BIYERNES. Ibig sabihin ang pinaka-relaxing na araw para sa mga estudyante ng ASU. Hindi lang iyon kundi dahil half day lang ang pasok namin. Mamayang hapon ay wala na, pero gagamitin ko pa rin ang oras na iyon para mag-review ng mga lesson sa iba't ibang subjects.
Bumuntong hininga ako dahil sa maraming isipin. Hindi ko alam kung ano ang uunahin na gawin; kung ang pag-review ba sa Values, ang gumawa ng activity sa Science o ang maghanda na ng report para sa Physical Education.
“Problemadong-problema ka na naman, ’day!” puna sa akin ni Gwen nang maupo sila sa bakanteng upuan sa gazebo.
May bitbit silang milktea saka fries. Kaya pala sila nawala dahil bumili nang makakain.
Pinatong ni Berlin sa aking harapan ang isang long bread na may cheese whiz sa ibabaw, habang sa loob no'n ay isang bacon. Kinse pesos lang naman ang halaga pero sulit na sulit.
Agad kong kinuha iyon at kinagatan. Kapag talaga umaandar ang utak ko ay nagugutom ako. Kaya siguro ang ilan sa mga estudyante ang mga pagkain ang labasan nila ng stress. Food is life, ika nga.
“Tama na ’yan, Lumi. Nagsusunog ka talaga ng kilay? Hindi ka ba napapagod? Ako pagod na pagod na!” histerya ni Berlin na sinabayan pa ni Gwen at Locsy ng halakhak.
“Halata nga, ’day. Halos tumabingi na ang kilay mo,” natatawang puna ni Gwen sa kilay nito.
Agad na umirap si Berlin at pinagtawanan namin ang kilay niyang hindi pantay. Mukhang nagmadali na naman siyang pumasok at hindi niya iyon naayos nang mabuti.
“Duh, at least kilay is life. Cute pa rin ako!”
Natatawang umiling si Locsy. “Lakas talaga ng confidence mo. Donate mo minsan sa amin!”
“Sure! Kahit sobra pa, e.” Agad niyang payag.
Tahimik lamang ako habang iiling-iling at bumabasa ng activity sa Science.
Naka-on ang mode ko ngayon bilang seryosong estudyante, at wala akong oras na sayangin iyon. Sayang ang oras, marami pang hahabulin, mas mabuti nang tapos na ako para walang problema. Kapag pinabayaan ko ito ay baka mag-cramming na naman ako sa deadline.
Hindi naman na nila ako pinansin na tatlo at hinayaan nang lamunin ng sarili kong mundo. Alam naman kasi nila kapag ganoon na wala ang atensyon ko sa kanila, at sa mga modules lamang ang buong atensyon ko. Hindi ako makakausap nang matino at nasa ibang dimensyon na naman ako dinala ng isipan ko.
Naubos na ang sandwich ko pero hindi pa ako natatapos sa binabasa kong lesson at activity. Natuyo na marahil ang utak ko.
Kailangan ko nang bumili man lang kahit papaano ng gatas o kaya ay kumain ng paborito kong krem stix o jammy sa cafeteria. May sampung piso lang ako ay may libangan na ako mamaya.
“Saan ang punata mo, Lumi?” tanong sa akin ni Locsy nang mapansin niyang tumayo ako.
Vacant kasi namin ng dalawang oras. Hinihintay na lang namin ang lunch time, pero mukhang hindi na kami kakain nito, dahil sa maraming gawaing kailangang habulin. Halos magkasabay kasi ang quizzes at reporting classes. Tambak na tambak na kami at gahol na gahol na kami sa oras para habulin iyon, magkakasunod pa ang mga deadlines.
“Bibili lang ako ng krem stix,” sagot ko sa kanya. Kinuha ko sa aking bag ang kulay pink na wallet.
“May ipabibili kayo?” tanong ko sa kanila.
Natapos na kasi ang daldalan nila at mukhang abala na rin sila sa kanilang ginagawa.
Inabot sa akin ni Gwen ang kanyang bente peso. “Soft drinks sa akin, ’day. Mountain dew lang, a.”
“Sa akin lumpia lang, Lumi,” ani Locsy sabay abot ng bente rin.
Hinintay ko si Berlin pero kumibit-balikat na lamang ako nang makita ko siyang nakalumbaba na sa mesa ng gazebo at mahimbing ang tulog.
Napahagikhik kaming tatlo habang iiling-iling. Tinulugan na naman niya ang pagbabasa ng modules.
Bago ako umalis para bumili ay nakita ko pang kinuhanan nina Gwen at Locsy si Berlin ng litrato. Paniguradong gagawin na naman nilang memes iyon o kaya'y i-m-my day nila mamaya sa messenger.
Umiling na lamang ako habang ngiting-ngiti. Kawawang Berlin at napag-trip-an na naman.
Mabilis akong nakarating sa cafeteria. Agad akong pumila sa likuran ng isang lalaki na bibili ring tulad ko. Patingin-tingin ako sa mga stoll para maghanap ng mga paninda roon. Nang mapansin kong wala silang krem stix at jammy na binibinta ay napanguso na lamang ako. Bibilhin ko na lang ang mga bilin ng kaibigan ko.
Habang pumipila ako ay hindi ko maiwasang hindi makinig sa dalawang lalaki na nag-uusap sa aking harapan. Magkasunod silang dalawa at napansin ko rin na galing sila sa iisang departamento— mga agriculture.
“Ang hirap naman ng crop sci, pare. Halos maduling mga mata ko sa kakabasa. Sasabog na rin yata utak ko sa kakaintindi,” wika noong lalaking mataas na medyo chubby ang katawan, kulay-kape ang kulay niya.
Hindi ko makita ang mukha dahil nakatalikod silang dalawa sa akin. Bukod pa roon ay mas mataas sila, kailangan ko pang tumingala para makita ang mga mukha nila.
Kulang pa yata ang one inch na takong kong suot para makipagsabayan sa mga matataas kong mga schoolmates.
“Hindi lang ’yon, pre. Idagdag mo pa si Ma'am Gigs, mukhang sumabak tayo sa isang kumukulong tubig. Taeng ’yan! Kung makapagbigay ng quizzes akala mo nasa UP tayo,” sang-ayon naman ng isa na may peircing sa kaliwang tainga, payat lang siya.
“Sinabi mo pa! Bugnutin pa minsan, daig pa iniwan ng syota kung sumpain tayong lahat, e!” natatawang dagdag pa ng isa.
Hindi na ako nakinig pa sa mga reklamo nilang dalawa. Normal naman na iyon sa mga estudyanteng tulad ko. Minsan nga ay ganoon din ang usapan namin nila Locsy.
Mabilis na umusad ang pila hanggang sa ako na ang nakapila. Binili ko agad ang mga bilin nila Berlin sa akin bago pumunta sa counter para magbayad sa cashier.
Pagkatapos no'n ay bumalik ako sa pinanggalingan kong gazebo kanina sa Mini Baguio Park.
“Hala! Thank you, Lumi!” sigaw agad ng dalawa na si Locsy at Gwen nang ilapag ko ang softdrink at lumpia sa ibabaw ng sementadong mesa.
Tumango ako sa kanilang dalawa. “Punta lang ako sa Buho, a. Baka roon ay may jammy o kaya krem stix.”
“Samahan na kita!” Pigil sa akin ni Locsy at tumayo na mula sa kanyang kinauupuan.
Agad akong umiling, “Huwag na, ako na lang. Bantay na lang kayo rito. Baka mamaya ay upuan ng iba ang upuan natin.”
Hindi na siya umangal pa nang umalis na ako at tumungo na papuntang library. Para sa krem stix at jammy ay handa akong magpakapagod, jusko! Stress reliever ko ang mga iyon at hindi ako mapakali kapag hindi ako makakain no'n.
Agad akong tumungo sa tindahan ni Lola Linda nang makapasok na ako sa sementadong pintuan.
Sumalubong sa akin ang mga ilang estudyanteng mula sa iba't ibang departamento, na nakatambay sa iilang tindahan doon. Mas marami ang mga nakaputi na kung saan ay nagpapakilalang mula sila sa veterinary medicine (VETMED), social and sciences (SAS) at hotel and restaurant management (HRM). May iilan din doong mga naka-green na may black—mga agriculture at mga college of teacher education students na pink, fucshia-pink at blue ang kulay ng mga uniporme.
Marami nga ang mga bumibili at tumatambay rito kaysa sa cafeteria.
“Lola Linda!” masayang bati ko sa matanda nang makarating ako sa harap niya.
Kilala na niya ang ako dahil madalas akong bumili sa kanya ng krem stix tuwing hapon o umaga. Kaya naman ay hindi nakapagtataka kung bakit kilala at tandang-tanda niya pa rin ako kahit na marami siyang nakasasalamuha.
“Ala! Lumi! Ang aga mo ngayon, a. Wala pa kayong klase?” salubong niya sa akin nang mapansin niya akong pumipili ng krem stix at jammy.
Kaya gustong-gusto kong bumili sa tindahan ni Lola Linda dahil marami siyang mga bilihin na mura lang. Minsan ay rito rin ako sa kanya bumibili ng ulam, pinapasobrahan pa niya kapag siya ang bumibigay sa akin.
Masayahin si Lola Linda, magaan ang loob ko sa kanya. Sa kanyang edad ay nakikipagsabayan pa siya sa amin na talagang nakakahanga. Isa sa gusto ng mga bumibili na hindi nakakatakot ang awra.
Ang iba kasi na nagtitinda ay ang sungit ng pakikitungo kaya siguro wala halos bumibili sa kanila. Hindi ko alam kung bakit ganoon, maganda naman ang binibigay na approach sa kanila ng ilan.
“Mamaya pa, Lola Linda. Pero nag-r-review kami sa ibang subject. Halos tambak na po kasi, ramdam na talaga ang sinasabi nilang magsusunog-kilay ka talaga sa kolehiyo.”
Natawa siya sa sinabi ko sabay abot ng aking bayad na ibinigay sa kanya. Pinanghila pa niya ako ng upuan sa may munting kainanan nila para makipag-kwentuhan sa akin.
“Oy, ganyan din ang anak ko! Huwag kang susuko, Lumi. Sadyang hindi naman talaga madali ang lahat, dapat pinaghihirapan.”
Marami pa siyang sinabi tungkol sa karanasan ng anak niya na madalas ko nang marinig mula sa kanya. Hindi ko na mabilang kung ilang beses niyang kwenento iyon sa akin.
Ang anak niya kasi ay nag-aral daw ng veterinary meicine sa ASU pero sampug taon ang ginugol nito bago maabot ang pangarap. Pero hindi iyon dahilan para sumuko ang anak niya. Tinanggap nito ang lahat na diskrimisnasyon na ibinato ng ilang mga tao rito. Hindi iyon ang naging dahilan para hindi matupad ang pangarap nito sa buhay, nagpatuloy ito para may mapatunayan.
Kahit raw na malaki na ang tulong na binibigay nito ay hindi pa rin tumitigil si Lola Linda sa pagtitinda sa mga estudyante ng ASU. Malaki na raw kasing parte sa buhay niya ang pagtitinda. Sa paraan kasing iyon niya napagtapos ang kanyang mga anak sa pag-aaral.
Hindi ko pa napigilan noong umiyak nang una niyang isalaysay sa akin ang tungkol sa kanyang buhay. Kahit na ilang beses ko nang narinig ay nakikinita ko pa rin ang kirot sa aking puso.
Hinawakan ni Lola Linda ang aking kamay saka niya iyon pinisil. Naaalala ko talaga sa kanya ang lola ko sa side ni Papa.
“Kaya ikaw piliin mong maging masaya, Lumi. I-enjoy mo lang ang pag-aaral mo. Huwag kang magpaka ano nga tawag ninyong mga kabataan doon? Stress-stress ba ’yon?”
Napangiti ako sa naging reaksyon na iyon ni Lola. Nakakunot pa ang kanyang noo habang magkasalubong ang dalawang kilay. “Uhu, lola. Haha!”
Sa gitna kami ng tawanan nang may biglang nangibabaw na malambing at swabeng boses sa aking likuran.
“Lola Linda . . . may pancit canton po ba kayo?”
Ang kaninang hangin na tila napakatahimik na dumadampi sa aking balat at nagbibigay lamang ng kalmadong temperatura, ay napalitan nang marinih ko ang nagmamay-ari ng boses na iyon. Para bang uminit kanina nang napakatindi at biglang bumuhos ang ulan— dahilan para sumungaw ang nakakapasong init sa paligid.
Nagtayuan ang mga balahibo ko sa aking katawan at hindi ako mapermi sa aking kinauupuan.
Ang ingay ng paligid kanina dahil sa tunog ng mga kobyertos at plato mula sa mga istudyanteng kumakain— sa kanilang mga tawanan at sigawan na naghahalo na sa apat na sulok ng tindahan ni Lola Linda— ay parang naglahong parang bula. Tila ba may isang anghel na dumaan at pinatahimik niya ang mga naroroon at tanging siya lamang ang gustong mangibabaw sa lahat.
Tumingin si Lola Linda sa aking likuran saka mas lumapad ang kanyang ngiti nang makita ang taong nakatayo roon.
“Hala at halikang bata ka! Kanina pa kita hinihintay. Pancit canton na naman ba ang kakainin mo? Halos yata araw-araw iyon ang binibili mo.”
Naramdaman ko ang kanyang mga hakbang na papalapit sa aking likuran. Pakiramdam ko'y bumagal ang tunog ng orasan ni Lola Linda— at ang pagdaan ng langaw sa aking harapan. Napalunok ako ng aking sariling laway.
Jusko! Bakit ba ako kinakabahan?!
Halos mahulog ako sa aking kinauupuan nang bigla na lamang siyang tumabi kay Lola Linda habang nakaakbay sa matanda. Basi sa galaw niyang iyon ay nakikinita kong malapit din silang dalawa sa isa't isa.
Narinig ko na naman ang swabeng tawa niya na nakakagaan sa pakiramdam. Hindi ko maipaliwanag pero iyon talaga ang nararamdaman ko sa tuwing marinig ko lang ang tawa niya.
Kung paano bumagal nang point one time duration ang pagdaan ng usok sa aking harapan dahil sa inihaing lugaw ng isa sa katulong ni Lola Linda sa mesa, ay ganoon din ang bagal nang paglingon sa akin ni Spontant.
Halos mahugot ko ang aking hininga habang nanlalaki ang mga mata.
“Lumi?” tawag niya sa akin. Mas lumapad ang ngiti niya nang makompermang ako nga.
Kung hindi pa kinuha ni Lola Linda ang kanyang kamay mula sa akin ay hindi ko pa malaman na kanina pa pala ako hindi humihinga.
“Magkilala kayong dalawa?” takang tanong ni Lola Linda habang papalit-palit ang tingin sa aming dalawa ni Spon.
Kinurot ko ang aking braso na nang palihim na nakapatong sa ibabaw ng aking mga hita para bumalik sa katinuan.
Tumino ka, Lumi! Huwag kang parang isang timang diyan!
“Uhu, Lola! Kaibigan ko ’yan si Lumi. Ka-buddy ko pa sa ROTC.”
Kumunot ang aking noo dahil sa sinabi niyang iyon. “Buddy?”
Humarap siya sa akin at nangalumbaba sa ibabaw ng mesa habang malapad pa rin ang ngito. Para bang amused na amused siyang makita ang pagkakakunot ng noo ko.
“Oo! Buddies! Iyon kasi ang tawagan ng mga kasamahan nila Kuya Mark noong mag-ROTC officers din sila. Kaya buddies tayo, ayos ba?” Ang ngiti niya kanina ay nauwi sa isang ngisi.
Iiling-iling si Lola Linda nang tumayo siya mula sa kanyang kinauupuan. “Maiwan ko muna kayong dalawa. Diyan lang kayo.”
Balak ko sanang magpaalam na kay Lola Linda nang agad magsalita si Spon. “Ang pancit canton ko, Lola!”
Hindi na ako nakapagsalita pa at tumayo na lang din sa aking kinauupuan.
Kahit gustuhin ko mang manatili pero kailangan ko nang bumalik sa pinang-iwanan ko kina Gwen. Baka magtaka na ang mga iyon kung bakit hindi pa ako nakababalik. Kalahating oras na lang at mag-l-lunch na rin. Kailangan ko pang mag-review.
“Aalis ka na? Hindi pa nga tayo nag-uusap. Mang-iiwan ka na?” Nahihimigan ko sa boses niya ang pagtatampo. Kunot na kunot ang noo niya at naniningkit ang mga mata.
Bakit parang bata siyang inis sa akin? Bakit ang cute niya?!
Gustuhin ko mang makasama siya sa mga oras na ito pero wala akong magawa. Hinahabol ko ang oras.
Magsasalita na sana ako para sabihin sa kanya ang rason ko nang biglang lumapit sa amin si Lola Linda. Nilapag nito ang dalawang plato na may lamang pancit canton at tinapay sa aming harapan ni Spon.
“Salamat, Lola Linda! Alam na alam mo na talaga ang paborito ko!”
Tumawa si Lola Linda saka tinapik sa balikat si Spon. “Ikaw talagang bata ka. O, siya, maiwan ko muna kayo ni Lumi, a. Dumarami na kasi ang bumibili.” Paalam niya sa amin saka ako tinapik din sa aking balikat.
Tumango at ngumiti na lamang ako kay Lola Linda. Hindi na ako nagsalita pa dahil mabilis na siyang tumalikod sa amin at umasikaso na sa mga ilang istudyanteng nagsusulputan para bumili.
“Hindi ka uupo at kakain?” puna sa akin ni Spon nang mapansin niya akong nanatiling nakatayo at nakatanaw sa kawalan.
Tumikhim ako para mawala ang bara sa aking lalamunan. Bakit ngayon pa ako nakaramdam sa kanya ng hiya, gayong magkakilala na kami at nagharutan?
Jusko! Saan mo nakuha ang harutan, Lumi?!
Napapikit na lamang ako sa isiping iyon. Mukhang ang landi ko naman yata sa parteng ’yon.
“Mushroom!” biglang sigaw ni Spon sa aking mukha. Hindi ko napansin na nakatayo na pala siya sa aking harapan habang ang laki ng ngisi.
Inirapan ko siya nang pagkataray-taray. Halatang inaasar na naman niya ako. Pero hindi nakaligtas sa akin ang amoy candy mint niyang hininga na nanuot sa aking ilong. Naiwan pa ang nabuga niyang hangin na presko sa balat ng aking pisngi.
Pumunta siya sa aking likod at sapilitan akong pinaupo sa upuang ginamit ko kanina.
“Spon, mag-r-review---”
“Ops! Kainin mo muna ang libre ko na ’yan sa ’yo.” Pigil niya nang makaupo na siya sa upuan kaharap ko.
Pinagmasdan ko ang pagsubo niya ng pancit canton gamit ang tinidor na kanyang hawak-hawak. Mabilisan ang kanyang pagsubo na may halo namang pag-iingat. Kung pagmamasdan mo siyang kumain ay ma-e-engganyo ka ring kumain dahil mukhang ang sarap-sarap ng pagkaing ’yon sa paraan ng pagkakain niya.
Hindi ko maiwasan ang mapalunok. Inggit na inggit ako sa pagkain niya na parang gusto ko ring malasahan ang pancit canton sa ibabaw ng aking dila habang iyon ay nginunguya.
Tumikhim ako para bumalik ang isip ko sa katinuan. Kapag palaging siya ang kaharap ko ay nawawala ako sa huwisyo— o talagang lutang lang ako palagi?
“Spon?” tawag ko sa kanya. Pilit kong inaagaw ang buong atensyon niya mula sa pagkain.
“Hmm?” sagot niya na mas lalong nagpanindig ng aking balahibo sa katawan.
Bakit ang lambing-lambing ng tono niya? Hindi no'n maiwasang hatakin ang kaluluwa kong nanghihimlay sa aking kaloob-looban. Masama na yata ’to.
Umangat siya sa akin ng tingin. At sa pag-angat niya ng tingin na iyon ay wari bang bumagal ulit ang oras tulad kanina. Kasabay nang pagpunas niya sa gilid ng kanyang labi gamit ang likod ng kanang kamay.
Nakataas pa ang maganda niyang kilay at nakatutok sa akin ang dalawang kulay-kape niyang mga mata. Iyon na naman ang pagtitig niya na para bang hinuhukay ang kaluluwa ko na nakatago sa pinakailalim ng lupa.
“K-kailangan ko na talagang umalis. May klase pa kasi ako—”
Agad niyang ginulo ang aking buhok sa pamamagitan ng pagtapik sa aking ulo. Napanguso ako sa ginawa niyang iyon.
Tumawa siya nang mahina dahilan upang mawala na naman ang kanyang mga mata na singkit, at pumuno ang swabe niyang boses sa aking pandinig.
Tumayo siya saka mabilis na niyuko ang kanyang ulo sa aking harapan. Halos kapusan ako ng hininga sa sobrang lapit ng mukha niya sa mukha ko.
Napaatras ako nang wala sa oras. Dahil sa kabiglaan ay nawalan ako ng balanse sa aking kinauupuan. Mabilis akong napahawak sa kwelyo ng kanyang uniporme dahilan para hindi ako tuluyang matumba.
“Lumi!” Maging siya ay nagulat sa panyayaring iyon.
Napatingin sa amin ang ilan dahil sa sigaw na iyon ni Spon. Nang magkaroon na ako ng balanse ay agad kong binitiwan ang kwelyo ng kanyang suot at tumayo.
“Hala! Sorry! Sorry!” hingi kong tawad sa kanya.
Tumawa na naman siya saka pinisil ang aking kaliwang pisngi. “Okay lang ’yon, bata!” sabi niya sabay kindat sa akin.
Papalagpasin ko sana ang sinabi niya pero hindi ko matanggap ang bata.
“Hindi na ako bata!” protesta ko sa kanya na ikinatawa niya lang.
“Pero cute na bata?” asar niya ulit.
Napabusangot ako habang ang haba nang nguso ko.
Umiling-iling siya at hindi ako pinansin. Umalis iya sa aking harapan at lumapit kay Lola Linda. May kung ano siyang sinabi rito at binigyan siya nito ng isang plastic wrapper. Bumalik siya sa pwesto niya kanina habang ang lapad ng ngiti.
Iyong pancit canton saka tinapay na hindi ko kinain ay nilagay niya roon saka inabot sa akin.
“Pasensya na talaga at ’yan lang ang kaya kong ilibre sa ngayon. Hayaan mo sa susunod libre na kita sa jolibee kapag magkapera. Alam mo naman mahirap ang buhay ngayon, pagpasensyahan mo muna ang kaibigan mong 'poor'.”
Hindi ako nakapagsalita ng mga oras na iyon. May kung ano'ng kumatok sa pinto ng puso ko at tuluyan iyong nabuksan. Isang nakakapanibago sa pakiramdam na hindi ko maipaliwanag— marahil ay isang kalayaan na noon ko lang nahanap.
Kinuha niya ang kamay ko saka hinawakan.
“Tara na, sabay na lang tayo,” anyaya niya sabay hila sa akin habang mahigpit ang hawak sa kamay ko.
Napatingin ako sa magkahugpong naming mga kamay habang papalabas sa tindahan ni Lola Linda. Ngayon ko lang napansin na may tatlong krem stix siyang pinaloob roon.
Hindi ko napigilan ang pag-ukit ng ngiti sa aking labi. Ang meaning ba no'n ay 'I like you?'
Hala! Nabuang na ako 'uy!