane." Tumango ako habang ngingiti-ngiti. Magkasalubong ang makapal pero maganda niyang kilay. Nawawala na naman ang mga mata niya habang nakatitig sa akin ng seryoso. Nababaliw na yata ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD