Chapter 6

3088 Words
MAGKATABI kamning dalawa habang nakatayo. Nakapatong ang mga braso namin sa railings na siyang nagsisilbing harang sa fountain. Pinagmamasdan naming dalawa ang bawat paggalaw ng tubig na nag-iiba-iba ang kulay dala ng ilaw. Pagkatapos naming magtawanan kanina ay hinila niya ako papunta sa mga nagtitinda ng street foods. Bumili siya ng dalawang baso ng kwek-kwek at dalawang palamig na nakalagay sa ice wrapper na may straw. Akma na sana akong magbabayad pero hindi niya ako pinayagan. Libre na lang daw niya iyon sa akin dahil pumayag akong makipagkaibigan sa kanya. Kung saan talaga na ang weird niya sa parang iyon. Hindi na ako nagprotesta pa dahil libre naman. Basta libre talaga ay hindi ko tatanggihan. Pagkabili namin ay pumunta pa siya sa section ng mga tindera ng "buknoy"- iyong pritong manok na dose pesos lang ang halaga, na parang nakapag-Jollibee ka na rin o kaya KFC. Bumili siya ng apat na piraso. Binigay niya sa akin ang dalawa na nakalagay sa isang maliit na plain plastic. Nakahiwalay iyon sa bitbit niya ring isa. Pagkatapos no'n ay niyaya niya akong manood nang malapitan sa fountain. Ubos ko na ang isang basong kwek-kwek nang magsalita siya bigla. "Hindi ko aakalain na pupunta ka rito." Kumunot ang noo ko dahil sa sinabi niyang iyon. "Ano ang ibig mong sabihin?" tanong ko sa kanya sabay sipsip ng palamig mula sa straw. Lumingon siya sa akin. Seryoso ang mga titig niya na para bang inaaral ang buong detalye ng mukha ko. "Hindi ba sinabi ko sa iyo kahapon na magkikita tayo ulit. Sa ganoong oras at ganoon ding panahon, pero mas maganda kapag ala sais nang gabi." Nanlaki ang mga mata ko sa narinig. "H-hindi, a! Pumunta ako rito para mag-connect sa free-wifi. May gagawin kasi akong research. Pero naisipan kong mayamaya na lang dahil mukhang marami pa ang gumagamit." Tumango-tango siya at ibinalik na ang tingin sa fountain. Pero hindi nakaligtas sa akin ang pagtaas ng gilid ng kanyang labi. Totoo naman ang sinabi ko. Isa pa hindi ko naalala ang sinabi niya sa akin kahapon. Malay ko bang totohanin niya iyon. "Its okay, ang importante ay nagkita tayong muli at nagkausap. Masaya ako na magkaibigan na tayo." Hindi naman makapal ang mukha ko pero nag-a-assume talaga ako. Malakas ang kutob ko na siguro dahil nakikipagkaibigan siya sa akin, dahil crush niya rin ako. Makapal nga yata mukha ko. "Normal ba iyon? Iyong magkaibigan ang babae at lalaki? Hindi ba ma-issue ngayon kapag may makita silang magkasama na lalaki at babae? Sasabihin na nilang magkasintahan," sunud-sunod kong sabi habang pinapanood din ang paggalaw ng tubig sa bawat beat ng musika. Naramdaman kong gumalaw si Spon at humarap sa akin. "Mas importante pa ba ang sasabihin ng iba? Alam naman natin ang totoo at isa pa mas kilala natin ang ating mga sarili. Hayaan mo sila, mga wala lang talagang magawa ang mga 'yan kaya't pagbabantay na lang sa kapwa ang kaya nilang gawin." Ngumiti siya saka amused na akong tinitigan. Hindi ko rin inaalis ang titig ko sa kanya. Inaaral ko rin ang emosyon ng mga mata niya. Baka sa pamamagitan no'n ay makita ko kung ano ang motibo niya. Pero laylay ang aking mga balikat nang wala naman akong mabasa na emosyon doon na ikakatakot ko. "Hindi ko alam na madaldal ka rin pala. Akala ko talaga noon ay tahimik ka. Iyong tipong isang tanong at isang sagot. Nakakatuwa na iba iyon sa inaakala ko." Tumaas ang kilay ko sa sinabi niya. Hindi ko nga rin alam kung bakit na ganoon na lamang ang pagbibigay ko ng aking ideya sa kanya. Kung ano ang laman ng isipan ko. Ganoon talaga siguro kapag hindi mo kilala ang isang tao tapos ang gaan pa ng loob mo sa kanya. Bumuga ako ng hangin saka pinili ulit itikom ang aking bibig. Iniisip na kung tama ba itong ginagawa ko- itong makipagkaibigan sa lalaking na iting kakikilala ko lang kanina. "Alam mo bang mas maganda ang maglabas ng emosyon at mga hinaing sa hindi mo kakilala? Kasi no judgement at tahimik lang siyang makikinig sa iyo?" biglang untag niya sa akin. "Hindi ko alam . . . hindi kaya i-judge ka niya dahil hindi ka naman niya kilala? Baka sabihin niya na; 'ang arte naman nito, ang drama naman ng taong 'to. Ang daming reklamo sa mundo.' Mga ganoon?" kontra ko naman sa sinabi niya. Mas lumawak ang ngiti niya sa labi. Ang mga mata niya ay parang may napunto na tanging siya lamang ang nakakaalam. Bumaling siya sa fountain sabay sipsip mula rin sa straw ng kanyang palamig. Pagkatapos no'n ay sinagot niya ako na siyang nagpawindang sa aking kaisipan. "Depende naman iyon sa tao, e. Kahit kilala mo pa o hindi, kung likas na talaga sa kanila ang manghusga wala ka na roong magagawa. Hindi iyon mai-aalis sa ugali ng mga tao. Maging ako ay hindi ko rin maiwasan ang manghusga. Kahit nga ikaw siguro ay nag-judge na rin sa kapwa mo?" ani niya na sa seryosong tono. Hindi isang tanong ang huli niyang pangungusap, kundi isa iyong pahayag. "Tama ka, likas nga iyon sa tao." Bigla siyang dumikit sa akin saka ipinatong ang kanyang kaliwang kamay sa aking ulo. Hinimas niya ang aking buhok na wari bang isa akong paslit at walang pakundangang ginulo niya iyon. "Walang perpektong tao, Lumi. Tandaan mo 'yan." * MABILIS na dumaan ang dalawang araw. Sa loob ng dalawang araw na iyon ay sobrang abala sa paghabol ng activities at report sa klase. Puyat din ako sa magkasunod na gabi kaya't bangag na bangag ako sa unang araw ng klase sa ROTC. Alas siyete pa lang ay nandirito na ako sa Amphi dahil sa takot na baka ma-late ako at maparusahan ng aning mga senior officers. Takot pa naman akong mag-squat o mag-push ups. Agad akong kinawayan nila Noe nang makita nila akong papasok sa entrance area ng teatrong iyon. Balita namin ay hindi pa naman ngayon kami magkaklase, kundi mag-o-orientation pa lang para sa awareness naming mga kadete. Mabilis akong tumungo sa tabi nila Noe at binati ko silang apat. Nakakahanga naman ang apat na ito- sina Noe, Karen, Salvie at Shella dahil mas maaga pa sila sa akin. Excited marahil sa first day namin bilang mga kadete. Nakipagkumustahan lang ako sa kanila at nag-focus na sa harapan nang sumigaw ang senior officer namin ng 'sabay-tayo na!'. Jusko! Mukha kaming sinabak sa geyra na walang dalang bala! Aligaga kaming tumayo habang nagbabalingan ng tingin sa isa't isa. Sa banta ko ay nasa dalawang daan kaming mga kadete sa mga oras na iyon. Halos kasi mangalahati na ang Amphi sa dami naming mga nakaputing t-shirt. "Isahang bilang na!" muling sigaw ng babae naming senior officer. Kung tama ang pagkakatanda ko ay siya marahil si Ma'am Sarasa- isa siya sa tatlong senior officers na hahawak sa amin. Sa kanan nagsimula ang pagbibilang. Sa bawat bigkas ng numero ng isang kadete ay umuupo ito pagkatapos. Ito rin ang naging training namin noong mag-CAT ako ng junior high. Mabuti na lamang at natatandaan ko pa, kung hindi ay nganga talaga ako. Nagtuloy-tuloy ang bilang hanggang sa umabot sa akin na nasa bilang dalawang daan at anim. Umupo ako pagkatapos kong isigaw ang bilang ko. Natapos din ang pagbibilang matapos ang ilang minuto. Nasa tatlong daan kami at labing-dalawa. Para sa akin ay sobrang dami na no'n. Sobrang dami ng mga tulad kong kabataan na gustong paglingkuran at ipagtanggol ang kanilang bayan. Bukod sa magiging mapagdadaanan namin sa field ng NSTP na ito. Mabilis na lumipas ang oras at natapos din ang orientation. Pinakilala lang sa amin kung ano ang mga rules na dapat gawin kapag isang kadete. Nag-announce rin sila Sir Teodosio kung sino ang gustong maging junior officers at bibigyan ng form para makapag-fill up. Tinanong ko sila Noe kung gusto nila pero ayaw nila. Mahirap daw lalo na at magpapaputol ng buhok. Kumibit- balikat na lamang ako. Dahil sa kagustuhan kong lumabas sa comfort zone ko at gusto kong may ipagmalaki kina Mama ay kumuha ako ng form para maging junior officer. Pagkatapos no'n ay pinauwi na ang mga hindi kumuha ng pagiging officers. Orientation lang naman ang ganap sa klaseng iyon at sa susunod nang sabado ang seryosong klase. Pinaiwan kaming nasa sengkwenta y sinco na kadeteng gustong maging officer. Humarap sa gitna ng stage si Sir Teodosio- ang isa sa military instructor namin. Ang katawan niya ay puno ng katapangan na para bang pinaparating no'n na wala sa kanyang makapagtutumba. Ang mga mata niya ay matalim kung tumitig; nakakatakot salubungin. Parang gusto ko na lamang na huwag gumalaw sa pagkakatayo ko dahil sa takot na masigawan ng kanyang boses na pagkalakas-lakas, wari bang nakalunok siya ng isang bass drum. "Sigurado ba kayong gusto niyong maging isang officers?!" malakas niyang sigaw na kahit aso ay magtatago ang buntot sa likuran. Ramdam na ramdam ko ang tensyon sa aming mga kadeteng nakatayo sa kanyang harapan. Sa liit ko ay parang may ikinaliit pa ako nang mga oras na iyon dahil sa sigaw niya. Mas malaki pa yata ang boses niya sa kanya. Mataas si Sir- na sa tiyantya ko'y six flat ang height. Rinig ko ang paghinga nang malalim ng aking mga kasama, maging ako sabay sigaw rin namin ng, "Sir, yes, Sir!" bilang sagot. "Handa ba kayong bumilad sa araw para patunayan kung gaano kayo kalakas?" sunod niyang tanong. "Sir, yes, Sir!" sabay rin naming sagot lahat. "Maipapangako niyo bang walang susuko at susundin ang lahat na ipapagawa namin sa inyo!" "Sir, yes, Sir!" "Ang pagiging officers ay walang mahihina! Walang sumusuko! Walang sumasagot ng hindi kundi palaging oo! Walang iyakin, walang mayabang! Always follow the commands and do not complain! Are you sure you want to be an ROTC aspirant officers?!" "Sir, yes, Sir!" "Wala bang aalis na diyan? Para hindi na panggulo sa listahan?" muli niyang tanong. Naghintay pa si Sir Teodosio ng ilang sandali para hintayin kung may aayaw na dahil sa mga sinabi niya kanina. May nagtaas ng kamay. Hanggang sa maging tatlo- naging apat at hanggang sa naging pito sila. Hindi ko sila kilala dahil nasa iba silang departamento galing o marahil sa departamento man namin galing pero iba namang seksyon at kurso. "May hahabol pa ba? Umalis na ang sa tingin nila'y susuko na sa oras ng training. Ayaw kong may iiyak-iyak doon at sa gitna ng training pa susuko. Hindi madali ang lahat, sinasabi ko na sa inyo nang maaga. Nang makapagdesisyon na agad kayo at nang malaman niyo na rin kung hanggang saan ang determinasyon ninyo!" May nagtaasan ng mga kamay at isa-isa silang umalis. Siguro dahil natakot sa kanilang mga narinig. Maski ako ay nagdadalawang-isip na rin sa kakayahan ko. Tinatanong ko na rin ang aking sarili nang mga oras na iyon kung makakayanan ko kaya ang mahirap na training? Kung malakas nga ba alo para karaoat-dapat na maging ROTC officer. Sa huli ay nanatili akong nakatayo sa harapan ni Sir Teodosio kasama ang tatlumpu't isa pa. Hinintay muna ni Sir na makaalis ang mga nag-pull out na bago niya kami binigyan ng instructions. Magpapaalam muna raw kami sa mga magulang namin para sa consent ng mga ito. Kung papayagan ba kami o hindi. Pagkatapos no'n ay pinalista ang aming mga pangalan sa isang short coupon band para sa listahan. Nang matapos ay pinauwi rin kami ni Sir. Hinabilinan pa muna na dapat ay maging maaga kami sa susunod na Sabado. At sa Monday ay magsisimula na ang drill namin at army dozen exercise na sinasabi nila sa plaza. Hindi ko maiwasan ang matuwa at kabahan. Palabas na sana ako ng Amphi dala ang aking bagpack nang may tumawag sa aking pangalan. Pamilyar ang boses niya at hindi ako pwedeng magkamali sa taomg nagmamay-ari no'n. Lumingon ako sa aking likuran para hanapin siya at nang makita ko ay agad ko siyang nginitian at kinawayan. Tulad ko, naka-whte t-shirt din siya ng plain, naka-tuck in ang black denim niyang pantalon at tenernuhan ng itim na sapatos na may tatak na Airmax. Masasabi ko na mukhang mayroon siya sa buhay, kung bakit mga branded ang gamit niyang sapatos at tsinelas. "Nag-apply ka rin bilang ROTC officer?" gulat na gulat niyang tanong sa akin nang sumabay siya sa aking paglalakad palabas ng Amphi. Nakangiti akong tumango sa kanya. "Oo! Ikaw rin pala." "Small world." komento niya saka pumamulsa. "Hindi ko aakalain na ang isang babaeng klase mo ay papasok bilang ROTC officer." Kumunot ang noo ko dahil sa sinabi niyang iyon. Hindi ko maiwasan ang mag-isip na wala siyang tiwala sa akin na magagawa ko ang isang bagay na sa tingin nila ay hindi ko kayang gawin. Napapaisip ako na bakit ganoon ang tingin nila sa akin; na isang mahinang babae? At bakit wala silang tiwala sa akin na hindi ko kayang gawin ang bagay na tulad ng pagiging ROTC officer? Dahil ba sa babae ako o sa tingin nila'y mahina ako't mahinhin? Sa halip na tanungin ko siya ay napakibit-balikat na lamang ako. "Nag-j-judge ka rin pala, e." Pinukaw ako ng mahina at malambing niyang tawa. "Hindi ko ba sinabi sa iyo noong nakaraang dalawang araw na nag-j-judge rin ako? Walang perpektong tao, Mushroom." Sumalubong ang noo ko sa tinawag niya sa akin. Napanguso ako sabay irap sa kanya. Hindi ko inaasahan ang pagtawag niyang mushroom. Kitang-kita ko ang tuwa niya sa mga mata matapos makita ang reaksyon ko. Ginulo na naman niya ang buhok ko na tila isa akong bata sa paningin niya. "Ang cute mo." Komento niya dahilan para makaramdam ako ng parang may lumilipad na ano sa tiyan ko. Uminit ang pisngi ko't may kung ano'ng kumislat sa puso ko dahilan upang bumilis ang t***k no'n. Hindi ko napigilan ang pagpuslit ng aking ngiti sa labi. "Huwag ka nang ngumuso riyan. Libre na lang kita ng dirty ice cream." Tumaas ang kilay ko sa aking narinig. "Bigatin ka ano? Nilibre mo rin kasi ako noon ng street foods, tapos ngayon naman ay ililibre mo ako ng dirty ice cream." Mas lalo akong napanguso. Hindi naman ako sa nagrereklamo sa panlilibre niya sa akin, pero para sa parte ko ay nakakahiya iyon. Lalo na at wala pa ngang isang linggo kaming magkakilala. Inakbayan niya ako. Para bang barkada niya kung ituring. Kung makaakbay siya ay parang isa akong puno, palibhasa kasi ay mataas siya, nasa five-six yata ang taas, samantalang ako ay nasa flat five. "Sige na nga, Sisiw," payag ko sabay tawa nang malakas. Siya naman ngayon ang nakasimangot. Nawala na naman ang mga mata niya. Para tuloy siyang nakapikit dahil sa pag-irap niyang 'yon. Tuluyan akong natawa. Tumakbo ako nang akma niya sana akong pipisilin sa aking pisngi. Napuno ng aking tawa ang mahabang kalsada ng Pili Avenue papuntang gate ng Aklan State University, habang siya'y tinatawag ang aking pangalan. "Mushroom!" "Sisiw!" "Bakit sisiw!" Mas lalo akong natawa sa naging reaksyon niya nang lingunin ko. Magkasalubong ang kanyang mga kilay habang nakanguso. Mukhang inis siya dahil sa pantawag ko sa kanya. Kumibit-balikat ako bilang tugon sa kanya sabay hagikhik. Hindi ko nga rin alam kung bakit sisiw. Marahil siguro dahil sa buhok niya na medyo kulot. Nang araw ngang iyon ay nilibre niya ako ng dirty ice cream kahit na asar na asar siya sa akin. Kita mo talaga ang isang 'yon, siya ang unang nang-asar siya rin pala ang mapipikon- asar-talo. *** INILAPIT ni Locsy ang kanyang mukha sa akin saka tinitigan akong mabuti. Pinag-aaralan niya ang aking mukha na wari bang may mali roon. Hindi ko alam kung bakit kaya't napakunot noo na rin ako. "Lumi, hindi ka naman siguro tuluyang nabaliw, ano?" Puno ng intrega niyang tanong sa akin. Maging sila Gwen at Beelin ay inisa-isa akong tiningnan. Isang tingin na may nakitang kakaiba sa mukha ko. Bumuga alo ng hangin. Heto na naman tayo sa radar nila at kilos na nakaka-hot seat. "Hindi pa ako baliw." Tumaas ang kilay ni Gwen sa aking sinabi. Nagkatinginan pa silang tatlo bago siya nagsalita. "Aws, talaga, Lumi? E, bakit kanina ka pa nakangiti diyang mag-isa na para kang isang baliw." Umiling-iling ako dahil sa tanong na iyon ni Gwen. Hindi ko aakalain na magaling magkilatis ang tatlong babae na ito. Nandirito kami ngayon sa gazebo sa Mini Baguio o kaya ay Meditation Hall Park ng Aveno State University, sa harap ng library. Kasalukuyan kaming nag-r-review para sa quiz namin mamaya sa Physical Education. May isang oras kaming bakanteng oras ngayon bago ang PE na last period naming ngayong umaga. "Sira kayo. Porket ngumingiti ay baliw na?" natatawa kong litanya na agad namang sinang-ayunan ni Berlin. "Oo! Ibig sabihin no'n may iniisip ka na nagpapangiti sa iyo. Ano, Lumi? Baka may gusto kang i-share sa amin?" Isang nakaka-intimadating na ngiti ang pinakawalan ni Berlin. "Balita ko kasi may kausap ka raw na lalaki sa plaza noong nakaraang ilang gabi. Sino 'yon? Kwento mo naman sa amin. Dali!" usisa pa ni Gwen habang ginagalaw-galaw niya ang kilay. Sumilay ang aking ngiti sa mga labi nang maalala ko si Spontant. Sobrang bait niya na hindi ko mapigilan siyang hangaan. "Oy, oy! Iba ang ngiti na 'yan! Ano 'yan, ha? Sino 'yon? Jowa mo na, 'Day?" muling usisa sa akin ni Gwen at sinabayan pa ng dalawa kaya't hindi ko na maipako ang pag-iisip sa aking binabasa. Umiling ako nang sunud-sunod. "Wala, kaibigan ko lang iyon." "Kailan ka pa nagkaroon ng kaibigan bukod sa amin, ha?" Panghuhuli pa ni Berlin. Gusto kong matawa dahil sa mga pinapakita nilang reaksyon. Pero pinipigilan ko at baka ano ang sabihin nila patungkol doon. Totoo naman kasi na wala na akong ibang makasundo na maging kaibigan bukod sa kanilang tatlo. Kaya't nakapagtataka kung mabalitaan nila na may iba akong kaibigan at hindi pa mula sa mga kaklase namin. "Ikukwento ko na lang sa susunod na araw. Huwag lang ngayon, baka bumagsak tayo sa pagsusulit mamaya." Seryoso kong litanya at muling ibinaling ang aking atensyon sa binabasang notes. Sumimangot si Gwen at nagsimula nang magbasa. Ganoon din ang ginawa nina Berlin at Locsy. "May utang ka sa amin, a! Tandaan mo, Lumi!" Natawa na lamang ako sa pahabol na iyon ni Gwen bago sinimulan ang pag-review. Hindi talaga nagpapahuli basta sa usapang lovelife.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD